“Agosto 26–Setyembre 1. I Mga Taga Corinto 8–13: ‘Kayo nga ang Katawan ni Cristo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Agosto 26–Setyembre 1. I Mga Taga Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Agosto 26–Setyembre 1
I Mga Taga Corinto 8–13
“Kayo nga ang Katawan ni Cristo”
Itinuro ni Elder Richard G. Scott na “hindi [natin] maririnig ang napakahalaga at personal na patnubay ng Espiritu” kung hindi natin itatala at tutugunan ang “mga unang paramdam na dumarating sa [atin]” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 8).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ginamit ni Pablo ang mga analohiya at paglalarawan sa I Mga Taga Corinto 8–13, tulad ng isang runner sa karera ng takbuhan, isang katawan ng tao, at “batingaw na umaalingawngaw” (I Mga Taga Corinto 13:1). Ano ang mga ideya ng mga miyembro ng klase tungkol sa paglalarawang ito? Paano nito naipaunawa sa kanila ang katotohanan ng ebanghelyo?
Ituro ang Doktrina
Lahat tayo ay humaharap sa tukso, ngunit ang Diyos ay naglalaan ng paraan para matakasan ito.
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan ang makapangyarihang mga katotohanan sa I Mga Taga Corinto 10:13? Ang isang ideya ay hatiin ang talata sa maiikling parirala, ibigay ang bawat isa sa ibang miyembro ng klase, at hilingin sa mga miyembro ng klase na muling sabihin ang mga parirala sa sarili nilang mga salita. Halimbawa, ano ang isa pang paraan ng pagsasabi na “tapat ang Dios” o “[matukso nang] higit sa inyong makakaya”? Pagkatapos ay maaari mong pagsama-samahing muli ang mga pahayag ng ilan sa mga miyembro ng klase at hanapin ang iba pang mga aplikasyon sa ating buhay. Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung saan nalaman nila na ang mga pangako sa talatang ito ay totoo. Anong karagdagang mga pananaw ang matatamo natin sa mga talatang ito mula sa Alma 13:27–28?
-
Sa halip na pagtuunan ang partikular na mga tukso ninuman, maaari mong ituon ang talakayan ng I Mga Taga Corinto 10:13 sa mga tuksong sinabi ni Pablo na “matitiis ng tao.” Maaaring magsimula ang mga miyembro ng klase sa pagtukoy sa mga tuksong ibinabala ni Pablo sa mga talata 1–12. Maaari din silang magmungkahi ng mga makabagong halimbawa ng karaniwang mga tukso, tulad ng mga tuksong hindi maging tapat, magtsismis, o husgahan ang iba. Paano maaaring “matakasan” ng isang tao, sa tulong ng Diyos, ang mga tuksong ito? Maaari mong ipasadula ang ilang sitwasyon.
-
Maaaring mahalagang isaalang-alang ang I Mga Taga Corinto 10:13 sa konteksto ng napakahalagang hangarin ni Pablo na magkaisa ang mga Banal. Ano ang magagawa natin para tulungan ang isa’t isa na “matakasan” at “matiis” ang mga tuksong maaari nating kaharapin? Paano nakakatulong sa atin ang pagkakaisa para malabanan ang tukso?
I Mga Taga Corinto 10:16–17; 11:23–30
Ang sakramento ay pinagkakaisa tayo bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo.
-
Ang mga talatang ito ay maaaring makahikayat ng talakayan tungkol sa kung paano mapagkakaisa ng sakramento ang inyong ward sa mga pagsisikap ninyong maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Maaari kayong magsimula sa pagbasa sa I Mga Taga Corinto 10:16–17 at sa pagsisiyasat kung ano ang maaaring ibig sabihin ng salitang pakikipagkaisa sa kontekstong ito (maaaring maghanap ang isang tao ng mga posibleng kahulugan sa isang diksyunaryo). Paano nakatulong sa atin ang sama-samang pakikibahagi ng sakramento para madama na mas nagkakaisa tayo? Ano ang magagawa natin para magkaroon ng pagkakaisa sa oras ng sacrament meeting? Paano nauugnay sa layuning ito ang payo ni Pablo na “siyasatin ng tao ang kaniyang sarili”? (I Mga Taga Corinto 11:28).
Dapat nating hangarin ang mga kaloob ng Espiritu para sa kapakanan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit.
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase mo na rebyuhin ang mga espirituwal na kaloob na inilarawan ni Pablo at makita ang napakaraming iba’t ibang espirituwal na kaloob? Maaari mo silang bigyan ng isang minuto para ilista ang maraming kaloob ng Espiritu na maiisip nila hangga’t kaya nila. Kapag tapos na sila, ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang isinulat nila hanggang sa mabanggit ang bawat kaloob na inilista nila. Pagkatapos ay maaaring maghanap ang mga miyembro ng klase ng iba pang mga kaloob na maidaragdag sa kanilang listahan sa pagsasaliksik sa I Mga Taga Corinto 12 at sa listahan ni Elder Marvin J. Ashton sa “Karagdagang Resources.” Alin sa mga kaloob na ito ang nakita na ng mga miyembro ng klase sa mga taong kilala nila? Paano maaaring makatulong sa atin ang pagpapaunlad ng mga kaloob na ito na maging katulad ni Jesucristo?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makakita ng mga halimbawa kung paano nakakatulong ang pagpapaunlad ng kanilang mga espirituwal na kaloob na patatagin ang Simbahan, isiping anyayahan sila na mag-isip ng mga espirituwal na kaloob ng mga tao sa mga banal na kasulatan. Para sa mga ideya, maaari mo silang atasang saliksikin ang isa sa mga reperensya sa banal na kasulatan sa “Karagdagang Resources” at magbahagi ng mga espirituwal na kaloob na inaakala nilang taglay ng taong iyon. Paano napagpala ng mga espirituwal na kaloob ng mga taong ito ang kanilang sarili at ang iba? Paano natin magagamit ang ating mga espirituwal na kaloob para mapagpala ang iba at mapalakas ang katawan ni Cristo, o ang Simbahan? (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:12–31; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 14:12).
