“Hunyo 24–30. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21: ‘Siya’y Nagbangon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Hunyo 24–30. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Hunyo 24–30
Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21
“Siya’y Nagbangon”
Bago siyasatin ang mga ideya sa pagtuturo sa outline na ito, basahin ang Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; at Juan 20–21, at pagnilayan kung paano maaaring gamitin ang mga kabanatang ito para palakasin ang pananampalataya ng mga tinuturuan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang personal at pampamilyang pag-aaral, hilingin sa kanila na isulat ang isang katotohanan mula sa takdang-babasahin para sa linggong ito na sa tingin nila ay dapat ibahagi sa “buong sanglibutan” (tingnan sa Marcos 16:15). Sa pagtatapos ng klase, tanungin sila kung may natagpuan silang anumang karagdagang mga katotohanan na gusto nilang ibahagi.
Ituro ang Doktrina
Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20
Dahil si Jesus ay nabuhay na mag-uli, tayo rin ay mabubuhay na mag-uli.
-
Para mabigyan ang maraming tao hangga’t maaari ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para rebyuhin ang takdang-babasahin para sa linggong ito at ang “Pagkabuhay na Mag-uli” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at isulat ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Hayaang ibahagi nila ang kanilang isinulat, at hikayatin ang mga miyembro ng klase na magtaas ng kamay kapag narinig nilang nagbahagi ang isang tao ng katotohanang katulad ng isinulat nila. Bakit mahalaga sa atin ang mga katotohanang ito? Paano naaapektuhan ng pagkaalam na tayo ay mabubuhay na mag-uli ang damdamin natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Maaari nating anyayahan ang Tagapagligtas na “manatili sa atin.”
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makita ang kaugnayan ng kanilang mga karanasan sa karanasan ng mga disipulo sa daan patungong Emaus, magdrowing ng isang kalsada sa pisara, at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat ang mga detalye mula sa salaysay sa Lucas 24:13–35 sa isang panig ng kalsada. Pagkatapos, sa kabilang panig ng kalsada, maaari nilang isulat ang pagkakatulad ng sarili nilang mga karanasan bilang mga alagad ni Jesucristo. Halimbawa, maaari nilang isulat ang Sa mga mata nila’y may nakatatakip (Lucas 24:16) sa isang panig ng kalsada at Kung minsa’y hindi natin napapansin ang impluwensya ng Panginoon sa ating buhay sa kabilang panig.
-
May dalawang himnong batay sa Lucas 24:13–35: “Manatili sa ’King Tabi” at “Manatili sa Piling ko!” Mga Himno, blg. 96, 97. Paano mo magagamit ang mga himnong ito para matulungan ang mga miyembro ng klase na makasumpong ng mas malalim na kahulugan sa salaysay sa banal na kasulatan?
Mateo 28:16–20; Marcos 16:14–20; Lucas 24:44–53
Inuutusan tayong ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo.
-
Ang kautusang ibinigay ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na ipangaral ang Kanyang ebanghelyo ay maiaangkop din sa atin ngayon. Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase mo na makita ang kanilang tungkulin sa pangangaral ng ebanghelyo? Marahil ay maaari mo silang anyayahang isipin na kunwari’y nagbibigay sila ng kaunting payo sa isang kapamilya o kaibigan na papunta sa isang full-time mission. Ano ang ibabahagi natin mula sa mga salita ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol? Paano natin maisasabuhay ang mga salita ring ito sa mga pagsisikap nating ibahagi ang ebanghelyo sa iba?
“Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon maʼy nagsisampalataya.”
-
Maaaring mayroon kang mga miyembro ng klase na nakaranas din ng nangyari kay Tomas, na hinangad na makita ang nagbangong Panginoon bago siya maniwala. Ang klase mo sa Sunday School ay maaaring maging lugar para mapalakas ng mga miyembro ng klase ang pananampalataya ng isa’t isa sa mga bagay na hindi nila nakikita. Marahil ay makapagsisimula ka sa paghiling sa isang tao na ibuod ang karanasan ni Tomas sa Juan 20:19–28. Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase sa pisara ang ilang bagay na hinihiling ng Diyos na paniwalaan natin kahit hindi natin nakikita. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi ng mga karanasang nagpalakas sa kanilang patotoo tungkol sa mga bagay na ito. Anong mga pagpapala ang dumating sa mga miyembro ng klase nang manampalataya sila?
Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa.
