Abril 15–21. Pasko ng Pagkabuhay: ‘Saan Naroon, Oh Kamatayan, ang Iyong Pagtatagumpay?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Abril 15–21. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Abril 15–21
Pasko ng Pagkabuhay
“Saan Naroon, Oh Kamatayan, ang Iyong Pagtatagumpay?”
Habang naghahanda kang magturo sa linggong ito, isipin kung paano makakabuo ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang talakayan sa klase mo sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
Itala and Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Itanong sa mga miyembro ng klase kung paano nila sasagutin ang mga tanong na tulad ng “Ano ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?” at “Paano ko matatanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Cristo?” Nagbasa ba sila ng anumang mga talata sa banal na kasulatan sa linggong ito na makakasagot sa mga tanong na ito?
Ituro ang Doktrina
Inililigtas tayo ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan, pinalalakas tayo sa oras ng ating mga kahinaan, at inaaliw tayo sa oras ng ating mga pagsubok.
-
Nauunawaan ba ng mga miyembro ng klase mo na bukod pa sa pagdaig sa kasalanan at kamatayan, maaari din tayong aliwin ni Jesucristo sa oras ng ating mga pagsubok at palakasin sa oras ng ating mga kahinaan? Ang isang paraan para matulungan silang tuklasin ang mga alituntuning ito ay isulat ang mga salitang ito sa pisara: Kasalanan, Kamatayan, Mga Pagsubok, Mga Kahinaan. Hilingin sa bawat miyembro ng klase na basahin ang isa sa mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa “Karagdagang Resources” at pagnilayan kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na madaig o matiis ang mga bagay na ito. Maaaring isulat ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatang ito sa ilalim ng bawat heading at ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa halagang ibinayad ni Jesucristo para sa ating kaligtasan? Halimbawa, tingnan sa Lucas 22:39–44; Mosias 3:7; at Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Ano ang halagang ibinayad ng ating Ama sa Langit? (tingnan sa Juan 3:16).
-
Bago magklase, isiping pagdalahin ang ilang miyembro ng klase ng isang sipi mula sa isang mensahe sa kumperensya na naglalarawan kung paano tayo pinagpapala ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala (para sa ilang halimbawa, tingnan ang “Karagdagang Resources”). Paano pinalalawak ng mga turo ng mga propeta sa makabagong panahon ang ating pagkaunawa sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Paano nila pinalalakas ang ating patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Marahil ay mailalarawan ng isang simpleng pakay-aralin (object lesson) ang pagkakaiba ng malinis mula sa kasalanan sa pagiging perpekto: Maaari mong isulat sa pisara ang unang ilang linya mula sa Moroni 10:32, ngunit maglagay ng mga maling baybay o gramatika. Pagkatapos ay anyayahan ang isang miyembro ng klase na burahin ang mga mali. Nalutas ba nito ang problema? Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa banal na kasulatang ito at sa pakay-araling ito tungkol sa epekto ng Pagbabayad-sala sa atin? Maaari ding makatulong ang pahayag na ito ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Kung ang ibig lamang sabihin ng kaligtasan ay pagbubura ng ating mga pagkakamali at kasalanan, ang kaligtasan—maganda man ito—ay hindi isinasakatuparan ang mga mithiin ng Ama para sa atin. Ang Kanyang layunin ay mas matayog pa riyan: Nais Niyang maging katulad Niya ang Kanyang mga anak” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108).
-
Ang mga kuwento at analohiya ay magpapaunawa sa atin ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Halimbawa, ikinuwento ni Elder Jeffrey R. Holland ang dalawang magkapatid na lalaki na umakyat sa gilid ng bangin sa kanyang mensaheng “Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma” (Ensign o Liahona, Mayo 2015, 104–6).
Nagpatotoo ang mga saksi sa Bagong Tipan na nadaig ni Jesucristo ang kamatayan.
-
Isiping rebyuhin ang salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa unang Pasko ng Pagkabuhay—ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na muling ikuwento ito sa sarili niyang mga salita (tingnan sa Juan 20:1–17).
-
Marahil mas lalalim ang pagkaunawa ng klase mo sa kahalagahan ng mga saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo kung iisipin nila na kunwari ay abogado sila o mamamahayag na nagsisiyasat sa pahayag na si Cristo ay nabuhay na mag-uli. Anyayahan silang maghanap ng mga tao sa mga banal na kasulatan na maaaring magsilbing mga saksi (tingnan sa Mateo 28:1–10; Lucas 24:13–35; Juan 20:19–29; I Mga Taga Corinto 15:3–8, 55–58). Maaari pa nga silang sumulat ng maikling buod ng maaaring sabihin ng mga taong ito kapag sumaksi sila sa hukuman o ininterbyu para sa balita.
