Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Dios’


“Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Dios’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

Jesucristo

Setyembre 9–15

II Mga Taga Corinto 1–7

“Kayo’y Makipagkasundo sa Dios”

Habang binabasa mo ang II Mga Taga Corinto 1–7 sa linggong ito, isipin ang partikular na mga miyembro ng klase—ang mga pumapasok at hindi pumapasok sa klase. Paano sila maaaring pagpalain ng mga alituntunin sa mga kabanatang ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ng panahon ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga ideya na tumutulong na maging mas epektibo ang kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

II Mga Taga Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; 7:4–7

Ang ating mga pagsubok ay maaaring maging pagpapala.

  • Siguro’y may isang tao sa klase mo na dumaranas ng mahirap na pagsubok. Ang mga karanasang inilarawan ni Pablo at ang payo niya sa II Mga Taga Corinto ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na isipin kung anong mga pagpapala ang maaaring maging resulta ng kanilang mga pagsubok. Para magpasimula ng talakayan, maaari mong hilingin sa isang miyembro ng klase na pumasok na handang talakayin kung paano pinagpala ng isang pagsubok ang kanyang buhay o kung ano ang natutuhan niya sa ibang tao na nagtiis ng isang pagsubok. Pagkatapos ay maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para rebyuhin ang II Mga Taga Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; at 7:4–7, na hinahanap kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga layunin at pagpapala ng mga pagsubok. (Para sa ilang halimbawa ng kanyang mga turo, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.) Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang matuklasan nila. Maaari mong imungkahi na basahin nila nang malakas ang talata kung saan nakakita sila ng isang partikular na turo at pagkatapos ay ibahagi ang isang karanasan o patotoo na may kaugnayan sa turong iyon.

  • Isiping bigyan ng panahon ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano mapagpapala ng mga pagsubok ang ating buhay, kabilang na ang pagrerebyu ng mga turo ni Pablo na matatagpuan sa II Mga Taga Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; at 7:4–7. Sa pagkakataong ito, maaari nilang isulat kung paano maaaring umangkop ang mga turo ni Pablo sa mga paghihirap na dinaranas nila sa sarili nilang buhay.

  • Para makaragdag sa inyong talakayan, isiping sama-sama ninyong kantahin ang mga paboritong himno ng mga miyembro ng klase na nagpapatotoo sa kaginhawahan at mga pagpapalang handog sa atin ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa oras ng pagsubok—tulad ng “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47). Matapos kumanta nang sama-sama, maaari kang magpahanap sa mga miyembro ng klase ng isang parirala sa II Mga Taga Corinto 1 at 4 na sa pakiramdam nila ay akma sa mensahe ng himno.

II Mga Taga Corinto 2:5–11

Tumatanggap tayo ng mga pagpapala at pinagpapala natin ang iba kapag nagpatawad tayo.

  • Lahat tayo ay nagkaroon na ng mga karanasan na ang isang tao ay “nakapagpalumbay” sa atin o sa ating pamilya (talata 5). Marahil ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang II Mga Taga Corinto 2:5–11, na hinahanap ang payo ni Pablo kung paano tatratuhin ang isang taong nakasakit sa ating damdamin. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang Lucas 15:11–32; Juan 8:1–11; at ang pahayag ni Elder Kevin R. Duncan (tingnan sa “Karagdagang Resources”) para malaman ang iba pang paraan kung paano natin dapat tratuhin ang mga nagkasala. Paano natin nasasaktan ang ating sarili at ang iba kapag ayaw nating magpatawad?

II Mga Taga Corinto 5:14–21

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong makipagkasundo sa Diyos.

  • Maraming taong nagsisimba na may hangaring mas mapalapit sa Diyos, at ang pagtalakay sa II Mga Taga Corinto 5:14–21 ay makakatulong sa kanila. Para makapagsimula, maaaring tuklasin ng mga miyembro ng klase ang kahulugan ng salitang makipagkasundo, na marahil ay nagsisimula sa paghanap sa salita sa isang diksyunaryo. Anong mga kabatiran ang ibinibigay nito tungkol sa pakikipagkasundo sa Diyos?   Paano naipapaunawa sa atin ng mga kabatirang ito ang II Mga Taga Corinto 5:14–21? Maaari mong ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang kanilang damdamin tungkol sa Tagapagligtas, na kung kaninong Pagbabayad-sala ay ginawang posible na makabalik tayo sa piling ng Diyos.

II Mga Taga Corinto 7:8–11

Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa pagsisisi.

  • Ang II Mga Taga Corinto 7:8–11 ay nagbibigay ng nakakatulong na paliwanag tungkol sa kalumbayang mula sa Diyos at sa tungkuling ginagampanan nito sa pagsisisi. Ano ang matututuhan natin tungkol sa kalumbayang mula sa Diyos sa II Mga Taga Corinto 7:8–11 at sa mga salita ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources”? Bakit mahalaga ang kalumbayang mula sa Diyos sa pagsisisi?

