“Pebrero 11–17. Juan 2–4: ‘Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 11–17. Juan 2–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Pebrero 11–17
Juan 2–4
“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli”
Ang pagbabasa ng Juan 2–4 ay isang magandang paraan para simulan ang paghahandang magturo. Itala ang anumang espirituwal na impresyong natatanggap mo, at gamitin ang outline na ito para makakita ng karagdagang mga kaalaman at ideya sa pagtuturo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat ang tatlong heading sa pisara: Juan 2, Juan 3, at Juan 4. Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga kabanatang ito, at pagkatapos ay hilingin sa kanila na isulat sa ilalim ng bawat heading ang isang talatang nakatulong sa kanila na maunawaan ang doktrina at mga pangyayari sa kabanatang iyon. Talakayin ang mga talatang isinulat nila.
Ituro ang Doktrina
Nagbabago ang ating buhay kapag sinusunod natin si Jesucristo.
-
Kung minsan ay maaari tayong magtamo ng espirituwal na mga kaalaman sa pagbibigay-pansin sa mga detalye sa isang salaysay sa banal na kasulatan. Isiping ipabasa sa mga miyembro ng klase ang Juan 2:1–11 at ipalista ang mga detalyeng nagpapalalim sa pasasalamat nila sa himala sa piging ng kasalan. Paano ipinakita ng himalang ito ang kaluwalhatian ng Diyos? (tingnan sa talata 11).
-
Maaaring maunawaan ng mga miyembro ng klase ang kuwentong ito kung iisipin nila ang himala mula sa kakaibang mga pananaw ng mga taong nakasaksi nito. Paano natutulad kung minsan ng ating mga saloobin tungkol sa mga himala ang mga saloobin ng mga taong yaon sa piging ng kasalan—halimbawa, tulad ni Maria, na alam na maaaring magkaroon ng himala, o ng pinuno, na hindi alam na nagkaroon ng himala? Isiping anyayahan ang ilang miyembro ng klase na isalaysay ang piging na para bang isa sila sa mga taong naroon.
Maaari nating ipagtanggol ang mga sagradong lugar at bagay.
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa salaysay tungkol sa pagtataboy ni Jesus sa mga mamamalit ng salapi sa templo? Paano nila maipagtatanggol ang mga sagradong lugar at bagay tulad ng mga tahanan, simbahan, templo, at banal na kasulatan? Maaaring makatulong ang pahayag na ito ni Pangulong David O. McKay: “‘Huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal.’ (Juan 2:16.) Ang pagkita at paggastos ng pera, … pamimintas, at lalo na ang pagtsitsismis tungkol sa kapwa sa isang bahay-sambahan, ay talagang mga paglabag sa utos na ito na ibinigay halos dalawang libong taon na ang nakararaan” (sa Conference Report, Okt. 1956, 7). Paano natin mapapanatili ang kasagraduhan ng templo at iba pang mga banal na lugar?
Kailangan tayong ipanganak na muli para makapasok sa kaharian ng Diyos.
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang paanyaya ni Jesus na ipanganak na muli (tingnan sa Juan 3:3), maaari mo silang anyayahang magpabahagi ng mga ideyang natamo nila mula sa itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo sa mga talatang ito. Anong mga salita at parirala ang ginamit Niya? Anong iba pang mga talata sa banal na kasulatan o pahayag ng mga pinuno ng Simbahan ang maaaring magpalawak sa pagkaunawa ng mga miyembro ng klase sa paanyayang ito? (Tingnan ang “Karagdagang Resources” para sa mga pahayag mula sa mga pinuno ng Simbahan.)
-
Paano maaaring ipaliwanag ng mga miyembro ng klase sa isang taong hindi miyembro ang kahulugan ng ipanganak na muli? Paano nila isasama ang pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon sa pag-uusap na ito? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na praktisin kung paano nila sasagutin ang tanong na ito sa taong katabi nila. Ang sipi mula kay Propetang Joseph Smith sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makaragdag sa talakayang ito.
-
Naniniwala ang ilang tao na hindi talaga maaaring magbago ang isang tao; si Nicodemo, gayunman, ay isang halimbawa ng isang taong nagbago dahil sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo. Para maipakita ito sa mga miyembro ng klase, maaari mo silang anyayahang saliksikin ang Juan 3:1–2; Juan 7:40–52; at Juan 19:39–40. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito na tungkol sa mga pag-uugali at paniniwala ni Nicodemo? Paano siya nagbago sa paglipas ng panahon? Mayroon ba tayong mga halimbawang maibabahagi na tungkol sa mga taong kilala natin na nagbago dahil sa ebanghelyo?
