Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 5–11. Mga Taga Roma 1–6: ‘Siyang Kapangyarihan ng Dios sa Ikaliligtas’


“Agosto 5–11. Mga Taga Roma 1–6: ‘Siyang Kapangyarihan ng Dios sa Ikaliligtas’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Agosto 5–11. Mga Taga Roma 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

si Pablo na sumusulat ng isang liham

Agosto 5–11

Mga Taga Roma 1–6

“Siyang Kapangyarihan ng Dios sa Ikaliligtas”

Mapanalanging basahin ang Mga Taga Roma 1–6 na nasasaisip ang mga miyembro ng klase mo. Tutulungan ka nitong maging sensitibo sa mga paramdam ng Espiritu habang naghahanda kang magturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para maghanap ng isang talata sa Mga Taga Roma 1–6 na gusto nila. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa katabi nila ang talatang pinili nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Taga Roma 1:16–17

“Hindi ko ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo].”

  • Napagtawanan na ba ang mga miyembro ng klase mo dahil sa kanilang mga paniniwala? Anyayahan silang basahin ang Mga Taga Roma 1:16–17 at isipin ang mga halimbawa mula sa aklat ng Mga Gawa kung saan ipinakita ni Pablo na hindi niya ikinahihiya ang ebanghelyo. Ano ang ilang dahilan para hindi natin ikahiya ang pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung saan ipinakita nila o ng iba na hindi nila ikinahihiya ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Taga Roma 1:16–17; 2:28–29; 6:1–11

Ang pagiging tunay na disipulo ay matatagpuan sa ating katapatan, hindi lamang sa ating mga kilos.

  • Paano natin masusuri ang ating sariling pagkadisipulo? Makakatulong ang payo ni Pablo sa mga taga-Roma para maalala nating magtuon hindi sa pagkumpleto ng isang listahan ng mga gawain kundi sa “puso [at] sa Espiritu” (Mga Taga Roma 2:29). Para maipaunawa sa klase mo ang payo ni Pablo, maaari mong isulat ang teksto mula sa Mga Taga Roma 2:28–29 sa pisara. Palitan ang salitang Judio ng Banal sa mga Huling Araw at ang salitang pagtutuli ng tipan. Ano ang idinaragdag ng pagbabagong ito sa pagkaunawa natin sa mga turo ni Pablo? Maaari mo ring talakayin ang mga halimbawa ng mga bagay na ginagawa natin bilang mga miyembro ng Simbahan na mas makabuluhan at mabisa kapag ginawa “ng puso, sa Espiritu” (Mga Taga Roma 2:29). Halimbawa, tingnan sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa home teaching, “Mga Sugo sa Simbahan” (Ensign o Liahona, Nob. 2016, 61–67), o sa mensahe ni Elder Neil L. Andersen tungkol sa gawaing misyonero, “Isang Saksi ng Diyos” (Ensign o Liahona, Nob. 2016, 35–38).

Mga Taga Roma 3–6

“Kung saan nanagana ang kasalanan, ay nanaganang lubha ang biyaya.”

  • Maaaring may mga tao sa klase mo na nangangailangan ng tulong na maunawaan ang mga turo ni Pablo sa mga kabanatang ito tungkol sa pananampalataya, mga gawa, at biyaya (tingnan din sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Paano mo sila matutulungang matuto sa isa’t isa? Isiping ilahad ang sumusunod na dalawang sitwasyon para maipaunawa sa mga miyembro ng klase na hindi natin dapat ituring na isang paraan ang ating mabubuting gawa para patunayan ang ating pagkamarapat, ni hindi natin dapat ituring na dahilan ang biyaya ni Cristo para pangatwiranan ang ating mga kamalian at kasalanan. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga katotohanan sa Mga Taga Roma 3:20–31; 5:1–2; 6:1–2, 21–23 na maaaring makatulong kina Gloria at Justin. Anong iba pang mga katotohanan ng doktrina sa “Karagdagang Resources” ang magpapaunawa sa kanila sa kahalagahan kapwa ng paggawa ng mabubuting gawa at ng pagtitiwala sa biyaya ni Cristo? Maaari mong ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang kanilang natagpuan o ipasadula ang isang pag-uusap.

Sitwasyon 1

May kaibigan kang nagngangalang Gloria na nahihirapan sa kanyang mga pagsisikap na maging isang tapat na disipulo. Nagsusumikap siyang gawin ang lahat na sa pakiramdam niya’y dapat niyang gawin, ngunit madalas siyang mag-alala na kulang ang kanyang mga pagsisikap. “Sapat ba ang kabutihan ko?” pag-iisip niya. “Tatanggapin ba ako ng Panginoon?”

