“Marso 18–24. Mateo 13; Lucas 8; 13: ‘Ang May mga Pakinig, ay Makinig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Marso 18–24. Mateo 13; Lucas 8; 13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Marso 18–24.
Mateo 13; Lucas 8; 13
“Ang May mga Pakinig, ay Makinig”
Habang nagbabasa ka, mag-isip ng mga itatanong ng mga miyembro ng klase mo habang sinisikap nilang unawain ang mga mensahe ng mga talinghaga. Ano ang maaaring mahirap unawain? Paano ka maihahanda ng pag-aaral mo na sagutin ang kanilang mga tanong?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Rebyuhin sa klase ang “Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga pamamaraang ginamit nila para pag-aralan ang Mateo 13 at Lucas 8; 13.
Ituro ang Doktrina
Ang ating puso ay kailangang maging handang tanggapin ang salita ng Diyos.
-
Para matulungan ang mga tinuturuan mo na isalarawan ang mga mensahe ng talinghaga tungkol sa manghahasik, maaari kang magdala ng ilang binhi, isang paso ng lupa, at isang paso ng maliliit na bato sa klase. Hilingin sa isang miyembro ng klase na magtanim ng isang binhi sa lupa at ng isa pa sa mga bato. Aling binhi ang mas lalago, at bakit? Paano nauugnay ang pakay-aralin (object lesson) na ito sa talinghaga sa Mateo 13:1–23? Paano natin maihahanda ang ating puso na tanggapin ang salita ng Diyos?
-
Paano mo magagamit ang talinghaga tungkol sa manghahasik para maganyak ang mga miyembro ng klase mo na ihanda ang kanilang puso na tanggapin ang salita ng Diyos? Maaari mong isulat ang Mga Disipulo at Iba pa sa pisara. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 13:10–17 at hanapin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Kanyang mga disipulo at ng iba pa na nakarinig sa Kanyang mga talinghaga. Pagkatapos ay hilingin sa mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga talata 18–23, na hinahanap kung ano ang maaaring maging sanhi kung bakit “mahirap na mangakarinig” ang ating mga tainga o nakapikit ang ating mga mata sa mga espirituwal na bagay. Anong tagubilin ang tinatanggap natin sa ating panahon mula sa Diyos at Kanyang mga lingkod? Sa anong mga paraan tayo naglilinang ng “mabuting lupa”? (talata 23).
-
Maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na pumasok na handang magturo ng isang bahagi mula sa mensahe ni Elder Dallin H. Oaks na “Ang Talinghaga ng Manghahasik” (Ensign o Liahona, Mayo 2015, 32–35). Ano ang idinaragdag ng mensaheng ito sa pagkaunawa natin sa talinghaga?
Ipinauunawa sa atin ng mga talinghaga ni Jesus ang paglago, tadhana, at halaga ng Kanyang Simbahan.
-
Paano mo maipauunawa sa mga miyembro ng klase ang mga katotohanan tungkol sa Simbahan na itinuro sa mga talinghaga ni Jesus sa Mateo 13? Maaari mong ilista ang ilan sa mga talinghaga sa pisara (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 341–356). Hilingin sa maliliit na grupo ng mga miyembro ng klase na pag-aralan ang bawat talinghaga at hanapin kung ano ang natututuhan nila tungkol sa paglago at tadhana ng Simbahan. Ang isang paraan para maipon ang lahat ng ideya mula sa bawat grupo ay ang pagguhit ng malaking bilog sa pisara at pagsulat dito ng Simbahan ni Cristo (“ang kaharian ng langit”). Habang nagbabahagi ang bawat grupo, maaari nilang isulat ang isang bagay sa bilog na natutuhan nila tungkol sa paglago at tadhana ng Simbahan.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa kahalagahan ng pagiging kabilang sa Simbahan mula sa mga talinghaga tungkol sa kayamanan sa bukid at sa mahalagang perlas, na matatagpuan sa Mateo 13:44–46? Maaaring ang ilang miyembro ng klase mo (o ang mga taong kilala nila) ay nakagawa na ng mga sakripisyo—malaki man o maliit—para maging mga miyembro ng Simbahan. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga sakripisyong nagawa nila o nakita nilang ginawa ng iba para mapabilang sa Simbahan. Anong mga pagpapala ang dumating dahil dito? Isiping ibahagi ang kuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa opisyal ng navy sa “Karagdagang Resources.” Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung ano ang nahihiwatigan nilang isakripisyo para sa Simbahan.
Sa katapusan ng mundo, titipunin ng Panginoon ang mabubuti at lilipulin ang masasama.
