“Enero 28–Pebrero 3. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: ‘Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Enero 28–Pebrero 3. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Enero 28–Pebrero 3
Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3
“Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”
Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Mateo 3; Marcos 1; at Lucas 3, itala ang mga impresyong natatanggap mo. Aanyayahan nito ang Espiritu habang naghahanda ka. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang sumusunod na mga ideya ay maaaring makatulong sa iyo na maganyak ang mga tao sa klase mo na maunawaan at maipamuhay ang doktrina sa mga talatang ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano pinagpapala ang kanilang buhay ng pagkatuto mula sa Bagong Tipan, maaari mong isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Ano ang isang bagay na ginawa mo dahil sa nabasa mo sa Bagong Tipan sa linggong ito?
Ituro ang Doktrina
Inihahanda ng mga disipulo ang kanilang sarili at ang iba na tanggapin si Jesucristo.
-
Paano ba tayo naghahanda para sa pagbisita ng isang mahalagang panauhin? Ang tanong na tulad nito ay makakatulong sa iyo na pasimulan ang isang talakayan kung paano inihanda ni Juan Bautista ang mga tao na tanggapin si Jesucristo. Maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo para basahin ang Mateo 3:1–6; Mateo 3:7–12; at Lucas 3:10–15, na hinahanap kung paano inihanda ni Juan Bautista ang mga tao na tanggapin si Jesucristo sa kanilang buhay. Hayaang magpalitan ang bawat grupo sa pagbabahagi ng natuklasan nila.
-
Tulad ng ginawa ni Juan Bautista, tinutulungan tayo ng mga buhay na propeta na maghandang tanggapin ang Tagapagligtas sa ating buhay. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na maiugnay ang mga makabagong propeta kay Juan Bautista, maaari mong rebyuhin ang mga turo ni Juan Bautista sa Mateo 3:1–12 at Lucas 3:2–18 at anumang payo mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Paano tayo tinutulungan ng pagsunod sa payong ito ng propeta na maghandang tanggapin ang Tagapagligtas?
-
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 3:4–11 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) ay nagbibigay ng ideya tungkol sa misyon ni Jesucristo na higit pa sa matatagpuan sa Lucas 3:4–6. Ano ang matututuhan ng mga miyembro ng klase sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa pangangailangan nating magsisi?
Kailangan nating ilabas ang “[mga bunga na] karapatdapat sa pagsisisi.”
-
Sa Lucas 3:8, itinuro ni Juan Bautista sa mga tao na bago sila mabinyagan, kailangan nilang ipakita ang “mga bunga,” o katibayan, ng kanilang pagsisisi. Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na makita ang katibayan ng sarili nilang pagsisisi? Maaari mong hilingin sa kanila na saliksikin ang Lucas 3:8–14 at hanapin kung ano ang itinuring ni Juan na “mga bunga” ng pagsisisi. Maaari din nilang rebyuhin ang Moroni 6:1–3 at Doktrina at mga Tipan 20:37. Maaari mong idrowing ang isang punong may bunga sa pisara at pasulatan sa mga miyembro ng klase ng “mga bunga” ng pagsisisi ang bunga sa puno na nakita nila. Maaaring magandang pagkakataon din ito para pag-usapan ang kahulugan ng tunay na magsisi. Ituro na ang isang paraan na maaaring “tuwirin [natin] ang kanyang mga landas” (Lucas 3:4) ay sa pamamagitan ng pagsisisi sa anumang mga balakid na hahadlang sa Espiritu na matulungan tayo.
-
Ang pagkanta ng himnong “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan,” Mga Himno, blg. 80, ay makahihikayat ng talakayan kung paano tayo matutulungan ng pagsisisi na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.
Sinusundan natin si Jesucristo kapag tayo ay nagpabinyag at tinanggap natin ang Espiritu Santo.
-
Para marebyu ang kuwento tungkol sa binyag ni Jesucristo, subukan ang ideyang ito: Itanong sa mga miyembro ng klase kung paano nila magagamit ang Mateo 3:13–17 para ituro sa isang tao, tulad ng isang bata o isang taong hindi miyembro, ang tungkol sa binyag. (Maaari din nilang gamitin ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.) Anong mahahalagang bahagi ng binyag ang bibigyang-diin nila? Mapapraktis nila ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng pagtuturo sa isa’t isa.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na alalahanin ang sarili nilang binyag at pagbulayan ang kahalagahan ng pamumuhay ayon sa kanilang mga tipan sa binyag, maaari mo silang anyayahang basahin ang Mateo 3:13–17 at ang pahayag ni Elder Robert D. Hales sa “Karagdagang Resources.” Maaaring masayang ibahagi ng mga miyembro ng klase ang kanilang damdamin tungkol sa sarili nilang binyag at ang kanilang mga tipan sa binyag. Maaari din silang kumanta ng “Magsisunod Kayo sa Akin,” Mga Himno, blg. 67.
