“Agosto 19–25. I Mga Taga Corinto 1–7: ‘Mangalubos sa Isa Lamang’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Agosto 19–25. I Mga Taga Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Agosto 19–25
I Mga Taga Corinto 1–7
“Mangalubos sa Isa Lamang”
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na karamihan sa mga tao ay “[nagsisimba] sa paghahangad na magkaroon ng espirituwal na karanasan” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26). Habang binabasa mo ang I Mga Taga Corinto 1–7, mapanalanging isipin kung ano ang magagawa mo para makatulong na lumikha ng mga espirituwal na karanasan sa klase mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat kung paano sila kumilos ayon sa natututuhan nila mula sa mga banal na kasulatan. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang isinulat.
Ituro ang Doktrina
Ang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo ay kailangang magkaisa.
-
Ang pagtalakay sa unang ilang kabanata ng I Mga Taga Corinto ay maaaring maging pagkakataon para magkaroon ng higit na pagkakaisa sa mga miyembro ng ward. Maaari kang magsimula sa pagpapakuwento sa mga miyembro ng klase tungkol sa isang club, grupo, o pangkat na kinabibilangan nila na malaki ang pagpapahalaga sa pagkakaisa. Bakit nadama ng grupong ito na nagkakaisa sila talaga? Pagkatapos ay maaari ninyong tuklasin ang ilan sa mga turo ni Pablo tungkol sa pagkakaisa sa I Mga Taga Corinto 1:10–13; 3:1–11. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito, pati na ng ating mga karanasan, na nakakatulong na magkaroon ng pagkakaisa at kung anong panganib ang nagbabanta rito? Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga taong hindi nagkakaisa? Ang mga ikinuwento ni Pangulong Henry B. Eyring sa “Karagdagang Resources” ay maaari ding makatulong sa talakayang ito.
-
Ginamit ni Pablo ang imahe ng isang gusali para maghikayat ng pagkakaisa sa I Mga Taga Corinto 3:9–17. Paano maaaring makatulong ang analohiyang ito para mas maunawaan ng klase mo ang pagkakaisa? Halimbawa, matapos ninyong sama-samang basahin ang mga talatang ito, maaari mong bigyan ng isang bloke ang bawat miyembro ng klase at magtulung-tulong silang bumuo ng isang bagay. Paano tayo naging “gusali ng Dios”? (I Mga Taga Corinto 3:9). Paano tayo isa-isang itinatayo ng Diyos? Ano ang sama-sama nating binubuo bilang kapwa mga Banal? Ano ang magagawa natin bilang nagkakaisang ward na hindi natin makakayang gawing mag-isa?
I Mga Taga Corinto 1:17–31; 2; 3:18–20
Para maisakatuparan ang gawain ng Diyos, kailangan natin ang karunungan ng Diyos.
-
May ilang tao na ang pakiramdam ay hindi sila karapat-dapat na maglingkod sa Simbahan dahil kulang sila sa pinag-aralan o professional training. Ang pakiramdam naman ng iba ay karapat-dapat sila dahil mayroon silang pinag-aralan o professional training. Mababanaag sa dalawang pananaw ang maling pagkaunawa sa tunay na nagpapagindapat sa atin para sa gawain ng Diyos. Narito ang isang ideya para matulungan ang klase mo na umasa sa Diyos: Hatiin ang mga miyembro ng klase sa mga grupo at ipasuri sa kanila ang I Mga Taga Corinto 1:17–31; 2; o 3:18–20 na hinahanap ang mga salitang gaya ng marunong at mangmang. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa kanilang grupo kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagiging marunong sa gawain ng Panginoon. Ano ang mga bagay tungkol sa ebanghelyo na maaaring tila kamangmangan sa ilang tao? Paano mamamalas ang karunungan ng Diyos sa mga bagay na ito? Marahil ay maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung saan nagtiwala sila sa karunungan ng Diyos, sa halip na sa kanilang sarili, upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.
Ang ating pisikal na katawan ay sagrado.
-
Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa mga talatang ito, maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na gaya ng sumusunod: Ano ang tingin ng Panginoon sa ating katawan? Paano ito naiiba sa paraang nais ni Satanas na isipin natin tungkol sa ating katawan? Ano ang ibig sabihin ng ang ating katawan ay templo ng Espiritu Santo? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito sa I Mga Taga Corinto 6:9–20 (tingnan din sa DT 88:15; Moises 6:8–9).
-
Ang talakayan ninyo tungkol sa kabanalan ng ating katawan ay maaaring kabilangan ng isang pag-uusap tungkol sa batas ng kalinisang-puri. Maaari itong makatulong lalo na dahil bilang mga Banal sa mga Huling Araw, madalas ay may mga pagkakataon tayong ipaliwanag ang ating mga paniniwala tungkol sa kalinisang-puri sa mga taong maaaring iba ang paniniwala. Marahil ay maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase mo kung ano ang matututuhan nila mula kay Pablo—pati na sa iba pang resources ng Simbahan—na maaaring makatulong sa kanila na ipaliwanag sa iba kung bakit mahalaga ang kalinisang-puri. Maaaring kabilang sa ilan sa resources na ito ang mga nakalista sa “Karagdagang Resources.”
