“Agosto 12–18. Mga Taga Roma 7–16: ‘Daigin Mo ng Mabuti ang Masama’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Agosto 12–18. Mga Taga Roma 7–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Agosto 12–18
Mga Taga Roma 7–16
“Daigin Mo ng Mabuti ang Masama”
Basahin ang Mga Taga Roma 7–16, at itala ang mga impresyon na natatanggap mo kung paano tulungan ang mga miyembro ng klase mo na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Sa una ang iyong mga impresyon ay maaaring mukhang mga simpleng ideya, ngunit habang pinagninilayan mo ang mga ito, maaaring maging makabuluhang mga aktibidad ito sa pag-aaral.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Hindi dapat mag-atubili ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng anumang bagay na nakahikayat sa kanila sa kanilang personal na pag-aaral o sa pag-aaral ng pamilya, ngunit kung minsa’y nakakatulong na humingi ng mga ideya tungkol sa isang partikular na bagay. Halimbawa, maaari mong basahin ang Mga Taga Roma 10:17 at 15:4 at ipabahagi sa kanila ang mga talatang nagpapalakas ng kanilang pananampalataya o nagbibigay sa kanila ng pag-asa.
Ituro ang Doktrina
Sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari nating manahin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.
-
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, naniniwala tayo na ang ibig sabihin ng mga pariralang tulad ng “mga tagapagmana sa Dios” at “mga kasamang tagapagmana ni Cristo” ay na sa tulong ni Jesucristo, maaari tayong maging katulad ng Ama sa Langit at tumanggap ng lahat ng mayroon siya (Mga Taga Roma 8:17; tingnan din sa DT 132:19–20). Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makita kung paano itinuturo ang doktrinang ito sa mga banal na kasulatan, maaari mong ipaaral sa kalahati ng klase ang ilan sa mga talata sa Biblia na nakalista sa “Karagdagang Resources” at sa natitirang kalahati ang mga talata mula sa mga banal na kasulatan sa mga huling araw, na naroon din sa “Karagdagang Resources.” Pagkatapos ay maaaring ituro ng mga miyembro ng klase sa isa’t isa ang natutuhan nila. Bigyan sila ng panahong talakayin kung bakit napakahalaga ng doktrinang ito. Halimbawa, ano ang kaibhang nagagawa sa ating buhay na malaman na maaari tayong maging “mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo”? (Mga Taga Roma 8:17).
-
Ang pag-alaala na naghihintay ang mga walang-hanggang pagpapala sa matatapat ay makakatulong sa atin kapag naharap tayo sa tukso o mga pagsubok (tingnan sa Mga Taga Roma 8:18). Ang isang simpleng paraan para mailarawan ang alituntuning ito ay magdrowing ng timbangan sa pisara; ipalista sa mga miyembro ng klase sa isang panig ang ilang pagsubok na maaaring makaharap ng mga tao. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang ilan sa mga talata sa “Karagdagang Resources” at ilista sa kabilang panig ng timbangan ang mga paglalarawan ng mga walang-hanggang pagpapalang dumarating sa mga taong tapat na hinaharap ang kanilang mga pagsubok. Paano maikukumpara ang mga pagsubok sa mga ipinangakong pagpapala? Ano ang sasabihin natin sa isang taong nagtanong sa atin kung sulit bang maging tapat sa mga utos ng Panginoon?
-
Ang analohiyang ibinigay ni Elder Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources” ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na talakayin kung paano tayo makapaghahandang maging “mga tagapagmana sa Dios” (Mga Taga Roma 8:17). Ano ang ilan sa “mga batas at alituntunin” na tinutukoy ni Elder Oaks?
“Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo?”
-
Ang sama-samang pagtalakay sa Mga Taga Roma 8 ay maaaring magbigay ng pagkakataon na maipadama sa mga miyembro ng klase ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Isiping idispley ang buong-pahinang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o isa pang larawan ni Jesucristo habang binabasa ninyo ang Mga Taga Roma 8:18, 28, 31–39 bilang isang klase. Ano ang mga naiisip o nadarama ng mga miyembro ng klase matapos nilang mabasa ang mga talatang ito? Maaari mong ipabahagi sa ilang miyembro ng klase kung paano sila nagkaroon ng patotoo tungkol sa mga katotohanang matatagpuan nila sa mga talatang ito. Maaari din kayong kumanta ng isang himno bilang isang klase (o hilingan ang isang tao na magtanghal ng isang bilang-musikal) tungkol sa pagmamahal ng Diyos at ni Jesucristo, tulad ng “Dahil Tayo’y Mahal ng Diyos” o “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 110, 115). Anong mga salita o parirala mula sa mga awiting ito ang nagpapadama ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa mga miyembro ng klase?
