Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 13–19. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18: ‘Ano pa ang Kulang sa Akin?’


“Mayo 13–19. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18: ‘Ano pa ang Kulang sa Akin?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Mayo 13–19. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

mga manggagawa sa ubasan

Mayo 13–19

Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18

“Ano pa ang Kulang sa Akin?”

Habang pinag-aaralan mo ang Mateo 19–20; Marcos 10; at Lucas 18, mapanalanging isipin kung ano ang maaaring natutuhan o nadama ng mga miyembro ng klase sa sarili nilang pag-aaral.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring makatulong na talakayin paminsan-minsan ang mga karanasan ng mga miyembro ng klase na may kaugnayan sa ibayong pagtutuon ngayong taon sa pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan. Anong matagumpay na mga karanasan ang maibabahagi nila? Anong mga balakid o hamon ang kinakaharap nila? Anong payo ang maibibigay nila sa isa’t isa?

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 19:3–9

Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.

  • Lalong napapalayo sa walang-hanggang katotohanan ang mga pananaw ng mundo tungkol sa kasal. Para maituro sa klase mo ang mga pananaw ng Diyos tungkol sa kasal, maaari mo silang anyayahang basahin ang Mateo 19:3–9 at ipalista sa pisara ang mga katotohanang nakita nila tungkol sa kasal. Maaari din nilang ilista ang iba pang mga katotohanang nakita nila sa mga sumusunod: Genesis 1:27–28; I Mga Taga Corinto 11:11; Doktrina at mga Tipan 42:22; 49:15–17; 131:1–4; 132:19; at Moises 3:18, 21–24. Paano napatibay ang mga katotohanang ito sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”? (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).

  • Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na maging mas handang ipaliwanag o ipagtanggol ang mga turo ng Panginoon tungkol sa kasal? Maaari mo silang anyayahang ilista sa pisara ang ilang tanong na narinig nila tungkol sa mga turo ng Simbahan tungkol sa kasal. Pagkatapos ay maaari silang magmungkahi ng mga sagot sa mga tanong na ito gamit ang nalalaman nila tungkol sa plano ng kaligtasan at sa mga pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Mateo 19:3–9, at mga turo sa “Karagdagang Resources.” Isiping ipasadula sa mga miyembro ng klase kung paano nila ipapaliwanag ang ating mga paniniwala tungkol sa kasal sa isang taong iba ang paniniwala.

  • Isiping pasimulan ang paksa ng kasal sa sumusunod na sipi mula kay Elder Robert D. Hales: “Walang nagpapakasal sa atin sa perpekto; nagpapakasal tayo sa may potensyal”(“Pagtugon sa mga Hamon ng Mundo Ngayon,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 46). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin ang isang mag-asawang hinahangaan nila. Ano ang mga katangian ng mag-asawang ito? Ano ang mga katangiang gusto ng mga miyembro ng klase sa isang asawa, at ano ang mga katangiang gusto nilang taglayin para maging mabuting asawa? Isipin din ang mga pahayag na magagamit mo mula sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Selestiyal na Kasal” (Ensign o Liahona, Nob. 2008, 92–95) upang bigyan ng inspirasyon ang mga miyembro ng klase na maghangad ng selestiyal na kasal.

may-edad nang mag-asawa sa harapan ng templo

Ang walang-hanggang kasal ay bahagi ng plano ng Diyos.

Mateo 20:1–16

Ang buhay na walang hanggan ay para sa lahat—gaano man kaaga o kahuli natin tanggapin ang ebanghelyo.

  • Ano ang makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na isabuhay ang mga alituntunin sa talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan? Maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na maghandang isadula ang talinghaga para itanghal sa klase. Pagkatapos ng pagtatanghal, maaaring ibahagi ng mga taong gumanap na mga manggagawa kung ano ang pakiramdam nila sa ibinayad sa kanila at bakit. Ano ang ipinahihiwatig ng talinghagang ito tungkol sa kaharian ng langit? Anong karagdagang mga ideya ang matatamo ng mga miyembro ng klase tungkol sa talinghagang ito mula sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ang mga Manggagawa sa Ubasan”? (Ensign o Liahona, Mayo 2012, 31–33).

Mateo 19:16–22; Marcos 10:17–27

Gagabayan tayo ng Tagapagligtas palapit sa Kanya kapag hiningi natin ang Kanyang tulong.

  • Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na matukoy at maisabuhay ang mga alituntunin sa kuwento tungkol sa mayamang binata? Ang isang paraan ay hilingin sa kanila na basahin ang Marcos 10:17–27 at isipin kung nadama na nila ang nadama ng mayamang binata. Ano ang nakatulong sa kanila na sundin ang payo ng Tagapagligtas kahit na ito ay mahirap? Maaari bang magbahagi ang sinuman sa klase ng isang karanasan kung saan itinanong niyang, “Ano pa ang kulang sa akin?” (Mateo 19:20) at tumanggap ng personal na panghihikayat na magpakabuti? Ano ang kaibhang nagawa nito sa kanyang buhay?

Lucas 18:9–14

Dapat tayong magtiwala sa awa ng Diyos, hindi sa ating sariling kabutihan.

