Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia: ‘Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu’


“Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia: ‘Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

nagpakita si Cristo kay Pablo sa bilangguan

Setyembre 23–29

Mga Taga Galacia

“Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu”

Habang mapanalangin mong binabasa at pinagninilayan ang Mga Taga Galacia, ituturo sa iyo ng Panginoon ang kailangan mong ibahagi sa klase mo. Ang pagtatala ng mga impresyon mo ay nagpapakita ng pasasalamat sa Diyos para sa Kanyang tulong (tingnan sa Paul B. Pieper, “Panatilihing Sagrado,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 109).

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay kadalasang humahantong sa makabuluhang talakayan tungkol sa ebanghelyo kasama ang pamilya o mga kaibigan. Nangyari ba ito para sa mga miyembro ng klase mo sa linggong ito? Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Taga Galacia 1:6–7; 3:1–5; 4:8–21; 5:1, 13–14

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nag-aalok ng kalayaan.

  • Ang pag-aaral ng anumang aklat ng banal na kasulatan ay mas madali kapag alam natin kung bakit ito isinulat. Dahil dito, makakabuti sigurong simulan ang pagtalakay mo sa Mga Taga Galacia sa tanong na tulad ng “Ano sa palagay ninyo ang layunin ni Pablo sa pagsulat ng liham na ito?” o “Anong problema ang sinisikap lutasin ni Pablo?” Anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga clue sa Mga Taga Galacia 1:6–7; 3:1–5; 4:8–21. Paano naaakma sa atin ngayon ang mensahe ni Pablo?

  • Inakala ng ilang Banal na taga-Galacia na kailangan nilang patuloy na mamuhay ayon sa batas ni Moises. Para kay Pablo, para itong pamumuhay na may “pamatok ng pagkaalipin” kumpara sa kalayaang iniaalok sa batas ni Cristo (Mga Taga Galacia 5:1). Samantalang hindi natin karaniwang nakakaharap ang problemang ito ngayon, lahat tayo ay nahaharap sa katulad na pagpili sa pagitan ng espirituwal na pagkaalipin at ng kalayaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Para matulungan ang mga miyembro ng klase mo na tuklasin ang mga turo ni Pablo tungkol sa kalayaan at pagkaalipin, maaari mong ipabanggit sa kanila ang mga saloobin at kilos na maaaring humantong sa espirituwal na pagkaalipin (tulad ng kultural na mga kagawian, masasamang kaugalian, maling paniwala, o pagtutuon sa hayag na mga kilos sa halip na sa taos-pusong pagbabalik-loob). Ayon sa Mga Taga Galacia 5:1, 13–14, paano tayo makasusumpong ng kalayaan mula sa espirituwal na pagkaalipin? Paano naranasan ng mga miyembro ng klase ang kalayaang ipinangako sa ebanghelyo ni Jesucristo? Maaari mo ring ipabahagi sa mga miyembro ng klase kung paano sila maaaring tumugon sa isang taong nakadarama na ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay naglilimita sa personal na kalayaan.

Mga Taga Galacia 5:16–26

Kapag “lumakad [tayo] ayon sa Espiritu,” tatanggap tayo ng “bunga ng Espiritu.”

  • Maraming tao ang nahihirapang makilala ang impluwensya ng Espiritu. Ang Mga Taga Galacia 5 ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na kilalanin ang bunga ng Espiritu. Siguro’y maaari kang magsimula sa pagpapasaliksik sa kanila sa Mga Taga Galacia 5:22–25 para makita ang mga salitang ginamit ni Pablo para ilarawan ang bunga ng Espiritu. Bakit magandang metapora ang bunga para sa paraan na iniimpluwensyahan tayo ng Espiritu? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nakita ang bungang ito sa kanilang buhay o sa buhay ng mga taong kilala nila. Kasama sa ilang iba pang resources na sisiyasatin ang Mateo 7:16–18; Juan 14:26–27; Moroni 7:13–17; Doktrina at mga Tipan 11:12–13; at ang mga pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources.”

    mga mansanas sa isang puno

    Matatanggap natin ang “bunga ng Espiritu” kapag hinangad natin ito.

  • Kung minsa’y matututo tayo tungkol sa isang alituntunin sa pag-aaral tungkol sa kabaligtaran nito. Halimbawa, sa Mga Taga Galacia 5:16–26, ikinumpara ni Pablo “ang mga gawa ng laman” sa “bunga ng Espiritu.” Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung hanggang saan sila “[lumalakad] ayon sa Espiritu,” maaari mong imungkahi na basahin nila ang Mga Taga Galacia 5:16–26 at pagkatapos ay lumikha ng isang pagsusuri sa sarili na kahalintulad ng Aktibiti Patungkol sa Katangian sa pahina 144 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Halimbawa, para sa bawat item na nakalista sa mga talata 19–23, maaari nilang isulat ang tanong na tulad ng “Naiinggit ba ako sa mga kaedad ko?” o “Nakadarama ba ako ng pagmamahal araw-araw?” Hindi dapat ibahagi ng mga miyembro ng klase ang mga sagot sa kanilang self-assessment, ngunit maaari kang magpabahagi sa kanila ng mga ideya o kaisipan para matulungan ang bawat t isa na “lumakad ayon sa Espiritu.” Kung wala kang panahong tapusin ang aktibidad na ito sa klase, maaari mong imungkahi na kumpletuhin ito ng mga miyembro ng klase sa bahay.

