Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo’


“Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

Huling Hapunan

And It Was Night, ni Benjamin McPherson

Hunyo 10–16

Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18

“Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo”

Basahin ang Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; at Juan 18, at pagnilayan ang mga ideya at impresyong pumapasok sa iyong isipan. Anong mga mensahe ang kailangang matutuhan ng mga miyembro ng klase mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila sa linggong ito na nakatulong sa kanila na makasumpong ng higit na kabuluhan sa sakramento. Ano ang ginawa nila at paano nito naapektuhan ang kanilang karanasan sa pagtanggap ng sakramento?

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 26:26–29; Lucas 22:19–20

Ang sakramento ay isang pagkakataon upang laging alalahanin ang Tagapagligtas.

  • Bakit pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento? Bakit tayo tumatanggap ng sakramento linggu-linggo? Ano ang mga posibleng sagot na makikita ng mga miyembro ng klase sa Mateo 26:26–29; Lucas 22:7–20; Doktrina at mga Tipan 20:75–79; at Tapat sa Pananampalataya, 208–10? Halimbawa, itinuturo sa Tapat sa Pananampalataya na ang sakramento ay gumugunita sa sakripisyo ni Cristo, na nagsakatuparan ng batas ni Moises. Maaari din ninyong basahin sa klase ang mga panalangin sa sakramento at hilingin mo sa mga miyembro ng klase na tukuyin ang mga tipang ginagawa natin bilang bahagi ng ordenansa. Paano natin maipapaunawa sa iba kung ano ang kahulugan ng mga tapat na pangakong ito? Paano dapat makaapekto ang ating pakikibahagi sa sakramento sa mga pagpapasiyang ginagawa natin sa buong linggo?

    dalagitang nakikibahagi ng sakramento

    Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinaninibago natin ang ating mga tipan.

  • Malamang na makinabang ang mga miyembro ng klase sa pakikinig sa mga ideya ng bawat isa kung paano alalahanin ang Tagapagligtas sa oras ng sakramento at sa buong linggo (tingnan sa DT 6:36–37). Marahil ay maaari mo silang anyayahang ibahagi kung ano ang tumutulong sa kanila at sa kanilang pamilya na alalahanin ang Tagapagligtas at tuparin ang kanilang mga tipan. Anong mga talata mula sa babasahin sa linggong ito ang nagpapalalim sa ating pagpipitagan para sa sakramento? Para sa iba pang mga ideya kung paano aalalahanin ang Tagapagligtas, tingnan sa Gerrit W. Gong, “Lagi Siyang Aalalahanin,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 108–11.

  • Ang talakayang ito ay maaaring isang magandang pagkakataon para siyasatin ninyo ng mga miyembro ng klase ang simbolismo ng sakramento. Paano tayo itinutuon ng mga simbolong ito sa Tagapagligtas sa oras ng ordenansa? Ano ang itinuturo sa atin ng mga simbolong ito tungkol sa Kanya at sa ating kaugnayan sa Kanya?

  • Sa pagtatapos ng inyong talakayan tungkol sa sakramento, maaari mong bigyan ng ilang sandali ang mga miyembro ng klase para pagnilayan at isulat ang nais nilang gawin upang makapaghanda para sa sakramento sa susunod na linggo. Para makaragdag sa diwa ng karanasang ito, isiping magpatugtog ng isang himno na pangsakramento habang nagninilay ang mga miyembro ng klase.

Mateo 26:36–46

Tayo ay nagiging higit na katulad ni Cristo kapag pinipili nating magpasakop sa kalooban ng Ama.

  • Ang halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas sa kalooban ng Ama ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo kapag kailangan nilang gawin din iyon. Para magpasimula ng talakayan, maaari mong anyayahan ang bawat miyembro ng klase na magbahagi ng isang pagkakataon na ginawa nila ang isang bagay na alam nilang gustong ipagawa sa kanila ng Diyos. Ano ang nagbunsod sa kanila na gawin ang mga bagay na iyon? Anyayahan ang klase na basahin ang Mateo 26:36–42 at pagnilayan kung bakit handang sumunod ang Tagapagligtas sa kalooban ng Kanyang Ama. Paano tayo pinagpapala sa huli ng pagsunod sa kalooban ng Diyos?

  • Para masiyasat ang alituntunin ng pagsunod sa Diyos, maaari mong hilingin sa kalahati ng klase na basahin ang Mosias 3:19 at sa natitirang kalahati na basahin ang 3 Nephi 9:20. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung ano ang ibig sabihin ng maging masunurin sa Diyos? Paano tayo susunod? Maaaring pagnilayan ng mga miyembro ng klase kung paano sila susunod sa kalooban ng Diyos sa darating na linggo. Ang pahayag ni Elder Neal A. Maxwell sa “Karagdagang Resources” ay maaari ding makaragdag sa inyong talakayan.

Mateo 26:20–22, 31–35

Kailangan nating suriin ang ating sariling buhay para malaman kung paano naaangkop sa atin ang mga salita ng Panginoon.

