“Hulyo 1–7. Mga Gawa 1–5: ‘Kayo’y Magiging mga Saksi Ko’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Hulyo 1–7. Mga Gawa 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Hulyo 1–7
Mga Gawa 1–5
“Kayo’y Magiging mga Saksi Ko”
Kung babasahin mo ang Mga Gawa 1–5 at hihingin ang patnubay ng Espiritu, tatanggap ka ng inspirasyon kung anong mga katotohanan sa mga kabanata ang makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na mas lubos na umasa sa Espiritu Santo at maging tapat na mga saksi ng Panginoong Jesucristo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maraming makahulugang talata at alituntunin sa Mga Gawa 1–5. Ang isang magandang paraan para matuklasan kung alin ang pinakamahalaga at nauugnay sa mga miyembro ng klase mo ay hayaan silang sabihin sa iyo kung ano ang namukod-tangi sa kanila sa kanilang pag-aaral. Paano mo mahihikayat ang ganitong klaseng pagbabahagi? Maaaring kasing-simple ito ng pagbibigay sa kanila ng ilang minuto para maghanap at magbahagi ng isang talata mula sa Mga Gawa 1–5, kung saan nadama nila ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa kanila.
Ituro ang Doktrina
Mga Gawa 1:1–8; 2:37–39; 4:1–16, 31–33
Pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
-
Ang pagbabasa tungkol sa mga karanasan ng mga Apostol ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na makita kung paano sila makatatanggap ng kapangyarihan at patnubay mula sa Espiritu Santo sa kanilang mga calling sa Simbahan. Ang isang paraan para marebyu ang mga karanasan sa Mga Gawa 1–5 ay isulat sa pisara ang Matutulungan ako ng Espiritu Santo sa calling ko sa pamamagitan ng: at pagkatapos ay ipasaliksik sa mga miyembro ng klase ang Mga Gawa 1:1–8; 2:36–39; at 4:1–16, 31–33, na naghahanap ng mga paraan para kumpletuhin ang pangungusap. Bakit kinailangan ng mga Apostol ang Espiritu Santo?
-
Bilang isang klase, maaari din ninyong tuklasin kung paano pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa ating panahon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Para magawa ito, maaari mong kontakin nang maaga ang ilang miyembro ng klase at sabihin sa kanila na rebyuhin ang mga salaysay sa Mga Gawa 1:1–8; 2:37–39; 4:1–16, 31–33 at pumasok na handang magbahagi ng mga personal na karanasan na kahalintulad ng sa mga Apostol. Halimbawa, maaari nilang ibahagi ang isang pagkakataon na tinulungan sila ng Espiritu Santo na patotohanan ang isang alituntunin ng ebanghelyo o sagutin ang tanong ng isang tao. Ano ang nagawa nila para hingin ang patnubay ng Espiritu Santo?
Ang mga Apostol ni Jesucristo ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag.
-
Maaaring makatulong sa klase mo na pansinin na ang mga bagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa sinaunang Simbahan ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag, na tulad ng pagtawag sa kanila ngayon. Isiping ipapaliwanag sa mga miyembro ng klase kung paano maaaring pumili ang isang negosyo ng ipapalit sa isang executive position, tulad ng pagtingin sa natapos na kurso, karanasan, at iba pa. Ipakumpara ito sa kanila sa kung paano tinawag si Apostol Matias sa Mga Gawa 1:15–26 (tingnan din sa I Samuel 16:1–13). Paano kaya madaragdagan ng pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources” ang pang-unawa ng mga miyembro ng klase? (tingnan din sa Russell M. Nelson, “Pagsang-ayon sa mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 74–77). Paano naaapektuhan ng kaalamang ito ang ating pananampalataya sa mga pinunong tinawag ng Panginoon? Paano kayo nagkaroon ng patotoo sa mga makabagong apostol at propeta?
Mga Gawa 2:22–47; 3:13–26; 4:5–12
Tinatanggap natin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala kapag ipinamumuhay natin ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo.