Mga Taga Galacia 6:7–10

Kung naghahasik tayo ng “sa Espiritu,” aani tayo ng mga pagpapala sa takdang oras.

  • Ang pag-aaral ng Mga Taga Galacia 6:7–10 ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na pag-isipan nang mas malalim ang mga pangmatagalang bunga ng kanilang mga pagpili. Para matulungan sila, maaari kang magdala ng iba’t ibang klaseng binhi, kasama ang mga halaman, bunga, o gulay na umuusbong mula sa bawat isa sa mga binhing ito (o maaari kang magdala ng mga larawan ng mga bagay na ito). Maaaring magtulungan ang mga miyembro ng klase na itugma ang bawat binhi sa bunga nito. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang mga talata 7–10 at pag-usapan ang kahulugan ng maghasik ng “sa laman” at “sa Espiritu.” (Maaaring makatulong ang mensahe ni Elder Ulisses Soares sa “Karagdagang Resources.”) Ano ang inaani natin kapag naghasik tayo sa laman? Ano ang inaani natin kapag naghasik tayo sa Espiritu? (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22–23). Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga espirituwal na pagpapalang inaasam nilang matanggap. Anong “paghahasik” ang magagawa nila ngayon para maging handang tanggapin ang mga pagpapalang iyon? Maaari mo pa ngang ipasulat sa kanila ang kanilang mga naiisip at, kung komportable sila, ipabahagi sa kanila ang mga ito.

  • Maaaring nadarama ng ilang miyembro ng klase na sila ay “[nanga]ngapagod sa paggawa ng mabuti” (Mga Taga Galacia 6:9)—marahil ay dahil hindi nila tiyak na nagbubunga ang kanilang mga pagsisikap. Ang pagtalakay sa Mga Taga Galacia 6:7–10 ay maaaring makatulong. Para pasimulan ang mga talatang ito, maaari mong pagsalitain nang bahagya ang isang tao sa klase tungkol sa isang pagkakataon na kinailangan niyang magtiyaga nang subukan niyang palaguin ang isang bagay. Ano ang maaaring ituro sa atin ng karanasan ng taong ito, pati na ng Mga Taga Galacia 6:7–10, tungkol sa mga pagsisikap nating “lumakad ayon sa Espiritu”? (Mga Taga Galacia 5:25).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase mo na basahin ang Sulat sa mga Taga Efeso, maaari mong sabihin sa kanila na sa sulat na ito ay malalaman nila kung paano sila maaaring “magsitibay laban sa mga lalang ng diablo” (Mga Taga Efeso 6:11).

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga Taga Galacia

Ang mga bunga ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo.

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Paano natin malalaman ang mga bagay ng Espiritu? Paano natin malalaman kung nagmula ito sa Diyos? Sa mga bunga nito. Kung ito ay magbubunga ng paglakas at pag-unlad, ng pananampalataya at patotoo, ng mas mahusay na paggawa ng mga bagay, ng kabanalan, kung gayon ito ay mula sa Diyos. Kung ito ang magwawasak sa atin, magdadala sa atin sa kadiliman, magpapalito at magpapabalisa sa atin, magbubunga ng kawalang-pananampalataya, kung gayon ito ay mula sa diyablo.”

Sa isa pang pagkakataon, sinabi ni Pangulong Hinckley: “Makikilala mo ang mga panghihikayat ng Espiritu sa pamamagitan ng mga bunga ng Espiritu—ang nagbibigay-liwanag, nagpapatatag, mga bagay na positibo at malinaw at nagbibigay-sigla at humahantong sa mas mabuting kaisipan at mas mabuting mga salita at gawa ay sa Espiritu ng Diyos. Ang nagpapahina sa atin, na humahantong sa ipinagbabawal na landas—iyan ay sa kaaway. Palagay ko ganito lang ito kapayak, ganito lang kasimple ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley [2016], 137).

Paghahasik ng sa Espiritu.

Ipinaliwanag ni Elder Ulisses Soares: “Ang ibig sabihin ng maghasik ng sa Espiritu ay na lahat ng ating iniisip, sinasabi, at ginagawa ay dapat mag-angat sa atin sa antas ng kabanalan ng ating mga magulang sa langit. Gayunman, tinutukoy sa mga banal na kasulatan ang laman bilang pisikal o makamundong katangian ng likas na tao, na nagtutulot sa mga tao na maimpluwensyahan ng silakbo ng damdamin, paghahangad, pagnanasa, at udyok ng laman sa halip na maghanap ng inspirasyong mula sa Espiritu Santo. Kung hindi tayo mag-iingat, ang mga impluwensyang iyon pati na ang pag-uudyok ng kasamaan sa mundo ay maaaring magtulak sa atin sa magaspang at masamang pag-uugaling maaaring maging bahagi ng ating pagkatao” (“Manatili sa Teritoryo ng Panginoon!” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 39).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga mag-aaral na pasiglahin ang isa’t isa. “Bawat indibiduwal sa klase mo ay saganang pagmumulan ng patotoo, mga kabatiran, at mga karanasan sa pamumuhay ng ebanghelyo. Anyayahan silang magbahaginan at magtulungan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 5).