“Pebrero 18–24. Mateo 5; Lucas 6: ‘Mapapalad Kayo ’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 18–24. Mateo 5; Lucas 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Pebrero 18–24.
Mateo 5; Lucas 6
“Mapapalad Kayo”
Itala ang iyong mga espirituwal na impresyon habang pinag-aaralan mo ang Mateo 5 at Lucas 6. Darating ang paghahayag habang sinisikap mong tugunan ang mga pangangailangan ng iyong klase. Ang outline na ito ay makapagbibigay ng karagdagang mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang Sermon sa Bundok ay “ang pinakadakila[ng sermon] sa lahat ng naipangaral na, na alam natin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 267). Bakit nadarama ng mga miyembro ng klase na ito ay totoo? Ano ang maibabahagi nila?
Ituro ang Doktrina
Ang walang-hanggang kaligayahan ay nagmumula sa pamumuhay sa paraang itinuro at ipinamuhay ni Jesucristo.
-
Ang Sermon sa bundok ng Tagapagligtas, na partikular na para sa Kanyang pinakamalalapit na disipulo, ay nagsisimula sa mga pahayag na kilala bilang Beatitudes [Lubos na mga Pagpapala], kung saan inanyayahan tayo ni Cristo na isiping muli ang kahulugan ng pamumuhay ng pinagpalang buhay—isang buhay na walang-hanggan ang kaligayahan. Para masimulan ang isang talakayan tungkol sa walang-hanggang kaligayahan, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang nagpapasaya sa kanila. Ayon sa Beatitudes, ano ang sinabi ni Jesus na “nagpapala,” o nagpapasaya nang walang hanggan sa isang tao? Paano naiiba ang mga turo ni Jesus sa ibang mga paraan na sinusubukan ng ibang mga tao para makasumpong ng kaligayahan?
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang mga katagang tulad ng malinis na puso o mapagpayapa, maaari mong ilista ang ilan sa mga kataga mula sa mga talata 3–12 sa pisara. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na sabihin ang kabaligtaran ng bawat kataga at kung ano ang natutuhan nila tungkol sa bawat kataga sa paggawa nito. Hilingin sa mga miyembro ng klase na pagnilayan kung ano ang mababago nila para maging ang uri ng tao na inilarawan sa mga talatang ito. Ano ang idinaragdag ng 3 Nephi 12:3, 6 sa ating pagkaunawa sa Mateo 5:3, 6?
-
Ang isa pang paraan para masaliksik ang mga talatang ito ay ang anyayahan ang bawat miyembro ng klase na pag-aralan ang karagdagang mga banal na kasulatan tungkol sa isa sa Beatitudes at ibahagi sa klase ang natutuhan nila. Paano ipinapakita ng isang kakilala nila ang halimbawa ng pamumuhay ng alituntuning iyon?
Ang mga disipulo ng Tagapagligtas ay dapat maging ilaw ng sanlibutan.
-
Ano ang pakiramdam ng mga miyembro ng klase mo nang mabasa nila ang pahayag ni Jesus na sila “ang ilaw ng sanglibutan”? Ano ang ibig sabihin ng itago ang ating ilawan “sa ilalim ng isang takalan,” at bakit tayo maaaring matuksong gawin ito? Ang pahayag ni Elder Robert D. Hales sa “Karagdagang Resources” ay maaaring nakakahikayat. Sino ang naging “ilaw” sa mga miyembro ng klase mo?
-
Umisip ng isang paraan na maipapamalas mo ang turo ni Cristo na tayo ay mga ilaw sa sanlibutan. Maaari ka bang magpakita ng larawan ng isang lungsod na naiilawan sa gabi? Maaari ka bang magdala ng flashlight at itago mo ito sa ilalim ng isang basket? Bakit ikinumpara ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa ilaw? Paano natin magagamit ang pang-unawang ito para maging ilaw sa iba? (tingnan sa DT 103:9–10). Maaaring talakayin o isadula ng mga miyembro ng klase ang mga paraan na maaari nilang pagliwanagin ang ebanghelyo sa kanilang buhay at pagpalain ang iba.
-
Kabilang sa ilan sa iba pang mga talatang maaaring idagdag sa inyong talakayan tungkol sa ilaw o liwanag ang 3 Nephi 18:24; Doktrina at mga Tipan 50:24; 84:44–47; 88:50, 67; at 93:36–40. Maaari ding magalak ang mga miyembro ng klase sa pagkanta ng mga himno tungkol sa ilaw o liwanag, tulad ng “Tanglaw Ko ang Diyos” at “Liwanag sa Gitna Nitong Dilim,” Mga Himno, blg. 49, 53. Ano ang idinaragdag ng mga himno at talatang ito sa ating pagkaunawa sa Mateo 5:14–16?
Itinuro ni Cristo ang mas mataas na batas na aakay sa atin tungo sa pagiging sakdal.
