Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin


“Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

naglalakbay ang mga Lalaking Pantas sakay ng mga kamelyo

Let Us Adore Him, ni Dana Mario Wood

Enero 14–20

Lucas 2; Mateo 2

Naparito Kami upang Siya’y Sambahin

Bago mo basahin ang mga ideya sa outline na ito, pag-aralan ang Lucas 2 at Mateo 2, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Tutulungan ka nitong makatanggap ng paghahayag kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga pangangailangan ng klase mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga ideya at karanasan nila nang pag-aralan nila ang mga banal na kasulatang ito nang mag-isa at kasama ang kanilang pamilya? Bagama’t malamang na pamilyar sila sa salaysay tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, maaari silang magtamo palagi ng bagong espirituwal na mga ideya. Isiping anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magbahagi ng isang mensaheng natagpuan nila sa Lucas 2 o Mateo 2 na hinangaan nila sa isang bagong paraan.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Lucas 2:1–38; Mateo 2:1–12

Maraming saksi sa pagsilang ni Cristo.

  • Ang mga personal na salaysay ng mga sumamba sa Lucas 2 at Mateo 2 ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na pagnilayan ang mga paraan na nagpapakita sila ng pagmamahal sa Tagapagligtas. Repasuhin ang tsart sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Maaaring may mga ideyang maibabahagi ang ilang tao sa klase mo mula sa aktibidad na ito, o maaari ninyong gawin sa klase ang aktibidad na ito. Bakit mahalaga na nagmula sa iba’t ibang katayuan sa buhay ang mga saksing ito ni Cristo? Paano natin masusundan ang kanilang mga halimbawa?

  • Bago sinamba ng mga saksing ito ang batang Cristo, hinanap nila Siya. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa kanilang halimbawa, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na mga heading: Mga Pastol, Ana, Simeon, at Mga Pantas. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Lucas 2 at Mateo 2 at isulat sa pisara kung ano ang ginawa ng mga taong ito para mahanap ang Tagapagligtas. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salaysay na ito tungkol sa ilan sa mga paraan na maaari nating mahanap si Cristo?

    pastol na may tupa

    Ang mga pastol ay ilan sa mga unang saksi sa pagsilang ng Tagapagligtas.

  • Magaganyak ba ng isang pakay-aralin (object lesson) ang mga miyembro ng klase mo na bigyan ng puwang sa buhay nila ang Tagapagligtas? Isipin ang sumusunod na ideya: Magdala ng isang garapon sa klase at, matapos na sama-samang rebyuhin ang Lucas 2:7, hilingin sa mga miyembro ng klase na punuin ang garapon ng iba’t ibang bagay na kumakatawan sa mga paraan ng paggugol natin ng ating oras. Kapag puno na ang garapon, anyayahan ang isang tao na subuking magpasok ng isang larawan ng Tagapagligtas. Ano ang ipinahihiwatig ng analohiyang ito tungkol sa pagbibigay ng puwang kay Cristo sa ating buhay? Ano ang magagawa nating kakaiba para mabigyan Siya ng puwang? Ang pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa pagsagot sa tanong na ito.

Mateo 2:13–23

Maaaring tumanggap ng paghahayag ang mga magulang para protektahan ang kanilang pamilya.

  • Ang isang aral mula sa pagtakas nina Jose at Maria papuntang Egipto ay na maaaring magbigay ng paghahayag ang Panginoon para tulungan ang mga magulang na protektahan ang kanilang pamilya mula sa panganib. Para makaganyak ng talakayan sa puntong ito, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na ilista sa pisara ang ilan sa mga panganib na kinakaharap ng mga pamilya ngayon. Ano ang matututuhan natin mula sa Mateo 2:13–23 kung paano protektahan ang ating pamilya at ang ating sarili mula sa mga panganib na ito? Paano nakatulong ang personal na paghahayag na protektahan ang ating pamilya o iba pang mga mahal sa buhay mula sa panganib? Anong payo ang naibigay ng mga propeta at apostol para tulungan tayong protektahan ang ating mga pamilya?

  • Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na sama-samang kantahin ang “Tahana’y Isang Langit,” Mga Himno, blg. 186, o iba pang awitin tungkol sa mga pamilya. Ano ang itinuturo ng awitin tungkol sa magagawa ng mga magulang para mamuhay nang karapat-dapat sa paghahayag para mapamunuan ang kanilang pamilya?

Lucas 2:40–52

Kahit noong kabataan niya, nakatuon si Jesus sa paggawa ng kalooban ng Kanyang Ama.

  • Ang kuwento tungkol sa pagtuturo ni Jesus sa templo noong siya ay 12 gulang pa lang ay maaaring mabisa lalo na sa mga kabataang nag-iisip kung ano ang maitutulong nila sa gawain ng Diyos. Maaari mong sabihin sa klase na magpares-pares sa pagbabasa ng Lucas 2:40–52. Maaaring bigyan ng ilang minuto ang bawat magkapares para ibahagi sa isa’t isa kung ano ang nakapagbibigay sa kanila ng inspirasyon sa salaysay na ito. Ano ang mga oportunidad na mayroon tayo para ibahagi ang nalalaman natin tungkol sa ebanghelyo? Anong mga karanasan ang maibabahagi natin?

