Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65: “Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama”


“Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65: ‘Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

nagpakita si Moroni kay Joseph Smith

Tinawag Niya Ako sa Pangalan, ni Michael Malm

Enero 11–17

Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65

“Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama”

Bago mo basahin ang mga ideya sa outline na ito, pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 2 at Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran at karanasan nila nang pag-aralan nila ang mga talatang ito, maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi ng isang talata na naghikayat sa kanila na magnilay nang mas malalim kaysa rati. Ano ang hinangaan nila sa talatang iyon?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65

Si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos upang gawin ang Kanyang gawain.

  • Makikinabang ba ang klase mo sa pagrerebyu ng kuwento sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65? Maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na ibuod ito, o maaari itong ikuwento ng mga miyembro ng klase sa isa’t isa nang magkakapareha o sa maliliit na grupo. Hikayatin silang isama ang maraming detalyeng naaalala nila. Paano pinalalakas ng kuwentong ito ang ating patotoo tungkol sa banal na tungkulin ni Joseph Smith? Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa kuwentong ito kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain?

  • Isiping magdispley ng mga bagay o larawan na may kaugnayan sa gawaing ipinagawa kay Joseph Smith, tulad ng Aklat ni Mormon o larawan ng isang templo. Maaaring makahanap ang mga miyembro ng klase ng mga talata sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–42 na nagtuturo tungkol sa mga aspetong ito ng misyon ng Propeta. Paano nauugnay ang gawain ng Diyos para kay Joseph Smith sa gawain ng Diyos para sa atin? Ano ang itinuturo sa atin ng ating mga buhay na propeta tungkol sa gawaing ito?

Doktrina at mga Tipan 2

Pumarito si Elijah upang buksan ang ating puso sa ating mga ninuno.

  • Makikinabang ba ang klase mo sa isang talakayan tungkol sa kung sino si Elijah at tungkol sa kapangyarihang magbuklod na ipinanumbalik niya? Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang tungkol kay Elijah sa Bible Dictionary o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o rebyuhin ang isang kuwento mula sa kanyang buhay (tingnan sa I Mga Hari 17–18). Ano ang idinaragdag ng impormasyong ito sa pagkaunawa natin sa Doktrina at mga Tipan 2? Maaari mo ring talakayin ang ibig sabihin ng ibuklod ang isang bagay. Maaari sigurong makatulong ang ilang bagay, tulad ng isang de-latang pagkain, pag-iimbak ng pagkain sa isang plastic bag na may zipper lock, o isang tatak na nagpapatibay sa isang dokumento. Paano naipapaunawa sa atin ng mga bagay na ito ang kahulugan ng sama-samang ibuklod ang mga pamilya? Paano nakakatulong ang kapangyarihang ito na matupad ang layunin ng paglikha sa mundo? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:47–48 at ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources”). Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paano natupad sa Doktrina at mga Tipan 2 ang propesiya, maaari mong talakayin ang Doktrina at mga Tipan 110:13–16.

  • Marahil ay makakatulong sa mga tinuturuan mo na malaman nila ang “mga pangakong ginawa sa mga ama” (Doktrina at mga Tipan 2:2) para mas maunawaan ang kapangyarihan ng priesthood na inutusan si Elijah na ipanumbalik. Sino ang “mga ama”? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:9–10). Anong mga pangako ang ginawa ng Panginoon kina Abraham, Isaac, at Jacob? (tingnan sa Genesis 17:1–8; 22:16–18; 26:1–5, 24; 28:11–15; Abraham 2:8–11). Ano ang ibig sabihin ng “itanim” ang mga pangakong ito sa ating puso? Paano tayo nito matutulungang ibaling ang ating puso sa ating mga ninuno?

Palmyra New York Temple

Palmyra New York Temple

  • Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibaling ang kanilang puso sa kanilang mga ninuno, maaari mong anyayahan ang ilang miyembro na pangunahan ang talakayan tungkol sa paksa. Maaari mong isama ang mga ward temple and family history consultant. Maaari kang magsimula sa pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 2:2–3 at anyayahan ang mga lider ng talakayan na magbahagi ng mga karanasan kung saan ang kanilang puso ay bumaling sa kanilang mga ninuno. Ano ang nangyari sa kanilang buhay na nakatulong sa kanila na naising malaman ang tungkol sa kanilang family history? Anong mga mungkahi ang maibibigay nila para matulungan ang iba pang mga miyembro ng klase na makibahagi sa family history at maglingkod sa templo? Makakatulong din ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources” para mabigyang-inspirasyon ang mga miyembro ng klase. Maaari mo ring pasangguniin ang mga miyembro sa FamilySearch.org para sa mga ideya.

    3:30
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang layunin ng Paglikha.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang buhay na walang hanggan, na ginawang posible ng Pagbabayad-sala, ang pinakadakilang layunin ng Paglikha. Para maipahayag iyon sa negatibong anyo nito, kung hindi ibinuklod ang pamilya sa mga banal na templo, lubusang mawawasak ang buong mundo.

“Ang mga layunin ng Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala ay nagtatagpu-tagpong lahat sa sagradong gawaing ginagawa sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35). Tingnan din sa Moises 1:39.

May magagawa ang lahat.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Sa gawain ng pagtubos sa mga patay maraming gawain na isasagawa. … Ang ating pagsisikap ay hindi para pilitin ang lahat na gawin ang lahat, kundi hikayatin ang lahat na gumawa ng isang bagay” (“Family History: ‘In Wisdom and in Order,’Ensign, Hunyo 1989, 6).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isama ang mga mag-aaral na hindi nag-aral ng mga banal na kasulatan sa bahay. Tiyakin na lahat ng miyembro ng klase ay komportableng makilahok at mag-ambag sa talakayan, pati na ang mga hindi nagbasa sa tahanan.