Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 22–28. Mateo 18; Lucas 10: ‘Anong Aking Gagawin upang Magmana ng Walang Hanggang Buhay?’


“Abril 22–28. Mateo 18; Lucas 10: ‘Anong Aking Gagawin upang Magmana ng Walang Hanggang Buhay?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Abril 22–28. Mateo 18; Lucas 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

ang mabuting Samaritano

The Good Samaritan, ni Dan Burr

Abril 22–28.

Mateo 18; Lucas 10

“Anong Aking Gagawin upang Magmana ng Walang Hanggang Buhay?”

Basahin ang Mateo 18 at Lucas 10, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Kapag tumanggap ka ng mga impresyon, maaari mong itanong, tulad ng iminungkahi ni Elder Richard G. Scott, “May iba pa ba akong dapat malaman?” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 8).

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Maraming halimbawa ng mga turo ng ebanghelyo sa mga kabanatang ito na iba sa itinuturo sa atin ng mundo. Anong mga katotohanan ang nakita ng mga miyembro ng klase sa mga kabanatang ito na mahirap tanggapin o ipamuhay ng ilang tao?

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 18:21–35

Kailangan nating patawarin ang iba kung nais nating mapatawad ng Panginoon.

  • May pagkakataon na kailangan nating lahat na patawarin ang isang taong nanakit ng ating damdamin. Paano mo magagamit ang talinghaga ng walang-awang alipin upang maganyak ang mga miyembro ng klase na maging mas mapagpatawad? Marahil maaari mong isulat ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod sa pisara at anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga ito habang muling ikinukuwento ng iba ang talinghaga: Sino ang kinakatawan ng hari? Sino ang kinakatawan ng walang-awang alipin? Ano ang kinakatawan ng kanyang pagkakautang? Sino ang kinakatawan ng kapwa niya alipin? Ano ang kinakatawan ng kanyang pagkakautang? Ang impormasyon tungkol sa mga talento at denario sa “Karagdagang Resources” ay maaaring magbigay ng ideya sa mga miyembro ng klase kung gaano kalaki ang pagkakaiba ng dalawang pagkakautang sa talinghaga. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung ano ang mga mensahe ng talinghagang ito para sa kanilang mga sarili.

  • Maaari mong anyayahan ang klase na gumawa ng isang halaw (adaptasyon) ng talinghaga ng walang-awang alipin na ang itinuturong mga aral ay tungkol din sa pagpapatawad gamit ang mga sitwasyon at detalye sa makabagong panahon. (Isiping ipagawa ito sa kanila sa mga grupo.) Talakayin kung paano sinagot ng talinghaga ang tanong ni Pedro kung ilang beses siya dapat magpatawad.

  • Bukod pa sa Mateo 18:35, maipapaunawa ng sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan sa mga miyembro ng klase kung bakit nais ng Panginoon na patawarin natin ang lahat ng nagkakasala sa atin: Mateo 6:12–15; Mga Taga Efeso 4:32; at Doktrina at mga Tipan 64:7–11.

Lucas 10:25–37

Para matamo ang buhay na walang-hanggan, kailangan nating ibigin ang Diyos at ang ating kapwa.

  • Narito ang isang ideya na maaaring magbigay ng panibagong pananaw sa mga miyembro ng klase tungkol sa talinghaga ng mabuting Samaritano: Anyayahan silang magpanggap na iniimbestigahan nila ang isang kaso ng pag-atake at pagnanakaw sa daan sa pagitan ng Jerico at Jerusalem. Hilingin sa ilang miyembro ng klase na pumasok sa klase na handang kumatawan sa iba’t ibang tao sa talinghaga at pag-usapan ang pagkasangkot nila sa usapin. Halimbawa, bakit hindi tumigil ang saserdote at Levita para tulungan ang sugatang lalaki? Bakit tumigil ang Samaritano? Anong mga ideya ang maidaragdag ng katiwala sa bahay-tuluyan? Ano ang naramdaman ng sugatang lalaki tungkol sa iba? Tiyaking mabigyang-inspirasyon ng talakayan ang mga miyembro ng klase na tularan ang mabuting Samaritano at ang katiwala sa bahay-tuluyan at iwasang maging katulad ng saserdote at Levita. Kailan naramdaman ng mga miyembro ng klase na katulad sila ng “isang tao,” na talagang nangailangan ng tulong? Paano dumating ang tulong? Paano tayo maaaring magtulungan bilang mga miyembro ng ward para tulungan ang iba, tulad ng ginawa ng mabuting Samaritano at ng katiwala sa bahay-tuluyan?

  • Bukod sa pagtuturo kung ano ang ibig sabihin ng ibigin ang ating kapwa, maaari ding sumagisag ang talinghaga ng mabuting Samaritano sa kapangyarihan ni Jesucristo na iligtas tayo. (Ang mga detalye tungkol sa interpretasyong ito ay matatagpuan sa “Karagdagang Resources.”) Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang talinghaga, na hinahanap ito at ang iba pang posibleng mga simbolikong kahulugan. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala kapag binasa natin ang talinghaga sa ganitong paraan?

Lucas 10:38–42

Pinipili natin ang “magaling na bahagi” sa paggawa ng araw-araw na mga pagpapasiya na humahantong sa buhay na walang-hanggan.

