Doktrina at mga Tipan 2021
Pebrero 8–14. Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75: “Sa Inyo na Aking Kapwa Tagapaglingkod”


“Pebrero 8–14. Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75: ‘Sa Inyo na Aking Kapwa Tagapaglingkod,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Pebrero 8–14. Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

Ilog ng Susquehanna

Pebrero 8–14

Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75

“Sa Inyo na Aking Kapwa Tagapaglingkod”

Tulad noong maliwanagan ng Espiritu Santo ang isipan nina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa mga banal na kasulatan, mahihikayat ka Niya kapag mapanalangin mong pinag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 12–13 at Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang paraan para maghikayat ng pagbabahagi ay itanong sa mga miyembro ng klase kung paano nila pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan. Ano ang ginawa nila para makahanap ng mga kabatiran sa mga banal na kasulatan sa linggong ito?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 13

Ang Aaronic Priesthood ay ipinanumbalik ni Juan Bautista.

  • Ang isang paraan para matalakay ang mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 13 ay ang pag-usapan ng mga miyembro ng klase kung paano maaaring makatulong ang bahaging ito na mas maunawaan ng mga kabataan ang Aaronic Priesthood. Ano ang itinuturo ng bahagi 13 tungkol sa Aaronic Priesthood na dapat maunawaan ng mga kabataang lalaki at babae? Para mabigyan ng pagkakataon ang lahat na makalahok, maaari mong sabihin sa mga miyembro ng klase na talakayin ang tanong na ito nang magkapareha at pagkatapos ay ibahagi sa klase ang natutuhan nila sa isa’t isa.

  • Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay nagmumungkahi ng resources na maaaring magpaliwanag sa ilan sa mga parirala sa Doktrina at mga Tipan 13. Maaari mong sabihin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa pag-aaral ng resources na ito. Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa mga susing binanggit sa bahaging ito, maaari kang magdispley ng mga susi at anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-usapan kung ano ang itinutulot ng mga susing ito na gawin natin. Maaari ding makatulong ang paliwanag nina Sister Ruth at Elder Dale G. Renlund sa “Karagdagang Resources.” Anong mga pagpapala ang ibinibigay sa atin ng mga susi ng Aaronic Priesthood? Paano maiiba ang buhay natin kung wala ang mga pagpapalang ito?

  • Bahagi ng kagandahan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang pagiging abala natin sa gawaing ginawa ng kalalakihan at kababaihan sa mga banal na kasulatan: ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Sa isang paraan, ginagawa tayo nitong “kapwa tagapaglingkod” na kasama nila. Ano ang ibig sabihin ng maging kapwa tagapaglingkod sa gawain ng Panginoon? Ang Mateo 3:13–17; Lucas 1:13–17; 3:2–20 ay makakatulong na mas maunawaan ng mga miyembro ng klase ang gawain ni Juan Bautista.

    si Joseph Smith na binibinyagan si Oliver Cowdery

    Binibinyagan ni Joseph Smith si Oliver Cowdery, ni Del Parson

Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75

Ang mga ordenansa ay nagbibigay-daan sa atin na matamo ang kapangyarihan ng Diyos.

  • Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na magpatotoo sa isa’t isa tungkol sa mga pagpapalang hatid ng pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood, maaari mo silang anyayahang repasuhin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75, pati na ang sulat sa talata 71, na hinahanap ang mga pagpapalang natanggap nina Joseph at Oliver pagkatapos ng kanilang binyag at pagkaorden sa priesthood. Paano naglalaan ng espirituwal na lakas ang mga ordenansa? Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang sarili nilang mga karanasan kung kailan nadama nila ang kapangyarihan ng Diyos na nagmumula sa pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood tulad ng binyag, sakramento, o mga ordenansa sa templo.

  • Maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase sa paggawa ng isang tsart na nagpapakita ng mga pagpapalang dulot ng mga ordenansa ng priesthood. Halimbawa, maaari mong isulat sa pisara ang mga heading na Mga Ordenansa at Mga Pagpapala. Maaari ding saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang gaya ng mga sumusunod para kumpletuhin ang tsart: Juan 14:26; Mga Gawa 2:38; Doktrina at mga Tipan 84:19–22; 131:1–4; Joseph Smith—Kasaysayan 1:73–74. Maaari din nilang isama ang iba pang mga pagpapalang natanggap nila dahil sa mga ordenansang ito. Marahil ay maaari silang magbahagi ng mga karanasan kung kailan nadama nila na ang mga ordenansang tinanggap nila ay naghatid ng kapangyarihan ng Tagapagligtas sa kanilang buhay.

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ano ang mga susi ng priesthood?

Ibinigay ni Elder Dale G. Renlund at ng kanyang asawang si Ruth ang paliwanag na ito tungkol sa mga susi ng priesthood.

“Ang katagang mga susi ng priesthood ay ginagamit sa dalawang magkaibang paraan. Ang una ay tumutukoy sa isang partikular na karapatan o pribilehiyong ipinagkakaloob sa lahat ng tumatanggap ng Aaronic o Melchizedek Priesthood. … Halimbawa, ang mga Aaronic Priesthood holder ay tumatanggap ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at ng mga susi ng panimulang ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 84:26–27). Ang mga Melchizedek Priesthood holder ay tumatanggap ng mga susi ng mga hiwaga ng kaharian, ng susi ng kaalaman tungkol sa Diyos, at ng mga susi ng lahat ng espirituwal na pagpapala ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19; 107:18). …

“Ang pangalawang paraan na ginagamit ang katagang mga susi ng priesthood ay tumutukoy sa pamumuno. Ang mga priesthood leader ay tumatanggap ng karagdagang mga susi ng priesthood, ng karapatang mamuno sa isang sangay ng organisasyon ng Simbahan o sa isang korum. Tungkol dito, ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihang mangasiwa, mamuno, at mamahala sa Simbahan” (The Melchizedek Priesthood: Understanding the Doctrine, Living the Principles [2018], 26).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ibahagi nang madalas ang iyong patotoo. “Ang iyong simple at taos-pusong patotoo sa espirituwal na katotohanan ay maaaring makaimpluwensya nang malaki sa mga tinuturuan mo. … Hindi ito kailangang maging maganda o mahaba” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 11). Maaari mong ibahagi ang personal mong patotoo tungkol sa Aaronic Priesthood habang tinatalakay mo ang Doktrina at mga Tipan 13.