“Mayo 27–Hunyo 2. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21: ‘[Paparito ang] Anak ng Tao’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Mayo 27–Hunyo 2. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Mayo 27–Hunyo 2
Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21
“[Paparito ang] Anak ng Tao”
Tandaang simulan ang paghahanda mong magturo sa pagbabasa nang may panalangin ng Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; at Lucas 21. Maghangad ng inspirasyon nang mag-isa, at pagkatapos ay rebyuhin ang outline na ito para sa karagdagang mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ilista sa pisara ang mga talinghaga ng Tagapagligtas na matatagpuan sa babasahin sa linggong ito, tulad ng ang puno ng igos, ang butihing lalaki at ang magnanakaw, ang tapat at ang masamang alipin, ang sampung dalaga, ang mga talento, at ang mga tupa at ang mga kambing. Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa mga talinghagang ito na makakatulong sa kanila na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ano ang ginagawa nila para maiangkop ang mga katotohanang ito sa kanilang buhay?
Ituro ang Doktrina
Ang mga propesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ay makakatulong sa atin na harapin ang kinabukasan nang may pananampalataya.
-
Maaaring mahirap maunawaan ng ilang miyembro ng klase ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Maaaring makatulong sa kanila na maggrupu-grupo at tukuyin ang mga palatandaang matatagpuan nila sa Joseph Smith—Mateo 1:21–37. Maaari din nilang mas maunawaan ang kahalagahan ng mga palatandaang ito kung ikukumpara nila ito sa mga karatula sa daan. Bakit mahalaga ang mga karatula sa daan? Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito? Maaari mo pa ngang bigyan ang bawat grupo ng mga piraso ng papel na hugis-karatula sa daan at anyayahan silang isulat sa bawat papel ang isang palatandaang magaganap bago ang Ikalawang Pagparito. Hayaan silang ibahagi ang kanilang natuklasan, at anyayahan ang klase na talakayin ang ebidensya ng mga palatandaang ito sa mundo ngayon.
-
Sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng payo sa mga talatang ito kung paanong “huwag [tayong] magulumihanan” kapag nangyari ang mga kaganapang hahantong sa Ikalawang Pagparito (tingnan din sa mga pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson sa “Karagdagang Resources”). Magdispley ng larawang nagpapakita ng Ikalawang Pagparito (tingnan sa Ang Ikalawang Pagparito, Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 66), at anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga talatang napansin nila sa kanilang personal na pag-aaral. Bakit isang pagpapala ang malaman ang mga kaganapang humahantong sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
Joseph Smith—Mateo 1:26–27, 38–55; Mateo 25:1–13
Kailangan tayong maging handa palagi para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
-
Kahit inutusan na tayo ng Tagapagligtas na maging handa palagi para sa Kanyang Ikalawang Pagparito, madaling maging abala sa pang-araw-araw na buhay nang hindi ito gaanong iniisip. Ang mga talinghaga sa Joseph Smith—Mateo 1:26–27, 38–55 at Mateo 25:1–13 ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na malaman ang kahalagahan ng pagiging handa para sa Ikalawang Pagparito. Hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin ang mga talinghaga at pagkukumparang ito at ibahagi ang itinuturo nito tungkol sa pagiging handa para sa Ikalawang Pagparito. Marahil maaaring anyayahan ang isa o dalawang miyembro ng klase na dumating sa klase na may nakahanda nang isang malikhaing paglalarawan ng isa sa mga talinghagang ito.
-
Ang talinghaga ng sampung dalaga ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na pagnilayan ang kanilang espirituwal na paghahanda sa pagharap sa Tagapagligtas. Nagbigay si Elder David A. Bednar ng isang interpretasyon ng talinghaga na maaaring makatulong (tingnan sa “Karagdagang Resources”). Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung ano ang magagawa natin sa ating pang-araw-araw na buhay upang lubos na magbalik-loob sa ebanghelyo. Bakit kailangang maranasan mismo ng bawat isa sa atin ang pagbabalik-loob? Ano ang idinaragdag ng Doktrina at mga Tipan 45:56–57 sa pagkaunawa natin sa talinghagang ito?
-
Maaari ninyong kantahin nang sabay-sabay ang mga himno tungkol sa Ikalawang Pagparito at talakayin ang mga mensaheng itinuturo ng mga ito (tingnan sa “Karagdagang Resources”).
Sa Huling Paghuhukom, mag-uulat tayo sa Panginoon tungkol sa ating buhay.