-
Ang isang paraan para mapalalim ang pagpapahalaga natin sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay isipin kung paano natin ipaliliwanag sa iba ang ating mga paniniwala. Paano patototohanan ng mga miyembro ng klase si Jesucristo sa sumusunod na mga sitwasyon: isang kapamilya ang nasuring may malubhang karamdaman; isang kaibigan ang namatayan ng mahal sa buhay; isang kapitbahay ang nagtanong kung bakit ninyo ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay. Hikayatin silang sumangguni sa mga banal na kasulatan (tulad ng nasa “Karagdagang Resources”) habang ipinaplano nila ang kanilang mga sagot. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga ideya.
Si Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kagalakan.
-
Lahat tayo ay maaaring magkaroon ng pag-asa at magalak dahil sa Tagapagligtas. Maaari mong basahin ang Juan 16:33 at talakayin kung paano tayo tinutulungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na maging masaya sa kabila ng ating mga pagsubok. Paano tayo nakatanggap ng kagalakan at nasuportahan sa oras ng ating mga pagsubok?
-
Ang pagbasa sa patotoo ni Pedro sa I Ni Pedro 1:3–11 ay maaaring magbigay sa mga miyembro ng klase ng ibayong pag-asa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bigyan sila ng oras para pagnilayan ang mga talatang ito at magpares-pares sa paghahanap ng iba pang mga talata sa banal na kasulatan na naglalarawan din kung paano magtamo ng pag-asa kay Jesucristo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pag-asa”). Maaari nilang gamitin ang mga talatang mahahanap nila para gumawa ng poster na ididispley sa kanilang tahanan o online (tingnan ang mga halimbawa sa mga siping larawan na nagbibigay-inspirasyon sa LDS.org). Maaaring isaalang-alang ng mga miyembro ng klase ang mga kalagayan ng mga kapamilya o kaibigan na maaaring kailangang makadama ng higit na pag-asa.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Ano ang gaganyak sa mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 18 at Lucas 10? Maaari mong sabihin sa kanila na nasa mga kabanatang ito ang dalawa sa di-malilimutang mga talinghaga ng Tagapagligtas, na parehong naghahatid ng mahahalagang aral kung paano natin dapat tratuhin ang isa’t isa.
Karagdagang Resources
Pasko ng Pagkabuhay
Mga banal na kasulatan tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Mga mensahe tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
-
Pangulong Thomas S. Monson, “Siya’y Nagbangon!” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 87–90
-
Elder D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 111–14
-
Elder Dallin H. Oaks, “Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 61–64
-
Sister Carole M. Stephens, “Ang Dalubhasang Manggagamot,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 9–12
Mga himno tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Maaaring matuwa ang mga miyembro ng klase sa pagkanta ng ilan sa mga himnong ito at pagbasa ng kaugnay na mga talata sa banal na kasulatan na binanggit sa bandang ibaba ng pahina. Maaaring may natutuhan nang ilang himno ang ilang miyembro ng klase bilang bahagi ng pag-aaral ng banal na kasulatan ng kanilang pamilya sa linggong ito; hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga karanasan.
-
“Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47
-
“Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” Mga Himno, blg. 74
-
“Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115
-
“S’ya’y Nabuhay!” Mga Himno, blg. 119
Bawat taon, lumilikha ng mga mensahe ang Simbahan para sa Pasko ng Pagkabuhay, na makukuha sa mormon.org/easter.
Pinalalaya tayo ni Jesucristo.
Noong 1741, kumatha si George Frideric Handel ng isang oratorio tungkol kay Jesucristo na pinamagatang Messiah. Ipinasiya ni Handel na iabuloy ang kinita sa pagtatanghal ng Messiah para ipambayad sa pagpapalaya ng mga may utang mula sa bilangguan ng mga may utang. Mahigit 140 tao na nakulong dahil hindi nila nabayaran ang kanilang utang ang pinalaya dahil dito. Sa pagbibigay ng puna sa kaganapang ito, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kung hindi sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat tayo ay mababaon sa utang, tulad ng mga taong iyon sa bilangguan ng mga may utang. Ang ating Manunubos, ang Panginoong Jesucristo, ay pumarito upang bayaran ang utang na hindi Kanya dahil may utang tayo na hindi natin kayang bayaran.”