Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 11–17. Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 7; 11: ‘Ang Labingdalawang Ito’y Sinugo ni Jesus’


“Marso 11–17. Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 7; 11: ‘Ang Labingdalawang Ito’y Sinugo ni Jesus’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin--Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Marso 11–17. Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 7; 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

inoorden ni Jesus si Pedro

Marso 11–17

Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 711

“Ang Labingdalawang Ito’y Sinugo ni Jesus”

Ang pagbabasa ng Mateo 10–12; Marcos 2; at Lucas 711 na nasa isipan ang iyong mga mag-aaral ay makakatulong sa iyo na tumanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa kanilang pangangailangan. Itala ang mga espirituwal na impresyong tinatanggap mo, at basahin ang outline na ito para sa karagdagang mga kaalaman at ideya sa pagtuturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na pumasok na handang magbahagi ng anumang tanong nila tungkol sa Mateo 11:28–30. (Para sa ilang halimbawa ng mga tanong, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.) Anong mga sagot ang nakita nila?

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 10

Binibigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang Kanyang mga lingkod na gawin ang Kanyang gawain.

  • Ang utos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol ay makakatulong sa atin sa ating indibiduwal na mga responsibilidad. Ang mga miyembro ng klase ay maaaring mayroon nang mga ideya tungkol sa paksang ito mula sa kanilang personal na pag-aaral; halimbawa, may isang aktibidad tungkol sa paksang ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang natutuhan o hatiin sila sa maliliit na grupo para kumpletuhin ang aktibidad sa klase. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung kailan nadama nila ang kapangyarihan ng Tagapagligtas nang gampanan nila ang kanilang mga calling.

  • Ang isa pang paraan para marebyu ng mga miyembro ng klase ang Mateo 10 ay saliksikin ang kabanatang ito para sa isang bagay na ipinagawa ng Tagapagligtas sa mga Apostol at magdrowing ng larawan na kumakatawan sa bagay na iyon. Maaari nilang ibahagi ang kanilang drowing at ang natutuhan nila tungkol sa tungkulin ng Labindalawang Apostol.

  • Paano makakatulong ang pag-aaral tungkol sa tungkuling ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga Apostol sa Mateo 10 na maunawaan ng mga miyembro ng klase mo ang papel ng mga makabagong propeta at Apostol? Maaaring makatulong na ikumpara ang tungkuling ibinigay ng Tagapagligtas sa Labindalawa sa tungkuling ibinigay sa unang Korum ng Labindalawang Apostol sa dispensasyong ito, na matatagpuan sa “Karagdagang Resources.” Paano nakaimpluwensya sa mga miyembro ng klase ang ministeryo ng mga buhay na Apostol? Magpatotoo tungkol sa banal na tungkulin ng mga buhay na propeta at apostol, at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magpatotoo rin.

  • Para mailarawan ang katotohanan na matutunton ng bawat priesthood holder ang kanyang awtoridad pabalik sa sandali na inorden ni Jesus ang Kanyang mga Apostol, anyayahan ang isang priesthood holder na ibahagi ang kanyang linya ng awtoridad.

Korum ng Labindalawa

Isinasagawa ng Labindalawang Apostol ang gawain ng Panginoon ngayon.

Mateo 10:17–20

Kapag tayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon, ibibigay Niya sa atin ang mga salitang sasabihin.

  • Ang mga tao kung minsan ay kinakabahan kapag nagtuturo o nakikipag-usap sa iba tungkol sa ebanghelyo. Ngunit nangako ang Panginoon sa mga disipulo na tutulungan Niya silang malaman kung ano ang sasabihin. Ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang ipinangakong tulong ng Panginoon para sa ating sarili? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 10:19–20; Doktrina at mga Tipan 84:85; at Doktrina at mga Tipan 100:5–8 para makita ang mga sagot sa tanong na ito. Kailan kayo natulungan ng Espiritu Santo na malaman kung ano ang sasabihin? Maaari mong ibahagi ang iyong mga karanasan at anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang sariling karanasan.

Mateo 12:1–13; Marcos 2:23–28

Ang Sabbath ay araw para gumawa ng kabutihan.

  • Para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath, nagpatupad ang mga Fariseo ng mahihigpit na patakaran at tradisyong gawa ng tao, na kalaunan ay nagpalabo sa kanilang pagkaunawa sa tunay na layunin ng Sabbath. Makikinabang ba ang mga tinuturuan mo sa isang talakayan kung bakit ibinigay sa atin ng Panginoon ang araw ng Sabbath? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga salaysay sa Mateo 12:1–13 at Marcos 2:23–28 at ibahagi ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa araw ng Sabbath. Anong karagdagang mga ideya tungkol sa araw ng Sabbath ang matatamo natin mula sa Exodo 31:16–17; Isaias 58:13–14; at Doktrina at mga Tipan 59:9–13? Anong mga tradisyon o patakaran ang maaaring makagambala sa atin mula sa tunay na layunin ng Sabbath?

