Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 25–Marso 3. Mateo 6–7: ‘Sila’y Kaniyang Tinuruang Tulad sa May Kapamahalaan’


“Pebrero 25–Marso 3. Mateo 6–7: ‘Sila’y Kaniyang Tinuruang Tulad sa May Kapamahalaan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Pebrero 25–Marso 3. Mateo 6–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

nagtuturo si Jesus sa tabing-dagat

Jesus Teaching the People by the Seashore, ni James Tissot

Pebrero 25–Marso 3

Mateo 6–7

“Sila’y Kaniyang Tinuruang Tulad sa May Kapamahalaan”

Habang naghahanda kang magturo, magsimula sa paghahanda sa iyong sarili. Pag-aralan ang Mateo 6–7, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Tutulungan ka nitong makatanggap ng paghahayag kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga pangangailangan ng klase mo. Pagkatapos ay saliksikin ang outline na ito para sa mga ideya sa pagtuturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung alin sa mga talata sa Sermon sa Bundok ang nadarama nilang kailangang-kailangan ngayon. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na magdagdag sa mga ideya ng bawat isa.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 6–7

Kung makikinig at kikilos tayo ayon sa mga turo ng Panginoon, maitatatag ang ating buhay sa matibay na pundasyon.

  • Anong partikular na mga turo mula sa Mateo 6–7 ang pinaka-kapaki-pakinabang sa mga tinuturuan mo? Isiping isulat sa pisara ang ilang reperensya sa Mateo 6–7 na naglalaman ng mga turong ito. Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isa sa mga reperensya upang pag-aralan nang tahimik at saka isulat sa pisara ang anumang espirituwal na mga katotohanang matutuhan nila. Paano naimpluwensyahan ng mga turong ito ang ating buhay?

  • Tinapos ng Tagapagligtas ang kanyang sermon sa isang talinghaga na maaaring makatulong sa klase mo na mas maunawaan ang kahalagahan ng pamumuhay ayon sa mga turo ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 7:24–27; tingnan din sa Helaman 5:12). Para maisalarawan ang talinghagang ito, maaaring magtulungan ang mga miyembro ng klase na makabuo ng matibay na pundasyon gamit ang mga bloke, plastik na baso, o iba pang materyales at saka nila subukan ang tatag ng kanilang pundasyon. Marahil maaari din nilang sulatan ang ginamit nilang mga materyales ng mga bagay na magagawa nila para maipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas. Paano tayo matutulungan ng paggawa ng mga bagay na ito na makayanan ang mga unos ng buhay?

Mateo 6:5–13

Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano manalangin.

  • Ang pag-aaral ng Panalangin ng Panginoon ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na tukuyin kung paano nila mapagbubuti ang sarili nilang panalangin sa pagsunod sa halimbawa ng Panginoon. Anyayahan silang isulat sa pisara ang mga kataga mula sa Mateo 6:9–13 (o Lucas 11:1–4) na namumukod-tangi sa kanila. Habang pinagninilayan natin ang mga salita ng Tagapagligtas, ano ang matututuhan natin tungkol sa mga saloobing dapat nating taglayin kapag nagdarasal tayo? Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga uri ng mga bagay na dapat nating ipagdasal? Maaaring may matutuhan ang mga miyembro ng klase kung papalitan nila ang ilang salita sa mga pahayag ng Tagapagligtas tulad ng mga salitang gamit nila sa sarili nilang mga dalangin. Halimbawa, ang “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw” ay maaaring palitan ng “Tulungan po Ninyo ako sa pagsisikap kong matustusan ang aking pamilya.”

  • Maaaring makinabang ang mga tinuturuan mo sa pag-aaral ng iba pang mga halimbawa ng pagdarasal ng Tagapagligtas sa Kanyang Ama, tulad ng Mateo 26:36–42 at Juan 17. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang ilan sa mga talatang ito, na naghahanap ng mga sagot sa mga tanong na tulad ng “Ano ang matututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa paraan ng pagdarasal ng Tagapagligtas?” at “Paano natin higit na matutularan ang pagdarasal ng Tagapagligtas?” Para sa iba pang magagandang halimbawa ng mga panalangin, tingnan ang Enos 1:3–17; Alma 31:26–35; 33:3–11.

  • May mga karanasan ka bang maibabahagi na nauugnay sa panalangin? Ang pagbabahagi ng iyong karanasan ay maaaring makahikayat sa mga miyembro ng klase na gayon din ang gawin. Nagbahagi si Pangulong Thomas S. Monson ng ilang personal na karanasan na nauugnay sa panalangin sa kanyang mensaheng “Isipin ang mga Pagpapala” (Ensign o Liahona, Nob. 2012, 86–89). Maaari mong talakayin ang mga alituntunin mula sa mga mensaheng ito at mula sa mga sipi sa “Karagdagang Resources.” Maaari ding makatulong ang entry na “Panalangin” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Mateo 7:7–11

Sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na palakasin ang kanilang pananampalataya na pakikinggan at sasagutin ng Diyos ang kanilang mga dalangin, maaari mong isulat ang humingi, maghanap, at kumatok sa pisara. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa mga halimbawa ng mga taong “nanghingi,” “naghanap,” at “kumatok” (para sa halimbawa, tingnan sa 1 Nephi 11:1; Ether 2:18–3:6; Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–17). Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito tungkol sa pagtanggap ng mga sagot sa ating mga dalangin?

