“Mayo 20–26. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12: ‘Narito, ang Hari Mo’y Pumaparito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Mayo 20–26. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Mayo 20–26
Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12
“Narito, ang Hari Mo’y Pumaparito”
Habang binabasa mo ang Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; at Juan 12, isipin ang mga bagay na maaari mong itanong na makakatugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase mo. Bibigyang-inspirasyon ka ng Espiritu Santo na malaman kung aling mga tanong at alituntunin, kabilang na ang mga nabanggit sa outline na ito, ang mas makakatugon sa mga pangangailangang iyon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sa buong linggo bago magklase, anyayahan ang ilang miyembro ng klase na maghandang magbahagi ng isang karanasan nila sa pag-aaral ng mga takdang kabanata para sa linggong ito. Anong mga pagpapala ang dumarating sa kanila habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan sa buong linggo?
Ituro ang Doktrina
Kilala ng Tagapagligtas ang bawat isa sa atin.
-
Malamang na nadama na ng mga miyembro ng klase mo na sa kanilang buhay kung minsan ay may nakakaligtaan o nakakalimutan na sila. Ang salaysay tungkol kay Zaqueo ay magpapaunawa sa kanila na kilala at pinagmamalasakitan sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Para maihalintulad ng mga miyembro ng klase ang salaysay na ito sa kanilang buhay, anyayahan silang isipin na kunwari’y sila si Zaqueo. Ano sa palagay mo ang natutuhan niya tungkol sa Tagapagligtas sa karanasang ito? Ano ang matututuhan natin mula sa mga pagsisikap ni Zaqueo na hanapin ang Tagapagligtas?
-
Maaari ding makatulong na hilingin sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng iba pang mga pagkakataon sa mga banal na kasulatan kung saan tinawag ng Panginoon ang mga tao sa pangalan. (May ilang halimbawa sa “Karagdagang Resources.”) Maaari mo ring hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na napatunayan nila na nakikilala sila nang personal ng Panginoon.
Mateo 21:1–11; Marcos 11:1–11; Lucas 19:29–44; Juan 12:12–16
Si Jesucristo ang ating Hari.
-
Maaaring pasimulan sa isang simpleng aktibidad ang talakayan tungkol sa matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem: Maaaring magdrowing sa pisara ang ilang miyembro ng klase ng mga bagay na may kaugnayan sa isang hari, tulad ng isang korona o isang trono, samantalang huhulaan naman ng iba ang idinodrowing nila. Pagkatapos ay maaaring magdrowing ang iba pang mga miyembro ng klase ng isang batang asno at mga sanga ng puno. Ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa isang hari? Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang larawan ng matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at hilingin sa mga miyembro ng klase na basahin ang Marcos 11:1–11. Paano kinilala ng mga taong ito si Jesus bilang kanilang Hari? Paano natin sinasamba si Jesucristo bilang ating Hari sa ating mga salita at kilos?
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase na si Jesucristo ang ating Hari, maaari mong hilingin sa kanila na rebyuhin ang himnong “Halina, Hari ng Lahat,” Mga Himno, blg. 32, o iba pang himno tungkol kay Jesus bilang ating Hari. Anong mga salita sa himno ang nagpapaalala sa atin tungkol sa mga katotohanan sa Mateo 21:1–11; Marcos 11:1–11; Lucas 19:29–44; at Juan 12:12–16?
Ang dalawang dakilang utos ay mahalin ang Diyos at mahalin ang kapwa tulad sa ating sarili.
-
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na ang pagsesentro ng ating buhay sa iba pang mga bagay maliban sa dalawang dakilang utos ay parang pagpana sa dingding na walang anumang nakasabit at pagdodrowing ng mga target sa paligid ng mga palaso (tingnan sa “Pagtutok sa Sentro,” Ensign o Liahona, Ene. 2017, 4–5). Matutulungan ba ng pagsisiyasat sa analohiyang ito ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang Mateo 22:34–40? Ang isang paraan para magawa ito ay maglatag ng isang malaking papel sa sahig at pagsalit-salitin ang mga miyembro ng klase sa paglalaglag ng bolpen o lapis dito. Pagkatapos ay maaari nilang idrowing ang mga target kung saan tumama ang kanilang bolpen o lapis sa papel at sulatan ang bawat target ng isang kautusan. Matapos basahin ang Mateo 22:34–40 nang sama-sama, maaari kang magdrowing ng panibagong target sa paligid ng lahat ng iba pang mga target at sulatan ito ng “Ibigin ang Diyos at Mahalin ang Iyong Kapwa.” Paano tayo tinutulungan ng pagtutuon sa dalawang dakilang utos na sundin ang iba pang mga utos ng Diyos? Paano tayo makasisiguro na nakatuon ang ating pagsunod sa dalawang utos na ito?
