Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 3–9. Juan 13–17: ‘Magsipanatili Kayo sa Aking Pagibig’


“Hunyo 3–9. Juan 13–17: ‘Magsipanatili Kayo sa Aking Pagibig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hunyo 3–9. Juan 13–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

Huling Hapunan

Sa Pag-aalaala sa Akin, ni Walter Rane

Hunyo 3–9

Juan 13–17

“Magsipanatili Kayo sa Aking Pagibig”

Habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Juan 13–17, pagnilayan kung paano mo pinakamainam na maipapakita ang pagmamahal sa mga tinuturuan mo. Ang Espiritu Santo ay maghahatid ng mga ideya sa iyong isipan habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at ang outline na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Isulat ang mga numero 13 hanggang numero 17 sa pisara, na kumakatawan sa mga kabanata sa Juan na binasa ng mga miyembro ng klase sa linggong ito. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na isulat, sa tabi ng bawat numero ng kabanata, ang reperensya sa isang talatang natagpuan nilang makabuluhan at gustong talakayin sa klase.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Juan 13:1–17

Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod sa iba.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase mo na pagnilayan ang kabuluhan ng paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng Kanyang mga disipulo, maaari mong anyayahan nang maaga ang isang miyembro ng klase na gampanan ang papel ni Pedro sa salaysay na ito at magpainterbyu sa buong klase. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Juan 13:1–17 at mag-isip ng mga makabuluhang bagay na maitatanong nila kay Pedro. Ano ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito na maaaring makaapekto sa paglilingkod natin sa iba?

Juan 13:34–35

Pagmamahal ang katangiang naglalarawan sa mga disipulo ni Jesucristo.

  • Ano ang maaaring maghikayat sa mga miyembro ng klase na maging mas mapagmahal? Marahil ay maaari mo silang tanungin kung paano nila malalaman na ang isang taong nakilala nila ay alagad ni Cristo. Anong mga katangian ang napapansin nila sa taong iyon? Maaari mo silang anyayahang saliksikin ang Juan 13:34–35 para malaman kung paano matutukoy ang tunay na mga disipulo ng Tagapagligtas. Ano ang magagawa natin upang maging malinaw na katangian ng ating pagkadisipulo ang pagmamahal? Paano nakakaimpluwensya ang turong ito sa pakikitungo natin sa iba, pati na sa social media?

  • Bilang isang klase, marami kayong natutuhan tungkol sa buhay ng Tagapagligtas ngayong taon, kabilang na ang maraming halimbawa kung paano Niya ipinakita ang Kanyang pagmamahal sa iba. Ang isang paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang utos sa Juan 13:34 ay isulat ang Kung Paanong Inibig Ko Kayo sa pisara at hilingin sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga halimbawang naaalala nila mula sa Bagong Tipan na naglalarawan sa pagmamahal ni Jesus. Pagkatapos ay maaari mong isulat ang Mangagibigan naman Kayo sa Isa’t Isa sa pisara at hilingin sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga paraan na masusundan natin ang Kanyang halimbawa ng pagmamahal. Ang pagkanta o pakikinig sa himnong “Mahalin ang Bawat Isa,” Mga Himno, blg. 196 sa “Karagdagang Resources” ay magandang idagdag sa aktibidad na ito.

  • Kung hindi natin nadaramang mahalin ang iba, ano ang magagawa natin para magkaroon ng kaloob na pagmamahal? Ano ang idinaragdag ng payo sa Moroni 7:48; 8:26 sa ating pagkaunawa sa kaloob na ito? Sino ang kakilala natin na kailangang makadama ng ating pagmamahal?

pamilyang naglalaro

Pagmamahal ang katangiang naglalarawan sa mga disipulo ni Jesucristo.

Juan 14:16–27; 15:26; 16:7–15

Ang Espiritu Santo ay binibigyan tayo ng kakayahang tuparin ang ating layunin bilang mga disipulo ni Jesucristo.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na malaman ang iba’t ibang tungkulin ng Espiritu Santo, isiping hatiin sila sa mga grupo at bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga talata: Juan 14:16–27; 15:26; at 16:7–15. Anyayahan ang bawat grupo na isulat sa pisara ang natutuhan nila tungkol sa Espiritu Santo mula sa mga talatang ito. Maaaring magdagdag ang mga miyembro ng klase ng iba pang mga ideyang nakuha nila habang sinasaliksik nila ang mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa “Karagdagang Resources.” Kailan natin nadama ang impluwensya ng Espiritu Santo? Anong mga bagay o visual aid ang madadala mo sa klase na magpapaunawa sa mga miyembro ng klase sa mga tungkulin ng Espiritu Santo?

