Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 1–14. Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9: ‘Ikaw ang Cristo’


“Abril 1–14. Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9: ‘Ikaw ang Cristo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Abril 1–14. Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

Larawan
Pagbabagong-Anyo ni Cristo

The Transfiguration, ni Carl Heinrich Bloch

Abril 1–14

Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9

“Ikaw ang Cristo”

Anong mga mensahe ang narinig o nabasa mo mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya na maaaring sumuporta sa doktrina sa mga kabanatang ito? Habang nag-aaral ka, pagnilayan ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase mo at itala ang anumang impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang paraan para mahikayat mo ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang personal at kasama ang kanilang pamilya ay anyayahan silang ibahagi bawat linggo kung paano pinagpapala ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang buhay nila. Halimbawa, paano nakaimpluwensya ang pag-aaral nila ng mga kabanatang ito sa kanilang karanasan sa pangkalahatang kumperensya?

Larawan
teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 16:13–17

Ang isang patotoo tungkol kay Jesucristo ay dumarating sa pamamagitan ng paghahayag.

  • Kinailangan na ba ng sinuman sa mga miyembro ng klase mo na ipaliwanag sa iba kung paano nila nalaman na ang ebanghelyo ay totoo? Sa Mateo 16:13–17, ano ang itinuro ng Tagapagligtas kung paano tayo tumatanggap ng patotoo? Maaari mong ibahagi kung paano natamo ni Alma ang kanyang patotoo (tingnan sa Alma 5:45–46) o kung ano ang itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery tungkol sa paghahayag (tingnan sa DT 6:14–15, 22–23; 8:2–3). Ano sa palagay mo ang maaaring sabihin ni Pedro o ni Alma o ni Oliver Cowdery kung may magtanong sa kanila kung paano nila nalaman na ang ebanghelyo ay totoo?

  • Maaaring may mga tao sa klase mo na ipinagdarasal na makatanggap ng personal na paghahayag ngunit hindi alam kung paano matutukoy ito kapag ito ay dumating. Gumamit si Elder David A. Bednar ng dalawang karaniwang karanasan sa liwanag para ituro kung paano tayo tumatanggap ng paghahayag; maaari mong ibahagi ang mga ideya ni Elder Bednar sa mga miyembro ng klase (tingnan sa “Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87–90). Anong iba pang mga turo o salaysay sa mga banal na kasulatan ang maiisip ng klase mo na makakatulong na matukoy ng isang tao ang personal na paghahayag? (Halimbawa, tingnan sa I Mga Hari 19:11–12; Mga Taga Galacia 5:22–23; Enos 1:1–8; DT 8:2–3.)

Mateo 16:13–19; 17:1–9

Ang mga susi ng priesthood ay mahalaga sa ating kaligtasan.

  • Para magpasimula ng talakayan tungkol sa mga susi ng priesthood, maaari mong isulat ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod sa pisara: Ano ang mga susi ng priesthood? Sino ang mayhawak ng mga susi? Paano ibinibigay ang mga susi ng priesthood? Maaari mo ring ibahagi ang ilang reperensya sa banal na kasulatan na makakasagot sa mga tanong na ito, tulad ng Mateo 16:19; Doktrina at mga Tipan 107:18–19; 128:8–11; 132:18–19, 59; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:72. Makakakita ng karagdagang tulong ang mga miyembro ng klase sa pagsangguni sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.1.1; mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Kapangyarihan sa Priesthood” (Ensign o Liahona, Nob. 2013, 92–95); o Tapat sa Pananampalataya, 202–203. Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na magsaliksik tungkol sa tanong na pinili nila. Pagkatapos ay maaari nilang ituro sa isa’t isa ang kanilang natutuhan.

  • Ang isang talakayan tungkol sa pagtanggap ni Pedro at ng iba pang mga Apostol ng mga susi ng priesthood sa Bundok ng Pagbabagong-Anyo ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na palakasin ang kanilang patotoo tungkol sa panunumbalik ng mga susi ng priesthood sa mga huling araw. Para makaganyak ng gayong talakayan, maaari mong hilingin sa kalahati ng klase na pag-aralan ang Mateo 17:1–9 (tingnan din sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya) at sa natitirang kalahati na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 110. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila at tandaan ang mga pagkakatulad ng dalawang salaysay.  

  • Nauunawaan ba ng mga miyembro ng klase mo kung paano pinagpapala ng mga susi ng priesthood ang buhay nila? Para matulungan sila, maaari mo silang anyayahang saliksikin ang Handbook 2, 2.1.1, para sa listahan ng mga taong mayhawak ng mga susi. Sino ang mga taong ito sa inyong ward at stake? Maaari mo sigurong ilista ang mga pangalan nila sa pisara o anyayahan ang ilan sa kanila na magsalita sa klase. Paano nila ginagamit ang mga susi ng priesthood na ibinigay sa kanila upang pamahalaan ang gawain ng priesthood sa kanilang mga calling? Paano tayo pinagpapala ng paglilingkod ng mga lider ng priesthood na ito?