-
Ang pagtingin sa isang sanggol o sa larawan ng isang sanggol ay maaaring isang magandang oportunidad sa klase mo na ikumpara ang mga katangian ng isang bagong silang sa mga katangian ng isang taong espirituwal na ipinanganak na muli.
Inaalok tayo ni Cristo ng tubig na buhay at ng “pagkain” ng paggawa ng gawain ng Diyos.
-
Kailangan ng ating katawan ng pagkain at tubig araw-araw. Tinukoy ni Jesus ang mga pangangailangang ito ng lahat nang turuan Niya kapwa ang Samaritana at ang Kanyang mga disipulo. Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang itinuturo ng Tagapagligtas, maaari mong ipaskil ang mga larawan ng pagkain at tubig sa pisara at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa ilalim ng bawat larawan ang mga espirituwal na katotohanang itinuro ni Jesus. Paano napapatid ng pagsamba sa Diyos sa espiritu at sa katotohanan ang ating espirituwal na pagkauhaw? Paano napapawi ng paggawa ng kalooban ng Diyos ang ating espirituwal na pagkagutom?
-
Ang pagbubulay tungkol sa paglago ng patotoo ng Samaritana kay Jesucristo ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na pagnilayan kung paano nila nalaman na Siya ang Mesiyas. Bilang isang klase, hanapin ang mga katagang ginamit ng Samaritana sa pagtukoy sa Tagapagligtas sa Juan 4:6–30. Ano ang ipinahihiwatig ng mga katagang ito tungkol sa kanyang kaalaman kung sino si Jesus? Paano tayo lumago sa ating patotoo na siya ang ating Tagapagligtas?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 5 at Lucas 6, sabihin sa kanila na ang mga kabanatang ito ay naglalaman ng tinatawag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na “pinakadakila [na sermon] sa lahat ng naipangaral na, na alam natin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 267).
Karagdagang Resources
Mga video ng mga gawa at turo ni Jesus.
Ano ang ibig sabihin ng ipanganak na muli?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Para kayong nagbinyag ng isang sakong buhangin kapag bininyagan ninyo ang isang tao nang hindi para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagkakamit ng Espiritu Santo. Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 111).
Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang pagbabalik-look … ay malaki, hindi maliit—isang espirituwal na pagsilang na muli at mahalagang pagbabago sa nadarama at hangarin natin, sa iniisip at ginagawa natin, at kung ano tayo. Sa katunayan, kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible ng ating pag-asa sa ‘kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas’ (2 Nephi 2:8). Kapag pinili nating sundan ang Guro, pinipili nating magbago—na espirituwal na ipanganak na muli” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 20).
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? Dapat ninyong tandaan na ang mga di pangkaraniwang halimbawa ng mga tao ni Haring Benjamin, ni Alma, at iba pa sa mga banal na kasulatan ay sadyang ganoon—pambihira at hindi pangkaraniwan. Para sa karamihan sa atin, mas dahan-dahan ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang muli, di tulad ng ating pisikal na pagsilang, ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang [pangunahing] layunin ng mortalidad” (“Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 78).
Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks:
“Tayo ay isinilang na muli kapag pumasok tayo sa isang pakikipagtipan sa ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsilang sa tubig at sa Espiritu at pagtataglay sa atin ng pangalan ni Jesucristo. Mapapanibago natin ang muling pagsilang na iyon tuwing Sabbath kapag tumanggap tayo ng sakramento.
“Pinagtitibay ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang mga isinilang na muli sa ganitong paraan ay mga espirituwal na anak na lalaki at babae ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 5:7; 15:9–13; 27:25). Gayon pa man, para makamit ang nauukol na mga pagpapala ng katayuang ito na isilang na muli, kailangan pa rin tayong tumupad sa ating mga tipan at magtiis hanggang wakas. Samantala, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, tayo ay isinilang na muli bilang mga bagong nilalang na may bagong espirituwal na angkan at may potensyal na magkamit ng maluwalhating pamana” (“Have You Been Saved?” Ensign, Mayo 1998, 56).