Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto


“Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

pamilyang tumitingin sa photo album

Disyembre 31–Enero 6

Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto

Habang binabasa at pinagninilayan mo ang mga talata sa banal na kasulatan sa outline na ito, itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Aanyayahan nito ang Espiritu sa iyong paghahanda. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang sumusunod na mga ideya ay maaaring makatulong sa iyo na maganyak ang mga tao sa klase mo na pag-aralan ang Bagong Tipan sa taong ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isa sa mga layunin mo bilang guro ay hikayatin ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa mga banal na kasulatan nang mag-isa at kasama ang kanilang pamilya. Ang pakikinig sa mga karanasan ng iba ay maaaring makaganyak sa kanila na hangaring maranasan din ito. Kaya, sa simula ng bawat klase, hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan na pinag-aralan nila na nakaganyak sa kanila o nagpahanga sa kanila.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Para talagang matuto mula sa Tagapagligtas, kailangan nating tanggapin ang Kanyang paanyayang, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

  • Ang pag-aaral ng Bagong Tipan ay isang oportunidad hindi lamang para matuto tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang doktrina kundi upang matuklasan din kung paano Siya susundin nang mas lubusan. Ang salaysay sa Mateo 19:16–22 ay isang magandang paraan para pasimulan ang temang ito. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin sa salaysay na ito ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa pagiging disipulo ni Jesucristo at ibahagi ang natutuklasan nila. Para sa isa pang ideya sa aktibidad na nauugnay sa alituntuning ito, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.

Ang pag-aaral ay nangangailangan ng pagkilos nang may pananampalataya.

  • Paano mo magaganyak ang mga miyembro ng klase mo na maging mas aktibo sa kanilang pag-aaral, sa halip na sa guro lamang ipaako ng responsibilidad? Narito ang isang ideya. Anyayahan ang isang miyembro ng klase na hagisan ka ng isang malambot na bagay, na hindi mo naman sisikaping saluhin. Gamitin ang aktibidad na ito upang magsimula ng talakayan tungkol sa mga tungkulin ng mga mag-aaral at guro sa pag-aaral ng ebanghelyo. Ang pahayag ni Elder David A. Bednar tungkol sa pag-aaral sa pamamagitan ng pananampalataya, na matatagpuan sa “Karagdagang Resources,” ay makakatulong sa talakayang ito.

  • Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase na ang pag-aaral ng ebanghelyo ay nangangailangan ng pananampalataya para kumilos, maaari mo silang igrupu-grupo at anyayahan ang bawat grupo na basahin ang isa sa sumusunod na mga salaysay: Marcos 5:25–34; Lucas 5:17–26; at Juan 9:1–7. Ano ang ginawa ng mga tao sa bawat salaysay para ipakita ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas? Anong mga hakbang ang magagawa natin para matutuhan ang ebanghelyo at maipakita ang ating pananampalataya na tutulungan tayo ng Panginoon na malaman ang katotohanan?

  • Lahat ng miyembro ng klase ay may responsibilidad na anyayahan ang Espiritu sa klase. Para maipaunawa ito sa mga miyembro ng klase, hilingin sa kanila na basahin ang Alma 1:26 at Doktrina at mga Tipan 50:13–22; 88:122–23 at ibahagi kung ano ang magagawa ng mga guro at estudyante para maanyayahan ang Espiritu. Maaaring makatulong na isulat ang kanilang mga sagot sa pisara sa ilalim ng mga heading na tulad nito: Ano ang magagawa ng guro at Ano ang magagawa ng mga mag-aaral. Makakatulong ba ang gumawa ng poster na may mga sagot ng mga miyembro ng klase na maaaring idispley sa susunod na ilang linggo?

Kailangang malaman natin sa ating mga sarili ang katotohanan.

  • Maraming talata sa Bagong Tipan ang nagtuturo ng mga alituntuning maaaring gumabay sa paghahanap natin sa katotohanan. Kabilang sa mga halimbawa ang Lucas 11:9–13; Juan 5:39; 7:14–17; at I Mga Taga Corinto 2:9–11. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase mo na nakabasa sa mga talatang ito sa kanilang personal na pag-aaral na ibahagi ang kanilang natutuhan. O maaari ninyong basahin sa klase ang mga talatang ito at anyayahan mo ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila natamo ang kanilang patotoo.

    mga kabataang lalaki at babae sa silid-aralan

    Ang paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay tutulong sa atin na magtamo ng sarili nating patotoo.

  • Gaano katagal man tayong miyembro ng Simbahan, kailangan nating lahat na patuloy na palakasin ang ating patotoo. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matukoy ang mga katotohanang kailangang malaman nila mismo sa kanilang sarili, maaari mong isulat sa mga piraso ng papel ang ilang reperensya sa banal na kasulatan na nagtuturo ng mahahalagang katotohanan, tulad ng Juan 3:16–17; I Mga Taga Corinto 15:22; Mosias 3:13; Alma 7:11–13; at Doktrina at mga Tipan 135:3. Hilingin sa mga miyembro ng klase na basahin ang mga talatang ito, ibuod ang mga walang-hanggang katotohanang matatagpuan nila, at talakayin kung ano ang magagawa nila para magtamo ng patotoo tungkol dito. Para maging mas masaya ang aktibidad na ito para sa mga kabataan, isiping itago ang mga piraso ng papel sa paligid ng silid at anyayahan ang mga kabataan na “hanapin ang katotohanan.”