Sitwasyon 2

May kaibigan kang nagngangalang Justin na hindi gaanong nag-aalala tungkol sa paggawa ng mga tamang pagpili. Naniniwala siya kay Jesucristo, dumadalo siya sa kanyang mga miting sa Simbahan, at isa siyang mapagmahal na ama at mabuting kapitbahay. Gayunman, pinili niyang hindi ipamuhay ang mga pamantayan na gagawin siyang karapat-dapat para sa temple recommend. Kapag sinusubukan ng pamilya at mga kaibigan na hikayatin siyang maghanda para sa templo, ang tugon niya’y, “Mabuting tao ako. Sumasampalataya ako kay Jesucristo. Binayaran na Niya ang mga kasalanan ko, at palagay ko’y hindi Niya ako pagsasarhan sa kahariang selestiyal dahil lang sa maliliit na bagay.”

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mga Taga Roma 7–16, maaari mong sabihin sa kanila na inilarawan ni Pablo ang isang digmaan sa kalooban niya—at nating lahat. Sa Mga Taga Roma 7–16 malalaman natin kung ano ang digmaang iyon at kung paano magwawagi roon.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga Taga Roma 1–6

Pananampalataya, biyaya, at mga gawa.

Bagama’t dapat tayong magpunyaging sundin ang mga kautusan, hindi tayo ililigtas ng simpleng pagsunod lamang sa mga batas ng Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 3:27–31). Magsumikap man tayo nang husto, tayong “lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” (Mga Taga Roma 3:23). Dahil dito, kailangan nating lahat si Jesucristo, kung kaninong biyaya ay nagtutulot sa atin na mapatawad sa ating mga kasalanan at nagbibigay ng kakayahan sa atin na patuloy na gumawa ng mabuti. Tulad ng itinuro ni Pablo, “Kung saan nanagana ang kasalanan, ay nanaganang lubha ang biyaya” (Mga Taga Roma 5:20).

Ibinahagi ni Pangulong David O. McKay ang isang analohiya tungkol sa isang batang lalaki na nagsimulang malunod habang lumalangoy kasama ang kanyang mga kaibigan: “Mabuti na lang, isang batang may isip at mabilis kumilos ang humaltak ng isang mahabang patpat mula sa isang bakod na willow at iniabot ang isang dulo nito sa nalulunod na bata [na] sumunggab dito, at kumapit nang mahigpit at nakaligtas.

“Ipinahayag ng lahat ng bata na utang ng mapagsapalarang bata ang kanyang buhay sa batang nakaisip ng paraan para sumagip.

“Walang dudang ito ang totoo; subalit sa kabila ng paraang ibinigay sa kanya, kung hindi ito sinamantala ng bata, kung hindi niya ginawa ang lahat ng makakaya niya, nalunod sana siya, sa kabila ng kabayanihang ginawa ng kanyang kasamahan” (David O. McKay, “The Gospel of Work,” Instructor, Ene. 1955, 1).

Sa pagtugon sa tanong kung ililigtas tayo ng pananampalataya o mga gawa, isinulat ng Kristiyanong awtor na si C. S. Lewis: “Para sa akin [para] itong pagtatanong kung aling talim sa isang gunting ang lubhang kailangan” (Mere Christianity, 148).

Sitwasyon 1

“Ang kaligtasan ay hindi natatamo sa pagsunod; natatamo ito sa pamamagitan ng dugo ng Anak ng Diyos [tingnan sa Mga Gawa 20:28]. …

“Ang biyaya ay isang kaloob ng Diyos, at ang hangarin nating sundin ang bawat utos ng Diyos ay pag-unat ng ating kamay upang tanggapin ang sagradong kaloob na ito mula sa ating Ama sa Langit” (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 109–10).

Sitwasyon 2

“Kung ang biyaya ay isang kaloob ng Diyos, bakit napakahalagang sumunod sa mga utos ng Diyos? Bakit tayo mag-aabala sa mga utos ng Diyos—o magsisisi, para diyan? …

“Ang ating pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nagiging likas na bunga ng ating walang-hanggang pagmamahal at pasasalamat sa kabutihan ng Diyos. Ang anyong ito ng tunay na pagmamahal at pasasalamat ay mahimalang isasama ang ating mga gawa sa biyaya ng Diyos” (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob ng Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 109).

Patuloy ang pangangailangan natin sa biyaya.

“Bukod pa sa pangangailangan sa biyaya para sa kaligtasan ninyo sa huli, kailangan ninyo ang kapangyarihang ito na nagbibigay-kakayahan sa araw-araw ninyong buhay. Habang lumalapit kayo sa inyong Ama sa Langit nang masigasig, mapakumbaba, at may kaamuan, pasisiglahin at palalakasin Niya kayo sa pamamagitan ng Kanyang biyaya (tingnan sa Mga Kawikaan 3:34; I Ni Pedro 5:5; DT 88:78; 106:7–8). Umuunlad at lumalago kayo sa kabutihan dahil sa pag-asa sa Kanyang biyaya” (Tapat sa Pananampalataya, 15).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang pagtawag sa iyo ay binigyang-inspirasyon. Bilang isang guro, tinawag ka ng Panginoon para pagpalain ang Kanyang mga anak. Nais ng Panginoon na magtagumpay ka, kaya kapag namuhay ka nang marapat sa Kanyang tulong, ibibigay Niya sa iyo ang paghahayag na hinahangad mo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 5.)