Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 8–14. Mga Gawa 6–9: ‘Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?’


“Hulyo 8–14. Mga Gawa 6–9: ‘Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 8–14. Mga Gawa 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

si Pablo sa daan patungong Damasco

Nawa’y Mamuhay Tayo nang Gayon, ni Sam Lawlor

Hulyo 8–14

Mga Gawa 6–9

“Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?”

Pag-aralan ang Mga Gawa 6–9 at itala ang iyong mga impresyon. Tutulungan ka nitong makatanggap ng paghahayag kung paano tutulungan ang mga miyembro ng klase na lumapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral ng mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Sa pisara, isulat ang mga pangalan ng ilan sa mga taong binanggit sa Mga Gawa 6–9, tulad nina Esteban, Saulo, Felipe, Ananias, Pedro, at Tabita o Dorcas. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila mula sa isa sa mga taong ito sa kanilang pag-aaral sa linggong ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Gawa 7

Ang hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo ay maaaring humantong sa hindi pagtanggap sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan ng mga miyembro ng klase sa pagbabasa ng salaysay tungkol kay Esteban sa linggong ito? Isiping ipaaral sa mga miyembro ng klase ang mga turo ni Esteban sa Mga Gawa 7:37–53, na hinahanap kung paano naging katulad ng mga sinaunang Israelitang hindi tumanggap sa mga propeta ang mga pinunong Judio. Maaari kang magtuon sa pahayag ni Esteban tungkol sa mga pinunong ito sa Mga Gawa 7:51. Paano nakakatulong sa mga miyembro ng klase ang 2 Nephi 28:3–6; 33:1–2; Mosias 2:36–37; Alma 10:5–6; at Alma 34:37–38 na maunawaan ang pahayag na ito? Bakit kaya tayo “nagsisisalangsang sa Espiritu Santo”? Ano ang maaari nating gawin para mas makilala at masunod ang mga paramdam ng Espiritu Santo?

Mga Gawa 8:9–24

Ang ating puso ay kailangang maging “matuwid sa harap ng Dios.”

  • Ang pag-aaral ng salaysay tungkol kay Simon ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na suriin ang mga dahilan kung bakit nila ipinamumuhay ang ebanghelyo. Para mapag-aralan ang salaysay na ito bilang isang klase, maaari ninyong isulat sa pisara ang mga tanong na Sino si Simon? Ano ang gusto niya? at Paano niya sinubukang makuha iyon? Atasan ang bawat miyembro ng klase na basahin ang Mga Gawa 8:9–24, na hinahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Simon?

  • Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase mo ang ibig sabihin ng maging “matuwid sa harap ng Dios” ang kanilang puso (Mga Gawa 8:21), maaari mong ipaaral sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 121:41–46, na hinahanap ang mga salita o pariralang naglalarawan kung ano dapat ang nasa ating puso habang pinagsisikapan nating paglingkuran ang Diyos at tanggapin ang Kanyang mga kaloob. Maaaring ikumpara ng mga miyembro ng klase ang mga kabatirang ito sa salaysay tungkol kay Simon, na matatagpuan sa Mga Gawa 8:9–24. Anong mga katotohanan ang hindi pa naunawaan ni Simon? Paano natin magagawang maging “matuwid sa harap ng Dios” ang ating puso?

  • Ikinumpara ba ng mga miyembro ng klase mo sina Esteban at Felipe kay Simon sa kanilang personal na pag-aaral, tulad ng iminungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya? Kung gayon, ano ang natutuhan nila? Maaari kang magpahanap sa kanila ng katibayan sa mga kabanatang ito na ang puso ng ibang mga tao ay matuwid—mga taong tulad ni Felipe at ng lalaking taga-Etiopia (Mga Gawa 8:26–40) at ni Saulo (Mga Gawa 9:1–22).

Mga Gawa 8:26–39

Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na gabayan ang iba patungo kay Jesucristo.

  • Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase kung paano nila magagabayan ang iba patungo kay Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 8:31), maaari mong paupuin ang dalawang miyembro ng klase nang magkaharap at ipabasa sa kanila ang pag-uusap ni Felipe at ng lalaking taga-Etiopia sa Mga Gawa 8:26–39. Maaaring basahin ng isa pang miyembro ng klase ang mga hindi bahagi ng pag-uusap. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Felipe tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba?

  • Para matuklasan ang mga makabagong halimbawa ng salaysay sa Mga Gawa 8:26–39, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang kanilang mga karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo o sa pagsapi sa Simbahan. Paano sila tinulungan ng Espiritu Santo? Paano naging gabay ang isang tao sa kanila? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung sino ang maaari nilang gabayan sa ebanghelyo.

Mga Gawa 9

Kapag nagpasakop tayo sa kalooban ng Panginoon, maaari tayong maging mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay.

