Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makipagkatuwa Kayo sa Akin, Sapagka’t Nasumpungan Ko ang Aking Tupang Nawala’


“Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makipagkatuwa Kayo sa Akin; Sapagka’t Nasumpungan Ko ang Aking Tupang Nawala’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

Larawan
lalaking niyayakap ang kanyang anak

The Prodigal Son, ni Liz Lemon Swindle

Mayo 6–12

Lucas 12–17; Juan 11

“Makipagkatuwa Kayo sa Akin, Sapagka’t Nasumpungan Ko ang Aking Tupang Nawala”

Simulan ang iyong paghahanda sa mapanalanging pag-aaral ng Lucas 12–17 at Juan 11. Sinong “tupang nawala” sa klase mo ang pumapasok sa isip mo? Gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang outline na ito habang hinahangad mo ang patnubay ng Panginoon kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase, kahit na hindi sila dumadalo sa klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Ang pagsasabuhay ay mahalagang bahagi ng pagkatuto, kaya anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila piniling ipamuhay ang natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan sa linggong ito.

Larawan
teaching icon

Ituro ang Doktrina

Lucas 14:15–24

Walang sapat na dahilan para tanggihan ang ebanghelyo.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang talinghaga ng malaking hapunan, maaari mo silang anyayahan sa isang kunwa-kunwariang party na ikaw ang host. Ipabahagi sa kanila ang ilang dahilan kung bakit sila dadalo o hindi dadalo. Basahin ang Lucas 14:15–24 nang sama-sama, at talakayin ang mga dahilan ng mga tao sa talinghaga nang anyayahan sila sa isang piging na kumakatawan sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Ano ang idinadahilan ng mga tao ngayon sa hindi pagtanggap sa mga paanyaya ng Tagapagligtas na tanggapin ang mga pagpapala ng Ama sa Langit? Marahil ay maibabahagi ng mga miyembro ng klase ang mga pagpapalang natanggap nila nang gawin nila ang mga sakripisyong kailangan para ipamuhay ang ilang alituntunin ng ebanghelyo.

Lucas 15

Maaari nating hanapin ang mga nawawala at maaari tayong magalak na kasama ng Ama kapag bumalik sila.

  • Paano mo mabibigyan ng inspirasyon ang iyong mga tinuturuan na hanapin ang mga taong “nawala” dahil wala sa kanila ang mga pagpapala ng ebanghelyo at anyayahan silang bumalik? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin sandali ang “tupang nawala” na kilala nila at pagkatapos ay ipabasa ang Lucas 15:1–7 na nasasaisip ang taong iyon. Ano ang inspirasyon na gusto nilang gawin para tulungan ang taong iyon nang may respeto at pagmamahal? Ang kuwento ni Pangulong Thomas S. Monson sa “Karagdagang Resources” o ang mensahe ni Elder Mervyn B. Arnold na “Magligtas: Kaya Nating Gawin Ito” (Ensign o Liahona, Mayo 2016, 53–55) ay maaaring makatulong sa talakayang ito.

  • Makakatulong kaya sa mga miyembro ng klase na maunawaan ang mga paraan kung paano maaaring mawala ang isang tao? Isiping italaga sa mga grupo ng mga miyembro ng klase ang isa sa tatlong talinghaga sa Lucas 15 para pag-aralan. Ano ang ipinahihiwatig ng mga talinghaga kung paano natin dapat subukang hanapin ang mga nawala? Anong mga salita sa Lucas 15 ang naghahayag sa nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa mga nawala? Ang sabay-sabay na pagkanta ng “Nasa Puso ng Pastol,” Mga Himno, blg. 134, ay maaaring maging makabuluhang karagdagan sa mga turo ng mga talinghagang ito.

  • Maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase mo sa pagtutuon sa mga salita at kilos ng nakatatandang anak sa talinghaga ng alibughang anak. Marahil ay maaari silang magsulat ng isang alternatibong katapusan ng talinghaga kung saan iba ang ipinakitang ugali ng nakatatandang anak sa kanyang kapatid. Ano ang itinuturo sa atin ng payo ng ama sa talinghaga kung ano ang dapat nating madama tungkol sa mga nawala at sa mga nagbabalik sa ebanghelyo? (Tingnan din sa pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.”) O maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y sila ang ama sa talinghagang ito. Ano ang maidaragdag nilang payo sa nakatatandang anak para matulungan siyang magalak sa pag-unlad o tagumpay ng iba?

Juan 11:1–46

Si Jesucristo ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay.

  • Nang basahin nila ang pagpapabangon kay Lazaro sa linggong ito, may natuklasan bang anuman ang sinuman sa mga miyembro ng klase mo na nagpalakas sa kanilang pananampalataya na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas? Anyayahan silang ibahagi ang kanilang natuklasan. Ano ang iba pang mga karanasang nagpatatag sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo? Maaari mong ituro na sa panahon ng himalang ito, si Lazaro ay hindi nabuhay na mag-uli kundi ibinalik sa mortal na buhay.

