Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 4–10. Mateo 4; Lucas 4–5: ‘Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon’


“Pebrero 4–10. Mateo 4; Lucas 4–5: ‘Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Pebrero 4–10. Mateo 4; Lucas 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

nagtagumpay si Cristo laban kay Satanas

Christ Triumps Over Satan, ni Robert T. Barrett

Pebrero 4–10

Mateo 4; Lucas 4–5

“Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon”

Habang pinag-aaralan mo ang Mateo 4 at Lucas 4–5, itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Mag-aanyaya ito ng inspirasyon kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga pangangailangan ng klase mo. Maaari mo ring gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya pati na ang outline na ito para makakita ng karagdagang mga ideya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Kasama sa babasahin para sa linggong ito ang pahayag na ito: “Nangagtaka sila sa kaniyang aral: sapagka’t may kapamahalaan ang kaniyang salita” (Lucas 4:32; tingnan din sa Marcos 1:22). Anong mga talata ang maibabahagi ng mga miyembro ng klase mula sa mga kabanatang ito na nakatulong na madama nila ang kapangyarihang iyon sa doktrina para sa kanilang sarili?

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mateo 4:1–11; Lucas 4:1–13

Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kapangyarihan at paraan para malabanan ang tukso.

  • Makakatulong ang salaysay tungkol sa paglaban ng Tagapagligtas kay Satanas para makita ng mga miyembro ng klase ang mga paraan kung paano sila tinatangkang tuksuhin ni Satanas. Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isa sa mga tuksong nakasaad sa Mateo 4:1–11 o Lucas 4:1–13 at mag-isip ng isang makabago at nauugnay na tukso (maaaring makatulong ang mga pahayag sa “Karagdagang Resources”). Bakit makakatulong ang malaman na naharap ang Tagapagligtas sa mga tukso na tulad ng kinakaharap natin ngayon? Bakit nalabanan ni Cristo ang tukso? Para sa iba pang mga halimbawa sa banal na kasulatan tungkol sa mga taong lumaban kay Satanas, tingnan sa Genesis 39:7–20; 2 Nephi 4:16–35; at Moises 1:10–22.

  • Ang isang paraan para makahikayat ng talakayan tungkol sa Mateo 4:1–11 at Lucas 4:1–13 ay isulat ang dalawang tanong sa pisara: Ano ang matututuhan natin tungkol kay Cristo mula sa kuwentong ito? at Ano ang matututuhan natin tungkol kay Satanas? Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga talata para makita ang mga sagot sa mga tanong na ito at isulat ang kanilang mga sagot sa pisara.

  • Ano ang makakatulong sa klase mo na labanan ang tukso? Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga pagkakataong nakasaad sa Mateo 4:1–11 o Lucas 4:1–13 kung kailan nakatulong sa Tagapagligtas ang Kanyang kaalaman tungkol sa mga banal na kasulatan para sagutin si Satanas (sa pagsasabi ng “Nasusulat”). Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na hanapin at ibahagi ang mga talatang maaaring magpatibay at magpalakas sa kanila kapag sila ay natutukso. (Para sa mga ideya, maaari nilang tingnan ang entry na “Tukso, Panunukso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

Lucas 4:16–30

Si Jesucristo ang ipinropesiyang Mesiyas.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase mo na mas maunawaan ang salaysay na ito, maaari mong ipaliwanag na ang mga titulong Mesiyas at Cristo ay kapwa nangangahulugang “ang pinahiran.” Habang binabasa nila ang Lucas 4:18–21, hilingin sa kanila na pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng si Jesus ang Cristo, ang Mesiyas o ang Pinahiran. Maaari ding makatulong kung babasahin nila ang “Pinahiran, Ang” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Paano ipinapahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas ngayon? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila nalaman na si Jesucristo ang kanilang Tagapagligtas.

  • Maaaring may ilang lesson na makakatulong para malaman sa pamamagitan ng pagsisiyasat kung bakit hindi tinanggap ng mga tao ng Nazaret si Jesus bilang ang ipinropesiyang Mesiyas. Ang isang paraan para magawa ito ay ikumpara ang mga pag-uugali nila sa pag-uugali ng balo ng Sarepta at ni Naaman sa Lumang Tipan. Maaari mong kontakin nang maaga ang ilang miyembro ng klase at hilingin sa kanila na pumasok na handang ibuod ang bawat isa sa mga salaysay na ito (tingnan sa I Mga Hari 17:8–24; II Mga Hari 5:1–17; Lucas 4:16–30). Ano ang itinuturo sa atin ng mga salaysay na ito tungkol sa mga himala at pagtugon sa mga lingkod ng Diyos? May nakikita bang anumang mga mensahe ang mga miyembro ng klase para sa mga miyembro ng Simbahan ngayon sa mga salita ng Tagapagligtas sa mga tao sa Nazaret?

Mateo 4:18–22; Lucas 5:1–11

Ang pangakong sundin si Cristo ay nangangahulugan ng pagtanggap sa Kanyang kalooban at pagtalikod sa sarili nating kalooban.