-
Paano mo matutulungan ang klase mo na makakuha ng mga aral mula sa talinghaga ng trigo at mga pansirang damo para manatili silang tapat na mga Banal sa mga Huling Araw? Magsimula sa pamamagitan ng pagpapabuod sa mga miyembro ng klase ng talinghaga at ng interpretasyon nito. Maaari ding makatulong na idispley ang larawan ng trigo at mga pansirang damo mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Ano ang ilang aral sa talinghagang ito para sa ating panahon? Bakit mahalagang malaman na tinutulutan ng Panginoon ang Kanyang mga banal na “magsitubo” (Mateo 13:30) na kasama ng masasama hanggang sa panahon ng anihan? Paano natin mapapanatiling malakas ang ating pananampalataya sa kapaligirang ito, kung saan napapaligiran tayo ng kasamaan? Ang Doktrina at mga Tipan 86 ay nagbibigay ng karagdagang mga kaalaman sa pagsasabuhay ng talinghagang ito sa mga huling araw.
-
Ang pahayag ni Elder L. Tom Perry sa “Karagdagang Resources” ay nagpapahiwatig na ang mga pangsirang damo ay maaaring kumatawan sa “masasama at makamundong mga paraan” na pumapasok sa ating buhay. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano nila makikilala ang ganitong uri ng espirituwal na pansirang damo, isulat sa mga piraso ng papel ang ilang katotohanan ng ebanghelyo at ilang mali at makamundong ideya o gawi. Ilagay ang mga piraso ng papel sa isang sisidlan. Pagkatapos ay hilingin sa mga miyembro ng klase na pumili ng ilan at talakayin kung alin ang mga katotohanan at alin ang mga kasinungalingan. (Marami sa mga katotohanan at kasinungalingan ay tinutukoy sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya; maaari kayong tumingin doon para sa mga ideya.) Paano natin masusunod ang payo ni Elder Perry na “pangalagaan ang mabuti” sa ating buhay?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maaari mong banggitin na ang babasahin sa susunod na linggo ay nagkukuwento tungkol sa mga taong sumunod kay Jesus ngunit pagkatapos ay “hindi na nagsisama sa kaniya” (Juan 6:66). Sabihin sa mga miyembro ng klase na makakakita sila ng mga ideyang maaaring makatulong sa kanila at sa iba pa na manatiling tapat sa Tagapagligtas.
Karagdagang Resources
“Totoo ito, hindi ba?
Ikinuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang isang karanasan niya sa isang opisyal ng navy mula sa Asia na sumapi sa Simbahan kamakailan lang:
“Ipinakilala siya sa akin bago siya bumalik sa kanyang bayang sinilangan. Pinag-usapan namin ang mga [katotohanan ng ebanghelyo], pagkatapos ay sinabi ko: ‘Hindi Kristiyano ang mga kababayan mo. Ano ang mangyayari pag-uwi mo na isa ka nang Kristiyano, lalo pa’t isang Kristiyanong Mormon?’
“Nagdilim ang kanyang mukha, at sumagot siya, ‘Malulungkot po ang pamilya ko. Maaari nila akong itakwil at ituring na patay na. Tungkol naman po sa aking kinabukasan at trabaho, maaaring sarado na ang lahat ng oportunidad para sa akin.’
“Itinanong ko, ‘Handa ka bang gawin ang gayon kalaking sakripisyo para sa ebanghelyo?’
“Nagniningning ang kanyang mga matang basa ng luha … nang sumagot siya, ‘Totoo ito, hindi ba?’
“Nahihiya sa pagtatanong ko, sumagot ako ng, ‘Oo, totoo ito.’
“Na sinagot niya ng, ‘Kung gayo’y ano pa ang mas mahalaga kaysa rito?’” (“It’s True, Isn’t It?” Ensign, Hulyo 1993, 2).
Dapat nating pangalagaan ang mabuti.
Itinuro ni Elder L. Tom Perry: “Ang kaaway ng buong sangkatauhan noon pa man ay nakaisip ng maraming paraan upang maikalat ang mga panirang damo. Nakakita siya ng mga paraan na maipasok ang mga ito sa kasagraduhan ng ating sariling tahanan. Lumaganap nang husto ang kasamaan at kamunduhan kaya tila wala na talagang paraan para mapalis pa ang mga ito. Dumarating ang mga ito sa pamamagitan ng Internet at telebisyon [patungo] sa mismong mga device na nilikha natin upang turuan at libangin tayo. Ang trigo at ang panirang damo ay magkasamang tumubo. Ang katiwalang nangangasiwa sa bukid ay kailangang pangalagaan, nang buong lakas, yaong mabuti at palakasin at pagandahin ito upang hindi makaakit sa mata o tainga ang mga panirang damo” (“Pagkakaroon ng Walang-Hanggang Kapayapaan at Pagbubuo ng mga Walang-Hanggang Pamilya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 44).