Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 21–27. Juan 1: Natagpuan Namin ang Mesiyas


“Enero 21–27. Juan 1: Natagpuan Namin ang Mesiyas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Enero 21–27. Juan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

babaeng nagbabahagi ng ebanghelyo sa istasyon ng tren

Enero 21–27

Juan 1

Natagpuan Namin ang Mesiyas

Bago mo basahin ang anumang karagdagang mga materyal, basahin at pagnilayan ang Juan 1, at itala ang mga impresyong natatanggap mo. Aanyayahan nito ang Espiritu sa iyong paghahanda. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang sumusunod na mga ideya ay maaaring makatulong sa iyo na maganyak ang mga tao sa klase mo na maunawaan at maipamuhay ang doktrina sa kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang natututuhan, maaari mong hilingin sa kanila na sumulat ng mga tanong, komento, o ideya mula sa binasa nila sa mga piraso ng papel at ilagay ang mga ito sa isang lalagyan. Kumuha ng mga piraso ng papel mula sa lalagyan para talakayin sa klase.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Juan 1:1–5

Si Jesucristo “nang pasimula’y sumasa Dios.”

  • Nagsimulang magpatotoo si Juan tungkol kay Cristo sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa mga papel na ginampanan ng Tagapagligtas bago Siya isinilang. Ano ang itinuro ni Juan tungkol kay Cristo bago Siya naging mortal? Bakit mahalagang malaman ang mga papel na ginampanan ni Cristo bago Siya naging mortal? Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang mga tanong na ito at hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin ang mga sagot sa Juan 1:1–5 (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–5 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]) at sa pahayag ni Elder James E. Talmage sa “Karagdagang Resources.” Anong iba pang mga reperensya sa banal na kasulatan ang maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase na nagtuturo ng iba pa tungkol kay Cristo bago Siya naging mortal? (Para sa mga halimbawa, tingnan sa “Jesucristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.) Bilang isang klase, maaari din ninyong rebyuhin ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2).

  • Kung gusto mong gamitin ang mga talatang ito para pag-usapan ang mga nilikha ng Panginoon, maaari mong basahin ang Juan 1:3 at ipakita ang mga larawan na nagpapakita ng kagandahan ng daigdig.   Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano naipadarama ng mga nilikha ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa kanila.

Juan 1:1–14

Si Jesucristo ang Ilaw.

  • Ang pisikal na ilaw ay magpapaunawa sa atin ng simbolismo ng espirituwal na ilaw. Paano mo mailalarawan ang simbolismong ito sa klase mo? Maaari mong patayin ang mga ilaw sa silid at sindihan ang isang flashlight para ipakita ang pagkakaiba ng liwanag sa kadiliman. Pagkatapos ay hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin ang bawat pagkakataon na lumitaw ang salitang ilaw sa Juan 1:1–14, at anyayahan silang ibahagi kung paano nagbibigay ng espirituwal na ilaw ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo sa kanilang buhay. Paano naranasan ng mga miyembro ng klase ang Kanyang ilaw? Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang iba pa tungkol sa Liwanag ni Cristo sa Doktrina at mga Tipan 84:45–46; 88:11–13, o maaari mo silang pasangguniin sa “Ilaw, Liwanag ni Cristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Paano tayo maaaring maging ilaw ng sanglibutan?

    sinag ng araw sa batuhan sa tabing-dagat

    Ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo ay nagbibigay ng espirituwal na ilaw.

  • Dahil ang Juan 1:1–14 ay isinulat sa simbolikong pananalita, maaaring mahirap itong maunawaan. Ang isang paraan para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang patotoo ni Juan ay anyayahan silang ilista ang mga salita at pariralang inulit-ulit sa mga talatang ito at ibahagi ang itinuturo sa atin ng bawat isa tungkol sa Tagapagligtas.

  • Narito ang isang paraan para maitutok ang mga miyembro ng klase sa mga talatang ito: Idispley ang ilang larawan (pati na ang isa mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya) na nagpapakita ng mga aspeto ng buhay at banal na misyon ni Jesucristo. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Juan 1:1–14, na naghahanap ng mga salita o parirala na maaaring magsilbing mga pamagat para sa mga larawan.

Juan 1:35–51

Maaari tayong magtamo ng sarili nating patotoo tungkol sa Tagapagligtas at pagkatapos ay anyayahan natin ang iba na “magsiparito kayo, at inyong makikita.”

  • Sa Juan 1, ang paanyayang “magsiparito kayo, at inyong makikita” ay dalawang beses lumitaw (tingnan sa mga talata 39, 46). Maaaring wala tayong pagkakataong makita ang Tagapagligtas sa pisikal sa paraan gaya nina Andres at Natanael, pero maaari tayong tumugon sa paanyayang iyon. Maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “magsiparito kayo, at inyong makikita” sa ating panahon at ipabahagi ang sarili nilang mga karanasan ng pagkakaroon ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

  • Para magpasimula ng isang talakayan tungkol sa mga talatang ito, isiping hilingin sa mga miyembro ng klase na ikuwento kung paano nila naibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba. Sino ang inanyayahan nilang “magsiparito kayo, at inyong makikita”? Ano ang matututuhan natin mula kina Andres at Felipe tungkol sa pagbabahagi ng ating patotoo tungkol kay Cristo?

