Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 4–10. Mateo 8–9; Marcos 2–5: ‘Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya’


“Marso 4–10. Mateo 8–9; Marcos 2–5: ‘Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Marso 4–10. Mateo 8–9; Marcos 2–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

pinagagaling ni Jesus ang pilay na lalaki

Healing in His Wings, , ni Jon McNaughton

Marso 4–10

Mateo 8–9; Marcos 2–5

“Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya”

Ang iyong paghahandang magturo ay nagsisimula habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Mateo 8–9 at Marcos 2–5. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyong pag-aaral at mag-uudyok ng mga ideya sa pagtuturo bukod pa sa mga inilahad dito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari kang magdala ng ilang larawan na nagpapakita ng mga pangyayari sa Mateo 8–9 at Marcos 2–5 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 4041, o LDS.org) o ilista ang mga pangyayaring ito sa pisara. Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang alam nila tungkol sa bawat himala. Anong mga mensahe ang nakikita nila sa mga himalang ito?

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 8–9; Marcos 25

Ang mga himala ay nangyayari ayon sa kalooban ng Diyos at sa ating pananampalataya kay Jesucristo.

  • Maaaring nakakita na ng makapangyarihang mga ideya ang mga miyembro ng klase mo sa kanilang personal na pag-aaral ng mga himala sa mga kabanatang ito (tingnan sa listahan ng mga paggaling sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Isiping ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang kanilang mga ideya sa isang partner o sa buong klase.

  • Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang kaugnayan ng pananampalataya sa mga himala, maaari mong basahin ang ilan sa mga mahimalang paggaling mula sa Mateo 8–9 at Marcos 25, na hinahanap ang pananampalataya ng taong napagaling o ang pananampalataya ng iba. (Kung wala kang oras para talakayin ang lahat ng himala, itanong sa mga miyembro ng klase kung alin ang pinakamakahulugan sa kanila.) Ang ilan sa mga talatang ito ay makakatulong sa inyong talakayan: Mormon 9:15–21; Eter 12:12–16; Moroni 7:27–37; at Doktrina at mga Tipan 35:8. Ano ang itinuturo ng mga pagpapagaling ng Tagapagligtas at ng mga talatang ito tungkol sa pananampalataya at mga himala? Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Himala.”)

  • Maaaring may mga tao sa klase mo na may pananampalataya at naghahanap ng himala, ngunit hindi pa nangyayari ang himala sa paraang gusto nila. Ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan at ng ating mga pinuno ng Simbahan tungkol dito? Sa isang artikulong pinamagatang “Pagtanggap sa Kalooban at Takdang Panahon ng Panginoon,” ikinuwento ni Elder David A. Bednar kung paano niya pinayuhan ang isang mag-asawa na nasa sitwasyong ito (Liahona, Ago. 2016, 17–23; tingnan din sa 2 Mga Taga Corinto 12:7–10; DT 42:43–52). Nakita na ba ng mga miyembro ng klase na dumating ang mga pagpapala sa kanilang buhay o sa buhay ng iba kapag hindi nangyari ang hinangad na mga himala?

  • Habang nagbabasa tungkol sa mga himala sa Mateo 8–9 at Marcos 25, maaaring magtaka ang ilang tao kung posible ang gayong mga bagay sa panahong ito. Inilarawan ni Moroni ang ating panahon bilang isang panahon na “ang mga himala ay wala na,” ngunit ipinangako rin niya na ang Diyos ay Diyos pa rin ng mga himala, sapagkat ang Diyos ay “hindi nagbabagong Katauhan” (Mormon 8:26; 9:18–21; tingnan din sa Moroni 7:27–29). Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase mo na palakasin ang kanilang pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos na pagpalain ang kanilang buhay? Maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi ng mga halimbawa ng mga himalang nasaksihan nila. Maaari mo ring isiping magbahagi ng mga salaysay tungkol sa mga himala sa kasaysayan ng Simbahan (tingnan sa “Karagdagang Resources”).

babaeng hinahawakan ang laylayan ng damit ni Jesus

Trust in the Lord, ni Liz Lemon Swindle

Mateo 8:23–27; Marcos 4:35–41

Si Jesucristo ay may kapangyarihang maghatid ng kapayapaan sa gitna ng mga unos ng buhay.

  • Maaaring alam mo ang ilan sa mga hamong kinakaharap ng mga miyembro ng klase mo. Dahil lahat tayo ay may mga pagsubok kung minsan sa ating buhay, ang pagrebyu sa salaysay sa Marcos 4:35–41 ay maaaring magpatatag sa pananampalataya ng mga miyembro ng klase na ang Tagapagligtas ay maaaring maghatid ng kapayapaan sa kanila. Bigyan ng papel ang bawat tao, at hilingin sa kanila na isulat sa harap ng papel ang isang pagsubok na kanilang naranasan. Sa likod, hilingin sa kanila na isulat ang isang bagay mula sa Marcos 4:35–41 na naggaganyak sa kanila na bumaling sa Tagapagligtas sa oras ng kanilang mga pagsubok. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang isinulat nila, kung komportable silang gawin ito.

