Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 29–Agosto 4. Mga Gawa 22–28: ‘Ministro at Saksi’


“Hulyo 29–Agosto 4. Mga Gawa 22–28: ‘Ministro at Saksi’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 29–Agosto 4. Mga Gawa 22–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

si Pablo sa bilangguan

Hulyo 29–Agosto 4

Mga Gawa 22–28

“Ministro at Saksi”

Basahin ang Mga Gawa 22–28 nang may panalangin sa iyong puso na bibigyang-inspirasyon ka ng Espiritu Santo na malaman kung ano ang dapat mong pagtuunan na makakatulong sa mga miyembro ng klase mo. Itala ang anumang ideyang naiisip mo; maaaring ito ang maging simula ng iyong teaching plan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipasulat sa mga miyembro ng klase ang isang reperensya sa banal na kasulatan mula sa Mga Gawa 22–28 na hinangaan nila ngayong linggo. Tipunin ang kanilang mga sagot at basahin ang ilan sa mga talata. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi kung bakit makabuluhan sa kanila ang mga talatang ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Gawa 22:1–21; 26:1–29

Ang patotoo ay isang pagpapahayag ng katotohanan batay sa personal na kaalaman o paniniwala.

  • Ang patotoo ni Pablo kina Festo at Haring Agripa ay maaaring maging pagkakataon para talakayin ang kahulugan ng magpatotoo. Maaari kang magsimula sa pagpaparebyu ng Mga Gawa 22:1–21 at 26:1–29 sa mga miyembro ng klase. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Pablo tungkol sa pagpapatotoo? Anong karagdagang mga alituntunin tungkol sa pagpapatotoo ang matututuhan natin mula sa pahayag ni Elder M. Russell Ballard sa “Karagdagang Resources”? Ang pagkanta o pagpapatugtog ng himnong “Patotoo” (Mga Himno, blg. 79) ay maaaring magpadama sa Espiritu sa inyong talakayan.

  • Maaaring nagtamo na ang mga miyembro ng klase ng personal na mga kabatiran nang pag-aralan nila ang patotoo ni Pablo kina Festo at Haring Agripa. Anyayahan silang magbahagi. Anong mga babala ang maibibigay sa atin ngayon ng tugon ni Haring Agripa sa patotoo ni Pablo? (tingnan sa Mga Gawa 26:28). Maaari ding makaisip ang mga miyembro ng klase ng iba pang mga patotoo mula sa mga banal na kasulatan na nagbigay-inspirasyon sa kanila. (Kabilang sa ilang halimbawa ang Job 19:25–27; 2 Nephi 33:10–15; Alma 5:45–48; at DT 76:22–24.) O marahil ay maaari silang magbahagi ng mga karanasan na naimpluwensyahan sila ng patotoo ng isang tao.

  • Ikinumpara ni Propetang Joseph Smith ang kanyang mga karanasan sa pagpapatotoo tungkol sa Unang Pangitain sa karanasan ni Pablo sa harapan ni Haring Agripa (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25). Marahil ay maaaring magpares-pares ang mga miyembro ng klase para lumikha ng isang listahan ng mga pagkakatulad ng dalawang lingkod na ito ng Diyos. Paano naipauunawa sa atin ng aktibidad na ito kung paano ibahagi ang ating patotoo kahit napakahirap nitong gawin?

  • Kahit hindi hinahanap ni Pablo ang espirituwal na saksing natanggap niya sa daan patungong Damasco, ginugol niya ang nalalabi niyang buhay sa pagsisikap na mapanatili at maipagtanggol ang kanyang patotoo (tingnan sa Mga Gawa 22:10, 14–16; 26:19). Maaaring maipaunawa ng halimbawa ni Pablo sa klase mo na ang isang patotoo ay nangangailangan ng pagsisikap at sakripisyo. Para mapasimulan ang isang talakayan tungkol dito, marahil ay maaaring ilarawan ng isang miyembro ng klase ang kanyang pagsisikap na maging magaling na musikero, artist, o atleta. Paano naging katulad ng pagtatamo at pagpapalakas ng patotoo ang pagkakaroon ng gayong kasanayan? Anong mga pagsisikap ang kailangan nating gawin upang magtamo at magpalakas ng patotoo? (tingnan din sa Alma 5:46).

Mga Gawa 26:9–23

Responsibilidad nating maglingkod sa iba.

  • Tinawag ng Panginoon si Pablo na maging isang “ministro” (Mga Gawa 26:16), ngunit ano ang ibig sabihin ng salitang ito? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na tuklasin kung paano sila makapaglilingkod sa iba, maaari mong isulat sa pisara ang tanong na tulad ng Ano ang ibig sabihin ng maglingkod? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga sagot sa sumusunod na resources: Mateo 20:25–28; Mga Gawa 26:16–18; 3 Nephi 18:29–32; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mangasiwa.” Habang ibinabahagi nila ang kanilang natagpuan, hikayatin silang talakayin ang mga paraan na lahat tayo ay maaaring maglingkod sa iba, pati na sa ating mga calling sa Simbahan.

  • Nagsalita si Brother David L. Beck tungkol sa mga responsibilidad ng mga priesthood holder na maglingkod sa iba, at marami sa kanyang mga ideya ang maiaangkop sa lahat ng naglilingkod sa Simbahan (tingnan sa “Ang Inyong Sagradong Tungkuling Maglingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 55–57). Halimbawa, ano ang itinuturo sa atin ng kuwento ni Chy Johnson tungkol sa paglilingkod sa iba? Anong iba pang mga halimbawa ang maibabahagi ng mga miyembro ng klase? Bigyan ng panahon ang mga miyembro ng klase na makaisip ng isang taong mapaglilingkuran nila sa linggong ito at kung paano nila ito gagawin.

