“Abril 29–Mayo 5. Juan 7–10: ‘Ako ang Mabuting Pastor’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Abril 29–Mayo 5. Juan 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Abril 29–Mayo 5
Juan 7–10
“Ako ang Mabuting Pastor”
Ikaw at ang mga miyembro ng klase mo ay magtatamo ng mga ideya habang binabasa ninyo ang Juan 7–10 sa linggong ito. Tandaan na ang mga ideya sa outline na ito ay dapat makaragdag sa halip na pumalit sa inspirasyong natatanggap mo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Paalalahanan ang mga miyembro ng klase na mahalagang gawing sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang kanilang tahanan. Anong mga talata mula sa Juan 7–10 ang tinalakay ng mga miyembro ng klase sa kanilang pamilya sa buong linggo? Ano ang mga mensaheng lubos na nakatulong sa kanila?
Ituro ang Doktrina
Si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
-
Sa buong Juan 7–10, may ilang pahayag ang Tagapagligtas na mas magpapaunawa sa mga miyembro ng klase sa Kanyang misyon at mas maglalapit sa Kanya. Isiping ipabasa sa mga miyembro ng klase ang sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan at ipabahagi kung ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa banal na misyon ng Tagapagligtas. Paano tinutupad ni Cristo ang mga tungkuling ito sa ating buhay?
-
Juan 7:37–39: “Kung ang sinomang tao’y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom”
-
Juan 8:58: “Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga” (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para sa mga ideya tungkol sa talatang ito)
-
Juan 9:8–10, 35–38: “Ang Anak ng Dios”
-
Juan 10:7–9: “Ang pintuan”
-
Juan 10:11–14: “Ang mabuting pastor”
-
Kapag ipinamuhay natin ang mga turo ni Jesucristo, malalaman natin na ang mga ito ay totoo.
-
Maaaring mas maunawaan ng mga miyembro ng klase kung paano nagpapalakas ng patotoo ang pagsunod sa isang kautusan kung ikukumpara nila ang pattern na ito sa proseso ng pag-aaral ng isang kasanayan sa pamamagitan ng personal na karanasan. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na marunong mag-juggle o tumutugtog ng isang instrumentong musikal na ipaliwanag kung paano sila nagkaroon ng mga kasanayang ito. Paano sila naturuan ng pagsasanay nang mag-isa nang higit kaysa panonood lamang sa iba na gamitin ang kasanayang iyon? Bilang isang klase, talakayin kung ano ang kaibhan ng pagsisikap na kailangan para matutuhan ang isang kasanayan sa espirituwal na pattern na inilarawan ng Tagapagligtas sa Juan 7:14–17. Anong mga karanasan ang maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase tungkol sa pagsunod sa pattern na ito para magtamo ng espirituwal na kaalaman?
-
Paano mo mailalarawan ang mga katotohanang itinuro sa Juan 7:14–17? Ang isang ideya ay hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung saan ay nagtamo sila ng patotoo tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pamumuhay nito. Ang isinalaysay ni Sister Bonnie L. Oscarson sa “Karagdagang Resources” ay isa ring magandang halimbawa. Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang alituntunin ng ebanghelyo na gusto nilang magkaroon pa sila ng mas malakas na patotoo, at pagkatapos ay hikayatin silang magtakda ng partikular na mga mithiin na mas lubusang ipamuhay ang alituntuning iyon.
Habang nakikila natin si Jesucristo, nakikilala natin ang Ama.
-
Pinansin ni Elder Jeffrey R. Holland: “Ang ilan sa daigdig ngayon ay nadarama ang pagkaligalig sa maling pagkakilala sa [Diyos Ama]. … Marami ngayon ang nagsasabing komportable nga sila sa mga bisig ni Jesus, ngunit asiwa silang isipin ang kahigpitan ng Diyos” (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 71). Ano ang itinuturo ng mga salita ng Tagapagligtas sa Juan 8:18–19, 26–29 tungkol sa kaugnayan Niya sa Kanyang Ama? Matapos basahin at talakayin ang mga talatang ito, maaaring ilista ng mga miyembro ng klase sa pisara ang ilang bagay na ginawa, sinabi, o itinuro ni Jesus. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos Ama mula sa mga bagay na ito?
Ang awa ng Tagapagligtas ay para sa lahat ng nagsisisi.