  • Kung minsa’y hindi natin makita ang halaga ng direksyong ibinibigay sa atin ng Panginoon sa simula. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Lucas 5:1–11, na hinahanap kung ano ang itinanong ng Tagapagligtas kay Pedro at kung bakit maaaring nagduda si Pedro sa Kanyang mga tagubilin. Paano maaaring nakaapekto ang karanasang ito sa mga pananaw ni Pedro tungkol sa Tagapagligtas at sa kanyang sarili? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung kailan nagpakita sila ng pananampalataya sa banal na patnubay, kahit hindi nila ito lubos na nauunawaan. Ano ang naging resulta nang manampalataya sila?

    tinatawag ni Jesus sina Pedro at Andres sa may tabing-dagat

    “Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19).

  • Tulad ng mga mangingisda na “iniwan nila ang lahat” upang sundin si Jesucristo (Lucas 5:11), may mga bagay tayong kailangang talikuran upang maging Kanyang mga disipulo. Ano ang ipinahihiwatig ng Mateo 4:18–22 tungkol sa mga pag-uugali at pananampalataya nina Pedro, Andres, Santiago, at Juan? Maaaring makatulong na magdala ng lambat sa klase at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat ang mga bagay na handa nilang talikuran o tinalikuran na nila upang sundan si Cristo at ilagay ang mga ito sa lambat. Isiping anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi kung paano nagbago ang kanilang buhay nang piliin nilang talikuran ang lahat para sundin ang Tagapagligtas.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para maganyak ang mga miyembro ng klase na basahin ang Juan 2–4 sa darating na linggo, maaari mong hilingin sa kanila na pagnilayan kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng “ipanganak na muli.” Sabihin sa kanila na makakatulong ang babasahin para sa susunod na linggo upang masagot nila ang tanong na ito.

resources icon

Karagdagang Resources

Mateo 4; Lucas 4–5

Si Jesus ang Mesiyas.

Mga uri ng tukso.

Matapos pag-usapan ang mga uri ng tuksong naranasan ng Tagapagligtas sa ilang, itinuro ni Pangulong David O. McKay:

“Halos bawat tuksong dumarating sa inyo at sa akin ay dumarating sa isa sa tatlong uri.:

“(1) Tukso sa hilig o silakbo ng damdamin;

“(2) Pagbibigay-daan sa kapalaluan, moda, o uso;

“(3) Paghahangad sa mga yaman o kapangyarihan ng mundo at pamumuno sa mga lupain o sa makalupang ari-arian ng mga tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2004], 94).

Tungkol sa karanasan ni Jesus sa Mateo 4, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“‘Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay ipagutos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.’ …

“Ang tukso ay hindi sa pagkain. … Ang tukso, ang bahagi man lang na nais kong pagtuunan, ay ang gawin ito sa ganitong paraan, na makuha ang kanyang tinapay—na pisikal siyang masiyahan, na mapawi ang kanyang gutom—sa madaling paraan, sa pag-abuso sa kapangyarihan at hindi sa kahandaang maghintay sa tamang panahon at sa tamang paraan. …

“‘Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka’ mula sa tuktok ng templong ito. …

“Ang tukso rito ay mas tuso pa kaysa una. Ito’y isang panunukso ng espiritu, ng lihim na gutom na mas tunay kaysa pangangailangan sa tinapay. Ililigtas ba siya ng Diyos? … Bakit hindi Siya humingi ng espirituwal na patibay, humanap ng tapat na kongregasyon, at tumugon sa Demonyong ito na nangangantiyaw—sa isang pagsamo sa kapangyarihan ng Diyos? …

“Ngunit tinanggihan ni Jesus ang panunukso ng espiritu. Ang pagtanggi at pagtitimpi ay bahagi rin ng banal na paghahanda. … Maging ang Anak ng Diyos ay kailangang maghintay. Ang Manunubos na hindi magkakaloob kailanman ng mumurahing biyaya sa iba ay malamang na hindi manghihingi ng anuman para sa kanyang sarili. …

“… ‘Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako.’

“Si Satanas … [ay nagtanong], ‘Magkano ka? Tinatanggihan mo ang murang tinapay. Tinatanggihan mo ang masagwang drama ng Mesiyas, ngunit walang makatatanggi sa yaman ng mundong ito. Sabihin mo kung magkano.’ Nagpapatuloy si Satanas sa ilalim ng kanyang unang alituntunin ng kawalan ng pananampalataya—ang maliwanag na paniniwala na mabibili mo ng pera ang anuman sa mundong ito.

“Balang araw ay maghahari si Jesus sa mundo. Pamamahalaan Niya ang lahat ng pamunuan at kapangyarihang naroon. Siya ang magiging Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon. Ngunit hindi sa ganitong paraan” (“The Inconvenient Messiah,” Ensign, Peb. 1984, 68–71).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpasalamat sa iyong mga mag-aaral. “‘Huwag maging masyadong abala sa lesson na nalilimutan mo nang pasalamatan ang mga mag-aaral sa kanilang mga ambag. Kailangan nilang malaman na pinahahalagahan mo ang kahandaan nilang ibahagi ang kanilang mga pananaw at patotoo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 33).