Larawan
estatuwa ni Pedro na mayhawak na mga susi

Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood.

Marcos 9:14–30

Sa paghahangad na mapalago ang pananampalataya, kailangan muna tayong kumapit sa pananampalatayang mayroon tayo.

  • Ginamit ni Elder Jeffrey R. Holland ang salaysay tungkol sa isang ama na naghahangad na gumaling ang kanyang anak para ituro kung paano natin dapat lapitan ang Panginoon kapag nadarama natin na hindi sapat ang ating pananampalataya (tingnan sa “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93–95). Tatlong pangunahing punto mula sa kanyang mensahe ang nasa “Karagdagang Resources.” Marahil ay maaari mong hatiin ang klase sa apat na grupo at ipatalakay sa isang grupo ang Marcos 9:14–30 at ipatalakay sa bawat nalalabing mga grupo ang isa sa tatlong obserbasyon ni Elder Holland. Maaari silang maghanap ng mga mensahe sa salaysay na ito sa banal na kasulatan na maaaring magpalago sa ating pananampalataya. Maaaring ibahagi ng bawat grupo sa iba pa sa klase ang ilang ideyang nagmula sa kanilang talakayan.

Larawan
learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na mag-aral sa bahay ngayong linggo, sabihin sa kanila na ang susunod na outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa kanila at sa kanilang pamilya na magkaroon ng mas makahulugang Pasko ng Pagkabuhay. Bukod pa rito, maaari mong imungkahi na baka magandang pagkakataon ang Linggo ng Pagkabuhay para mag-anyaya sila ng di-gaanong aktibong mga miyembro o mga kaibigan na iba ang relihiyon na magpunta sa simbahan.

Larawan
resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9

Ang mga auxiliary presidency ay tumatanggap ng itinalagang awtoridad.

“Lahat ng ward at stake auxiliary organization ay pinatatakbo sa ilalim ng pamamahala ng bishop o stake president, na mayhawak ng mga susi upang mamuno. Ang mga auxiliary president at ang kanilang mga tagapayo ay hindi tumatanggap ng mga susi. Tumatanggap sila ng itinalagang awtoridad para gumanap sa kanilang mga calling” (Handbook 2, 2.1.1).

Tatlong obserbasyon para tulungan tayong magpalago ng pananampalataya.

Matapos na muling ikuwento ang salaysay na matatagpuan sa Marcos 9:14–29, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Ang una kong napansin sa salaysay na ito ay nang magkaroon ng hamon sa pananampalataya, ginawa muna ng ama ang kanyang magagawa at saka niya kinilala ang kanyang limitasyon. Sumagot muna siya ng oo at walang pag-aatubiling sinabing: ‘[Panginoon,] nananampalataya ako.’ Sasabihin ko sa lahat ng nais maragdagan ang pananampalataya, alalahanin ang lalaking ito! Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan o problema, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. … Manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman. … Hindi mahalaga ang laki ng inyong pananampalataya o antas ng inyong kaalaman—ang mahalaga ay ang katapatan ninyo sa inyong pananampalataya at sa katotohanang alam na ninyo.

“Ang pangalawang napuna ko ay naiiba nang kaunti sa una. Kapag dumarating ang mga problema at tanong, huwag ninyong simulan ang paghahanap ng pananampalataya sa pagsasabi kung gaano karami ang wala sa inyo, simula sa inyong ‘kakulangan ng pananampalataya.’ … Hindi ko hinihiling na magkunwari kayong may pananampalataya kahit wala. Hinihiling ko na maging tapat kayo sa pananampalatayang taglay ninyo. … Maging tapat sa inyong mga tanong hangga’t maaari; lahat tayo ay may mga tanong sa buhay tungkol sa isang bagay. Kung gusto ninyo at ng inyong pamilya na mapagaling, huwag ninyong hayaang makahadlang ang mga tanong na iyan sa pananampalataya ninyo na magkakaroon ng himala. …

“Ang huling napansin ko: kapag kayo ay nag-aalinlangan o nahihirapan, huwag matakot na humingi ng tulong. Kung hihingin natin ito sa mapagpakumbaba at tapat na paraan tulad ng amang ito, makakamtan natin ito. Ang pagkasabi sa banal na kasulatan sa gayon kataimtim na hangarin ay ‘may tunay na hangarin,’ na ‘may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos’ [2 Nephi 31:13]. Bilang tugon sa gayong uri ng mapilit na pagsamo, pinatototohanan ko na magpapadala ang Diyos ng tulong mula sa magkabilang panig ng tabing upang patatagin ang ating paniniwala” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93–94).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng patotoo. Ang pagtatanong ng mga bagay na naghihikayat sa mga miyembro ng klase na magpatotoo ay maaaring isang epektibong paraan para maanyayahan ang Espiritu. Halimbawa, habang tinatalakay ang Mateo 16:13–17, maaari mong itanong, “Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas na nagpalakas sa inyong patotoo tungkol sa Kanya bilang Tagapagligtas?” (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 32.)

Print