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabihin sa mga miyembro ng klase mo na kung gusto nila ng karagdagang mga ideya kung paano sila mas magkakaisa bilang mag-asawa, pamilya, o ward, nagpapatuloy ang tema ng pagkakaisa sa I Mga Taga Corinto 8–11.
Karagdagang Resources
Mga halimbawa ng pagkakaisa.
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring:
“Inanyayahan akong lumuhod bago matulog kasama ang isang pamilya nang dalawin ko sila sa bahay. Ang bunsong anak ang nagdasal. Parang patriarch na ipinagdasal niya ang bawat kapamilya, na binabanggit ang pangalan. Nagmulat ako ng mga mata para tingnan ang mukha ng ibang mga bata at ng mga magulang. Masasabi kong nakiisa ang kanilang pananampalataya at puso sa panalangin ng batang iyon.
“Kamakailan ay sama-samang nagdasal ang ilang kababaihan ng Relief Society sa paghahandang bisitahin sa unang pagkakataon ang isang bata pang balo na ang asawa ay biglang namatay. Nais nilang alamin kung ano ang gagawin at kung paano maihahanda ang bahay para sa pamilya at mga kaibigang darating sa oras ng libing. … Dumating ang sagot sa kanilang dalangin. Pagdating nila sa bahay, kumilos ang bawat babae para tapusin ang trabaho. Mabilis na naihanda ang bahay kaya nalungkot ang ilang kababaihan na kakaunti ang naitulong nila. Nasambit ang nakaaaliw na mga salitang angkop na angkop. Naibigay nila ang serbisyo ng Panginoon, na nabubuklod ang mga puso” (“Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 68–69).
Ang mga pagpapala ng kadalisayang seksuwal.
Sa isang Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult, sinabi ni Sister Wendy W. Nelson:
“Personal na kadalisayan ang susi sa tunay na pag-ibig. Kapag mas dalisay ang inyong pag-iisip at damdamin, salita at gawa, mas kakayanin ninyong magbigay at tumanggap ng tunay na pag-ibig. …
“Bilang mahalagang bahagi ng pagpapahayag ng kanilang pagmamahal, nais ng Panginoon na makibahagi ang mag-asawa sa kagandahan at kagalakan ng intimasiya ng mag-asawa. …
“… Anumang nag-aanyaya sa Espiritu sa inyong buhay, at sa buhay ng inyong asawa at sa inyong pagsasama, ay magpapaibayo sa kakayahan ninyong maranasan ang intimasiya ng mag-asawa. … Sa kabilang dako, anumang nakakasakit sa Espiritu ay makakabawas sa kakayahan ninyong mag-asawa na maging isa. …
“Ang intimasiya ng mag-asawa na inaprubahan ng Espiritu ay may basbas ng Panginoon at nagpapabanal” (“Pag-ibig at Pag-aasawa,” Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult, Ene. 8, 2017, broadcasts.lds.org).
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:
“Bibigyang-diin ko na ang matalik na ugnayan ng tao ay nakalaan para sa dalawang taong kasal dahil ito ang pinakadakilang simbolo ng lubos na pagsasama, isang kabuuan at pagsasamang inorden at itinakda ng Diyos. …
“Ngunit ang gayong lubos na pagsasama, ang gayong matibay na pangako sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, ay darating lamang sa malapit at permanenteng ugnayang nakukuha sa tipan ng kasal, na may taimtim na mga pangako at sumpang ibigay ang lahat ng mayroon sila—ang mismong puso’t isipan nila, lahat ng araw at lahat ng pangarap nila” (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76).
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar: “Ang [mga seksuwal na] relasyon ay hindi pag-uusisa lamang na dapat hanapan ng kasagutan, hangaring dapat bigyang-kasiyahan, o uri ng libangan na gagawin lang para sa sarili. Hindi ito bagay na dapat mapagtagumpayan o kilos na dapat isagawa. Sa halip, isa ito sa mga pangunahing pagpapahayag sa mortalidad ng ating banal na katangian at potensiyal at paraan ng pagpapatibay ng emosyonal at espirituwal na ugnayan ng mag-asawa. Tayo ay mga kinatawan na may kalayaang pumili at nakikilala sa ating banal na katangian bilang mga anak ng Diyos—hindi sa seksuwal na pag-uugali, modernong pagkilos, o mga pilosopiya ng mundo” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 42).
Paano manatiling dalisay ang puri.
-
“Kadalisayan ng Puri,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, 35–37