  • Maaaring malaman ng mga miyembro ng klase ang mga makapangyarihang katotohanan tungkol sa kanilang sariling pagbabalik-loob sa pamamagitan ng pag-aaral ng karanasan ni Saulo, pati na ang katotohanan na lahat ay maaaring magsisi at magbago kung gusto nila. Maaari mong ipakumpara sa mga miyembro ng klase ang karanasan ni Saulo sa mga karanasan ni Alma (tingnan sa Mosias 17:1–418; 26:15–21) at nina Laman at Lemuel (tingnan sa 1 Nephi 3:28–31). Anong mga katangian nina Saulo at Alma ang nakatulong sa kanila na magsisi at magbago? Anong mga katangian ang nakapigil kina Laman at Lemuel na magbago? Ano ang naging impluwensya nina Saulo at Alma matapos silang magbalik-loob? Anong mga mensahe ang nakikita natin sa ating buhay mula sa mga salaysay na ito?

  • Para maiangkop ng mga miyembro ng klase ang karanasan ni Saulo sa sarili nila, maaari mong hikayatin ang ilang miyembro ng klase na pumasok na handang ibahagi ang natututuhan nila mula sa bawat isa sa mga bahagi ng mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Paghihintay sa Daan patungong Damasco” (Ensign o Liahona, Mayo 2011, 70–77). Paano tayo naghihintay kung minsan sa ating sariling daan patungong Damasco? Ayon kay Pangulong Uchtdorf, ano ang makakatulong sa atin na mas marinig ang tinig ng Diyos? Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na sundan ang halimbawa ni Saulo at magtanong sa Panginoon ng, “Ano ang nais ninyong ipagawa sa akin?” isiping talakayin ang karanasan ni Pangulong Thomas S. Monson na matatagpuan sa “Karagdagang Resources.” Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang kanilang mga karanasan sa paghahangad at pagsunod sa kalooban ng Diyos.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mga Gawa 10–15 sa darating na linggo, maaari kang magbahagi ng ilan sa mga dramatikong pangyayari sa mga kabanatang ito—isang mahimalang pagtakas sa bilangguan, mga missionary na napagkamalang mga diyos ng mga Romano, at isang Apostol na binato at iniwang nakahandusay na halos patay na—pagkatapos ay nabuhay.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga Gawa 6–9

“Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?”

Habang si Pangulong Thomas S. Monson ay nasa isang stake conference, tinanong siya ng stake president kung maaari niyang dalawin ang 10-taong-gulang na batang babae na si Christal Methvin, na mamamatay na sa kanser. Ang pamilya ng bata ay nakatira 80 milya mula sa pinagdarausan ng kumperensya. Ibinahagi ni Pangulong Monson ang sumusunod:

“Pinag-aralan ko ang iskedyul ng mga miting. … Wala talagang bakanteng oras. Pumasok sa kanyang isipan ang isang alternatibo. Maaari ba nating alalahanin ang batang musmos sa ating pampublikong mga panalangin sa kumperensya? …

“… [Sa isa sa mga pulong] inaayos ko ang mga sasabihin ko, habang naghahandang lumapit sa pulpito, nang marinig ko ang isang tinig na nangungusap sa aking espiritu. Ang mensahe ay maikli, pamilyar ang mga salita: ‘Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.’ (Marcos 10:14.) Lumabo ang binabasa ko. Naisip ko ang isang munting batang nangangailangan ng basbas. Nagpasiya ako. Binago ang iskedyul ng pulong. …

“… [Sa tahanan ng mga Methvin] tinunghayan ko ang isang batang napakalubha ng sakit para bumangon—halos napakahina para magsalita. Nabulag na siya dahil sa sakit niya. Napakalakas ng espiritu kaya napaluhod ako, hinawakan ko ang kanyang nanghihinang kamay, at sinabi ko, ‘Christal, narito ako.’ Nagbuka siya ng mga labi at bumulong, ‘Brother Monson, alam kong darating kayo’” (“The Faith of a Child,” Ensign, Nob. 1975, 20–22).

Pagkaraan ng ilang taon, isinalaysay ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang kuwentong ito, na nag-aanyaya na “sikapin nating makasama ang mga yaong maaasahan ng Panginoon na makinig sa Kanyang mga bulong at tumugon, tulad ni Saulo sa kanyang daan patungong Damasco, ‘Panginoon, ano ang nais ninyong gawin ko?’” (“Paghihintay sa Daan patungong Damasco,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 75).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gabayan ang iyong mga mag-aaral. Bilang guro, magagabayan mo ang iyong mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, tulad noong gabayan ni Felipe ang lalaking taga-Etiopia sa pamamagitan ng pagtuturo dito mula sa Isaias (tingnan sa Mga Gawa 8:26–37). Para magawa ito, kailangan mong “maghanap ng kaalaman maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (DT 109:7). Ang kaalamang natatamo mo ay maaaring maging malaking impluwensya para hangarin ng mga miyembro ng klase na tuklasin ang katotohanan para sa kanilang sarili at ipamuhay ito.