Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 15–21. Mga Gawa 10–15: ‘Lumago ang Salita ng Dios at Dumami’


“Hulyo 15–21. Mga Gawa 10–15: ‘Lumago ang Salita ng Dios at Dumami’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 15–21. Mga Gawa 10–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

Larawan
si Cornelio na kausap ni Pedro

Hulyo 15–21.

Mga Gawa 10–15

“Lumago ang Salita ng Dios at Dumami”

Ang mapanalanging pag-aaral ng Mga Gawa 10–15 bago basahin ang outline na ito ay makakatulong sa iyo na tumanggap ng mga impresyon mula sa Panginoon. Ang mga ideya sa ibaba ay mga mungkahi lamang.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi, sa isang katabi, ng karanasan ng isang missionary mula sa Mga Gawa 10–15 na hinangaan nila. Anyayahan ang ilan na ibahagi ang kanilang mga pananaw sa buong klase.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Gawa 10; 11:1–18; 15:1–25

Tinuturuan tayo ng Ama sa Langit nang taludtod sa taludtod sa pamamagitan ng paghahayag.

  • Maaaring may mga maling pagkaunawa ang ilang miyembro ng klase tungkol sa proseso ng pagtanggap ng paghahayag. Maaaring makatulong sa kanila na talakayin kung paano dumating ang paghahayag kay Pedro at kung paano sila makakasulong, nang “walang pag-aalinlangan” (Mga Gawa 10:20), kapag ang paghahayag ay tila hindi kumpleto o hindi malinaw. Isiping gumuhit ng isang linya sa pisara at isulat sa isang dulo ng linya ang Ang ebanghelyo ay ipapangaral sa mga Gentil. Bilang isang klase, rebyuhin ang Mga Gawa 10 at 11:1–18, at pagkatapos ay magdagdag ng mga punto sa linya na nagpapakita kung paano isa-isang inihayag ng Panginoon kay Pedro na dumating na ang panahon para ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil. Halimbawa, maaari kang magsimula sa isang punto na may nakasulat na “Si Cornelio ay nakakita ng isang pangitain” (Mga Gawa 10:1–6) o kahit sa utos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na “[turuan] ang lahat ng mga bansa” sa Mateo 28:19. Ano ang matututuhan natin tungkol sa paghahayag mula sa karanasan ni Pedro? Ano ang idinaragdag ng mga turo ni Nephi tungkol sa paghahayag sa 2 Nephi 28:30 at ng mga turo nina Elder David A. Bednar at Elder Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources” sa talakayan?

  • Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na pag-isipan nang mas malalim kung paano sila tumatanggap ng paghahayag? Maaari mong pag-aralan ang mga pangyayari sa mga banal na kasulatan kung saan tinuruan ng Panginoon ang mga tao nang taludtod sa taludtod. Bukod sa karanasan ni Pedro sa Mga Gawa 10, maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang mga karanasan nina Nephi (1 Nephi 18:1–3); Alma (Alma 7:8; 16:20); at Mormon (3 Nephi 28:17, 36–40). Anong iba pang mga halimbawa ang maaaring maisip ng mga miyembro ng klase kung saan tumanggap ng espirituwal na patnubay ang mga tao nang “kaunti rito at kaunti roon”? (2 Nephi 28:30). Bakit kaya pinipili ng Panginoon kung minsan na ihayag ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan sa halip na ibigay sa atin ang sagot sa isang iglap? (tingnan sa DT 50:40; 98:12). Ang analohiyang katulad nito ay maaaring makatulong: Kunwari’y may nagmungkahi na kumuha ka ng calculus class bago ka natuto ng algebra o geometry. Paano ka tutugon? Paano ito nauugnay sa huwaran ng Panginoon sa paghahayag ng katotohanan?

  • Kung minsa’y may mga tanong o problema ang mga miyembro tungkol sa mga pagbabago sa mga patakaran at programa sa Simbahan. Maaaring makatulong sa kanila na talakayin kung paano pinalitan ng paghahayag na simulang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil (tingnan sa Mga Gawa 10) ang naunang mga tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo (tingnan sa Mateo 10:1, 5–6). Paano kaya tutugon ang mga miyembro ng klase sa isang tao noong panahon ni Pedro na hindi sumang-ayon sa utos ni Pedro dahil salungat ito sa naunang mga kagawian? Paano tayo matutulungan ng paghahayag sa Mga Gawa 10 na pakinggan ang patuloy na paghahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta?

  • Maaaring nakawiwiling rebyuhin ang pagsasangguniang naganap sa mga Apostol, na inilarawan sa Mga Gawa 15:1–22, at ang liham na isinulat nila sa mga Banal (tingnan sa mga talata 23–29). Ano ang itinanong ng mga disipulo? Paano sila naghanap ng sagot? Ang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources” ay maaaring magbigay ng karagdagang paliwanag kung paano pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa mga apostol at propeta.

Mga Gawa 10:9–48

“Hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.”

