“Setyembre 30–Oktubre 13. Mga Taga Efeso: ‘Sa Ikasasakdal ng mga Banal’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Setyembre 30–Oktubre 13. Mga Taga Efeso,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Setyembre 30–Oktubre 13
Mga Taga Efeso
“Sa Ikasasakdal ng mga Banal”
Darating ang mga kaisipan at impresyon kung ano ang ituturo at paano ito ituturo habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Mga Taga Efeso, mga mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya, ang outline na ito, at ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibuod sa isang pangungusap ang isang bagay na natutuhan nila sa kanilang pag-aaral sa linggong ito at pagkatapos ay idikit ang kanilang buod sa pisara. Pumili ng ilang kahit anong pagbubuod at ipabahagi sa mga miyembro ng klase na sumulat niyon ang kanilang mga naiisip.
Ituro ang Doktrina
Mga Taga Efeso 2:19–22; 4:4–8, 11–16
Pinalalakas at pinagkakaisa ng mga propeta at apostol—at nating lahat—ang Simbahan.
-
Maaari ba kayong magbuo ng klase mo ng isang bagay para ilarawan kung paano “itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta” ang Simbahan at kung paano naging “pangulong bato sa panulok” ang Tagapagligtas? (Mga Taga Efeso 2:20). Marahil ay maaaring sulatan ng mga miyembro ng klase ang mga bloke o paper cup at gawing tore o pyramid ang mga ito, na si Jesucristo at ang mga apostol at propeta ang patungan. Pagkatapos ay maaari mong ipamalas kung ano ang mangyayari kapag inalis si Cristo o ang mga apostol at propeta. Bakit magandang metapora ang pangulong bato sa panulok para kay Jesucristo at sa tungkuling ginagampanan Niya sa Simbahan? (Para sa isang paglalarawan ng pangulong bato sa panulok, tingnan sa “Karagdagang Resources.”) Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Mga Taga Efeso 2:19–22; 4:11–16 para sa mga pagpapalang natatanggap natin dahil sa mga apostol, propeta, at iba pang mga pinuno ng Simbahan. Ano ang magagawa natin para maitatag ang ating buhay sa kanilang mga turo?
-
Para maipamalas kung paano maaaring magkamali ng pag-unawa sa doktrina kung walang patuloy na patnubay ng mga propeta at apostol, maaari kayong maglaro kung saan magkukuwento ka nang maikli sa isang miyembro ng klase nang hindi naririnig ng iba. Pagkatapos ay hikayatin ang miyembrong iyon ng klase na ikuwento rin ito sa isa pang miyembro ng klase at sunud-sunod na hanggang sa maipasa ang kuwento sa ilang indibiduwal. Pagkatapos ay hilingin sa pinakahuling taong nakarinig ng kuwento na ikuwento sa iba pang mga miyembro ng klase ang narinig niya. Nagbago ba ang anumang mga detalye ng kuwento? Ano kaya ang mangyayari kung itinama ng guro ang mga pagkakamali habang ipinapasa-pasa ang kuwento? Ano ang itinuturo sa atin ng aktibidad na ito kung bakit kailangang “itayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta” ang Simbahan ni Cristo?
-
Kung nakinig ang mga miyembro ng klase mo sa pangkalahatang kumperensya mula nang huli kayong magklase, ipabahagi sa kanila kung paano nakatulong ang mga bagay na itinuro sa kumperensya na isakatuparan ang mga layuning nakasaad sa Mga Taga Efeso 4:11–16.
-
Marahil ay maaari mong bigyan ng ilang sandali ang mga miyembro ng klase para ilista ang ilan sa mga “bokasyon” o responsibilidad na pinagagampanan sa kanila sa simbahan (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:1)—halimbawa, isang home o visiting teacher, isang magulang, isang disipulo ni Cristo, at iba pa. Pagkatapos ay makipagpalitan sila ng listahan sa ibang miyembro ng klase, basahin nila ang Mga Taga Efeso 4:4–8, 11–16, at ibahagi kung paano nakakatulong ang mga calling at assignment sa kanilang listahan na mapalakas ang katawan ni Cristo. Paano tayo magkakatulungan upang magkaisa sa ilalim ng “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo”?
Ang pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas ay makapagpapatatag ng mga ugnayan sa pamilya.
-
Bagama’t nabuhay ang mga taga-Efeso sa isang kultura kung saan ang mga maybahay ay hindi itinuturing na kapantay ng kanilang asawa, may mahalagang payo pa rin sa sulat na ito para sa mga mag-asawa ngayon. Maaari mong isulat ang mga tanong sa pisara na kagaya ng mga sumusunod at ipatalakay ang mga ito sa mga miyembro ng klase habang binabasa nila ang Mga Taga Efeso 5:22–33 nang grupu-grupo: Paano ipinakita ni Cristo ang Kanyang pagmamahal sa Simbahan? Ano ang magagawa natin para sundin ang Kanyang halimbawa sa pagtrato natin sa ating asawa? Maaari mong ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang mga halimbawang nakita nila sa mga mag-asawang tinatrato ang isa’t isa sa mga paraang katulad ni Cristo. Paano natin maiaangkop ang mga alituntuning ito sa iba pang mga ugnayan sa pamilya?