Lahat ng utos ng Diyos ay natutupad sa utos na magmahal.
-
Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paanong lahat ng kautusan ay “nauuwi sa” utos na mahalin ang iyong kapwa (Mga Taga Roma 13:9), ipalista sa kanila sa pisara ang lahat ng kautusang maiisip nila. Sama-samang basahin ang Mga Taga Roma 13:8–10 at Mateo 22:36–40, at talakayin bilang isang klase ang kaugnayan sa pagitan ng pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa at ng pagsunod sa bawat isa sa mga kautusang nakalista sa pisara. Paano binabago ng katotohanang ito ang pananaw natin tungkol sa mga kautusan at pagsunod?
Dapat nating iwasang husgahan ang mga pagpapasiya at ang pagiging espirituwal na balakid ng iba.
-
Para makapagbigay ng kaunting konteksto sa Mga Taga Roma 14, maaari mong ituro na nagtalu-talo ang ilan sa mga Banal na taga-Roma tungkol sa iba’t ibang gawi sa pagkain, pagdiriwang ng mga pista opisyal, at iba pang mga kultural na kaugalian. Anong mga sitwasyong kahalintulad nito ang kinakaharap natin ngayon? Marahil ay maaaring suriin ng mga miyembro ng klase ang Mga Taga Roma 14 at ibuod sa isang pangungusap ang payo ni Pablo. Anong payo ang maibabahagi natin sa isa’t isa kung paano iiwasang manghusga? Makakatulong ang pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources.”
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang I Mga Taga Corinto 1–7, maaari mong sabihin sa kanila na naroon ang payo ni Pablo sa mga miyembrong nakatira sa kinikilalang isa sa mga lungsod na pinaka-imoral at pinaka-sumasamba sa mga diyus-diyusan noong unang panahon.
Karagdagang Resources
Pagtanggap sa “lahat ng mayroon ang Ama” (DT 84:38).
Mula sa Biblia
Mula sa banal na kasulatan sa mga huling araw
Ikinuwento ni Elder Dallin H. Oaks ang sumusunod na talinghaga:
“Alam ng mayamang ama na kung ibibigay niya ang kanyang kayamanan sa anak na wala pang sapat na dunong at kakayahan na kinakailangan, malamang na masayang lang ang mana. Sinabi ng ama sa anak:
“Nais kong ibigay sa iyo ang lahat ng pag-aari ko—hindi lang ang kayamanan ko, kundi pati ang katungkulan ko at katayuan sa mga tao. Yaong mayroon ako ay madali kong maibibigay sa iyo, pero yaong pagkatao ko ay kailangang maangkin mo para sa iyong sarili. Magiging karapat-dapat ka sa mana mo sa pamamagitan ng pag-aaral ng kung ano ang natutuhan ko at sa pamumuhay nang tulad ng pamumuhay ko. Ibibigay ko sa iyo ang mga batas at alituntunin kung saan ko natamo ang dunong at kakayahan ko. Sundan mo ang halimbawa ko, magpakadalubhasa sa kung ano ang pinagdalubhasaan ko, at magiging katulad kita at ang lahat ng mayroon ako ay magiging iyo’” (“Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 32).
Mga kasamang tagapagmana ni Cristo.
Paghusga sa iba.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Ang paksang ito ng paghusga sa iba ay totoong maituturo sa dalawang salita. Pagdating sa pagkapoot, tsismis, pagbabalewala, pangungutya, paghihinanakit, o pagnanais na magpahamak, sundin sana ninyo ang sumusunod:
“Itigil ito!
“Ganyan lang kasimple. Kailangan lang tayong tumigil sa paghuhusga sa iba at palitan ng pusong puno ng pagmamahal para sa Diyos at sa Kanyang mga anak ang ating mapanghusgang isipan at damdamin. Ang Diyos ay ating Ama. Tayo ay Kanyang mga anak. Lahat tayo ay magkakapatid. … [Isang] bumper sticker na nakita ko kamakailan … [ang] nakadikit sa likod ng isang kotse na mukhang masungit ang drayber, ngunit maganda ang itinuro ng mga salita sa sticker. Sabi roon, ‘Huwag ninyo akong husgahan dahil iba ang kasalanan ko kaysa inyo’” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 75).