  • Ang buhay ay puno ng mga makabuluhang bagay na gagawin. Ang kuwento tungkol kina Maria at Marta ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na isipin kung paano piliin ang “magaling na bahagi” (talata 42; tingnan din sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Matapos basahin ang Lucas 10:38–42 nang sama-sama, marahil ay maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung paano kaya sila tutugon sa payo ng Tagapagligtas kung sila ang nasa katayuan ni Marta. Paano kaya nakaapekto ang karanasang ito sa mga pagpapasiya nila sa hinaharap? Paano natin malalaman kung anong mga bagay sa ating buhay ang “kinakailangan”? (Lucas 10:42). Paano makakatulong ang mensahe ni Elder Dallin H. Oaks na “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda” (Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104–8) sa mga miyembro ng klase?

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sabihin sa klase mo na habang binabasa nila ang mga pahayag ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sariling pagka-Diyos sa Juan 7–10 para sa klase sa susunod na linggo, maaari nilang malaman nang may higit na katiyakan na Siya ang Cristo.

resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 18; Lucas 10

Mga talento at denario.

Mahirap malaman ang eksaktong halaga ng perang binanggit sa talinghaga ng walang-awang alipin (tingnan sa Mateo 18:23–35). Gayunman, may mga palatandaan sa Bagong Tipan na magpapaunawa sa atin sa malaking pagkakaiba ng 100-denariong utang sa 10,000-talentong utang.

Ang kapwa-alipin sa talinghaga ay may mas maliit na utang na 100 denario. Sa Mateo 20:2, isang denario [penny] (ang isahang anyo ng salitang pence) ang sahod sa maghapong trabaho sa isang ubasan. Kung gayon, ang kapwa-alipin ay kailangang magtrabaho nang 100 araw para kumita ng 100 denario para mabayaran ang kanyang utang. Ngunit ang halagang ito ay napakaliit kumpara sa 10,000-talentong utang ng walang-awang alipin. Sa Mateo 25:14–15, ang buong kayamanan ng isang tao—“ang kaniyang mga pagaari”—ay nagkakahalaga lamang ng walong talento. Samakatwid, kailangang pagsama-samahin ang naipong kayamanan ng mahigit 1,000 taong katulad ng lalaking ito para mabayaran ang utang ng walang-awang alipin.

mga barya noong unang panahon

Binanggit ni Jesus ang pera at utang para magturo ng tungkol sa pagpapatawad.

Ang malaking pagkakautang na binayaran ni Jesucristo para sa bawat isa sa atin.

Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ang natutuhan niya tungkol sa talinghaga ng walang-awang alipin nang dumalo siya sa isang klase sa institute:

“Napansin [ng guro] na ang 100-denariong kapatawaran, na inaasahang ibigay nating lahat sa isa’t isa at kinikilalang medyo malaking halaga, ay … maliit na kapalit ng 10,000-talentong kapatawarang ipinaabot sa atin ni Cristo.

“Ang utang na iyon ng huli, ang utang natin, ay napakalaki, pagpapaalala sa atin [ng guro], na halos hindi maunawaan. Ngunit iyon mismo, wika niya, ang itinuturo ng Tagapagligtas dito, na mahalagang bahagi ng talinghaga. Nais ni Jesus na madama ng kanyang mga tagapakinig ang kahit kaunti sa walang-hanggang saklaw at malalim na kaloob ng kanyang awa, kanyang kapatawaran, ang Kanyang Pagbabayad-sala.

“… Sa unang pagkakataon sa buhay ko ay naalaala ko na nadama ko ang laki ng kahalagahan ng sakripisyo ni Cristo para sa akin—isang kaloob na hindi ko pa rin maunawaan hanggang ngayon. Ngunit isang kaloob na naging dahilan, sa unang pagkakataon, para isipin kong kailangan kong patawarin ang ibang tao at lagi kong unawain ang kanilang damdamin at mga pangangailangan at sitwasyon” (“Students Need Teachers to Guide Them” [Church Educational System satellite broadcast, Hunyo 20, 1992]).

Interpretasyon ng mga naunang Kristiyano sa talinghaga ng mabuting Samaritano.

Sa paglipas ng mga siglo, nakakita ng mga simbolo ang mga Kristiyano sa talinghaga ng mabuting Samaritano na nagtuturo tungkol sa papel ni Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. Halimbawa, maaaring katawanin tayong lahat ng taong bumagsak sa kamay ng mga magnanakaw. Maaaring katawanin ng mga magnanakaw ang kasalanan at kamatayan. Maaaring katawanin ng Samaritano ang Tagapagligtas. Maaaring katawanin ng bahay-tuluyan ang Simbahan, at maaaring katawanin ng pangakong bumalik ng Samaritano ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. (Tingnan sa John W. Welch, “Ang Mabuting Samaritano: Limot na mga Simbolo,” Liahona, Peb. 2007, 27–33.)

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Habang binabasa mo ang mga salaysay tungkol sa pagtuturo ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan, hanapin ang mga aral sa Kanyang halimbawa na makakatulong sa iyo na maging mas mahusay na guro. Halimbawa, sa Lucas 10:25–37, ano ang ginawa ni Jesus para ituro sa abogado kung paano matatamo ang buhay na walang hanggan?