  • Inilalarawan sa Mga Gawa 17:10–12 ang mga Banal na nagsaliksik sa mga banal na kasulatan at nagtamo ng sarili nilang patotoo tungkol sa katotohanan. Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na sundan ang kanilang halimbawa, sama-samang basahin ang mga talatang ito at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan na nagpalakas sa kanilang patotoo tungkol sa ebanghelyo.

Paano natin magagawang mas makabuluhan ang ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Ang makagawiang pag-aralan ang mga banal na kasulatan ay maaaring mahirap para sa mga miyembro ng klase na nadarama na wala silang sapat na oras, pang-unawa, o mga kasanayan. Ano ang magagawa mo para tulungan silang makagawian ito? Maaari kang magsimula sa pagtalakay sa kuwentong tungkol sa mga magpapalakol sa “Karagdagang Resources.” Para matulungan ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng kumpiyansa sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaari kang magbahagi ng impormasyon mula sa “Mga Ideya para Mapagbuti pa ang Iyong Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Marahil ay maaaring magbahagi ka o ang iba pang mga miyembro ng klase ng mga karanasan sa paggamit ng ilan sa mga ideyang ito o iba pang mga makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari ka ring pumili ng isang kabanata sa Bagong Tipan at subukan ninyo itong pag-aralan sa klase gamit ang ilan sa mga ideyang ito.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang Mateo 1 at Lucas 1 sa tahanan bilang paghahanda sa talakayan para sa susunod na linggo, maaari mong itanong ito: “May ipinagawa na bang isang bagay sa inyo na tila imposible?” Inilalarawan sa mga kabanatang ito ang katotohanan na “walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” o walang imposible sa Diyos (Lucas 1:37).

resources icon

Karagdagang Resources

Pagtatamo ng espirituwal na kaalaman para sa ating mga sarili.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar: “Napansin ko ang isang karaniwang [katangian ng] mga guro na nagkaroon ng malaking impluwensya sa buhay ko. Tinulungan nila akong maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Tumanggi sila na bigyan ako ng madadaling kasagutan sa mahihirap na tanong. Sa katunayan, hindi nila ako binigyan ng anumang kasagutan. Sa halip, itinuro nila ang daan at tinulungan ako na gawin ang mga hakbang para makita ko ang aking mga kasagutan. … Ang kasagutang ibinigay ng ibang tao ay karaniwang hindi matatandaan sa matagal na panahon, kung matatandaan pa. Ngunit ang kasagutan na natuklasan natin o nakamtan sa tulong ng pananampalataya, ay karaniwang naaalaala sa buong buhay. … Sa ganitong paraan lamang makakakilos ang isang tao nang lampas sa pagtitiwala niya sa espirituwal na kaalaman at karanasan ng iba at maaangkin ang mga biyayang para sa kanyang sarili” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 17).

Pag-uukol ng oras sa pag-aaral ng banal na kasulatan.

Itinuro ni Brother Tad R. Callister:

“Dalawang magpapalakol [ang] nagpaligsahan para malaman kung sino ang makakaputol ng mas maraming puno sa isang araw. Pagsikat ng araw nagsimula ang paligsahan. Bawat oras lumilibot ang mas maliit na lalaki sa kagubatan nang 10 minuto o mahigit pa. Tuwing gagawin niya ito, ngumingiti at tumatangu-tango ang kanyang kalaban, na nakatitiyak na siya ang mananalo. Ang mas malaking lalaki ay hindi umalis sa kanyang puwesto, hindi tumigil sa pagpuputol, hindi nagpahinga.

“Nang matapos ang maghapon, nagulat ang mas malaking lalaki na malaman na ang kanyang kalaban, na mukhang nag-aksaya ng maraming oras, ay mas maraming punong naputol kaysa sa kanya. ‘Paano mo nagawa iyon samantalang napakarami mong pahinga?’ tanong niya.

“Sumagot ang nanalo, ‘Ah, hinahasa ko ang palakol ko.’

“Tuwing mag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan, hinahasa natin ang ating espirituwal na palakol” (“Ang Galak sa Pag-aaral,” Liahona, Okt. 2016, 12).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Manatiling nakatuon sa doktrina. Tiyakin na manatiling nakasalig ang mga talakayan sa klase sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta. Magagawa mo ito sa pagtatanong nang ganito: “Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang matututuhan natin mula sa mga komentong narinig natin?” o “May makapagbabahagi ba ng isang talata na nauugnay sa tinalakay natin?” (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 20–21.)