  • Ang talinghaga ng Tagapagligtas na ikinukumpara ang panalangin ng isang Fariseo sa panalangin ng isang maniningil ng buwis ay makakatulong sa iyo na itampok ang ugaling hinihiling ng Panginoon sa mga gustong sumunod sa Kanya. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na iangkop ang talinghagang ito sa ating panahon, maaari mo silang anyayahan na muling isulat ang panalangin ng Fariseo sa isang paraan na gumagamit ng mga makabagong detalye ngunit nagsasaad ng gayon ding mga pag-uugali. Magagawa rin nila ito sa panalangin ng maniningil ng buwis at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang isinulat. Paano nauugnay ang mga talata 15–17 at 18–24 sa itinuro ng Tagapagligtas sa talinghagang ito?

  • Paano magaganyak ng mga talatang ito ang mga tinuturuan mo na manatiling mapagpakumbaba, na tulad ng maniningil ng buwis? Marahil ay makakatulong ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund tungkol sa mga talatang ito: “Malinaw ang mensahe sa atin: ang nagsisising makasalanan ay mas napapalapit sa Diyos kaysa sa taong nagmamalinis na lumalait sa makasalanan” (“Ang Ating Mabuting Pastol,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 31).

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang klase mo na pag-aralan ang Mateo 21–23; Marcos 11–12; Lucas 19–20; at Juan 12, isiping tanungin sila ng, “Ano ang gagawin mo kung isang linggo ka na lang mabubuhay?” Sabihin sa kanila na inihahayag ng mga kabanatang ito ang ginawa ng Tagapagligtas sa huling linggo ng Kanyang buhay.

resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18

Ang kasal ay sentro sa plano ng Diyos.

Inilabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pahayag na ito tungkol sa pagpapakasal ng magkapareho ang kasarian:

“Hinihikayat namin ang lahat na isaisip ang mga layunin ng ating Ama sa Langit sa paglikha ng daigdig at paglalaan para sa ating pagsilang sa mundo at karanasan dito bilang Kanyang mga anak [tingnan sa Genesis 1:27–28; 2:24]. … Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay itinatag ng Diyos at pangunahin sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak at para sa kapakanan ng lipunan. …

“… Inaasahan ng Diyos na aayunan at susundin natin ang Kanyang mga utos magkakaiba man ang opinyon o kalakaran sa lipunan. Ang Kanyang batas ng kalinisang-puri ay malinaw: ang seksuwal na relasyon ay nararapat lamang mamagitan sa isang lalaki at isang babae na ikinasal ayon sa batas bilang mag-asawa” (“LDS Church Instructs Leaders Regarding Same-Sex Marriage,” Ene. 10, 2014, mormonnewsroom.org).

Karagdagang mga ideya tungkol sa kasal.

Ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay maaaring makatulong sa pagtalakay kung bakit nagbababala ang mga propeta ng Panginoon laban sa anumang bagay na salungat sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Maaari ding makatulong ang mga sumusunod:

  • Ang pamilya ay isang walang-hanggang konsepto. Lahat tayo ay bahagi ng pamilya ng Diyos, at ang Kanyang plano ay makasal at mabuklod ang mga lalaki at babae upang mabuhay sila nang walang hanggan bilang pamilya (tingnan sa Genesis 2:18, 21–24; I Mga Taga Corinto 11:11).

  • Bilang bahagi ng plano ng Diyos, ang mga mag-asawa ay inutusang magpakarami at kalatan ang lupa (tingnan sa Genesis 1:28) at pangalagaan ang kanilang mga anak sa kabutihan.

  • Ang pinakalayunin ng plano ng Diyos ay kadakilaan, o buhay na walang-hanggan, sa piling ng Diyos, kung saan ang matatapat na mag-asawa ay magkakaroon ng walang-hanggang pag-unlad at walang-hanggang kagalakan (tingnan sa DT 132:19–21). Ang plano ng Diyos ang tanging paraan para magtamo ng kadakilaan (tingnan sa DT 131:1–4).

  • Inaasahan ng Panginoon na magpapakita tayo ng pagmamahal at pagkahabag sa mga taong nagtataguyod o lumalahok sa isang bagay na naiiba sa plano ng Diyos tungkol sa kasal, tulad ng pagsasama nang hindi kasal o pagpapakasal ng magkapareho ang kasarian (tingnan sa mormonandgay.lds.org). Kasama sa tunay na pagkahabag ang paggawa ng lahat para mapagmahal at matiyaga silang anyayahang sundin ang plano ng Diyos, na siyang tanging plano ng tunay na kaligayahan. Ang pagtanggap o pag-endorso sa mga alternatibo sa plano ng Diyos ay mas nakakapinsala kaysa nakakatulong.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Kailangan ng Diyos ang iyong natatanging mga talento at kakayahan. “Mapagpapala mo ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal mo sa iba, sa mga kaloob na bigay sa iyo ng Diyos, at sa mga karanasan mo sa buhay. Kapag matapat kang naglingkod at naghangad ng tulong ng Diyos, palalakasin ka Niya, at ikaw ay lalago sa kakayahan mong magturo ng ebanghelyo sa paraan ng Tagapagligtas” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 5).