    Larawan
    tumatangis si Jesus

    Jesus Wept, ni James Tissot

  • Ang isang paraan para masuri ang Juan 11:1–46 ay hilingin sa mga miyembro ng klase na magsalitan sa pagbabasa ng mga talata at patigilin sila kapag nakakita sila ng katibayan ng pananampalataya kay Jesucristo. Hilingin sa kanila na talakayin ang kanilang nakita. Paano mapapalakas ng mga pagsubok at kahinaan ang ating pananampalataya sa Kanya?

  • Ang isa pang paraan para mabasa ang salaysay na ito ay atasan ang ilang miyembro ng klase na isipin ang mga pananaw ng mga taong sangkot—tulad ng Tagapagligtas, mga Apostol, sina Marta, Maria, at Lazaro. Ano ang matututuhan natin mula sa bawat isa sa kanila? Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa Juan 11:33–35? Bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Kanya?

Larawan
learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 19–20; Marcos 10; at Lucas 18, maaari kang magtanong na tulad ng “Ano kaya ang madarama mo kung nagtrabaho ka maghapon at pareho ang ibinayad sa iyo at sa nagtrabaho nang isang oras lang?” Sabihin sa kanila na may isang talinghaga sa babasahin sa susunod na linggo na nagpapahiwatig kung paano ito maituturing na patas.

Larawan
resources icon

Karagdagang Resources

Lucas 12–17; Juan 11

“Nahuli n’yo ’ko.”

Ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson ang sumusunod na karanasan niya habang naglilingkod bilang bishop: “Napansin ko isang linggo ng umaga na wala na naman sa miting ng priesthood si Richard, isa sa mga priest namin na bihirang dumalo. Pinabantayan ko muna ang korum sa adviser at binisita ko si Richard sa bahay. Sabi ng nanay niya nagtatrabaho siya sa isang lokal na garaheng nagkukumpuni ng mga kotse. Pumarada ako sa garahe para hanapin si Richard at naghanap ako sa lahat ng dako pero hindi ko siya nakita. Bigla akong nagkaroon ng inspirasyong sumilip sa ilalim ng makalumang grease pit sa tabi ng gusali. Mula sa kadiliman nakita ko ang dalawang matang kumikislap. Narinig kong sinabi ni Richard, ‘Nahuli n’yo ’ko, Bishop! Aakyat ako.’ Nang mag-usap kami ni Richard, sinabi ko kung gaano namin siya kinasabikan at kailangan. Napapangako ko siyang dumalo sa kanyang mga miting. … [Kalaunan], sinabi ni Richard na nagbago ang buhay niya nang makita siya ng kanyang bishop na nagtatago sa grease pit at tinulungan siya nitong maging aktibong muli” (“Sugar Beets at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Liahona, Hulyo 2009, 4–5).

Mga aral mula sa isa pang alibughang anak.

Narito ang puna ni Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa kuya ng alibughang anak:

“Hindi pag-uwi ng kapatid ang ikinagalit ng anak na ito kundi ang katuwaan ng kanyang mga magulang tungkol dito. Damang hindi siya pinahalagahan at marahil sa higit na pagkaawa sa sarili, ang masunuring anak na ito—at talagang kalugud-lugod naman—ay saglit na nalimutang hindi siya kailanman madurumihan o mawawalan ng pag-asa, matatakot o mamumuhi sa sarili. Nalimutan niyang bawat alagang hayop sa rantso ay kanya na at gayundin ang mga damit sa lalagyan at ang bawat singsing na nakatago. Saglit niyang nalimutan na ang kanyang katapatan ay lagi nang gagantimpalaan.

“Hindi, siya na halos angkin na ang lahat dahil sa kanyang kasipagan at nakalulugod na paraan, ay kulang pa ng isang bagay na sana’y naging dahilan ng pagiging ganap niyang alagad ng Panginoon na halos ay naabot na niya. Kailangan pa niyang masumpungan ang pagkahabag at pagkaawa, ang mapagkawanggawang pananaw para makitang hindi karibal itong bumabalik. Ito ay kapatid niya. Tulad ng samo sa kanya ng ama na tignan niya, siya na patay na at muling nabuhay. Siya na nawala at muling nasumpungan” (“The Other Prodigal,” Ensign, Mayo 2002, 63).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tumulong sa isa. Tulad ng pastol sa talinghaga ng Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 15:4), “matutulungan mo ang mga wala sa klase mo. Ang mga oportunidad mong turuan at palakasin ang mga miyembro ng klase at tulungan silang lumapit kay Cristo ay nagpapatuloy sa labas ng silid-aralan at sa mga hindi dumadalo sa klase mo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8).

Print