  • Maaaring maisip mong maghikayat ng mas malawak na talakayan tungkol sa pagsisisi. Kung gayon, maaari mong subukan ito: Isulat sa pisara ang Ang pagsisisi ay . Magpahanap ng mga paraan sa mga miyembro ng klase para makumpleto ang pariralang ito, gamit ang mga bagay na natututuhan nila mula sa II Mga Taga Corinto 7:8–11, gayundin mula sa mga banal na kasulatan at iba pang resources na matatagpuan sa “Karagdagang Resources.” Paano nila maaaring gamitin ang mga turong ito para ipaunawa sa isang tao kung paano magsisi nang taos-puso?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Tanungin ang mga miyembro ng klase kung naipagdasal na nila na mawala ang isang pagsubok o paghihirap. Sa II Mga Taga Corinto 8–13, malalaman nila kung paano tumugon si Pablo nang ipagdasal niya ito ngunit hindi sinagot ang kanyang panalangin sa paraang inasahan niya.

icon ng resources

Karagdagang Resources

II Mga Taga Corinto 1–7

Ang pagtingin sa iba tulad ng pagtingin sa kanila ng Diyos ay tumutulong sa atin na magpatawad.

Itinuro ni Elder Kevin R. Duncan: “Ang isang susi sa pagpapatawad [sa iba] ay ang tingnan sila gaya ng pagtingin sa kanila ng Diyos. Kung minsan, maaaring hawiin ng Diyos ang tabing at bigyan tayo ng kaloob na makita ang puso, kaluluwa, at espiritu ng isang taong nakasakit sa atin. Ang pananaw na ito ay maaaring humantong sa nag-uumapaw na pagmamahal para sa taong iyon” (“Ang Nakapagpapagaling na Pamahid ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 34).

Ang kalumbayang mula sa Diyos ay naghihikayat ng pagbabago at pag-asa.

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

“Ang kalumbayang mula sa Diyos ay naghihikayat ng pagbabago at pag-asa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay hinahatak tayo pababa, pinapawi ang pag-asa, at inuudyukan tayong magpatangay pa sa tukso.

“Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa pagbabalik-loob at pagbabago ng puso. Nagiging dahilan ito para kamuhian natin ang kasalanan at mahalin ang kabutihan. Hinihikayat tayo nitong bumangon at lumakad sa liwanag ng pagmamahal ni Cristo. Ang tunay na pagsisisi ay tungkol sa pagbabago, hindi paghihirap o pagdurusa” (“Magagawa na Ninyo Iyan Ngayon!” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 56).

Ano ang pagsisisi?

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen:

“Kapag nagkakasala tayo, tumatalikod tayo sa Diyos. Kapag nagsisisi tayo, muli tayong bumabaling sa Diyos.

“Ang imbitasyong magsisi ay bihirang maging tinig ng pagpaparusa at sa halip ay isang mapagmahal na pagsamong pumihit at ‘muling bumaling’ sa Diyos [tingnan sa Helaman 7:17]. Pag-anyaya iyon ng isang mapagmahal na Ama at ng Kanyang Bugtong na Anak na higitan pa natin ang ating sarili, taasan pa ang uri ng pamumuhay, magbago, at damhin ang kaligayahan ng pagsunod sa mga utos. Dahil mga disipulo tayo ni Cristo, nagagalak tayo sa pagpapala ng pagsisisi at sa kagalakan ng pagtanggap ng kapatawaran. Nagiging bahagi natin ito, hinuhubog ang ating isipan at damdamin. …

“Para sa karamihan, ang pagsisisi ay isang paglalakbay kaysa isang minsanang pangyayari. Hindi iyon madali. Mahirap magbago. Kailangan dito ang pagtakbo nang pasalungat sa hangin, paglangoy nang pasalungat sa agos. Sabi ni Jesus, ‘Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin’ [Mateo 16:24]. Ang pagsisisi ay pagtalikod sa ilang bagay, tulad ng panloloko, kahambugan, galit, at masasamang isipan, at pagbaling sa ibang mga bagay, tulad ng kabaitan, pagiging di-makasarili, pagtitiyaga, at espirituwalidad. Ito ay ‘muling-pagbaling’ sa Diyos” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40–41).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isama ang mga nahihirapan. Kung minsa’y kailangan lang isama ang nahihirapang mga miyembro ng klase para madamang may nagmamahal sa kanila. Isiping bigyan sila ng tungkuling makibahagi sa isang darating na lesson. Huwag sumuko kung hindi sila tumugon sa iyong mga pagsisikap sa simula. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8–9.)