Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 14–20. Mga Taga Filipos; Mga Taga Colosas: ‘Lahat ng mga Bagay ay Aking Magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] Nagpapalakas sa Akin’


“Oktubre 14–20. Mga Taga Filipos; Mga Taga Colosas: ‘Lahat ng mga Bagay ay Aking Magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] Nagpapalakas sa Akin’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Oktubre 14–20. Mga Taga Filipos; Mga Taga Colosas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

nagdidikta ng isang liham si Pablo mula sa bilangguan

Oktubre 14–20

Mga Taga Filipos; Mga Taga Colosas

“Lahat ng mga Bagay ay Aking Magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] Nagpapalakas sa Akin”

Magsimula sa pagbasa sa Mga Taga Filipos at Mga Taga Colosas, at mapanalanging pagnilayan ang doktrinang nais ng Panginoon na ituro mo. Magpagabay sa Espiritu habang iniisip mo ang mga tanong at resources na magagamit mo sa pagtuturo ng doktrinang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang isang salita o parirala na nagbubuod sa natutuhan nila mula sa Mga Taga Filipos at Mga Taga Colosas at pagkatapos ay ipaliwanag nila ang kanilang napili. Hikayatin silang ibahagi ang mga talata sa banal na kasulatan bilang bahagi ng kanilang paliwanag.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Taga Filipos 2:1–5, 14–18; 4:1–9; Mga Taga Colosas 3:1–17

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay naging “bago” nang ipamuhay nila ang Kanyang ebanghelyo.

  • Maaari mong tulungan ang mga miyembro ng klase mo na ilarawan sa kanilang isipan kung ano ang kahulugan ng “[hubarin] ang datihang pagkatao” at “[m]angagbihis ng bagong pagkatao” sa pamamagitan ni Jesucristo (Mga Taga Colosas 3:9–10). Para magawa ito, maaari kang magdispley ng isang lumang bagay at isang bagong bagay (tulad ng bulok at sariwang prutas o luma at bagong damit). Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano nagiging “bago” ang ating pagkatao sa pamamagitan ng pagsampalataya natin kay Jesucristo at ng kahandaan nating ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipaaral sa kalahati ng klase ang Mga Taga Filipos 2:1–5, 14–18; 4:1–9 at ipaaral sa natitirang kalahati ang Mga Taga Colosas 3:1–17, na tinutukoy ang mga katangian ng “datihang pagkatao” at ng “bagong pagkatao.” Maaari mo ring ipabahagi sa ilang miyembro ng klase kung paano nakatulong sa kanila na baguhin ang kanilang pagkatao sa pagsampalataya kay Jesucristo at pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo. Kabilang sa iba pang mga talata sa banal na kasulatan na maaari ninyong sama-samang siyasatin ang Mga Taga Roma 6:3–7; Mosias 3:19; at Alma 5:14, 26.

Mga Taga Filipos 4:1–13

Maaari tayong magalak kay Cristo, anuman ang ating sitwasyon.

  • Kahit iba ang sitwasyon natin kay Pablo, matututo tayong lahat sa kahandaan niyang maging kuntento at magalak sa lahat ng sitwasyon sa kanyang buhay. Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa paksang ito, maaari ninyong rebyuhin ang ilan sa mga pagsubok na naranasan ni Pablo (tingnan, halimbawa, sa II Mga Taga Corinto 11:23–28). Pagkatapos ay maaari mong iparebyu sa mga miyembro ng klase ang Mga Taga Filipos 4:1–13 para malaman ang payo ni Pablo na makakatulong sa atin na magalak, maging sa oras ng pagsubok.

    Kung gusto mong tuklasin ang iba pa tungkol sa paksang ito, maaari kang magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng ilang nagbibigay-inspirasyong salaysay o pahayag mula sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan” (Ensign o Liahona, Nob. 2016, 81–84). Paano nakasumpong ng kagalakan ang mga tao sa mensahe ni Pangulong Nelson, sa kabila ng kanilang mahirap na sitwasyon?

  • Marahil ay makakakita ng payo ang mga miyembro ng klase sa Mga Taga Filipos 4 na makakatulong sa kanila kapag dumaranas sila ng mga pagsubok. Maaari mong bigyan ng note card ang bawat miyembro ng klase para maisulat nila ang kanilang makita. Ipalagay ito sa kanila kung saan nila ito makikita kapag kailangan nila ito.

  • Kung minsa’y makakatulong ang isang himno sa pag-unawa natin sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, matapos basahin ang Mga Taga Filipos 4:7, 13, maaari ninyong sama-samang kantahin ang “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” o ang unang talata ng “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” (Mga Himno, blg. 74, 164). Anong mga koneksyon ang nakikita ng mga miyembro ng klase sa pagitan ng mga titik ng mga himnong ito at ng Mga Taga Filipos 4:7, 13? Marahil ay maaari silang magbahagi ng mga karanasan kung kailan nadama nila “ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” o napalakas sila “sa pamamagitan ni Cristo” upang maisakatuparan ang isang bagay na hindi nila magagawa sa ibang paraan. Ang karanasan ni Elder Jay E. Jensen, na matatagpuan sa “Karagdagang Resources,” ay maaaring makatulong na maghikayat ng talakayan tungkol sa mga talatang ito.

