“Marso 25–31. Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Mangatakot’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Marso 25–31. Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Marso 25–31
Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6
“Huwag Kayong Mangatakot”
Habang naghahanda kang magturo mula sa Mateo 14–15; Marcos 6–7; at Juan 5–6, maghanap ng mga mensahe na nauukol sa klase mo. Habang ginagawa mo ito, isipin kung paano maisasali ang mga miyembro ng klase sa isang makabuluhang karanasan sa mga banal na kasulatan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ang isang paraan para makapagsimula ng talakayan tungkol sa mga kabanatang ito ay anyayahan ang ilang miyembro ng klase na isa-isang pumili ng isang kabanata mula sa nakatakdang babasahin at pumasok na handang magbahagi ng isang mensahe mula sa kabanatang iyon na makahulugan sa kanila. Habang nagbabahagi sila, maaaring magtanong o magdagdag ng mga ideya ang iba pang mga miyembro ng klase.
Ituro ang Doktrina
Si Jesucristo ang Pinakamamahal na Anak ng Ama sa Langit.
-
Sa Juan 5, nagbigay ng ilang ideya si Jesus tungkol sa Kanyang sarili, sa Kanyang Ama, at sa Kanyang kaugnayan sa Ama. Para matulungan ang klase na tuklasin ang mga ideyang ito, subukan silang hatiin sa mga grupo at bigyan sila ng ilang minuto para ilista ang pinakamaraming katotohanang matatagpuan nila sa mga talata 16–47 tungkol sa pagkatao ng Diyos, kay Jesucristo, at sa kaugnayan Nila sa isa’t isa. Anyayahan ang mga grupo na magsalitan sa pagbasa ng mga katotohanan mula sa kanilang mga listahan hanggang sa maibahagi ang bawat katotohanan sa bawat listahan. Paano nakakatulong ang mga katotohanang ito para mas maunawaan natin ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak? Paano natin masusundan ang halimbawa ng pagsunod ni Jesucristo sa Ama?
-
May isang aktibidad sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na nag-aanyaya sa mga mag-aaral na tandaan ang bawat pagkakataon na ginamit ni Jesus ang salitang Ama sa Juan 5. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila kapag natapos na nila ang aktibidad. Anong mga ideya ang natamo nila tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak? Ano ang itinuturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo na mas nagpapaunawa sa atin kung sino ang ating Ama at bakit natin Siya sinasamba? Matatagpuan ang ilang ideya sa entry sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na “Diyos, Panguluhang Diyos” at sa entry na “Diyos Ama” sa Tapat sa Pananampalataya, 20–22. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaaring kantahin, pakinggan, o basahin ng inyong klase ang “Aking Ama,” Mga Himno, blg. 182.
Mateo 14:16–21; Marcos 6:33–44; Juan 6:5–14
Maaaring pag-ibayuhin ng Tagapagligtas ang ating handog upang isakatuparan ang Kanyang mga layunin.
-
Ano ang makakatulong sa mga miyembro ng klase na makasumpong ng personal na kahulugan sa himala ni Jesus sa pagpapakain sa limang libo? Maaari mong itanong kung paano pinag-iibayo ng pagbabasa tungkol sa mga himala ang kanilang pananampalataya sa kakayahan ng Tagapagligtas na personal silang pagpalain. Nadama na ba nila na hindi sapat ang kanilang kabuhayan o kakayahan upang isakatuparan ang isang mithiin o utos mula sa Diyos? Nadama na ba nila na pinag-ibayo o pinarami ng Tagapagligtas ang kanilang mga pagsisikap upang tulungan silang isakatuparan ang isang bagay na tila imposible?
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan nang mas malalim ang himalang inilarawan sa talatang ito? Anong mga detalye ang makikita natin sa salaysay na ito na nagpapalakas ng ating pananampalataya sa Tagapagligtas? Sa anong mga paraan tayo espirituwal na mapapakain ng Tagapagligtas? Kailan tayo napakain at nasuportahan ni Jesucristo? Para sa halimbawa ng isang himala sa ating panahon na kahalintulad ng himala ng mga tinapay at isda, tingnan ang Paul VanDenBerghe, “Kapangyarihan sa Panalangin,” Liahona, Hulyo 2012, 50–52.
Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na isantabi ang ating mga takot at pagdududa para mas lubusan tayong makalapit sa Kanya.
-
Ang salaysay sa Mateo 14:22–33 ay magpapaibayo ng pananampalataya ng mga miyembro ng klase sa Tagapagligtas at ng hangarin nilang sundin Siya. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang salaysay na ito, na higit na pinag-uukulan ng pansin ang mga sinabi nina Jesucristo, Pedro, at ng iba pang mga Apostol. Paano kaya nakatulong kay Pedro ang mga sinabi ni Jesus para magkaroon ng pananampalataya na lisanin ang bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig? Paano naaangkop sa atin ngayon ang payo ni Jesus na “laksan ninyo ang inyong loob” at “huwag kayong mangatakot” (talata 27)? Ano ang matututuhan natin mula kay Pedro tungkol sa kahulugan ng maging disipulo ni Jesucristo at magtiwala sa Kanya?
