“Enero 4–10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26: ‘Nakakita Ako ng Isang Haligi ng Liwanag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Enero 4–10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Enero 4–10
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26
“Nakakita Ako ng Isang Haligi ng Liwanag”
Tandaan na ang pinakamahalaga mong paghahanda ay ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pamumuhay ayon sa natutuhan mo. Matutulungan ka ng Espiritu na malaman kung ano ang pagtutuunan sa klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anong mga kabatiran ang natamo ng mga miyembro ng klase nang pag-aralan nila ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26 sa linggong ito? Marahil ay maaari kang magdispley ng isang larawan ni Joseph Smith o ng Unang Pangitain at anyayahan mo ang mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang ilang kabatiran mula sa kanilang pag-aaral, pati na ang mga talata kung saan nila nakita ang mga ito. Maaari din nilang ibahagi kung paano lumakas ang kanilang patotoo tungkol kay Joseph Smith at sa kanyang misyon nang malaman nila ang tungkol sa kanya ngayong linggo.
Ituro ang Doktrina
Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–18
Kung hihiling tayo nang may pananampalataya, sasagutin tayo ng Diyos.
-
Ang mga miyembro ng klase mo ay maaaring makaugnay sa hangarin ni Joseph na hanapin ang katotohanan sa isang mundo kung saan maraming magkakasalungat na ideya ang itinuturo. Paano natutulad sa naranasan niya ang kalituhan sa ating panahon? Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paano natin mahahanap ang mga sagot sa ating mga tanong, maaari mo silang anyayahang ilista sa pisara ang iba’t ibang paraan ng paghahanap ng mga tao sa katotohanan. Pagkatapos ay maaari nilang rebyuhin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–18 at idagdag sa listahan ang ginawa ni Joseph Smith para matagpuan ang mga sagot sa kanyang mga tanong.
-
Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila nasunod ang halimbawa ni Joseph Smith sa kanilang paghahanap sa katotohanan at kung paano sila sinagot ng Diyos. Ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources” ay nagmumungkahi ng ilang paraan na maaari nating hanapin ang katotohanan mula sa Diyos.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20
Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
-
Inihayag ng Unang Pangitain ang ilang katotohanan tungkol sa Diyos na salungat sa pinaniwalaan ng marami sa panahon ni Joseph. Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20 at tukuyin ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Diyos. Bakit mahalagang malaman ang mga katotohanang ito tungkol sa Diyos?
-
Kung bibisita si Joseph Smith sa ating klase, ano ang itatanong natin sa kanya tungkol sa kanyang karanasan? Maaari siguro nilang pagnilayan kung paano nila kukumpletuhin ang isang pangungusap na tulad nito: “Dahil nangyari ang Unang Pangitain, alam ko na …” Anong mga pagpapala ang dumating na sa ating buhay dahil sa Unang Pangitain?
6:35 -
Para makaragdag sa diwa ng inyong talakayan, maaaring basahin o kantahin ng mga miyembro ng klase ang “Unang Panalangin ni Joseph Smith” (Mga Himno, blg. 20). Ano ang ipinauunawa at ipinadarama sa atin ng himnong ito tungkol sa Unang Pangitain? Marahil ay maaaring ibahagi ng ilang miyembro ng klase kung paano nila nalaman sa kanilang sarili na nakita nga ni Joseph ang Diyos Ama at si Jesucristo sa Sagradong Kakahuyan. O maaari mong anyayahan ang mga full-time missionary (o isang missionary na kauuwi pa lang) na bumisita sa klase at ikuwento kung paano naimpluwensyahan ng Unang Pangitain ang buhay ng mga taong tinuturuan nila.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26
Maaari tayong manatiling tapat sa nalalaman natin, kahit tinatanggihan tayo ng iba.
-
Maaaring makaugnay ang mga miyembro ng klase sa ilan sa mga bagay na naranasan ni Joseph Smith nang simulan niyang ikuwento sa ibang tao ang kanyang pangitain (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26). Marahil ay maibabahagi nila ang mga talatang nagbigay-inspirasyon sa kanila nang subukan o hamunin ng iba ang kanilang mga paniniwala.
-
Kung may kilala kang mga miyembro ng ward na nakaranas na ng oposisyon dahil sila ay mga miyembro ng Simbahan, maaari mong hilingin sa kanila na pumasok sa klase na handang ibahagi kung paano nila pinananatiling matatag ang kanilang pananampalataya. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Joseph Smith sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26?
Karagdagang Resources
Tularan ang halimbawa ni Joseph.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Nagbigay si Propetang Joseph Smith ng huwaran na susundan natin sa paglutas ng ating mga tanong. Dahil nahikayat sa pangako ni Santiago na kung tayo ay nagkukulang ng karunungan ay tanungin natin ang Diyos [tingnan sa Santiago 1:5], tinanong mismo ng batang si Joseph ang Ama sa Langit. Naghangad at naghanap siya ng personal na paghahayag at ang kanyang paghahanap ang nagbukas sa huling dispensasyong ito.
“Sa gayon ding paraan, ano ang mabubuksan sa inyo ng inyong paghahanap? Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? Tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph. Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay, ” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95).
Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith.
Para mabasa ang paglalarawan sa Unang Pangitain na humahango sa ilang salaysay ni Joseph Smith, tingnan sa Mga Banal, 1:16–19.