Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 17–23. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19: ‘Naganap Na’


“Hunyo 17–23. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19: ‘Naganap Na’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hunyo 17–23. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

si Cristo sa harapan ni Pilato

Ecce Homo, ni Antonio Ciseri

Hunyo 17–23

Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19

“Naganap Na”

Simulan ang paghahanda mong magturo sa pamamagitan ng pagbabasa nang may panalangin ng Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19. Tandaan na makapagbabahagi ka ng malakas na patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala kapag namuhay ka nang marapat sa Espiritu.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang ilang salita o parirala upang ipaalala sa mga miyembro ng klase ang mga pangyayaring inilarawan sa mga kabanata sa linggong ito. Hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang ilang salitang naglalarawan ng nadama nila nang mabasa nila ang mga pangyayaring ito. Bakit ganito ang nadama nila?

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19

Ang kahandaan ni Jesucristo na magdusa ay nagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa Ama at sa ating lahat.

  • Para maipaunawa sa klase mo kung paano ipinapakita ng mga salaysay tungkol sa kamatayan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal, subukan ang aktibidad na tulad nito: Bigyan ng papel na puso ang bawat miyembro ng klase, at anyayahan silang isulat sa puso nila ang isang parirala mula sa I Mga Taga Corinto 13:4–7 na naglalarawan ng pag-ibig sa kapwa. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na saliksikin ang Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; o Juan 19 at isulat sa likod ng puso nila ang ilang talatang nagpapakita kung paano ipinamalas ng Tagapagligtas ang pagmamahal na inilarawan sa mga pariralang pinili nila. Ipabahagi sa kanila ang nakita nila. Anong mga karanasan ang nakapagpaunawa sa mga miyembro ng klase ng pagmamahal ng Tagapagligtas?

    koronang tinik

    Ang mga kawal ay “[n]agkamakama ng isang putong na tinik, [at] ipinutong nila sa kaniya” (Marcos 15:17).

  • Ano ang magagawa ninyo para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa natutuhan nila sa linggong ito? Isiping magpahanap ng isang himno sa mga miyembro ng klase na naglalarawan ng mga pangyayaring nabasa nila o ng kanilang damdamin tungkol sa pagdurusa at Pagpapako sa Krus ng Tagapagligtas. Isiping kantahin ang isa o mahigit pa sa mga ito sa klase. Paano tayo magaganyak ng pag-aaral tungkol sa mga huling oras ng buhay ng Tagapagligtas na magtiwala at sumunod sa Kanya?

  • Makakatulong ang sining para maisaisip ng mga miyembro ng klase ang ilan sa mga pangyayaring nabasa nila sa linggong ito (tingnan sa “Karagdagang Resources” para sa iminungkahing mga larawan). Marahil ay maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo at bigyan ng isang larawan ang bawat grupo. Maaaring basahin nang sama-sama ng mga grupo ang mga talatang naglalarawan ng ipinapakita sa kanilang larawan. Maaari nilang talakayin ang kahulugan ng mga talata at ibahagi kung paano higit na ipinapaunawa sa kanila ng larawan ang mga talatang ito. Bawat grupo ay maaaring ibahagi sa klase ang kanilang mga iniisip.

  • Hindi mo matatalakay sa klase ang lahat ng detalye tungkol sa mga huling oras ng buhay ng Tagapagligtas, pero narito ang isang aktibidad na tutulong sa iyo na talakayin ang mga detalyeng pinakamakahulugan sa mga taong tinuturuan mo. Anyayahan ang bawat miyembro ng klase na pumili ng isang kabanata mula sa babasahin para sa linggong ito at gumugol ng ilang minuto para suriin itong mabuti, na naghahanap ng isang salita, isang parirala, o isang detalyeng nagtuturo sa kanila ng isang bagay na makabuluhan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang natuklasan nila at ipaliwanag kung bakit ito makabuluhan sa kanila.

Mateo 27:14–60

Nagpropesiya ang mga sinaunang propeta tungkol sa pagdurusa at Pagpapako sa Krus ng Tagapagligtas.

  • Maaaring magpalakas sa pananampalataya ng mga tinuturuan mo ang malaman na ipinropesiya ng mga sinaunang propeta ang marami sa mga kaganapan sa mga huling oras ng buhay ng Tagapagligtas. Ang isang paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga propesiyang ito at tingnan kung paano natupad ang mga ito ay ang pagbibigay sa bawat tao ng isa o mahigit pang mga talata sa banal na kasulatan sa “Karagdagang Resources” at paghiling sa kanila na hanapin ang mga talata sa Mateo 27 na nagpapakita kung paano natupad ang mga talatang ito. Maaari kang gumawa ng tsart na itinutugma ang mga propesiya sa mga katuparan nito. Maaari mong imungkahi na isulat ng mga miyembro ng klase ang mga talatang naglalaman ng mga propesiya sa mga margin ng kanilang mga banal na kasulatan sa Mateo 27. Ano ang matututuhan natin mula sa mga propesiyang ito? Paano pinalalakas ng mga propesiyang ito ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

Mateo 27:27–49; Marcos 15:16–32; Lucas 23:11, 35–39; Juan 19:1–5

Hindi mapipigil ng oposisyon ang gawain ng Diyos.

