“Pebrero 1–7. Doktrina at mga Tipan 10–11: ‘Nang Ikaw ay Magtagumpay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Pebrero 1–7. Doktrina at mga Tipan 10-11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Pebrero 1–7
Doktrina at mga Tipan 10–11
“Nang Ikaw ay Magtagumpay”
Ano ang mga impresyon mo nang mabasa mo ang Doktrina at mga Tipan, 10–11? Ano ang mga ideyang pumasok sa isipan mo tungkol sa mga pangangailangan ng mga taong tinuturuan mo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na pag-usapan ang natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng banal na kasulatan, maaari mong isulat sa pisara ang Doktrina at mga Tipan 10 at Doktrina at mga Tipan 11. Maaaring isulat ng ilang miyembro ng klase, sa ilalim ng alinman sa dalawang heading na ito, ang numero ng isang talata kung saan nila natagpuan ang isang mahalagang katotohanan. Pumili ng ilan sa mga talatang ito, at anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga katotohanang natagpuan nila roon.
Ituro ang Doktrina
Hangad ni Satanas na wasakin ang gawain ng Diyos.
-
Ang Doktrina at mga Tipan 10 ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na matukoy at labanan ang mga ginagawa ni Satanas para sirain ang kanilang pananampalataya. Magbigay ng ilang kontekstong pangkasaysayan para sa bahaging ito, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na ibahagi ang salaysay nang maiwala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon (tingnan sa section heading para sa Doktrina at mga Tipan 3 at sa Mga Banal, 1:59–61). Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Doktrina at mga Tipan 10:1–33 para mahanap ang plano ni Satanas sa nawalang mga pahina. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito kung paano kumikilos si Satanas at kung bakit niya ginagawa ang mga bagay na ito? (tingnan din sa talata 63). Paano siya kumikilos sa gayon ding mga paraan sa ating panahon? Paano tayo tinutulungan ng Panginoon na magapi si Satanas sa ating buhay?
Doktrina at mga Tipan 10:34–52
Ang “karunungan [ng Panginoon] ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo.”
-
Kapag nanghihina tayo dahil sa ating mga kasalanan, makakahanap tayo ng pag-asa sa pag-alam kung paano binayaran ng Panginoon ang kasalanang ginawa nina Joseph Smith at Martin Harris nang suwayin nila ang Panginoon at mawala ang 116 na pahina ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na makahanap ng pag-asa sa salaysay na ito. Halimbawa, maaari mo silang anyayahang magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Panginoon mula sa Doktrina at mga Tipan 10:34–52 (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 3:1–3). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila nakita na ang “karunungan [ng Panginoon] ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo” (Doktrina at mga Tipan 10:43). Paano pinalalakas ng kaalamang ito ang ating pananampalataya sa Kanya?
Kung hihingi tayo sa Diyos, tatanggap tayo.
-
Inaanyayahan tayo ng outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na basahin ang Doktrina at mga Tipan 11 na para bang ito ay isinulat para sa atin. Marahil ay maaaring handang magbahagi ang mga miyembro ng klase ng isang bagay mula sa bahaging ito na partikular na nauugnay sa kanila. Paano nila planong isagawa ang natutuhan nila?
-
Ang isang paraan para makahikayat ng talakayan tungkol sa Doktrina at mga Tipan 11 ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng isang alituntunin sa bahaging ito at pagkatapos ay sumulat ng isang tanong tungkol dito. Maaaring kabilang sa gayong mga tanong ang “Ano ang kahulugan ng mangunyapit kay Cristo nang buong puso?” (talata 19) o “Paano natin matatamo ang salita ng Diyos?” (talata 21). Maaaring ilagay ng mga miyembro ng klase ang kanilang mga tanong sa itaas ng isang pirasong papel at ipasa ang kanilang papel sa paligid ng kuwarto, na nagdaragdag ng mga ideya at posibleng sagot sa mga tanong ng isa’t isa. (Maaaring makatulong na hatiin muna ang klase sa maliliit na grupo.) Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang ilan sa mga kabatirang isinulat ng iba tungkol sa kanilang tanong.
Ibibigay sa atin ng Diyos ang Kanyang Espiritu kapag inihanda natin ang ating sarili sa Kanyang paraan.
-
Makikinabang ba ang mga miyembro ng klase mo na pag-usapan kung paano mapansin ang personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu? Kung gayon, maaari kang magpasimula ng isang talakayan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na isipin na kunwari’y hinilingan silang isulat ang ilang katotohanan kung paano tumanggap ng personal na paghahayag. Ano ang isasama nila mula sa Doktrina at mga Tipan 11:8–26? Halimbawa, ano ang isusulat nila tungkol sa paghahandang tumanggap ng patnubay para sa ating buhay at ng mga sagot sa ating mga tanong? Ano ang sasabihin nila kung paano makikilala ang mga sagot kapag dumating ang mga ito? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano nila ipamumuhay ang natutuhan nila habang sinisikap nilang maghangad ng personal na paghahayag.
Bilang bahagi ng aktibidad na ito, maaari mong ibahagi ang pahayag na ito mula kay Sister Julie B. Beck, dating Relief Society General President: “Ang kakayahang maging karapat-dapat sa, tumanggap ng, at kumilos ukol sa personal na paghahayag ang kaisa-isang pinakamahalagang kasanayang matatamo sa buhay na ito” (“At sa mga Lingkod na Babae Naman ay Ibubuhos Ko ang Aking Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 11).