Mga Gawa 27

Kung diringgin natin ang mga propeta ng Panginoon, gagabayan at poprotektahan Niya tayo mula sa kasamaan.

  • Maaaring may mga karanasan na ang mga miyembro ng klase mo na sinunod nila ang tagubilin ng mga propeta kahit kaiba ito sa payo ng mga eksperto sa mundo o sa mga opinyon ng mga tao sa kanilang paligid. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na pumasok na handang magbahagi ng gayong mga karanasan. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga miyembro ng klase kung paano tumugon ang mga taong lulan ng barko nang ipropesiya ni Pablo na ang paglalayag ay “makapipinsala at magiging malaking kapahamakan” (Mga Gawa 27:10). Paano naging katulad sa ating panahon ang mga tugon ng ilang tao sa payo ng propeta?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa Mga Gawa 27 tungkol sa pagsunod sa mga propeta ng Panginoon? Ang pahayag ni Elder Ronald A. Rasband sa “Karagdagang Resources” ay naglalaman ng mga tanong na pagninilayan at ng isang listahan ng mga panganib na ibinabala sa atin ng mga propeta. Paano tayo napagpala sa pagsunod sa payo ng mga buhay na propeta?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na simulang basahin ang mga sulat ni Pablo, sabihin sa kanila na kunwari’y personal na sumulat ang isang miyembro ng Korum ng Labindalawa sa inyong ward. Ano ang madarama natin tungkol sa sulat na iyon? Ano kaya ang sasabihin niya sa atin? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isaisip ang mga ideyang ito habang binabasa nila ang sulat ni Pablo sa mga Banal sa Roma.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga Gawa 22–28

Pagpapatotoo.

Nagsalita si Elder M. Russell Ballard tungkol sa patotoo ni Pablo sa harapan ni Haring Agripa at itinuro niya ang kahulugan sa atin ng magpatotoo:

“Kailangan pa nating higit na isentro ang mga miting sa pagpapatotoo sa Tagapagligtas, mga doktrina ng ebanghelyo, mga biyaya ng Panunumbalik, at mga turo sa mga banal na kasulatan. Kailangan nating palitan ng mga dalisay na patotoo ang mga kuwento, karanasan sa paglalakbay, at pangangaral. Yaong mga itinalagang magsalita at magturo sa ating mga miting ay kailangan itong gawin nang may [kapangyarihan ng] doktrina na kapwa maririnig at madarama, na pinasisigla ang mga espiritu at pinalalakas ang ating mga tao. …

“… Bagama’t laging mabuting ipahayag ang pagmamahal at pasasalamat, ang gayong pananalita ay [hindi ang] uri ng patotoong magpapaningas ng paniniwala sa buhay ng iba. Ang pagpapatotoo ay ‘[pagsaksi] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; [paggawa] ng tapat na pahayag ng katotohanan hango sa sariling kaalaman [o] paniniwala’ [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatotoo,” scriptures.lds.org]. Gumagawa ng kaibhan ang malinaw na pagpapahayag ng katotohanan sa buhay ng tao. Iyon ang nagpapabago ng puso. Iyon ang patutunayan ng Espiritu Santo sa puso ng mga anak ng Diyos” (“Dalisay na Patotoo,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 41).

Pagtayo na kasama ang mga pinuno ng Simbahan.

Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband:

“[Ang ating mga pinuno], sa pamamagitan ng inspirasyon ng langit, [ay tinawag upang] turuan at gabayan tayo at binabalaan tayo sa mga panganib na kinakaharap natin sa bawat araw—mula sa pagbabalewala sa paggalang sa araw ng Sabbath, hanggang sa mga pagbabanta sa pamilya, sa mga pagkalaban sa kalayaang pangrelihiyon, at sa pakikipagtalo tungkol sa paghahayag sa mga huling araw. Mga kapatid, nakikinig ba tayo sa kanilang payo? …

“Habang patuloy tayo sa paglakad, na pinipiling sundin ang mga tagubilin at babala ng ating mga pinuno, pinipili nating sundan ang Panginoon samantalang pasalungat ang takbo ng mundo. Pinipili nating humawak nang mahigpit sa gabay na bakal, maging mga Banal sa mga Huling Araw, maglingkod sa Panginoon, at mapuspos ng ‘labis na kagalakan’ [1 Nephi 8:12].

“Ang malaking tanong sa ngayon ay malinaw: kasama ba kayo ng mga pinuno ng Simbahan sa isang mundong nag-iibayo ang kasamaan upang maipalaganap ninyo ang Liwanag ni Cristo?” (“Pagtayo na Kasama ang mga Pinuno ng Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 47–48).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghanda nang maaga. “Habang pinag-iisipan mong mabuti kung paano mapagpapapala ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo ang mga miyembro ng klase, darating sa iyo ang mga ideya at impresyon araw-araw—habang papunta ka sa trabaho, gumagawa ng mga gawaing-bahay, o nakikipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan. Huwag isipin na ang espirituwal na paghahanda ay isang bagay na pag-uukulan mo ng oras kundi isang bagay na palagi mong ginagawa” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12).