-
Paano makasusumpong ng kapangyarihan at kahulugan ang mga tinuturuan mo sa mga simpleng katotohanang itinuro nina Pedro at Juan (pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas)? Maaaring ang isang paraan ay tuklasin ang kahalagahan ng mga alituntunin at ordenansang ito, na kung minsa’y tinatawag na doktrina ni Cristo (tingnan sa 2 Nephi 31). Maaari kang magdala ng limang poster sa klase at isulat sa itaas ng bawat poster ang isa sa sumusunod na mga aspeto ng doktrina ni Cristo: Pananampalataya kay Jesucristo, Pagsisisi, Pagpapabinyag, Kaloob na Espiritu Santo, Pagtitiis Hanggang Wakas. Hatiin ang klase sa limang grupo, at bigyan ng isa sa mga poster ang bawat grupo. Anyayahan ang mga grupo na rebyuhin ang kahulugan ng paksa sa kanilang poster sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay maaari nilang rebyuhin ang mga turo ni Pedro sa Mga Gawa 2:22–47; 3:13–26; at 4:5–12 at isulat sa kanilang poster ang mga halimbawa ng paksang nakaatas sa kanila mula sa mga banal na kasulatan. Paano nakakatulong sa atin ang mga alituntunin at ordenansang ito ng ebanghelyo na matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Ano ang mga tungkuling ginagampanan ng mga alituntunin at ordenansang ito sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
-
Maaari mong bigyan ng ilang minuto ang ilang full-time, recently returned, o ward missionary para ipaliwanag kung paano nila naturuan ang iba tungkol sa doktrina ni Cristo gamit ang lesson 3 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Bakit ang doktrina ni Cristo ang pangunahing mensahe ng ating mga missionary? Paano patuloy na nasusunod ng isang taong nabinyagan at nakatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ang doktrina ni Cristo?
Hinihikayat tayo ng Espiritu Santo na kumilos ayon sa ating natutuhan.
-
Habang pinag-aaralan ng mga miyembro ng klase ang mga talata sa bahay at nang sama-sama sa klase bawat linggo, maaaring madalas nilang madama na “nangasaktan ang kanilang puso” (Mga Gawa 2:37). Maaari kang mahikayat na tulungan silang sumulong pa sa pamamagitan ng pagtatanong ng, “Ano ang gagawin [natin]?” (Mga Gawa 2:37). Sama-samang basahin ang Mga Gawa 2:37–47, na ipinapahanap sa mga miyembro ng klase ang mga bagay na ginawa ng grupong ito ng 3,000 tao dahil sa paanyaya ni Pedro. Siguro’y maaari din nilang ibahagi kung paano sila kumilos ayon sa inspirasyon mula sa kanilang pag-aaral ng salita ng Diyos. Pagkatapos ay maaari kang maglaan ng panahon sa pagtatapos ng klase para maitanong ng bawat tao sa kanilang sarili ang “Ano ang gagawin ko?” at maitala ang kanilang mga impresyon.
Kapag tayo ay napuspos ng Espiritu Santo, maibabahagi natin nang buong tapang ang ebanghelyo.
-
Ang salaysay tungkol sa matapang na pagpapatotoo nina Pedro at Juan tungkol kay Jesus ay maaaring makahikayat sa klase mo na huwag katakutan ang iniisip ng iba kapag nagbahagi sila ng patotoo tungkol sa ebanghelyo. Ano ang hinahangaan ng mga miyembro ng klase tungkol sa katapangan nina Pedro at Juan sa Mga Gawa 3; 4:1–21; at 5:12–42? Ano ang kaugnayan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa kakayahan nating magpatotoo nang buong tapang? Maaaring may mga karanasan ding maibabahagi ang mga miyembro ng klase kung saan buong tapang na ipinagtanggol o pinatotohanan nila, o ng isang taong kilala nila, ang ebanghelyo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Ipaisip sa mga miyembro ng klase kung paano sila tutugon kung nalaman nila na ikamamatay nila ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Sabihin sa kanila na mababasa nila sa Mga Gawa 6–9 ang tungkol sa isang taong handang mamatay para sa kanyang pananampalataya.
Karagdagang Resources
Ang calling ng isang miyembro ng Labindalawa.
Ibinahagi ni Gordon B. Hinckley ang sumusunod na mga kabatiran tungkol sa proseso ng pagtawag sa isang bagong Apostol: “Ang pamamaraan ay natatangi sa Simbahan ng Panginoon. Walang naghahangad para sa katungkulan, walang nagmamaniobra para sa posisyon, walang nangangampanya para mapansin ang mga katangian ng isang tao. Ikumpara ang paraan ng Panginoon sa paraan ng mundo. Ang paraan ng Panginoon ay tahimik, payapa, walang seremonya o gastos. Walang pagkamakasarili o kayabangan o ambisyon. Sa plano ng Panginoon, yaong mga responsableng pumili ng mga opisyal ay bumabatay sa isang napakahalagang tanong: ‘Sino ang gustong tawagin ng Panginoon?’ Tahimik at masusi itong pinag-iisipan. At maraming panalangin ang kailangan upang matanggap ang pagpapatibay ng Banal na Espiritu na tama ang napili” (“God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 53).