  • Bagama’t binigyang-diin ng mga Fariseo ang maraming detalyadong patakaran hinggil sa Sabbath, itinuro ng Tagapagligtas ang isang simpleng alituntunin: “Matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath” (Mateo 12:12). Ang mga taong namumuhay ayon sa alituntuning ito kadalasan ay may kaunting problema sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Anong iba pang mga alituntunin ang nakakatulong sa mga miyembro ng klase na panatilihing banal ang araw ng Sabbath? Bakit mas epektibo ang pagtuturo ng mga alituntunin kaysa pagtatakda ng mga patakaran sa pagkakaroon ng espirituwal na self-reliance? (tingnan sa pahayag ni Propetang Joseph Smith sa “Karagdagang Resources”). May maiisip pa ba tayong iba pang mga alituntunin na makakatulong sa atin na sundin ang mga utos ng Diyos? Halimbawa, anong mga alituntunin ang makakatulong sa mga magulang na maganyak ang kanilang mga anak na sundin ang Word of Wisdom o gumawa ng family history research?

  • Maaaring makaragdag ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Sabbath ay Kaluguran” (Ensign o Liahona, Mayo 2015, 129–32)  sa “Karagdagang Resources” sa isang talakayan tungkol sa araw ng Sabbath.

  • Maaaring makatulong na rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang “Paggalang sa Araw ng Sabbath” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari nilang isadula kung paano nila ipaliliwanag sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan kung bakit nila pinananatiling banal ang araw ng Sabbath.

Lucas 7:36–50

Dahil pinatatawad tayo sa ating mga kasalanan, lumalago ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng babae at sa mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 7:36–50 kapag humihingi tayo ng tawad para sa ating mga kasalanan? Paano pinalalakas ng pagsisisi ang ating kaugnayan kay Cristo? Paano natin magagamit ang salaysay na ito para ituro sa isang tao kung ano ang kahulugan ng paghingi ng tawad?

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Maaari mong hamunin ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga talinghaga sa Mateo 13 at Lucas 813 at maghandang ibahagi sa klase sa susunod na linggo ang isang ideya tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo na natamo nila mula sa isa sa mga talinghaga.

resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 711

  

Isang atas sa mga Apostol sa mga huling araw.

Nang tawagin ang ilan sa mga unang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa dispensasyong ito, binigyan sila ng atas ni Oliver Cowdery na tulad ng ibinigay ni Jesucristo sa Mateo 10. Sabi niya:

“‘Kailangan ninyong labanan ang lahat ng maling palagay ng lahat ng bansa. … Sa gayo’y binabalaan ko kayo na magpakumbaba kayo nang husto, sapagkat alam ko ang kapalaluan ng tao. Mag-ingat, at baka malinlang kayo ng mga mambobola o palapuri sa mundo. Mag-ingat at baka umibig kayo sa mga makamundong bagay. Unahin ang inyong ministeryo. … Kailangang tumanggap kayo ng patotoo mula sa Langit para sa inyong sarili, para makapagpatotoo kayo tungkol sa katotohanan. …

“‘… Dadalhin ninyo ang mensaheng ito sa mga taong itinuturing ang kanilang sarili na matalino. At maaari nila kayong pahirapan; maaari nila kayong patayin. Noon pa man ay pinapatay na ng kaaway ang mga lingkod ng Diyos. Kung gayo’y kailangan kayong maging handa sa lahat ng oras na isakripisyo ang inyong buhay, sakaling hingin ito ng Diyos para isulong at itatag ang Kanyang layunin. …

“Pagkatapos ay hinawakan niya silang isa-isa sa kamay at sinabi, ‘Buong puso ka bang nakikibahagi sa ministeryong ito, upang ipahayag ang ebanghelyo nang buong sigasig sa iyong mga kapatid, ayon sa diwa at hangarin ng utos na natanggap mo?’ Na sinagot ng bawat isa ng oo” (sa Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, inedit ni Matthew C. Godfrey at ng iba pa [2016], 243–44, 247; isinunod ayon sa pamantayan ang pagbabaybay at bantas).

Pagtuturo ng mga tamang alituntunin.

Minsa’y may nagtanong kay Propetang Joseph Smith kung paano niya napamahalaan nang epektibo ang napakaraming tao sa Nauvoo. Nagpaliwanag ang Propeta, “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili” (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 331).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mangako ng mga pagpapala. Kapag nag-anyaya kang kumilos, magpatotoo sa iyong mga tinuturuan na tatanggapin nila ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kapag kumilos sila nang may pananampalataya sa Kanyang mga turo. Ang mga pagpapala ay hindi dapat maging pangunahing motibo natin sa pagsunod, ngunit hangad ng Ama sa Langit na pagpalain ang lahat ng Kanyang anak. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 35.)