-
Ano ang maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase mo na tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “alagaan mo ang [Kanyang] mga tupa”? Maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa kanila na basahin ang Juan 21:15–17 nang tahimik, na pinapalitan ang pangalan ni Simon ng sarili nilang pangalan at ang “aking mga kordero” at “aking mga tupa” ng pangalan ng mga taong pakiramdam nila ay nais ng Panginoon na paglingkuran nila—halimbawa, mga taong kanilang binibisita o tinuturuan sa bahay, kapitbahay, o taong kilala nila sa trabaho o paaralan. Pagkaraan ng ilang minuto, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang mga impresyong natanggap nila. Ano ang ibig sabihin ng pakainin ang mga kordero at tupa ng Tagapagligtas? Ang mga pahayag nina Pangulong Russell M. Nelson at Elder Marvin J. Ashton sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong na masagot ang tanong na ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para maganyak ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mga Gawa 1–5 sa linggong ito, hilingin sa kanila na pansinin kung paano naging makapangyarihang pinuno ng Simbahan ni Cristo ang isang walang pinag-aralang mangingisda nang lumaganap ito sa buong mundo. Habang pinag-aaralan nila ang mga kabanatang ito, makikita nila kung paano naganap ang pagbabagong ito.
Karagdagang Resources
Ano ang ibig sabihin ng pakainin ang mga tupa ng Tagapagligtas?
Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga ideyang ito mula sa sinaunang tekstong Griyego ng Juan 21:
“Sa [Juan 21:15], ang salitang pakainin ay nagmumula sa katagang Griyegong bosko, na ibig sabihin ay ‘pangalagaan o pakainin ng damo.’ Ang salitang kordero ay nagmumula sa munting katagang arnion, na ibig sabihin ay ‘munting tupa.’ …
“Sa [Juan 21:16], ang salitang pakainin ay nagmumula sa ibang kataga, ang poimaino, na ibig sabihin ay ‘akayin, pagsilbihan, o alagaan.’ Ang salitang tupa ay nagmumula sa katagang probaton, na ibig sabihin ay ‘tupang nasa hustong gulang.’ …
“Sa [Juan 21:17], muli ang salitang pakainin ay nagmumula sa salitang Griyegong bosko, na tumutukoy sa pangangalaga. Muli ang salitang tupa ay isinalin mula sa katagang Griyegong probaton, na tumutukoy sa tupang nasa hustong gulang.
“Ang tatlong talatang ito, na parang katulad na katulad sa wikang Ingles, ay talagang naglalaman ng tatlong magkakaibang mensahe sa Griyego:
-
Ang mga munting kordero ay kailangang pangalagaan para lumaki;
-
Ang mga tupa ay kailangang pagsilbihan;
-
Ang mga tupa ay kailangang pangalagaan” (“Shepherds, Lambs, and Home Teachers,” Ensign, Ago. 1994, 16).
Paano natin “[mapapakain] ang [Kanyang] mga tupa”?
Ipinaliwanag ni Elder Marvin J. Ashton kung paano natin matutupad ang utos ng Panginoon na pakainin ang Kanyang mga tupa:
“Sabi ni Jesus, ‘Alagaan mo ang aking mga tupa.’ (Juan 21:16.) Hindi ninyo sila mapapakain kung hindi ninyo alam kung nasaan sila. Hindi ninyo sila mapapakain kung bibigyan ninyo sila ng dahilan na labanan kayo. Hindi ninyo sila mapapakain kung wala kayong pagkain. Hindi ninyo sila mapapakain kung wala kayong pag-ibig sa kapwa. Hindi ninyo sila mapapakain kung ayaw ninyong magtrabaho at magbahagi. …
“Ang mga nangangailangan ng tulong ay iba’t iba ang edad. Ang ilan sa Kanyang mga tupa ay bata pa, nalulumbay, at naliligaw ng landas. Ang ilan ay pagod, nahihirapan, at matanda na. Ang ilan ay nasa sarili nating pamilya, sa sarili nating komunidad, o sa kasuluk-sulukan ng mundo kung saan makakatulong tayo sa pagbibigay ng mga handog-ayuno. Ang ilan ay gutom sa pagkain. Ang ilan ay gutom sa pagmamahal at malasakit.
“Kung bibigyan natin ng mga dahilan ang kanyang mga tupa na labanan tayo, nagiging mahirap ang pagpapakain, kung hindi man imposible. Walang maaaring magturo o tumulong nang may panunuya o panlalait. Ang diktadura o ‘ako ang tama at ikaw ang mali’ ay pawawalang-saysay ang lahat ng pagsisikap na pakainin ang isang tupang ligaw. Magkakaroon ng pader sa pagitan ninyo, at walang mapapala ang sinuman sa inyo. …
“Sa ating mga kilos ipinapakita natin ang ating pagmamahal. Walang saysay ang mga pagpapakita ng pagmamahal kung hindi ito tumutugma sa mga kilos. Kailangan ng lahat ng Kanyang mga tupa ang haplos ng isang pastol na nagmamalasakit” (“Give with Wisdom That They May Receive with Dignity,” Ensign, Nob. 1981, 91).