-
Sa mga taong nadarama na pinarurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan, maaaring magpalakas ng kanilang loob ang kuwento tungkol sa pag-aalok ng Tagapagligtas ng awa at pagsisisi sa babaeng nahuling nangangalunya. O, kung natutukso ang mga miyembro ng klase na husgahan ang iba dahil sa kanilang mga kasalanan, maaaring magsilbing babala ang kuwento. Maaari mo silang anyayahang basahin ang Juan 8:1–11, na hinahanap ang mga sagot sa mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa awa ng Tagapagligtas? Paano makakatulong sa atin ang pagtanggap ng Kanyang awa kapag nagkakasala tayo kapag natutukso tayong husgahan ang iba? (tingnan sa Alma 29:9–10).
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makakita ng personal na kaugnayan sa Juan 8:1–11, isiping hatiin ang klase sa tatlong grupo—isa para magtuon sa mga salita at kilos ng mga Fariseo, isa para magtuon sa mga salita at kilos ng Tagapagligtas, at isa para magtuon sa mga salita at kilos ng babae. Anyayahan ang bawat grupo na ilista ang mga espirituwal na katotohanang natutuhan nila mula sa pagbabasa ng bawat bahagi ng salaysay.
-
Kung minsan hindi natin alam ang mga paraan na hinuhusgahan natin ang iba. Narito ang isang aktibidad para madaig ng mga miyembro ng klase ang ganitong tendensiya: Hilingin sa klase na tulungan kang ilista ang mga paraan na hinuhusgahan natin ang mga tao (sa kanilang anyo, pag-uugali, pinagmulan, at iba pa). Bigyan ng ginupit na mga piraso ng papel na hugis-bato ang mga miyembro ng klase, at hilingin sa kanila na pumili ng isang paraan ng paghusga sa iba na sa tingin nila ay ginagawa nila at isulat ito sa isang batong papel. Ano ang matututuhan natin sa mga salita ng Tagapagligtas sa mga Fariseo sa Juan 8:1–11? Anyayahan ang klase na isulat sa likod ng kanilang batong papel ang isang bagay na magpapaalala sa kanila na huwag manghusga (marahil ay isang parirala mula sa Juan 8).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hilingin sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang pagkakataon na nawalan sila ng isang bagay na mahalaga sa kanila. Sa mga banal na kasulatan para sa lesson sa susunod na linggo, malalaman nila kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa mga bagay na nawala.
Karagdagang Resources
Ang pamumuhay ng isang alituntunin ay makakatulong sa atin na magtamo ng patotoo tungkol dito.
Sinabi ni Sister Bonnie L. Oscarson:
“Itinuro ng Tagapagligtas, ‘Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili’ [Juan 7:17]. Kung minsan ay kabaligtaran ang ginagawa natin. Halimbawa, maaaring ganito ang pamamaraan natin: Handa akong sundin ang batas ng ikapu, pero kailangan ko munang malaman kung ito ay totoo. Ipinagdarasal pa siguro nating magkaroon ng patotoo tungkol sa batas ng ikapu at umaasa na ibibigay sa atin ng Panginoon ang patotoong iyan bago pa man natin sulatan ang tithing slip. Hindi sa ganyang paraan mangyayari iyan. Inaasahan ng Panginoon na mananalig tayo. Dapat ay patuloy tayong magbayad ng buo at tapat na ikapu para magkaroon tayo ng patotoo sa ikapu. …
“Gusto kong magbahagi ng halimbawa kung paano nakatulong sa amin ang pamumuhay ng alituntunin para maniwala nang lubos sa alituntuning iyan. … Itinurong maigi sa akin ng aking mga magulang at guro [sa Simbahan] na mahalagang respetuhin ko ang aking katawan, panatilihing malinis ang isipan, at higit sa lahat, magtiwala sa mga utos ng Panginoon. Nagpasiya akong iwasan ang mga okasyon na alam kong may iaalok na alak at iniwasan kong manigarilyo at gumamit ng droga. Dahil dito madalas ay hindi ako imbitado sa mga party, at bihira akong makipagdeyt. Naging talamak sa mga kabataan ang paggamit ng droga, at ang mga pinsalang dulot nito ay di-gaanong alam noon kumpara ngayon. Marami sa mga kabataang kilala ko ang permanenteng napinsala ang utak at ang iba naman ay nalulong sa droga. Nagpasalamat ako na naturuan ako sa tahanan namin na sundin ang Word of Wisdom, at nagkaroon ako ng malalim na patotoo sa alituntuning iyan ng ebanghelyo nang manalig ako at [nang ipinamuhay ko] ito. Ang magandang pakiramdam na dumating sa akin mula sa pamumuhay ng isang tunay na alituntunin ng ebanghelyo ay ang Espiritu Santo na nagpapatunay na ang alituntunin ay totoo” (“Magbalik-loob Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 77).