  • Ang ilan sa mga miyembro ng klase mo ay maaaring nakaranas na ng oposisyon—tulad ng mahusgahan o makutya—kapag nagpahayag sila ng kanilang mga paniniwala o sinikap nilang ipamuhay ang kanilang relihiyon. Isiping simulan ang inyong talakayan sa paghiling sa ilang miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung kailan nangyari ito. Paano sila tumugon? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang ilan sa mga talatang ito mula sa Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19 na naglalarawan sa pag-uusig na kinaharap ng Tagapagligtas. Anong mga uri ng oposisyon ang kinakaharap ng gawain ng Diyos ngayon? Ano ang matututuhan natin mula sa mga sagot ng Tagapagligtas na makakatulong sa atin na harapin ang oposisyon sa ating panahon? Kasama sa iba pang mga talata sa banal na kasulatan na makakatulong sa atin na harapin ang oposisyon ang Mateo 5:10; Mga Taga Roma 12:14; II Kay Timoteo 3:10–12; Alma 1:19–28; at 3 Nephi 12:10–12. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito?

Lucas 23:34–43

Inaalok tayo ng Tagapagligtas ng pag-asa at kapatawaran.

  • Makakatulong ba sa mga miyembro ng klase mo na basahin ang salaysay tungkol sa paghingi ng kapatawaran ng Tagapagligtas sa Ama para sa mga kawal at pagbibigay Niya ng pag-asa sa magnanakaw na nakapako sa krus? Isiping hatiin ang klase sa dalawang grupo at ipabasa sa isang grupo ang Lucas 23:34–38  at ipabasa sa isa pang grupo ang Lucas 23:39–43. Maaaring talakayin ng mga miyembro ng bawat grupo ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito at pagkatapos ay ibahagi sa buong klase ang kanilang mga iniisip. Paano natin masusundan ang halimbawa ng Tagapagligtas?

  • Para matulungan ang sinuman sa klase mo na maaaring nahihirapang patawarin ang iba na tulad ng ginawa ni Jesus, isiping ibahagi ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.”

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; at Juan 20–21 sa susunod na linggo, hilingin sa kanila na pag-isipan kung ano ang sasabihin nila sa isang taong nagsabing, “Kailangan kong makita para maniwala ako.” Sabihin sa kanila na ang babasahin para sa susunod na linggo ay makakatulong sa kanila na lutasin ang problemang ito.

resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19

Mga larawan ng pag-uusig, pagdurusa, at pagkamatay ni Jesus.

Sinaunang mga propesiya tungkol sa paglilitis kay at pagkamatay ni Jesucristo.

Ang halimbawa ng pagpapatawad ng Tagapagligtas.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Malapit ang kaugnayan sa obligasyon nating magsisi ang kabutihang-loob na hayaang gawin din iyon ng iba—kailangan tayong magpatawad tulad ng pagpapatawad sa atin. Dito’y nakikibahagi tayo sa pinakadiwa ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Siguradong ang pinakadakilang sandali ng mahalagang araw na iyon ng Biyernes, nang manginig ang kalikasan at mapunit ang tabing ng templo, ay ang di-masambit na sandaling iyon ng awa nang sabihin ni Cristo, ‘Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.’Bilang ating tagapagtanggol sa Ama, isinasamo pa rin Niya iyon ngayon—para sa inyo at sa akin.

“Dito, tulad sa lahat ng bagay, itinakda ni Jesus ang pamantayang dapat nating sundin. Napakaikli ng buhay para gugulin sa pagkikimkim ng poot. … Ayaw nating alalahanin ng Diyos ang ating mga kasalanan, kaya talagang maling-mali ang walang-humpay na pagpipilit nating alalahanin ang sa iba” (“The Peaceable Things of the Kingdom,” Ensign, Nob. 1996, 83).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Humugot ng lakas mula sa Tagapagligtas. “Sa pagsisikap mong mamuhay at magturo nang higit na katulad ng Tagapagligtas, hindi mo maiiwasang magkulang kung minsan. Huwag mawalan ng pag-asa; sa halip, hayaang ibaling ka ng iyong mga pagkakamali at kahinaan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 14).