-
Itinuro ni Juan Bautista na magbibinyag ang Tagapagligtas “sa Espiritu Santo at apoy” (Mateo 3:11). Ang binyag ng apoy ay nangyayari kapag tayo ay kinukumpirma at tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Bakit tayo kailangang magkaroon ng kaloob na Espiritu Santo para makasulong sa kaharian ng Diyos? Ano ang epekto ng pagbibinyag ng apoy at ng Espiritu Santo sa atin? (tingnan sa Alma 5:14).
-
Narito ang isang aktibidad na tutulong sa mga miyembro ng klase na talakayin pang lalo ang doktrina ng binyag. Isulat ang sumusunod na mga tanong sa pisara at ang mga reperensya sa banal na kasulatan sa mga piraso ng papel. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng mga piraso ng papel at pagkatapos ay basahin ang bawat talata sa klase. Talakayin kung aling tanong ang pinakamainam na masasagot ng bawat talata. May iba pa bang mga talata sa mga banal na kasulatan o ideya na makakasagot sa mga tanong na ito?
-
Ano ang itinuturo ng mga talata tungkol sa kahalagahan ng binyag? (3 Nephi 11:38)
-
Ano ang isinasagisag ng binyag sa pamamagitan ng paglulubog? (Mga Taga Roma 6:3–5)
-
Paano dapat baguhin ng aking mga tipan sa binyag ang aking pamumuhay? (Mosias 18:8–10.
-
Bakit natin hindi binibinyagan ang mga sanggol? (Moroni 8:8–12)
-
Bakit mahalaga na isang taong may awtoridad, hindi lang may taos na layunin, ang magsagawa ng binyag? (Sa Mga Hebreo 5:4)
-
Kung nabinyagan na ako sa ibang simbahan, bakit kailangan pa akong mabinyagang muli? (DT 22:1–4)
-
Bakit kailangang sundan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo ang binyag? (Juan 3:5)
-
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang Mateo 4 at Lucas 4–5 sa bahay, anyayahan silang mag-isip ng isang tuksong kinakaharap nila, at sabihin sa kanila na ituturo sa kanila ng mga kabanatang ito ang ginawa ng Tagapagligtas nang maharap Siya sa mga tukso.
Karagdagang Resources
Ang kahulugan ng ating mga tipan sa binyag.
Itinuro ni Elder Robert D. Hales:
“Kapag naunawaan natin ang ating tipan sa binyag at ang kaloob na Espiritu Santo, babaguhin nito ang ating buhay at patitibayin ang ganap na katapatan natin sa kaharian ng Diyos. … Ang pagpasok sa kaharian ng Diyos ay napakahalaga kung kaya si Jesus ay bininyagan upang ipakita sa atin ang ‘kakitiran ng pasukan’ [2 Nephi 31:9]. …
“Habang sinusunod natin ang halimbawa ni Jesus, maipapakita rin natin na tayo ay magsisisi at magiging masunurin sa mga kautusan ng Ama sa Langit. Nagpapakumbaba tayo na may bagbag na puso at nagsisising espiritu habang tinatanggap natin na nagkasala tayo at naghahangad ng kapatawaran sa ating mga kasalanan [tingnan sa 3 Nephi 9:20]. Nakikipagtipan tayo na tayo ay pumapayag na taglayin sa ating sarili ang pangalan [ni Jesucristo] at lagi Siyang alalahanin. …
“Sa pamamagitan ng pagpili na mapunta sa kaharian [ng Diyos], inihihiwalay natin—hindi inilalayo—ang ating sarili mula sa daigdig. Ang mga damit natin ay magiging disente, dalisay ang ating isip, malinis ang ating pananalita. Ang mga pelikula at telebisyong pinanonood natin, ang musikang pinakikinggan natin, ang mga aklat, magasin, at pahayagan na binabasa natin ay magbibigay-inspirasyon. Pipili tayo ng mga kaibigan na naghihikayat sa ating walang-hanggang mga layunin, at pakikitunguhan nang mabuti ang iba. Iiwasan natin ang mga bisyo ng imoralidad, pagsusugal, paghithit ng tabako, alak, at bawal na gamot. Kakikitaan ng kautusan ng Diyos ang ating mga aktibidad sa araw ng Linggo na alalahanin ang araw ng Sabbath at gawin itong banal. Susundin natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamaraan ng pakikitungo natin sa iba. Mamumuhay tayo sa paraang magiging karapat-dapat tayo upang makapasok sa bahay ng Panginoon” (“Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging nasa Kaharian at para sa Kaharian,” Liahona, Ene. 2001, 7–8).