Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan 3–5: “Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy”


“Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan 3–5: ‘Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan 3–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

mga lalaking nagtatrabaho sa bukid

Tag-ani sa France, ni James Taylor Harwood

Enero 18–24

Doktrina at mga Tipan 3–5

“Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy”

Ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 3–5 bago mo rebyuhin ang mga ideya sa outline na ito ay makakatulong sa iyo na makatanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo. Maipapaunawa sa iyo ng outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ang kasaysayang humantong sa mga paghahayag na nakatala sa mga bahaging ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para rebyuhin ang mga banal na kasulatan na nabasa nila sa bahay at maghanap ng isang talata na makabuluhan para sa kanila. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi sa isa pang tao sa klase ang kanilang natutuhan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 3:1–15

Dapat tayong magtiwala sa Diyos sa halip na matakot sa tao.

  • Tulad ni Joseph Smith, lahat tayo ay may mga karanasan kapag nadarama natin na pinipilit tayo ng ibang tao na gawin ang isang bagay na alam nating mali. Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 3:1–15 na makakatulong sa atin na manatiling tapat sa Diyos sa gayong mga sitwasyon?

  • Kinailangang parusahan si Joseph Smith dahil mas takot siya sa tao kaysa sa Diyos, ngunit kinailangan ding palakasin ang kanyang loob. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na tingnan sa bahagi 3 kung paano kapwa pinarusahan at hinikayat ng Panginoon si Joseph. Halimbawa, maaari nilang ilista sa pisara ang mga parirala mula sa mga talata 1–15 na naglalaman ng mga pagsaway ng Panginoon at iba pang mga pariralang naglalaman ng Kanyang panghihikayat na magsisi at manatiling tapat. Ano ang itinuturo sa atin ng karanasan ni Joseph kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na mapaglabanan ang ating mga pagkakamali?

Doktrina at mga Tipan 4

Hinihiling sa atin ng Panginoon na paglingkuran Siya nang buong puso.

  • Ang mga katangiang naglalarawan sa mga tagapaglingkod ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 4:5–6 ay mga katangian din ni Jesucristo. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mas matuto pa, maaari mo silang anyayahang pumili ng isa sa mga katangian at maghanap ng mga kahulugan o karagdagang mga talata sa banal na kasulatan na mas magpapaunawa sa kanila sa katangiang iyon (tingnan, halimbawa, sa pahayag ni Sister Elaine S. Dalton sa “Karagdagang Resources”). Maaari mong anyayahan ang ilang tao na ibahagi ang natuklasan nila. Maaari din nilang ibahagi ang dahilan kung bakit ang katangiang pinili nila ay kailangan para makapaglingkod sa kaharian ng Diyos. Paano tayo mas magkakaroon ng mga katangiang ito? (tingnan sa talata 7).

  • Ang Doktrina at mga Tipan 4 ay iniukol kay Joseph Smith Sr., na gustong malaman kung paano siya makakatulong sa gawain ng Panginoon. Ang bahaging ito ay makakatulong din sa sinuman sa atin na may hangaring maglingkod sa Panginoon. Narito ang isang paraan para mapag-aralan ang bahaging ito: maaaring bumuo ng maliliit na grupo ang mga miyembro ng klase para sumulat ng isang job description para sa mga lingkod ng Diyos, gamit ang bahagi 4 bilang gabay. Paano naiiba ang mga kwalipikasyong ito sa iba pang mga job description? Bakit mahalaga ang mga katangiang ito sa paggawa ng gawain ng Diyos? Ang pahayag ni Elder David A. Bednar sa “Karagdagang Resources” ay magpapaunawa sa mga miyembro ng klase sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mga katangiang ito.

Doktrina at mga Tipan 5

Ang pagsaksi sa katotohanan ay dumarating sa mga taong mapagpakumbaba at nananalig.

  • Kung ididispley ang mga laminang ginto para makita ng mundo, makukumbinsi ba niyan ang lahat na ang Aklat ni Mormon ay totoo? Bakit oo o bakit hindi? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:7). Marahil ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang bahagi 5 para sa mga kabatirang makakatulong sa kanila na tumugon sa isang taong humihingi ng katibayan na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ano ang itinuro ng Panginoon kina Joseph Smith at Martin Harris na makakatulong sa atin na magtamo ng sarili nating patotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo?

    Martin Harris

    Martin Harris, ni Lewis A. Ramsey

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang kabutihan ay nangangahulugan ng lakas.

Ibinigay ni Sister Elaine S. Dalton ang paliwanag na ito tungkol sa kabanalan: “Ang kabutihan ay salitang hindi natin madalas marinig sa lipunan ngayon, ngunit ang kahulugan ng salitang-ugat na Latin na virtus ay lakas. Ang mabubuting babae at lalaki ay kapita-pitagan at may lakas ng kalooban. Sila ay tiwala dahil karapat-dapat silang tumanggap at magabayan ng Espiritu Santo” (“Pagbalik sa Kabutihan, ” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 79).

Pagiging missionary.

Sabi ni Elder David A. Bednar: “[Ang] proseso ng pagiging [missionary] ay hindi kailangang magsuot araw-araw ng puting polo at kurbata [o ng bestida ang isang dalaga] sa paaralan o sundin ang patakaran ng mga [missionary] sa pagtulog at paggising. … Subalit madaragdagan ninyo ang inyong hangarin na maglingkod sa Diyos [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:3], at maaari kayong magsimulang mag-isip na tulad ng mga [missionary], basahin ang binabasa ng mga [missionary], manalangin tulad ng mga [missionary], at madama ang nadarama ng mga [missionary]. Maiiwasan ninyo ang mga makamundong impluwensya na dahilan ng paglayo ng Espiritu Santo, at madaragdagan ang inyong pagtitiwala sa pagkilala at pagtugon sa espirituwal na paramdam” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 45–46).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga bagay na naghihikayat ng makabuluhang talakayan. Ang mga tanong na hindi lang iisa ang tamang sagot ay nag-aanyaya sa mga mag-aaral na tumugon batay sa kanilang personal na mga ideya, damdamin, at karanasan. Halimbawa, maaari mong itanong, “Paano mo nalaman na ang Diyos ay nangungusap sa iyo?” (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 33.)