-
Ang talinghaga ng mga talento at ang talinghaga ng mga tupa at kambing ay makagaganyak sa atin na isipin ang salaysay ng ating buhay na ibibigay natin sa Panginoon sa Huling Paghuhukom. Maaari ninyong basahin nang sama-sama ang mga talinghaga at anyayahan mo ang bawat miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na maaaring itanong ng Tagapagligtas kapag nagbigay tayo ng salaysay tungkol sa ating buhay. Maglaan ng oras para makapagplano ang mga miyembro ng klase ng mga paraan na masusunod nila ang mga impresyong natanggap nila sa oras ng talakayan.
-
Maaari mong rebyuhin sa mga miyembro ng klase ang kahulugan ng Huling Paghuhukom na matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paghuhukom, Ang Huling,” scriptures.lds.org. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na rebyuhin ang ilang talata sa banal na kasulatan tungkol sa mangyayari sa Huling Paghuhukom, tulad ng Alma 5:17–25. Ano ang hinihikayat ng mga talatang ito na gawin natin para makapaghanda para sa araw na iyon?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makahanap ng personal na kahulugan sa talinghaga ng mga talento (tingnan sa Mateo 25:14–30), magbahagi ng ilang ideya o gumamit ng isang aktibidad mula sa “Ang Talinghaga ng mga Talento,” ni Elder Ronald A. Rasband (Liahona, Ago. 2003, 34–37).
-
Para makaganyak ng talakayan tungkol sa Mateo 25:34–40, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong nagpapakita ng habag na inilarawan sa mga talatang ito. Bigyan sila ng panahon para pagnilayan kung sino ang maaaring nangangailangan ng kanilang paglilingkod. Ano ang ilang praktikal na paraan na mapapakain natin ang nagugutom, madadamitan ang hubad, at madadalaw ang maysakit?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Juan 13–17 sa susunod na linggo, hilingin sa kanila na pag-isipan kung ano ang sasabihin nila sa isang anak bago siya magmisyon. Sa Juan 13–17, mababasa natin ang mga huling tagubilin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo bago Siya Ipinako sa Krus.
Karagdagang Resources
Mga Himno tungkol sa Ikalawang Pagparito.
-
“Tayo’y Magalak,” Mga Himno, blg. 3
-
“O mga Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 30
-
“Halina, Hari ng Lahat,” Mga Himno, blg. 32
-
“Ako’y Naniniwala kay Cristo,” Mga Himno, blg. 76
-
“O Magsaya,” Mga Himno, blg. 121
Ang langis ng pagbabalik-loob.
Iminungkahi ni Elder David A. Bednar ang posibleng interpretasyong ito ng talinghaga ng sampung dalaga:
“Ipagpalagay ang langis bilang langis ng pagbabalik-loob [tingnan sa Mateo 25:4–9]. …
“Ang matatalino bang dalaga ay sakim at ayaw magbigay, o tama lang na ipinapahiwatig nila na ang langis ng pagbabalik-loob ay hindi maaaring hiramin? Ang espirituwal na kalakasan ba na bunga ng pagkamasunurin sa tuwina sa mga kautusan ay maaaring ibigay sa ibang tao? Ang kaalaman ba na nakamtan sa masigasig na pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan ay maaaring ibigay sa isang taong nangangailangan? Ang kapayapaan bang hatid ng ebanghelyo sa matapat na Banal sa mga Huling Araw ay maaaring ilipat sa isang taong dumaranas ng hirap o malaking hamon? Ang malinaw na sagot sa bawat isa sa mga tanong na ito ay hindi.
“Gaya ng wastong pagbibigay-diin ng matatalinong dalaga, kailangang ‘magsibili tayo para sa ating sarili.’ Ang inspiradong kababaihang ito ay hindi naglalarawan ng transaksyon sa negosyo; sa halip, binibigyang-diin nila ang ating indibiduwal na responsibilidad na panatilihing nag-aalab ang ating ilawan ng patotoo at magkaroon ng sapat na suplay ng langis ng pagbabalik-loob. Ang mahalagang langis na ito ay nakukuha sa paisa-isang patak—‘taludtod sa taludtod [at] tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30), nang buong tiyaga at sigasig” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 109).
Huwag matakot.
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Kahit magtipon ang mga ulap, kahit bumuhos sa atin ang mga ulan, ang ating kaalaman sa ebanghelyo at ating pagmamahal sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas ay aalo at magtataguyod sa atin at magdudulot ng kagalakan sa ating mga puso habang lumalakad tayo nang matuwid at sumusunod sa mga kautusan. …
“Minamahal kong mga kapatid, huwag matakot. Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya” (“Magalak,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 92).