  • Kung nagtuturo ka sa mga adult, maaaring maging oportunidad ang salaysay na ito para talakayin kung paano matutulungan ang mga kabataan na maabot ang kanilang potensyal. Maaaring ibuod ng isang tao ang salaysay sa Lucas 2:40–52, at maaaring talakayin ng klase kung paano nakakaimpluwensya ang mga pangyayaring ito sa pagtingin nila sa mga kabataan ng Simbahan. Anong mga oportunidad ang maibibigay natin sa mga kabataan para makilahok sa paggawa “[ng gawain] ng Ama” tulad ng ginawa ni Jesus? (Lucas 2:49). Kailan tayo namangha sa isang espirituwal na kaalamang ibinahagi ng isang kabataan o bata? Ang mga salitang ito mula kay Pangulong Henry B. Eyring ay maaaring makaragdag sa talakayang ito: “Kapag nagsasalita ang isang maytaglay ng Aaronic Priesthood, … lagi kong inaasahan na maririnig ko ang salita ng Diyos. Bihira akong madismaya at madalas akong mamangha” (“Upang Siya ay Maging Malakas Din,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 77).

  • Ano ang itinuturo sa atin ng Lucas 2:40–52 kung ano si Jesus noong kabataan Niya? Ang pattern para sa sariling paglago na iminungkahi sa Lucas 2:52 ay maaaring makaganyak ng talakayan tungkol sa ginagawa natin para maging higit na katulad ni Cristo. Maaari mong imungkahi na pagnilayan ng mga miyembro ng klase kung paano lumalago ang kanilang karunungan (sa aspetong intelektuwal), katangkaran (sa aspetong pisikal), pag-ayon ng Diyos (sa aspetong espirituwal), at pag-ayon ng iba (sa pakikisalamuha sa ibang tao). Maaari pa nga silang magtakda ng mga mithiin sa isa o mahigit pa sa mga aspetong ito.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na maghandang talakayin ang Juan 1 sa susunod na linggo, hilingin sa kanila na itala ang bawat lugar sa kabanata kung saan may nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.

resources icon

Karagdagang Resources

Lucas 2; Mateo 2

Ang pormula sa paghahanap kay Cristo.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ganito na ang pormula sa paghahanap kay Jesus noon pa man at hindi ito magbabago kailanman—ang marubdob at taimtim na pagdarasal ng isang mapagpakumbaba at dalisay na puso. …

“Bago natin matagumpay na mahahanap nang personal si Jesus, kailangan muna natin Siyang bigyan ng oras sa ating buhay at ng puwang sa ating puso. Sa mga abalang araw na ito marami ang may oras para sa golf, para mag-shopping, para magtrabaho, para maglaro—pero walang oras para kay Cristo.

“Maraming magagandang bahay sa lupain na naglalaan ng mga silid para kainan, tulugan, paglaruan, pagtahian, panooran ng telebisyon, pero walang silid para kay Cristo.

“Sinusurot ba tayo ng ating budhi kapag naaalala natin ang kanyang sariling mga salita: ‘May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.’ (Mat. 8:20.) O namumula tayo sa hiya kapag naaalala nating, ‘At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka’t wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.’ (Lucas 2:7.) Wala nang lugar. Wala nang lugar. Wala nang lugar. Noon pa man.

“Habang personal nating hinahanap si Jesus, sa tulong at patnubay ng alituntunin ng panalangin, mahalagang magkaroon tayo ng malinaw na konsepto tungkol sa kanya na hinahanap natin. Hinanap ng mga pastol noong unang panahon ang batang si Jesus. Ngunit ang hinahanap natin ay si Cristo Jesus, ang ating Nakatatandang Kapatid, ang ating Tagapamagitan sa Ama, ang ating Manunubos, ang May-akda ng ating kaligtasan; siya na sa simula ay kasama ng Ama; siya na umako sa mga kasalanan ng sanlibutan at kusang nagbuwis ng buhay upang tayo ay mabuhay magpakailanman. Ito ang Jesus na ating hinahanap” (“The Search for Jesus,” Ensign, Dis. 1990, 4–5).

Gawang-sining tungkol sa pagsilang ni Cristo.

Isipin kung paano maaaring makatulong ang gawang-sining sa inyong talakayan tungkol sa pagsilang ni Cristo. (Para sa mga halimbawa, tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o history.lds.org/exhibit/birth-of-christ.)

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isama ang mga mag-aaral na hindi nag-aral ng mga banal na kasulatan sa tahanan. Kahit maaaring hindi nabasa ng ilang miyembro ng klase ang Lucas 2 at Mateo 2 bago magklase, maaari pa rin silang magbahagi ng makabuluhang mga ideya habang sama-sama kayong nag-aaral sa klase. Tiyakin na lahat ng miyembro ng klase ay may oportunidad na makilahok at mag-ambag sa talakayan.