Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 21–27. I at II Mga Taga Tesalonica: ‘Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag din naman Kayong Mabagabag’


“Oktubre 21–27. I at II Mga Taga Tesalonica: ‘Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag din naman Kayong Mabagabag’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Oktubre 21–27. I at II Mga Taga Tesalonica,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

mga sister missionary na kausap ang binata

Oktubre 21–27

I at II Mga Taga Tesalonica

“Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag din naman Kayong Mabagabag”

Itinuro ni Alma, “Huwag pagkakatiwalaan ang sinuman na inyong maging guro ni inyong maging mangangaral, maliban sa siya ay tao ng Diyos, lumalakad sa kanyang mga landas at sinusunod ang kanyang mga kautusan” (Mosias 23:14). Ano ang ipinahihiwatig ng talatang ito kung paano ka dapat maghandang magturo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para mabilis na basahin ang I at II Mga Taga Tesalonica at maghanap ng isang talata na hinahangaan nila. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga talata sa ibang tao sa klase, at pagkatapos ay ipabahagi sa ilan sa magkakapares ang natutuhan nila mula sa isa’t isa.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

I Mga Taga Corinto 1:5–8; 2:1–13

Ang mga tagapaglingkod ng ebanghelyo ay nangangaral nang may katapatan at pagmamahal.

  • Sinimulan ni Pablo ang kanyang Sulat sa Mga Taga Tesalonica sa pagpapaalala sa mga Banal ng pamamaraan ng pagbabahagi niya at ng iba ng ebanghelyo sa kanila. Maaaring magandang pagkakataon ito para makumusta ng mga miyembro ng klase mo ang kanilang pagtuturo at pagkatuto mula sa isa’t isa. Maaari mong ipabasa sa mga miyembro ng klase ang I Mga Taga Tesalonica 1:5–8; 2:1–13 at ipatukoy ang mga alituntuning may kaugnayan sa epektibong pagbabahagi ng ebanghelyo. Pagkatapos ay maaari silang sumulat ng mga tanong batay sa mga talatang ito na makakatulong sa kanila na suriin ang kanilang mga pagsisikap na ituro ang ebanghelyo sa iba. Halimbawa, ang isang tanong ay maaaring “Ako ba ay isang halimbawa ng mga bagay na alam ko?” (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 1:7). Paano tayo matutulungan ng pagsunod sa mga alituntunin sa talatang ito na mas mapaglingkuran ang mga tinuturuan natin?

  • Ang pagbasa sa I Mga Taga Tesalonica 1:5–8; 2:1–13 ay maaaring ipaalala sa mga miyembro ng klase ang mga gurong katulad ni Cristo na naging positibo ang impluwensya sa kanila “gaya ng isang ama sa kaniyang sariling mga anak” (I Mga Taga Tesalonica 2:11). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga talatang ito para mahanap ang isang katangian ng tapat na tagapaglingkod at makaisip ng isang gurong kilala nila na makikitaan ng katangiang iyon. Maaari kang magpasulat sa mga miyembro ng klase ng isang liham o magpagawa ng isang award certificate para sa gurong iniisip nila. Hikayatin silang isama sa liham o award ang isang talata mula sa I Mga Taga Tesalonica at isang paliwanag kung paano makikita sa guro ang katangiang nasa talatang iyon. Maaari pa nga silang mahikayat na ibigay ang liham o award sa taong isinulat nila.

I Mga Taga Tesalonica 3:9–13; 4:1–12

Habang sinusundan natin si Jesucristo, maaari tayong maging banal.

  • Itinuro ni Pablo sa mga Banal na taga-Tesalonica na “tayo’y tinawag ng Dios hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal” (I Mga Taga Tesalonica 4:7). Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa kabanalan, maaaring kantahin ng klase mo o ng isang tao ang “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” (Mga Himno, blg. 80). Ipatalakay sa mga miyembro ng klase ang mga katangian ng kabanalan na binanggit sa himno na namumukod-tangi sa kanila. Isulat sa pisara ang Kabanalang lalo, ang kahilingan, at … , at magpahanap sa mga miyembro ng klase ng mga salita o parirala mula sa I Mga Taga Tesalonica 3:9–13; 4:1–12 para makumpleto ang pangungusap. Paano tayo magkakaroon ng mga katangiang ito?

  • Para sa ilan, parang nakakapanghina ang paanyayang maging banal. Maaaring makatulong kung mauunawaan ng mga miyembro ng klase na ang pagiging banal ay isang dahan-dahang proseso na kailangan nating “lalo’t lalong [dagdagan]” sa paglipas ng panahon (I Mga Taga Tesalonica 4:10). Para mailarawan ang prosesong ito, maaari mong pagsalitain ang isang miyembro ng klase tungkol sa isang talento o tagumpay na nangailangan ng patuloy na pagsisikap sa paglipas ng panahon, tulad ng paggawa ng quilt o pagtugtog ng isang instrumentong musikal. Paano ito kahalintulad ng proseso ng pagiging banal? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang I Mga Taga Tesalonica 3:9–13; 4:1–12 at magbahagi ng mga kabatiran tungkol sa pagsisikap na kailangan para maging banal sa mga paraang inilarawan ni Pablo. Ano ang nakatulong sa atin na sumulong tungo sa kabanalan?