-
Ang mga sitwasyong inilarawan sa Mateo 5 ay partikular na tumutukoy sa panahon ng Tagapagligtas, ngunit ang mga alituntuning itinuro Niya ay para sa lahat. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makita ang aplikasyon nito sa buhay nila, anyayahan silang pumili ng isa sa sumusunod na mga talata at mag-isip ng isang halimbawa sa makabagong panahon na naglalarawan sa itinuro ng Tagapagligtas: mga talata 21–24; 27–30; 33–37; 38–39; 40–42; at 43–44. Maaari nilang gawin ito nang mag-isa o grupu-grupo at ibahagi sa klase ang kanilang mga halimbawa.
-
Maaaring magalak ang mga kabataan sa isang larong pagtutugma na tumutulong sa kanila na makita na ang mga turo ng Tagapagligtas na matatagpuan sa Mateo 5:21–48 ay kahalili ng batas ni Moises. Maaari kang gumawa ng isang set ng mga kard na may mga pariralang nagsisimula sa “narinig ninyo” (na naglalarawan sa batas ni Moises) mula Mateo 5:21–44. Gumawa ng isa pang set na may mga parirala mula sa mga talatang nagsisimula sa “datapuwa’t sinasabi ko” (na naglalarawan sa mas mataas na batas ni Cristo). Ilagay ang dalawang set ng mga kard nang pataob, at papiliin ang isang miyembro ng klase ng isa sa mga kard na “narinig ninyo,” at ang isa pang miyembro mula sa isa pang set, na naghahanap ng magkakatugma. Magpatuloy hanggang sa mapagtugma ng mga miyembro ng klase ang batas ni Moises sa bagong turo ni Cristo. Para sa bawat tugma, talakayin kung bakit kailangan ang turo ng Tagapagligtas sa ating panahon.
-
Paano mo maipapakita sa mga miyembro ng klase na ang ibig sabihin ng utos ng Tagapagligtas na “mangagpakasakdal,” tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson, ay maging “ganap” o “tapos”? (Mateo 5:48; “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86–88). Narito ang isang ideya: gupitin ang isang larawan ni Jesus at gawin itong puzzle, at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa likod ng bawat piraso ang isang turo mula sa Mateo 5 na inspirado silang ipamuhay. Hayaan silang magtulungan sa pagkumpleto ng puzzle. Paano tayo natutulungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na maging “ganap” o “tapos”? (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”).
-
Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na magtakda ng isang mithiin na kumilos sa isang inspirasyong natanggap nila habang pinag-aaralan ang Mateo 5. Isipin kung paano ka maaaring mag-follow up sa paanyayang ito sa susunod na mga lesson.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para maganyak ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 6–7 sa darating na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na tinawag ni Pangulong Harold B. Lee ang Sermon sa Bundok na “konstitusyon para sa perpektong buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 234).
Karagdagang Resources
Pagiging ilaw.
Itinuro ni Elder Robert D. Hales: “Naisip na ba ninyo na marahil kayo ang ilaw na ipinadala ng Ama sa Langit para maiuwi nang ligtas ang isang tao o ang tanglaw mula sa malayo upang ipakita ang landas pabalik sa makipot at makitid na landas na humahantong sa buhay na walang hanggan? Ang inyong ilaw ay isang tanglaw at hindi dapat tumigil sa pagniningas o iligaw ng landas ang mga taong naghahanap ng daan pauwi” (“That Ye May Be the Children of Light” [Brigham Young University fireside, Nob. 3, 1996], 9; speeches.byu.edu).
Paghahangad na maging perpekto.
Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee: “Sa akala ba ninyo’y nagmumungkahi lamang ang Tagapagligtas ng mithiing hindi naman pala kayang abutin at sa gayo’y kukutyain tayo sa pagsisikap na mamuhay upang makamtan ang pagiging perpekto? Imposible para sa atin sa mortalidad na marating ang kalagayang iyon ng pagiging perpekto na binanggit ng Guro, subalit sa buhay na ito natin inilalatag ang pundasyon na pagbabatayan ng kawalang-hanggan. Samakatuwid, kailangan nating tiyakin na ang ating pundasyon ay batay sa katotohanan, kabutihan at pananampalataya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee, 228).
Sabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Hindi … mangyayari kaagad [ang pagiging perpekto], kundi nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin, halimbawa sa halimbawa, at hindi rin habang nabubuhay tayo sa mundong ito. … Ngunit dito natin ilalatag ang pundasyon. Dito tayo tuturuan ng mga simpleng katotohanan ng Ebanghelyo ni Jesucristo, sa kalagayang ito ng pagsubok sa atin, upang maihanda tayo para sa kasakdalang iyon. Tungkulin ko, at tungkulin din ninyo, na maging mas mabuti ako ngayon kaysa kahapon, at maging mas mabuti kayo ngayon kaysa kahapon, at mas mabuti kayo bukas kaysa ngayon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 267).