  • Isiping ipaaral nang maaga sa ilang miyembro ng klase ang isa sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na iminungkahi sa “Karagdagang Resources” (o iba pang mga mensahe sa kumperensya na alam nila) tungkol sa Espiritu Santo. Hayaang ibahagi nila sandali sa klase ang kanilang natutuhan. Ano ang idinaragdag ng mga mensaheng ito sa natutuhan natin tungkol sa Espiritu Santo mula sa Juan 14–16?

Juan 15:1–12

Kapag nanatili tayong tapat sa Tagapagligtas, tayo ay magiging mabunga at magkakaroon ng kagalakan.

  • Ano ang natutuhan ng mga miyembro ng klase sa linggong ito mula sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa puno ng ubas at mga sanga? Isiping magdala ng maliit na halaman sa klase at gamitin ito upang mailarawan ng mga miyembro ng klase sa kanilang isipan ang talinghaga ng Tagapagligtas. Matapos basahin ang Juan 15:1–12 sa klase, maaari mong talakayin ang ibig sabihin ng “manatili [kay Cristo]” (Juan 15:4). Maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila natuklasan na ang Juan 15:5 ay totoo. (Tingnan din sa pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.”)

Juan 17

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay ganap na nagkakaisa, at nais Nilang magkaisa rin tayo.

  • Marahil ay hindi mo maituturo ang lahat ng mahahalagang katotohanang matatagpuan sa Juan 17 sa isang talakayan sa klase, pero narito ang isang paraan para matulungan ang klase na saliksikin ang ilan sa mga ito. Ilista sa pisara ang mga konsepto mula sa Juan 17, tulad ng mga ito:

    • Ang ating kaugnayan kay Jesucristo

    • Ang kaugnayan ni Jesucristo sa Kanyang Ama

    • Ang ating kaugnayan sa iba pa sa mundo

    • Ang ating kaugnayan sa isa’t isa bilang Kanyang mga disipulo

    Anyayahan ang bawat miyembro ng klase na pumili ng isa sa mga konseptong ito at basahin ang Juan 17, na hinahanap ang mga talatang may kaugnayan dito. Hilingin sa ilang miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; at Juan 18 sa darating na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na sa mga kabanatang ito ay mababasa nila ang isa sa mahahalagang sandali sa dakilang plano ng kaligtasan ng Diyos.

resources icon

Karagdagang Resources

Juan 13–17

Ang Espiritu Santo.

Pananatiling Tapat kay Cristo.

Iniisip na ang salitang manatili ay nangangahulugan ng pananatili at katapatan, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Nangangahulugan [ang salitang ito] ngayon ng ‘manatili—ngunit manatili magpakailanman.’ Iyon ang panawagan ng mensahe ng ebanghelyo. … Lumapit, ngunit lumapit upang manatili. Lumapit nang may paniniwala at pagtitiis. …

“Sinabi ni Jesus, ‘Sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa’ [Juan 15:5]. Ako ay nagpapatotoo na iyan ay katotohanan ng Diyos. “[Si Cristo] ang lahat-lahat sa atin at dapat tayong ‘manatili’ sa Kanya nang palagian, matatag, matibay, magpakailanman. Para sumibol at pagpalain ng bunga ng ebanghelyo ang ating buhay, dapat tayong matatag na mabigkis sa Kanya, na Tagapagligtas nating lahat, at dito sa Kanyang Simbahan, na nagtataglay ng Kanyang banal na pangalan. Siya ang punong tunay na pinagmumulan ng ating lakas at tanging pinanggagalingan ng buhay na walang-hanggan. Sa Kanya hindi lang tayo makakatiis kundi mananaig tayo at magtatagumpay sa banal na layuning ito na hindi bibigo sa atin” (“Manatili sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 32).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Anyayahan ang Espiritu. “Walang mortal na guro, gaano man siya kagaling o kahusay, na maaaring pumalit sa Espiritu. Ngunit maaari tayong maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para tulungan ang Kanyang mga anak na matuto sa pamamagitan ng Espiritu. Para magawa ito, inaanyayahan natin ang impluwensya ng Espiritu sa ating buhay at hinihikayat ang mga tinuturuan natin na gawin din iyon. … Bukod pa rito, ang sagradong musika, scriptures, mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, mga pagpapahayag ng pagmamahal at patotoo, at mga sandali ng tahimik na pag-iisip ay pawang makapag-aanyaya sa Espiritu” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 10).