  • Makikinabang ba ang miyembro ng klase mo mula sa isang talakayan tungkol sa kahulugan ng “hindi nagtatangi ng mga tao”? Maaari kang magsimula sa pagpapabasa sa klase ng mga talatang nagtuturo na hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao, tulad ng Mga Taga Roma 2:1–11; 1 Nephi 17:34–40; 2 Nephi 26:32–33; Alma 5:33; Moroni 8:12; at Doktrina at mga Tipan 1:34–35. Ipasulat sa mga miyembro ng klase ang posibleng mga kahulugan ng “hindi nagtatangi ng mga tao,” batay sa nabasa nila, at pagkatapos ay ipabahagi ang isinulat nila. Maaari mong kailanganing ipaunawa sa mga miyembro ng klase na ang pagiging “hindi nagtatangi ng mga tao” ay hindi nangangahulugan na pinagpapala ng Diyos ang lahat ng tao nang pantay-pantay anuman ang ating gawin. Nais Niyang tanggapin ng lahat ng Kanyang anak ang Kanyang ebanghelyo, ngunit ang kabuuan ng mga pagpapala ng ebanghelyo ay nakalaan para sa mga taong gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Kanya. Paano ipinapakita ng mga kaganapan at alituntunin sa Mga Gawa 10:34–48 na hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao? Paano “matatanggap” at “mapapaboran” ng Diyos ang mabubuti kahit hindi Siya nagtatangi ng mga tao? (tingnan sa Mga Gawa 10:34–35; 1 Nephi 17:35).

Mga Gawa 12:1–17

Ang mga panalangin ng mabubuti ay maaaring maghatid ng malalaking himala.

  • Ang salaysay tungkol sa paglaya ni Pedro mula sa bilangguan sa Mga Gawa 12:1–17 ay magpapalakas ng pananampalataya ng mga miyembro ng klase sa bisa ng panalangin. Marahil ay maaaring pumasok ang isang miyembro ng klase na handang ibahagi ang mga detalye ng kuwentong ito at ang kanyang patotoo tungkol sa panalangin. O maaari kang magpabahagi sa isa o mahigit pang miyembro ng ward o branch ng mga karanasan kung saan nadama o nasaksihan nila ang bisa ng nagkakaisang mga panalangin ng mga miyembro. Maaari din ninyong kantahin ang mga himno tungkol sa panalangin (tulad ng “Naisip Bang Manalangin?” Mga Himno, blg. 82) at talakayin kung ano ang itinuturo ng mga himno tungkol sa bisa ng panalangin.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung bakit hindi natin naibabahagi kung minsan ang ebanghelyo sa iba. Ipahiwatig na ang pag-aaral ng Mga Gawa 16–21 ay makakatulong sa kanila na madaig ang mga balakid na maaaring pumigil sa kanila na ibahagi ang ebanghelyo.

Larawan
icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga Gawa 10–15

Pagtanggap ng paghahayag nang taludtod sa taludtod.

Ibinigay ni Elder David A. Bednar ang sumusunod na mga puna tungkol sa huwaran ng Panginoon sa paghahayag: “Marami sa atin ang karaniwa’y nag-aakala na tatanggap tayo ng isang sagot o isang paramdam sa taimtim nating mga panalangin at pagsamo. At madalas din tayong umaasa na ang ganitong sagot o paramdam ay darating kaagad at sa isang iglap. Kaya naman, mahilig tayong maniwala na ibibigay sa atin ng Panginoon kaagad ang tamang sagot at sa isang iglap. Gayunman, ang huwarang paulit-ulit na inilarawan sa mga banal na kasulatan ay nagpapahiwatig na tumatanggap tayo nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin,’ o sa madaling salita, maraming maliliit na sagot sa paglipas ng panahon. Ang pagkilala at pag-unawa sa huwarang ito ay isang mahalagang susi sa pagtatamo ng inspirasyon at tulong mula sa Espiritu Santo” (“Line upon Line, Precept upon Precept,“ New Era, Set. 2010, 3–4).

Larawan
batang babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ang personal na paghahayag ay madalas dumating sa paglipas ng panahon sa pamamagitan ng masigasig na pagsisikap.

Narito ang payo ni Elder Dallin H. Oaks: “Dapat nating pag-aralan ang mga bagay sa ating isipan, gamit ang katalinuhang ibinigay ng ating Lumikha. Pagkatapos ay ipagdasal natin na patnubayan tayo at kumilos ayon dito kung matanggap natin ito. Kung hindi tayo makatanggap ng patnubay, dapat tayong kumilos ayon sa ating matalinong pagpapasiya” (“Our Strengths Can Become Our Downfall,” Ensign, Okt. 1994, 13–14).

Ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang pananaw tungkol sa paglilingkod sa mga presiding council ng Simbahan:

“Sa tingin sa pagtalakay sa mga bagay-bagay, maaaring magkaroon ng iba’t ibang pananaw. Inaasahan na ito. Ang kalalakihang ito ay magkakaiba ng karanasan at pinagmulan. Sila’y kalalakihang nakapag-iisip para sa kanilang mga sarili. …

“… Mula sa mga opinyon ng kalalakihang ito, maingat itong susuriin at aalisin ang hindi gaanong mahalagang mga ideya at konsepto. Ngunit hindi ako kailanman nakakita ng matinding pagtatalo o pagkainis sa aking mga Kapatid. Sa halip, napansin ko ang isang napakaganda at kahanga-hangang bagay—ang pagsasama-sama, sa ilalim ng pumapatnubay na impluwensya ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan ng paghahayag, ng magkakaibang pananaw hanggang sa magkaroon ng lubos na pagkakaisa at lubos na pagkakasundo. At saka pa lamang ito isasakatuparan. Pinatototohanan ko na sumasagisag iyan sa diwa ng paghahayag na makikita nang paulit-ulit sa pamamahala sa gawaing ito ng Panginoon” (“God Is the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54, 59).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magsimula sa mga banal na kasulatan. Bago bumaling sa karagdagang resources, masigasig na pag-aralan ang sinauna at makabagong mga banal na kasulatan. Ang mapanalanging pag-aaral ng salita ng Diyos ay magtutulot sa Espiritu na tulungan kang makinabang sa napag-aralan mo habang nagtuturo ka (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12).

Print