  • Ang himnong “Guro, Bagyo’y Nagngangalit,” Mga Himno, blg. 60, ay batay sa kuwento sa Mateo 8:23–27 at Marcos 4:35–41. Marahil may makikita ang mga miyembro ng klase na mga titik sa himno na may kaugnayan sa mga katagang nasa mga talata. Maaari ka ring magpakita ng isang larawan na nagpapakita ng tagpo (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 40) at talakayin kung anong sandali ang ipinapakita ng pintor. Ano ang iba pang mga paraan na maipauunawa mo sa mga miyembro ng klase ang kahulugan at kapangyarihan ng himalang ito?

Marcos 2:1–12

Ang pagsagip sa mga naliligaw ay nangangailangan ng nagkakaisa nating mga pagsisikap.

  • Itinuturo ng salaysay ng himalang ito ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagtulong sa Tagapagligtas sa pagsagip sa mga taong may espirituwal o pisikal na pangangailangan. Maaaring makaragdag ang mensahe ni Elder Chi Hong (Sam) Wong na “Tulung-tulong sa Pagsagip,” (Ensign o Liahona, Nob. 2014, 14–16) sa talakayan tungkol sa katotohanang ito. Isiping anyayahan ang isang miyembro ng klase na dumating sa klase na handa nang ikuwento ang salaysay sa mga banal na kasulatan at saka ibahagi kung ano ang itinuro ni Elder Wong. Ano ang matututuhan natin mula sa Marcos 2:1–12 tungkol sa kahalagahan ng pagkakaisa sa pagsagip sa mga nangangailangan? (tingnan din sa Marcos 3:24–25).

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 10–12; Marcos 2; at Lucas 711 sa darating na linggo, sabihin sa kanila na matatagpuan nila sa mga kabanatang ito ang ilang payo na makakatulong sa kanila na gampanan ang kanilang mga calling at responsibilidad sa Simbahan.

resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 8–9; Marcos 2–5

Pinagaling ni Propetang Joseph Smith ang mga maysakit.

Noong Hulyo 1839, maraming Banal na itinaboy mula sa Missouri ang nakatira sa mga bagon, tolda, at sa lupa malapit sa Commerce, Illinois. Marami ang malubha ang sakit, at pagod na sina Joseph at Emma Smith sa pagsisikap na tulungan sila. Inilarawan ni Wilford Woodruff ang nangyari noong Hulyo 22: “Isang araw iyon na nakita ang kapangyarihan ng Diyos. Maraming maysakit sa mga Banal sa magkabilang panig ng [Mississippi] River, at iniisa-isa sila ni Joseph, at hinawakan sila sa kamay at sa malakas na tinig ay inutusan sila sa ngalan ni Jesucristo na bumangon mula sa kanilang higaan at mapagaling, at lumundag sila mula sa kanilang higaan na napagaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. … Tunay na isang panahon iyon para magsaya” (Wilford Woodruff, Journal, Hulyo 22, 1839, Church History Library).

Pinayapa ni Elder Franklin D. Richards ang isang bagyo.

Ikinuwento ni Elder LeGrand Richards, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang isang karanasan sa buhay ng kanyang lolong si Elder Franklin D. Richards, na noong 1848 ay pinuno ng isang grupo ng mga Banal na British na tumatawid noon sa Atlantic Ocean patungong Estados Unidos: “Ang barkong sinakyan [ni Elder Richards] ay nalagay sa malaking panganib [sa isang matinding bagyo], kaya lumapit sa kanya ang kapitan ng barko at nagsumamo sa kanya na ipagdasal sa Panginoon ang kapakanan ng barko at ng mga pasahero nito; at lumabas si Lolo sa kubyerta ng barko, na naaalala na pinangakuan siya na magkakaroon siya ng kapangyarihan sa mga elemento, at itinaas ang kanyang mga kamay sa langit at sinaway ang dagat at mga alon, at agad na pumayapa ang mga ito” (sa Conference Report, Abr. 1941, 84).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo nang madalas. Ang iyong simple at taos-pusong patotoo tungkol sa espirituwal na mga katotohanan ay maaaring makaimpluwensya nang malaki sa mga tinuturuan mo. Hindi kailangang maging mahusay o mahaba ang iyong patotoo. Halimbawa, maaari itong maging simpleng patotoo tungkol sa himala ng pagkakaroon ng ebanghelyo sa iyong buhay.