I Mga Taga Tesalonica 4:11–12; II Mga Taga Tesalonica 3:7–13

Dapat tayong magtrabaho para paglaanan ang ating sarili at ang mga nangangailangan.

  • Ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod ay maaaring maghikayat ng talakayan tungkol sa payo ni Pablo hinggil sa pagtatrabaho: Ano ang mga bunga ng katamaran? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo sa mga salitang “matahimik” at “katahimikan”? (I Mga Taga Tesalonica 4:11; II Mga Taga Tesalonica 3:12). Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na katulad nito para mapagnilayan ng mga miyembro ng klase habang binabasa nila ang I Mga Taga Tesalonica 4:11–12 at II Mga Taga Tesalonica 3:7–13. Anyayahan silang talakayin ang mga tanong na ito nang magkakapares, sa maliliit na grupo, o bilang isang klase. Anong iba pang mga talata sa banal na kasulatan ang magpapaunawa sa atin ng kahalagahan ng pagtatrabaho at ng mga panganib ng katamaran? (tingnan sa mga mungkahi sa “Karagdagang Resources”).

II Mga Taga Tesalonica 2

Isang apostasiya ang magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

  • Ang pag-unawa sa Malawakang Apostasiya ay magpapalakas sa patotoo ng mga miyembro ng klase mo tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kabilang sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ang ilang resources tungkol sa Apostasiya. Maaari mong hikayatin ang ilang miyembro ng klase na pumasok na handang magbahagi ng mga kabatiran mula sa pag-aaral nila ng resources na ito, o maaari ninyong sama-samang pag-aralan at talakayin ang mga ito sa klase.  

  • Maaaring makatulong na talakayin ang ilan sa mga metaporang nagamit ng mga propeta para ilarawan ang apostasiya, tulad ng pagtalikod sa katotohanan (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:3), taggutom (tingnan sa Amos 8:11–12), ganid na mga lobo na pumapasok sa isang kawan (tingnan sa Mga Gawa 20:28–30), at makakating tainga (tingnan sa II Kay Timoteo 4:3–4). Isiping ipares-pares ang mga miyembro ng klase at ipabasa sa kanila ang isa o mahigit pa sa mga talatang ito (o iba pa na gusto mo) at ipapaliwanag kung ano ang itinuturo ng mga talata tungkol sa Malawakang Apostasiya. Ano ang itinuro ng mga propeta tungkol sa Apostasiya at ang magiging epekto nito?

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto pa tungkol sa Malawakang Apostasiya, ipaisip sa kanila na kunwari’y may isang kaibigan sila na hindi nauunawaan ang pangangailangan sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Lumikha ng dalawang-hanay na tsart sa pisara na may nakasulat na Mga Sanhi ng Apostasiya at Mga Epekto ng Apostasiya. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang bahaging may pamagat na “Ang Malawakang Apostasiya” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (mga pahina 37–39) nang magkakapares o sa maliliit na grupo, na hinahanap ang mga sanhi at epekto ng Apostasiya na isusulat nila sa pisara. Anong mga kabatiran mula sa tsart na ito ang maaari nilang gamitin para maipaunawa sa kanilang kaibigan ang pangangailangan sa Pagpapanumbalik?

  • Makikinabang ba ang klase mo sa pagtalakay kung paano ilayo ang ating sarili sa “pagtaliwakas” o pagtalikod sa ebanghelyo? Maaari mo silang anyayahang saliksikin ang II Mga Taga Tesalonica 2 at hanapin ang payo na maibibigay nila sa isang kaibigan para maiwasan nitong mag-apostasiya.

icon sa pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang I at II Kay Timoteo, Kay Tito, at Kay Filemon sa linggong ito, anyayahan silang isipin na kunwari’y nakatanggap sila ng personal na liham mula sa isang Apostol na naglalaman ng payo kung paano gampanan ang kanilang mga calling sa Simbahan. Imungkahi na pag-isipan nila ang kanilang mga calling habang binabasa nila ang mga personal na sulat na ito ni Pablo sa mga naunang pinuno ng Simbahan.

icon ng resources

Karagdagang Resources

I at II Mga Taga Tesalonica

Mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa pagtatrabaho at katamaran.

 

  •  

  •  

  •  

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo. Madaling makomportable sa isang partikular na estilo ng pagtuturo, ngunit ang iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ay mabisa sa iba’t ibang miyembro ng klase. Humanap ng mga paraan para iba-ibahin ang diskarte mo sa pagtuturo, tulad ng paggamit ng mga video, artwork, o musika o pagbibigay sa mga miyembro ng klase ng pagkakataong magturo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22).