  •   Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y may kaibigan sila na nag-aatubiling humingi ng patnubay o pagpapala sa Panginoon. Ano ang masasabi ng mga miyembro ng klase para hikayatin ang mga kaibigang ito? Paano nila maaaring gamitin ang mga salita ng Tagapagligtas sa Mateo 7:7–11?

Mateo 7:15–20

Matutukoy natin ang mga tunay at bulaang propeta sa kanilang mga bunga.

  • Malamang na nalantad na ang mga miyembro ng klase mo sa mga maling pilosopiya at iba pang mga panlilinlang ng kaaway, sa internet man o mula sa ibang pinagmulan. Narinig na rin siguro nila na pinipintasan ng iba ang mga lingkod ng Panginoon. Paano mo maipapaunawa sa kanila kung paano makilala ang mga bulaang propeta at ang mga turo mula sa tunay na mga propeta? Maaari mong idispley ang ilang piraso ng bunga at itanong kung ano ang masasabi natin tungkol sa mga punong pinagmulan ng mga ito. Paano naipapaunawa sa atin ng pagsasanay na ito ang Mateo 7:15–20? Maaari din ninyong basahin nang sama-sama ang ilang mensahe kamakailan na mula sa mga buhay na propeta. Ano ang “mga bunga” o mga resulta ng pagsunod sa kanilang payo?

    bunga

    Makikilala natin ang mga tunay na propeta sa kanilang mga bunga.

  • Makakatulong ang Mateo 7:15–20 para patatagin ang pananampalataya ng mga miyembro ng klase sa banal na misyon ni Propetang Joseph Smith. Ano ang mga bunga ng gawaing isinasagawa ni Joseph Smith? Para sa ilang ideya, tingnan ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Joseph Smith” (Ensign o Liahona, Nob. 2014, 28–31). Paano natin magagamit ang analohiya ng Tagapagligtas sa Mateo 7:15–20 para magpatotoo sa ating mga kaibigan at pamilya tungkol kay Propetang Joseph?

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sa linggong ito, habang pinag-aaralan ng mga miyembro ng klase ang marami sa mga himalang ginawa ng Tagapagligtas, anyayahan silang pagnilayan ang mga halimbawa ng mga makabagong himala—malaki man o maliit—na naranasan o narinig nila.

resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 6–7

Mga awiting gagamitin sa klase.

  • Anong mga alituntuning nauugnay sa panalangin ang natututuhan ng mga miyembro ng klase mula sa mga titik ng “Panalangi’y Mithiing Tunay”? (Mga Himno, blg. 81).

  • Ang pagbabasa, pagkanta, o pakikinig ng “Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21, ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na isipin ang ilan sa mga bunga na magpapaalam sa atin na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos (tingnan din sa DT 135:3).

Mga kuwento tungkol sa panalangin.

Ikinuwento ni Pangulong Boyd K. Packer ang isang panalangin ng kanyang pamilya bago siya naglakbay patungong California. Ipinaalam sa kanila ng isang beterinaryo na hindi na aabutin ng maghapon ang buhay ng kanilang baka. “Ang musmos na anak namin ang nagdasal. Matapos hilingin sa Ama sa Langit na “basbasan si Daddy sa mga biyahe niya at kaming lahat,’ taimtim siyang nagsumamo. Sabi niya, ‘Ama sa Langit, pakibasbasan po si Bossy na baka namin para gumaling na siya.’”

“Sa California, ikinuwento ko ang nangyari at sinabi kong, ‘Dapat niyang malaman na hindi natin madaling makukuha ang lahat ng ipinagdarasal natin.’

“May aral na dapat matutuhan doon, pero ako ang natuto, hindi ang anak ko. Pagbalik ko noong Linggo ng gabi, ‘magaling na’ si Bossy” (“Panalangin at mga Pahiwatig,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 45).

Sabi ni Brother Mangal Dan Dipty, isang miyembro ng Simbahan sa India: “Noong bata pa ako regular akong nagsisimba sa German Lutheran. Madalas kaming pumupunta sa bundok para magdasal. Isang maulan na araw, lahat ng tao sa grupo ay nabasa sa ulan, at isa sa mga mangangaral ay taimtim na nagdasal at nagsumamo sa Panginoon na patigilin ang ulan. Namangha kami nang tumigil ang ulan. Iyon ang simula ng aking pananampalataya sa Diyos at paniniwala sa panalangin” (“Ang Paglalakbay Ko Bilang Pioneer na Taga-India,” Liahona, Hulyo 2016, 21).

Para sa iba pang mga kuwento tungkol sa panalangin, tingnan sa bahaging Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw ng Ensign o Liahona.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Huwag matakot sa katahimikan. “Ang magagandang tanong ay nangangailangan ng oras para masagot. Nangangailangan ito ng pagninilay, pagsasaliksik, at inspirasyon. Ang oras na ginugugol mo sa paghihintay ng mga sagot sa isang tanong ay maaaring maging sagradong oras ng pagninilay. Iwasang matuksong tapusin kaagad ang oras na ito sa pagsagot sa sarili mong tanong o pagtuloy sa ibang paksa” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 31).