  • Kung minsan hindi ibinabahagi ng mga tao ang ebanghelyo dahil pakiramdam nila ay nakakatakot o kumplikado ito. Ang mga salaysay sa Juan 1:35–51 ay nagpapakita na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay maaaring maging simple at natural. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na basahin ang mga talatang ito at talakayin kung paano nila magagamit ang mga ito para tulungan ang isang tao na kinakabahang magbahagi ng ebanghelyo. Magagamit nila ang pahayag ni Elder Neil L. Andersen sa “Karagdagang Resources” para sa mga ideya.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang Mateo 3, Marcos 1, at Lucas 3, maaari mong hilingin sa kanila na isipin ang isang taong gusto nilang mailapit kay Cristo. Sabihin sa kanila na sa mga kabanatang ito ay magbabasa sila ng tungkol sa isang propeta na ang misyon ay ihanda ang mga tao na tanggapin ang Tagapagligtas.

resources icon

Karagdagang Resources

Juan 1

Si Jesucristo ay nasa piling ng Ama sa simula.

Itinuro ni Elder James E. Talmage: “Na ang Salita ay si Jesucristo, na nasa piling ng Ama sa simula at pinagkalooban Siya mismo ng mga kapangyarihan at antas ng Pagkadiyos, at na Siya ay pumarito sa mundo at nanahan sa piling ng mga tao, ay talagang pinagtibay na. Ang mga pahayag na ito ay pinatutunayan sa isang paghahayag kay Moises, kung saan pinahintulutan siyang makita ang marami sa mga nilikha ng Diyos, at marinig ang tinig ng Ama patungkol sa mga bagay na nagawa: ‘At sa pamamagitan ng salita ng aking kapangyarihan, na siyang aking Bugtong na Anak, na puspos ng biyaya at katotohanan ay nilalang ko ang mga ito’ [Moises 1:32, 33]” (Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 10).

Maaanyayahan natin ang iba na “magsiparito kayo, at inyong makikita.”

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen na:

“Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano ibahagi ang ebanghelyo. Gusto ko ang kuwento tungkol kay Andres, na nagtanong, ‘Guro, saan ka tumitira?’ [Juan 1:38]. Maaari namang sabihin ni Jesus kung saan Siya nakatira. Ngunit sa halip ay sinabi Niya kay Andres, ‘Magsiparito kayo, at inyong makikita’ [Juan 1:39]. Gusto kong isipin na ang sinasabi ng Tagapagligtas ay, ‘Magsiparito kayo at inyong makikita hindi lamang kung saan ako nakatira kundi maging kung paano ako mamuhay. Magsiparito kayo at alamin ninyo kung sino Ako. Magsiparito kayo at damhin ninyo ang Espiritu.’ Hindi natin alam ang lahat ng nangyari sa araw na iyon, ngunit alam ko na nang matagpuan ni Andres ang kapatid niyang si Simon, sinabi niya, ‘Nasumpungan namin … ang Cristo’ [Juan 1:41].

“Sa mga nagpapakita ng interes sa ating mga pakikipag-usap, maaari nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pag-anyaya sa kanila na ‘magsiparito kayo, at inyong makikita.’ Tatanggapin ng ilan ang ating paanyaya, at ang iba ay hindi. Lahat tayo ay may kilala na naanyayahan na nang ilang beses bago tinanggap ang paanyayang ‘magsiparito kayo, at inyong makikita.’ Isipin din natin ang mga miyembro na dati nating nakakasama ngunit ngayo’y bihira na nating makita, at anyayahan silang bumalik at nang muli nilang makita. …

“Para sa mga gumagamit ng Internet at mga mobile phone, may mga bagong paraan ng pag-anyaya sa iba na ‘magsiparito kayo, at inyong makikita.’ Higit nating gawing bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang pagbabahagi ng ating pananampalataya online” (“Ito ay Isang Himala,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 79).

Makapagtuturo sa atin ang musika tungkol kay Cristo.

Isiping gamitin ang himnong “Para sa Angking Kariktan ng Mundo,” Mga Himno, blg. 35, habang tinatalakay mo ang papel ng Tagapagligtas bilang Lumikha (tingnan sa Juan 1:3).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga mag-aaral na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili. Ang paanyayang iyon na ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga disipulo—na magsiparito kayo, at inyong makikita—ay makakatulong sa mga tinuturuan ninyo na naising sumunod sa Tagapagligtas. Hikayatin ang mga mag-aaral na ipamuhay ang mga alituntuning matatagpuan sa mga banal na kasulatan sa kanilang sariling buhay at anyayahan ang iba na gawin din ang gayon. (Tingnan sa 1 Nephi 19:23; Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21.)