“Enero 7–13. Mateo 1; Lucas 1: ‘Mangyari sa Akin ang Ayon sa Iyong Salita’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin--Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Enero 7–13. Mateo 1; Lucas 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Enero 7–13
Mateo 1; Lucas 1
“Mangyari sa Akin ang Ayon sa Iyong Salita”
Bago mo basahin ang anumang karagdagang mga materyal na pag-aaralan, basahin at pagnilayan ang Mateo 1 at Lucas 1, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Hayaang gabayan ng Espiritu ang iyong paghahanda. Pagkatapos ay saliksikin ang mga ideya sa outline na ito at sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para repasuhin ang Mateo 1 o Lucas 1, at anyayahan silang ibahagi ang paborito nilang talata at ipaliwanag ang mga katotohanan ng doktrina na natutuhan nila. Maaaring makatulong sa iyo ang sandaling pagrerebyu ng mga pangyayari sa mga kabanatang ito upang magbigay ng kaunting konteksto sa mga talatang ibinabahagi.
Ituro ang Doktrina
Ginagamit ng Ama sa Langit ang Kanyang matatapat na anak para isakatuparan ang Kanyang mga layunin.
-
Mas malamang na magkaroon ng mga makabuluhang karanasan ang mga miyembro ng klase habang pinag-aaralan nila ang Bagong Tipan sa taong ito kung makakakuha sila ng mga aral mula sa mga karanasan ng mga tao na pinag-aaralan nila. Para matulungan silang gawin ito, maaari mong isulat ang mga pangalan ng mga tao sa Mateo 1 at Lucas 1 sa pisara, pati na ang mga reperensya sa banal na kasulatan tungkol sa mga taong ito, tulad ng mga sumusunod:
-
Maria (Lucas 1:26–56)
-
Jose (Mateo 1:18–25)
-
Elisabet (Lucas 1:5–7, 24–25, 40–45, 57–60)
-
Zacarias (Lucas 1:5–23, 59–64)
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isang taong gusto nilang pag-aralan pa, basahin ang nakalistang mga talata, at ibahagi sa isang tao sa klase ang natutuhan nila mula sa karanasan ng taong iyon. Ano ang magagawa natin para masundan ang tapat na halimbawa ng taong iyon?
-
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na isipin nang mas malalim ang katangian at papel ni Maria sa plano ng Ama, maaari ninyong sama-samang basahin ang Lucas 1:26–38, 46–56, na hinahanap ang mga bagay na sinabi ni Maria na naghahayag ng isang bagay tungkol sa kanyang pagkatao. Ano pa ang nalaman natin tungkol kay Maria? Ano ang maituturo niya sa atin tungkol sa pagtanggap ng kalooban ng Diyos para sa atin?
Darating ang mga pagpapala ng Diyos sa Kanyang sariling panahon.
-
Maaaring may mga tao sa klase mo na namumuhay nang matwid gaya nina Elisabet at Zacarias, subalit hindi natanggap ang pagpapalang inaasam. Paano mo sila matutulungang matuto mula sa mga halimbawa nina Elisabet at Zacarias? Maaari kang magsimula sa pagpapasulat sa mga miyembro ng klase ng mga pagpapalang inaasam nila. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang Lucas 1:5–25, na hinahanap ang mga aral na matututuhan nila mula kina Elisabet at Zacarias tungkol sa paghihintay sa Panginoon. Maaari din nilang basahin at pagnilayan ang mga sipi sa “Karagdagang Resources.” Hikayatin silang isulat ang matututuhan nila sa tabi ng pagpapalang inaasam at, kung angkop, ibahagi ang kanilang mga iniisip.
-
Anong iba pang mga halimbawa ng paghihintay sa takdang panahon ng Panginoon ang maibabahagi ng mga miyembro ng klase mula sa sarili nilang buhay o mula sa mga salaysay sa mga banal na kasulatan? Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito?
“Walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” o walang imposible sa Diyos.
-
Kung minsan maaaring magtaka ang mga miyembro ng klase—tulad ni Maria—kung paano matutupad ang mga plano ng Diyos para sa kanila o mga pangako ng Diyos sa kanila. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay ay posible, maaari mong idispley ang larawang Ang Pagbati ng Anghel: Nagpakita si Anghel Gabriel kay Maria (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 28) at anyayahan sila na sama-samang basahin ang Lucas 1:26–38. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagdaig sa tila imposible sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga salita at kilos ni Maria? Hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung kailan tinulungan sila ng Diyos na isakatuparan ang isang bagay na inakala nilang imposible.