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase kung paano magkaroon ng mga espirituwal na kaloob, ipabasa sa kanila ang I Mga Taga Corinto 12:27–31; Moroni 7:48; 10:23, 30; Doktrina at mga Tipan 46:8; at ang pahayag ni Pangulong George Q. Cannon sa “Karagdagang Resources.” Ano ang itinuturo sa atin ng resources na ito tungkol sa kung paano magtamo ng mga espirituwal na kaloob? Paano tayo nagiging higit na katulad ni Cristo sa pagkakaroon ng mga espirituwal na kaloob? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isang kaloob na gusto nilang matamo at humingi ng tulong sa Panginoon na makamit ang kaloob na iyon.
Pag-ibig sa kapwa ang pinakadakilang espirituwal na kaloob.
-
Iniisip ng ilang tao na ang pag-ibig sa kapwa ay mga donasyon sa maralita o kabaitan sa iba. Bagama’t tiyak na maipamamalas ng mga bagay na ito ang pag-ibig sa kapwa, mas malawak pa ang paglalarawan ni Pablo. Para masuri ito ng mga miyembro ng klase, maaari mong sabihin sa kanila na tahimik na pagnilayan ang I Mga Taga Corinto 13 at isipin ang isang taong kilala nila na isang magandang halimbawa ng isa o mahigit pang mga aspeto ng pag-ibig sa kapwa na binanggit ni Pablo. Maaaring ilarawan ng ilang miyembro ng klase ang taong naisip nila at ang isang karanasan kung saan inihalimbawa ng taong ito ang pag-ibig sa kapwa. Maaari mo pa ngang ilista ang mga bahagi ng paglalarawan ni Pablo sa pisara at magpabahagi ka sa mga miyembro ng klase ng mga ideya tungkol sa kahulugan ng “mapagpahinuhod” o “hindi [madaling mayamot]” (I Mga Taga Corinto 13:4–5). Paano inihalimbawa ng Tagapagligtas ang mga katangiang ito ng pag-ibig sa kapwa? Paano tayo magkakaroon ng pag-ibig sa kapwa? (tingnan sa Moroni 7:46–48).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Alam ba ng mga miyembro ng klase mo na ang mga doktrina ng binyag para sa mga patay at ang tatlong antas ng kaluwalhatian ay tinutukoy sa Biblia? Sabihin sa kanila na pag-aaralan nila ang mga katotohanang ito habang pinag-aaralan nila ang I Mga Taga Corinto 14–16 sa linggong ito.
Karagdagang Resources
Mga espirituwal na kaloob na maaaring hindi mo naisip.
Ibinahagi ni Elder Marvin J. Ashton ang mga halimbawang ito na tinatawag niyang “di-gaanong halatang mga kaloob” ng Espiritu: “Ang kaloob na humiling; kaloob na makinig; kaloob na makarinig at gumamit ng marahan at banayad na tinig; kaloob na manangis; kaloob na umiwas na makipagtalo; kaloob na maging kalugud-lugod; kaloob na umiwas sa walang-kabuluhang pag-uulit-ulit; kaloob na hangarin yaong matwid; kaloob na huwag manghusga; kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; kaloob na maging disipulo; kaloob na pangalagaan ang iba; kaloob na makapagnilay-nilay; kaloob na mag-alay ng panalangin; kaloob na magbigay ng malakas na patotoo; at kaloob na tumanggap ng Espiritu Santo” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20).
Mga halimbawa ng mga espirituwal na kaloob sa mga banal na kasulatan.
Maghangad ng mga espirituwal na kaloob.
Sinabi ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) ng Unang Panguluhan na tungkulin nating “manalangin sa Diyos na bigyan [tayo] ng mga kaloob na magwawasto sa [ating] mga kahinaan. … Ito ang layunin nito. Hindi dapat sabihin ng sinuman na, “Ah, hindi ko kontrolado ito; likas na sa akin ito.” Hindi siya mabibigyang-katwiran dito, sapagka’t nangako ang Diyos na magbigay ng lakas upang maitama ang mga bagay na ito, at magbigay ng mga kaloob na pupuksa sa lahat ng ito. Kung ang isang tao ay kulang sa karunungan, tungkulin niyang humingi ng karunungan sa Diyos. Gayon din sa lahat ng iba pa” (Millennial Star, Abr. 23, 1894, 260).