Poprotektahan tayo habang iniiwasan nating sumunod sa mga bulag na tagaakay.
-
Makikinabang ba ang mga miyembro ng klase mo sa pagtalakay sa katagang “mga tagaakay na bulag,” na ginamit ng Tagapagligtas para ilarawan ang bulag sa espirituwal na mga Fariseo at eskriba? (Mateo 23:16). Maaari kang mag-isip ng paraan para ipakita kung ano ang magiging pakiramdam ng isang taong sumusunod sa isang taong hindi makakita. O maaaring ilista ng klase sa pisara ang mga katangian ng isang bulag na tagaakay, ayon sa nakalarawan sa Mateo 23:13–33. Para magdagdag sa listahan, isiping tumingin sa iba pang mga talata sa banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa espirituwal na pagkabulag, tulad ng II Mga Taga Corinto 4:3–4; 2 Nephi 9:28–32; at Jacob 4:14. Paano natin makikilala at maiiwasan ang mga bulag na tagaakay?
-
Maaari mong ipaunawa sa mga miyembro ng klase na ang mga eskriba at Fariseo ay mas nakatuon sa ginto at mga kaloob sa templo kaysa sa tunay na kahulugan ng templo (tingnan sa Mateo 23:16–22). Para magawa ito, isiping ibahagi ang talinghaga ng perlas at kahon ni Pangulong Boyd K. Packer sa “Karagdagang Resources.” Ano ang maaaring makagambala sa atin sa pagtatamasa ng tunay na mga pagpapala ng templo? ng sacrament meeting?
Ang papuri ng mga tao ay maaaring humadlang sa ating pagiging magigiting na disipulo ni Jesucristo.
-
Maaaring ayaw ipagtanggol ng ilang taong nananalig kay Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo, lalo na sa mga lipunang nagbabalewala o nangungutya sa mga paniniwala sa relihiyon. Ano ang mga aral sa Juan 12:42–43 para sa atin ngayon? Maaari mong hilingin sa klase na saliksikin ang sumusunod na mga talata at ipatukoy ang mga taong naghangad na bigyang-kasiyahan ang mga tao at ang mga taong naghangad na bigyang-kasiyahan ang Diyos: Exodo 32:1–8; I Samuel 15:18–25; Mateo 14:1–10; 1 Nephi 6:1–6; Mosias 17:1–12; at Moroni 8:16. Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito? Para sa iba pa na tungkol sa ating responsibilidad na ipahayag ang ating pananampalataya sa mga pampublikong lugar, tingnan sa Elder Robert D. Hales, “Pangangalaga sa Kalayaan, Pagprotekta sa Kalayaang Pangrelihiyon,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 111–13.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Ipinropesiya ng Tagapagligtas na sa mga huling araw, maging ang mga hinirang ay maaaring malinlang (tingnan Joseph Smith—Mateo 1:22). Para maganyak ang mga miyembro ng klase na basahin ang Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; at Lucas 21 sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na matatagpuan nila sa mga kabanatang ito ang susi sa pag-iwas sa panlilinlang sa mga huling araw.
Karagdagang Resources
Kilala ng Ama sa Langit ang bawat isa sa inyo.
Ipinahayag ni Elder Neal A. Maxwell: “Nagpapatotoo ako na matagal nang kilala ng Diyos ang bawat isa sa inyo … (tingnan sa DT 93:23). Noon pa man ay mahal na Niya kayo. Hindi lang Niya alam ang pangalan ng lahat ng bituin (tingnan sa Mga Awit 147:4; Isaias 40:26); alam din Niya ang inyong mga pangalan at lahat ng inyong hinanakit at galak!” (“Alalahanin Kung Paano Naging Maawain ang Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 46).
Mga pagkakataon kung saan tinawag ng Panginoon ang mga tao sa pangalan.
Ang talinghaga ng perlas at ng kahon.
Ibinahagi ni Pangulong Boyd K. Packer ang talinghagang ito: “Isang mangangalakal na naghahanap ng mga mamahaling alahas ang nakatagpo sa wakas ng perpektong perlas. Inatasan niya ang pinakamagaling na alaherong mag-ukit ng isang napakagandang kahon ng alahas at ligiran ang loob nito ng asul na pelus o velvet. Inilagay niya ang kanyang mahalagang perlas kung saan makikita ito ng ibang tao upang makibahagi ang iba sa kanyang kayamanan. Pinanood niya nang nagdatingan ang mga tao upang masdan ito. Hindi nagtagal ay malungkot siyang tumalikod. Ang kahon ang kanilang hinangaan, hindi ang perlas” (“Mga Dilang Kawangis ng Apoy,” Liahona, Hulyo 2000, 7).