  • Marami tayong naririnig na aral ng ebanghelyo sa ating buhay, ngunit kung minsa’y nakatutuksong ipalagay na ang mga aral na iyon ay kadalasang naaangkop sa ibang tao. Makakatulong sa atin ang isang talakayan tungkol sa Mateo 26 na daigin ang tendensiyang ito. Para mapasimulan ang pag-uusap na ito, maaari mong hatiin ang klase sa magkakapares at hilingin sa isa sa bawat magkapares na basahin ang Mateo 26:20–22 habang binabasa ng isa pa ang mga talata 31–35. Anyayahan silang ikumpara ang mga sagot ng mga disipulo sa dalawang salaysay na ito. Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa pagsasabuhay ng mga disipulo sa kanilang sarili sa mga salita ng Tagapagligtas? Para malaman ang iba pa, tingnan ang pagtukoy ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa Mateo 26:21–22 sa kanyang mensaheng “Ako Baga, Panginoon?” (Ensign o Liahona, Nob. 2014, 56–59).

Mateo 26:36–46

Isinagawa ni Cristo ang walang-hanggang Pagbabayad-sala para sa atin.

  • Isiping ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang mga ideyang nakuha nila tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pag-aaral nila o ng buong pamilya nila.

  • Inilalarawan sa Mateo 26 ang nangyari sa Getsemani, pero nauunawaan ba ng mga miyembro ng klase mo ang kahalagahan nito sa kanilang buhay? Para matulungan sila, maaari mo sigurong isulat sa pisara ang mga tanong na tulad ng Ano ang nangyari sa Getsemani? at Bakit ito mahalaga sa akin? Maaaring kumilos ang mga miyembro ng klase nang mag-isa o sa maliliit na grupo para mahanap ang mga sagot sa Mateo 26:36–46; Alma 7:11–13; at Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Mahahanap din nila ang mga sagot sa mensahe ni Elder C. Scott Grow na “Ang Himala ng Pagbabayad-sala” (Ensign o Liahona, Mayo 2011, 108–10).

  • Sa Aklat ni Mormon, tinawag ni Jacob ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo na “walang-hanggang pagbabayad-sala” (2 Nephi 9:7). Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang kahulugan nito, maaari mong ibahagi ang mga turo ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources” at hilingin sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga paraan na maituturing na walang hanggan ang impluwensya ng sakripisyo ng Tagapagligtas. Maaari din nilang basahin ang sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan at idagdag sa kanilang listahan: Mga Hebreo 10:10; Alma 34:10–14; Doktrina at mga Tipan 76:24; at Moises 1:33. Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat sa nagawa ng Tagapagligtas para sa atin?

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para maganyak ang mga miyembro ng klase na patuloy na magbasa, maaari mo silang tanungin kung alam nila kung ano ang pitong bagay na sinabi ni Jesus habang Siya ay nasa krus. Sabihin sa kanila na malalaman nila ang sinabi ng Tagapagligtas sa pagbabasa ng Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19.

resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18

Pagpapasakop natin sa kalooban ng Ama.

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Sa pagpapasakop ninyo ng inyong kalooban sa Diyos, ibinibigay ninyo sa Kanya ang nag-iisang bagay na talagang maibibigay ninyo sa Kanya. Huwag ninyong ipagpaliban pa ang pag-aalay ng inyong kalooban!” (“Alalahanin Kung Paano Naging Maawain ang Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 46).

Ang walang-hanggang Pagbabayad-sala.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] ay walang-hanggan—walang katapusan. Ito ay walang-hanggan din dahil maliligtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-katapusang kamatayan. Ito ay walang-hanggan dahil sa Kanyang matinding pagdurusa. Ito ay walang-hanggan sa panahon, na tumapos sa naunang nakaugaliang pag-aalay ng hayop. Ito ay walang-hanggan ang saklaw—ito ay dapat gawin nang minsan para sa lahat. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa walang-hanggang dami ng mga tao, kundi para din sa walang-hanggang dami ng mga daigdig na Kanyang nilikha. Ito ay walang-hanggan na hindi kayang sukatin ng anumang panukat ng tao o unawain ng sinuman.

“Si Jesus lamang ang makapag-aalay ng gayong walang-hanggang pagbabayad-sala, dahil Siya ay isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama. Dahil natatangi ang pinagmulang angkan, si Jesus ay isang walang-hanggang Nilalang” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35).

Itinuro ni Pangulong Heber J. Grant: “Pumarito si Jesus hindi lamang bilang kaloob sa lahat, pumarito Siya bilang handog sa bawat isa. … Para sa bawat isa sa atin siya ay namatay sa Kalbaryo at ililigtas tayo ng Kanyang dugo nang may kundisyon. Hindi bilang mga bansa, komunidad o grupo, kundi bilang mga indibiduwal” (“A Marvelous Growth,” Juvenile Instructor, Dis. 1929, 697).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tumingin ayon sa pagtingin ng Diyos. Sikaping tingnan ang mga miyembro ng klase mo tulad ng pagtingin sa kanila ng Diyos, at ipapakita sa iyo ng Espiritu ang kanilang banal na kahalagahan at potensyal. Kapag ginawa mo ito, gagabayan ka sa mga pagsisikap mong tulungan sila (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 6).