-
Ang Mateo 14:22–33 ay naglalaman ng mga salita at parirala na maaaring magbigay ng inspirasyon sa mga miyembro ng klase na mas manampalataya sa Tagapagligtas. Hilingin sa kanila na hanapin ang gayong nakapagbibigay-inspirasyon na mga salita at parirala, isulat ang mga ito sa pisara, at talakayin ang isinulat nila. Makakaugnay ba ang mga miyembro ng klase sa karanasan ni Pedro? Maaari mo silang hikayating pag-isipan at ibahagi ang mga karanasan nila nang kumilos sila, tulad ni Pedro, upang sumunod sa Tagapagligtas, kahit hindi tiyak ang kalalabasan nito. Ano ang natutuhan nila mula sa karanasang iyon? Paano sila nasagip ni Jesucristo sa mga sandali ng kanilang takot o pagdududa?
Bilang mga disipulo ni Cristo, kailangang handa tayong maniwala at tanggapin ang katotohanan kahit mahirap itong gawin.
-
Ang mga nangyari sa Juan 6 ay maaaring magbigay ng pananaw na makakatulong kapag may duda ang mga tao sa doktrina, kasaysayan, o mga patakaran ng Simbahan ni Cristo. Sa kabanatang ito, tumanggi ang ilan sa mga alagad ni Jesus na tanggapin ang Kanyang mga turo na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan at maliligtas lamang sila sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng Kanyang laman at dugo. Para matulungan ang mga miyembro ng klase mo na iangkop ang salaysay na ito sa kanilang buhay, maaari mong isulat ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod sa pisara at hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin ang mga sagot sa mga talata 22–71: Ano ang inaasahan ng mga tao? (tingnan sa talata 26). Sa halip ay ano ang inialok ni Cristo sa kanila? (tingnan sa talata 51). Ano ang hindi naunawaan ng mga tao? (tingnan sa mga talata 41–42, 52). Ano ang ilang paraan na maaari nating piliing lumakad na kasama ni Cristo kahit may mga pagdududa tayo? Anyayahan silang pagnilayan ang tanong ng Tagapagligtas at ang sagot ni Pedro sa mga talata 67–69. Anong ilang doktrina, ordenansa, o iba pang “mga salita ng buhay na walang hanggan” ang matatagpuan lamang sa ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nagpala sa kanila at sa kanilang pamilya ang mga doktrina at ordenansang ito. Para sa mga ideya mula sa isang Apostol sa makabagong panahon, anyayahan ang isang miyembro ng klase na basahin ang pahayag ni Elder M. Russell Ballard sa “Karagdagang Resources.”
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maaaring maganyak ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga talata para sa klase sa susunod na linggo kung ituturo mo na ang mga pangyayaring mababasa nila ay maaaring magpayaman sa karanasan nilang makinig sa pangkalahatang kumperensya. Hikayatin sila na pumasok sa susunod na klase na handang ibahagi ang kanilang mga ideya.
Karagdagang Resources
“Ibig baga ninyong magsialis din naman?”
Matapos banggitin ang Juan 6:68–69, itinuro ni Elder M. Russell Ballard:
“Para sa ilan, ang paanyaya ni Cristo na maniwala at manatili ay mahirap pa rin—o mahirap tanggapin. Ang ilang alagad ay nahihirapang unawain ang isang partikular na patakaran o turo ng Simbahan. Ang iba naman ay nakatuon sa ating kasaysayan o sa mga pagkakamali ng ilang miyembro at mga lider, noon at ngayon. May iba naman na nahihirapang ipamuhay ang isang relihiyon na masyadong maraming ipinagagawa. Panghuli, ang ilan ay ‘napagod sa paggawa ng mabuti’ [DT 64:33]. Dahil dito at sa iba pa, ang ilang miyembro ng Simbahan ay nalilito sa kanilang pananampalataya, iniisip kung dapat ba nilang sundan ang mga ‘nagsitalikod, at hindi na nagsisama’ kay Jesus.
Kung may sinuman sa inyo na nag-aalinlangan sa inyong pananampalataya, itatanong ko rin ang tanong ni Pedro: ‘Kanino [kayo] magsisiparoon?’ …
“… Kaya bago ninyo gawin ang mapanganib sa espiritu na desisyong umalis, hinihikayat ko kayong tumigil at isiping mabuti bago isuko ang anumang naghatid sa inyo sa patotoo ninyo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Tumigil at isipin ang nadama ninyo rito at bakit ninyo nadama ito. Isipin ang mga pagkakataon nang saksihan ng Espiritu Santo sa inyo ang walang hanggang katotohanan” (“Kanino Kami Magsisiparoon?” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 90–91).