-
Namalas sa buhay ng Tagapagligtas ang katotohanang ipinahayag ni Gabriel: “Walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” o walang imposible sa Diyos (Lucas 1:37). Para mailarawan ang alituntuning ito, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin ang mga pagkakataon na isinakatuparan ng Tagapagligtas ang mga bagay na tila imposible sa paggawa Niya ng kalooban ng Kanyang Ama (tingnan, halimbawa, sa Juan 9:1–7). Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paano gumagana ang alituntuning ito sa kanilang buhay, maaari mo silang anyayahang pagnilayan ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Anong kaibhan ang ginagawa sa buhay ninyo ng kaalaman na walang imposible sa Diyos? Paano nito binabago ang paraan ng paglilingkod ninyo sa Simbahan? ang paraan ng pakikitungo ninyo sa inyong pamilya? Maaari ding makatulong ang pagkumpara sa Lucas 1:37 sa mga salita ng Tagapagligtas sa Marcos 14:36.
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
-
Ang isang pangunahing layunin nina Mateo, Lucas, at iba pang mga manunulat ng Ebanghelyo ay magpatotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Paano mo maipapakita sa mga miyembro ng klase ang layuning ito sa pinakaunang mga kabanatang babasahin nila sa Bagong Tipan? Narito ang isang ideya: Hatiin ang klase sa mga grupo o magkakapares, at bigyan ang bawat grupo ng isang set ng mga talata mula sa Mateo 1 o Lucas 1. Anyayahan silang hanapin ang mga pangyayari o salitang nagpapalakas sa kanilang pananampalataya sa banal na misyon ni Jesucristo bilang Anak ng Diyos at ibahagi sa klase ang nakita nila. Kabilang sa ilang talatang maaari mong imungkahi ang Mateo 1:18–25 at Lucas 1:26–38, 39–45, 46–55. Imungkahi sa klase na habang pinag-aaralan nila ang Bagong Tipan sa taong ito, maaari nilang ilista ang mga talatang nagpapatotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Maaari pa nga ninyong itabi ang listahang ito sa klase.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 2 at Lucas 2 para sa klase sa susunod na linggo, maaari mong imungkahi na kung babasahin nila nang may panalangin ang salaysay tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, magkakaroon sila ng mga bagong ideya, kahit nabasa na nila ito nang ilang beses noon.
Karagdagang Resources
Paghihintay sa Panginoon.
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, “Ang pananampalataya … ay kinabibilangan ng pagtitiwala sa takdang panahon ng Diyos, sapagkat sinabi Niya, ‘Lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon.’ (DT 64:32.)” (“Lest Ye Be Wearied and Faint in Your Minds,” Ensign, Mayo 1991, 90).
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Bawat isa sa atin ay tinawag upang maghintay sa sarili nating paraan. Naghihintay tayo ng sagot sa mga dalangin. Naghihintay tayo sa mga bagay-bagay na sa oras na iyon ay mukhang tamang-tama at napakabuti para sa atin kaya hindi natin maisip kung bakit ayaw pa itong sagutin ng Ama sa Langit.
“Naaalala ko noong naghahanda akong magsanay bilang fighter pilot. Ginugol namin ang malaking oras ng pangunang military training sa pag-eehersisyo. … Gayunman, tumakbo kami nang tumakbo nang tumakbo.
“Habang tumatakbo ako napansin ko ang isang bagay na totoong nakabalisa sa akin. Paulit-ulit akong nilagpasan ng mga lalaking naninigarilyo, umiinom, at gumagawa ng lahat ng bagay na taliwas sa ebanghelyo at, lalo na, sa Word of Wisdom.
“Naaalala ko na inisip ko, ‘Sandali lang! Hindi ba dapat ay makatakbo ako nang hindi napapagod?’ Pero napagod ako, at nalagpasan ako ng mga taong talagang hindi sumusunod sa anumang may kaugnayan sa Word of Wisdom. Inaamin ko na nabalisa ako rito noon. Tinanong ko sa aking sarili, totoo ba ang pangako o hindi?
“Hindi kaagad dumating ang sagot. Ngunit kalaunan nalaman ko na ang mga pangako ng Diyos ay hindi laging natutupad [kaagad] o sa paraang inaasahan natin; dumarating ang mga ito ayon sa Kanyang panahon at paraan. [Pagkaraan ng ilang taon,] nakikita ko na ang malinaw na katunayan ng mga temporal na pagpapalang dumarating sa mga taong sumusunod sa Word of Wisdom—bukod pa sa mga espirituwal na pagpapalang dumarating kaagad mula sa pagsunod sa anumang batas ng Diyos” (“Patuloy na Magtiyaga,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 58).