  • Dahil lumalala ang kasamaan sa mundo ngayon, makikinabang ang mga miyembro ng klase mo sa payo ni Pablo na “isipin” ang mga bagay na dalisay, kaaya-aya, magandang balita, marangal, o kapuri-puri (Mga Taga Filipos 4:8). Marahil ay maaari mong iatas sa bawat miyembro ng klase (o sa maliliit na grupo ng mga miyembro ng klase) ang isa sa mga katangiang nakalista sa Mga Taga Filipos 4:8 o Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13. Maaari silang maghanap ng mga talata sa mga banal na kasulatan tungkol sa katangiang nakaatas sa kanila at ibahagi sa klase ang makita nila. Maaari din silang magbahagi ng mga halimbawa ng katangiang iyon sa buhay ng mga tao. Paano natin “hinahangad … ang mga bagay na ito”?

Mga Taga Colosas 1:12–23; 2:3–8

Kapag ang ating pananampalataya ay “nangauugat” kay Jesucristo, lumalakas tayo laban sa mga makamundong impluwensya.

  • Ang patotoo ni Pablo tungkol sa Tagapagligtas na matatagpuan sa Mga Taga Colosas 1:12–23; 2:3–8 ay nagbibigay ng isang magandang pagkakataon sa mga miyembro ng klase na pagnilayan at palakasin ang sarili nilang pananampalataya. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito para makita ang mga bagay na nagpapalakas sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Ano ang ibig sabihin ng “nangauugat at nangatatayo [kay Jesucristo]? (Mga Taga Colosas 2:7). Ang larawan ng puno sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na talakayin ang talatang ito. (Tingnan din sa Neil L. Andersen, “Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18–21.) Paano natin mapapalakas o mapapahina ang mga ugat ng isang puno? Paano tayo pinalalakas ng pagiging “nangauugat at nangatatayo [kay Jesucristo]” laban sa mga makamundong impluwensya? (tingnan sa Mga Taga Colosas 2:7–8; tingnan din sa Helaman 5:12; Eter 12:4).

  • Maaaring alam ng mga miyembro ng klase mo ang mga pilosopiya at tradisyon ng mga tao na maaaring “bumihag” sa pananampalataya ng isang tao kay Cristo dahil salungat ang mga ito sa mga katotohanan ng ebanghelyo at mas pinahihirap nitong ipamuhay ang ebanghelyo (Mga Taga Colosas 2:8). Marahil ay maaaring ilista ng mga miyembro ng klase ang ilan sa mga ito (maaaring makatulong ang mga ideyang iminungkahi ni Elder Dallin H. Oaks, na matatagpuan sa “Karagdagang Resources”). Pagkatapos ay maaari mong talakayin kung paano tayo natutulungan ng pagiging nakaugat sa mga turo ni Jesucristo na sundin ang payo ni Pablo: “Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya” (Mga Taga Colosas 2:6). Paano natin masusuportahan ang isa’t isa sa ating mga pagsisikap na sundan ang Tagapagligtas at hindi ang mga maling tradisyon ng mundo?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Nadama na ba ng mga miyembro ng klase mo na nahihirapan sila dahil naniniwala sila sa ebanghelyo? Sabihin sa kanila na ang I at II Mga Taga Tesalonica ay naglalaman ng payo ni Pablo sa mga Banal na nabuhay sa gitna ng matinding paghihirap at nanatiling tapat.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga Taga Filipos; Mga Taga Colosas

Kapayapaang di-masayod ng pag-iisip.

Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, ikinuwento ni Elder Jay E. Jensen ang karanasang ito:

“Ang apo naming si Quinton ay isinilang na may maraming kapansanan at nabuhay nang halos isang taon, at noong panahong iyon ay labas-pasok siya sa ospital. Nakatira kami ni Sister Jensen noong panahong iyon sa Argentina. Talagang gusto naming makapiling ang aming mga anak upang aliwin sila at aliwin nila kami. Mahal namin ang apo naming ito at gusto naming malapit kami sa kanya. Ang nagawa lamang namin ay magdasal, at ginawa namin iyon nang taimtim!

“Kami ni Sister Jensen ay nasa mission tour nang mabalitaan naming namatay si Quinton. Nakatayo kami sa pasilyo ng isang meetinghouse at niyakap at inalo namin ang isa’t isa. Pinatototohanan ko sa inyo na nakatanggap kami ng katiyakan mula sa Espiritu Santo, ang kapayapaan na di masayod ng pag-iisip at patuloy ito hanggang ngayon (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:7). Nasaksihan din namin ang hindi masambit na kaloob ng Espiritu Santo sa buhay ng aming anak at manugang na babae at kanilang mga anak, na hanggang sa araw na ito ay binabanggit ang sandaling iyon nang may pananampalataya, kapayapaan, at kapanatagan” (“Ang Espiritu Santo at Paghahayag,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 78).

Mga alituntunin ng ebanghelyo at mga tradisyon ng mga tao.

Tinukoy ni Elder Dallin H. Oaks ang ilang tradisyon sa mundo na salungat sa mga katotohanan ng ebanghelyo (tingnan sa “Pagsisisi at Pagbabago,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 37–40):

  • Pagbabalewala sa batas ng kalinisang-puri

  • Di-regular at di-aktibong pagsisimba

  • Mga paglabag sa Word of Wisdom

  • Pagiging hindi tapat

  • Paghahangad sa “mataas” na katungkulan sa Simbahan

  • Ang kultura na maging palaasa sa halip na maging responsable

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng musika. Ang sagradong musika ay nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu Santo. Makalilikha ito ng mapitagang kapaligiran at maghihikayat ng katapatan at pagkilos. Isipin kung paano magiging bahagi ng klase mo ang “mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno” (Mga Taga Colosas 3:16; tingnan din sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22).