-
Samantalang ang payo ni Pablo na “igalang mo ang iyong ama at ina” (Mga Taga Efeso 6:2) ay para sa mga anak, maiaangkop ito sa bawat isa sa atin, anuman ang ating edad o sitwasyon sa pamilya. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-isipan kung paano nila maiaangkop ang payo ni Pablo sa Mga Taga Efeso 6:1–3 sa sarili nilang sitwasyon. Halimbawa, paano natin maigagalang ang ating mga magulang kahit hindi nakaayon ang kanilang mga pasiya sa mga turo ni Jesucristo? Maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para isulat kung ano ang magagawa nila para mas maigalang ang kanilang mga magulang.
-
Kung may mga magulang—o magiging mga magulang—ng mga batang musmos sa klase mo, maaari silang makinabang sa pagtalakay sa Mga Taga Efeso 6:4. Ano ang ibig sabihin ng palakihin ang mga anak “sa saway at aral ng Panginoon”? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase na may mas matatandang anak kung ano ang kahulugan nito sa kanila at kung paano nila napagsikapang iangkop ang payong ito sa kanilang pamilya.
Ang baluti ng Diyos ay makakatulong na protektahan tayo mula sa kasamaan.
-
Ano ang makahihikayat sa mga miyembro ng klase na sikaping isuot ang buong kagayakan ng Diyos bawat araw? Maaari kang maghanda ng isang aktibidad kung saan itutugma ng mga miyembro ng klase ang mga bahagi ng kagayakan sa mga alituntunin o magagandang katangiang kinakatawan nito sa Mga Taga Efeso 6:14–17. Paano makakatulong ang bawat bahagi ng kagayakan na protektahan tayo laban sa kasamaan? (Para sa kaunting tulong, tingnan sa “Karagdagang Resources.”) Paano naisuot ng mga miyembro ng klase ang kagayakang ito? Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ibahagi ang paliwanag ni Pangulong N. Eldon Tanner sa “Karagdagang Resources.” Ano ang magagawa natin para matukoy at mapalakas ang anumang mga kahinaan sa ating kagayakan?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mga Taga Filipos at Mga Taga Colosas, maaari mong sabihin sa kanila na ang isa sa mga Saligan ng Pananampalataya ay batay sa isang talatang matatagpuan sa isa sa mga sulat na ito. Makikita ba nila ito sa kanilang mga pag-aaral sa linggong ito?
Karagdagang Resources
Ano ang pangulong bato sa panulok?
Ang pangulong bato sa panulok ang unang batong inilalagay sa isang pundasyon. Ito ay nagsisilbing gabay sa pagsukat at paglalagay ng iba pang mga bato, na kailangang nakahanay sa pangulong bato sa panulok. Dahil ito ang nagdadala ng bigat ng buong gusali, kailangang maging solido, matatag, at maaasahan ang pangulong bato sa panulok.
Ang kagayakan ng Diyos.
-
Mga baywang na may bigkis na katotohanan:Ang bahaging ito ng kagayakan ay parang sinturon na nakatali sa baywang. Ang salitang binigkisan ay maaari ding mangahulugang pinatibay, pinatatag, o pinalakas.
-
Baluti:Ang baluti ay nagpoprotekta sa puso at iba pang mahahalagang bahagi ng katawan.
-
Mga paa na may sapin:Tumutukoy ito sa nagpoprotektang sapin sa paa ng isang sundalo.
-
Kalasag:Ang kalasag ay mapoprotektahan ang halos lahat ng bahagi ng katawan mula sa iba’t ibang pag-atake.
-
Turbante o helmet:Ang turbante ay proteksyon sa ulo.
-
Tabak:Ang tabak ay nagtutulot sa atin na labanan ang kaaway.
“Suriin ang inyong kagayakan.”
Inanyayahan ni Pangulong N. Eldon Tanner, na naglingkod bilang tagapayo sa Unang Panguluhan, ang mga miyembro ng Simbahan na suriin ang tibay ng kanilang personal na kagayakan sa pagninilay tungkol sa kanilang mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya:
“Kung … mahina ang ating kagayakan, may matatagpuang butas, isang mahinang bahaging maaatake, at masusugatan o mapupuksa tayo ni Satanas, na maghahanap hanggang sa makita niya ang ating mga kahinaan, kung mayroon tayo nito.
“Suriin ang inyong kagayakan. Mayroon bang bahaging walang bantay o di-protektado? Magpasiya ngayon na idagdag ang anumang bahaging nawawala. Gaano man kaluma o karami ang kulang sa inyong kagayakan, laging tandaan na may kakayahan kayong idagdag ang kailangang idagdag para makumpleto ang inyong kagayakan.
“Sa pamamagitan ng dakilang alituntunin ng pagsisisi mababago ninyo ang inyong buhay at makapagsisimula kayo ngayong isuot ang kagayakan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral, pagdarasal, at ng determinasyong paglingkuran ang Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan” (“Put on the Whole Armor of God,” Ensign, Mayo 1979, 46).