“Setyembre 2–8. I Mga Taga Corinto 14–16: ‘Ang Dios ay Hindi Dios ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Setyembre 2–8. I Mga Taga Corinto 14–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Setyembre 2–8
1 Mga Taga Corinto 14–16
“Ang Dios ay Hindi Dios ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan”
Bago pag-aralan ang outline na ito, basahin ang I Mga Taga Corinto 14–16. Itala ang mga unang impresyon mo kung anong mga katotohanan ang makakatulong sa mga miyembro ng klase mo, at patuloy na maghangad ng dagdag na patnubay ng Espiritu sa buong linggo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maglaan ng ilang minuto para marebyu ng mga miyembro ng klase ang I Mga Taga Corinto 14–16 at hanapin ang isang talata na nadarama nilang talagang makabuluhan. Anyayahan silang maghanap ng isang tao sa klase na mababahaginan nila ng kanilang talata at magpaliwanag kung bakit nila pinili ito.
Ituro ang Doktrina
Kapag sama-samang nagtitipon ang mga Banal, dapat nilang hangaring patatagin ang isa’t isa.
-
Isiping gamitin ang mga turo ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 14 para ipaalala sa mga miyembro ng klase na maaaring patatagin nating lahat—o suportahan at pasiglahin—ang bawat isa sa Simbahan. Maaaring ang isang simpleng paraan para marebyu ang kabanatang ito ay isulat ang isang tanong sa pisara, tulad ng Ano ang dapat nating mithiin kapag sama-sama tayong nagtitipon? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga posibleng sagot sa I Mga Taga Corinto 14. Ang iba pang mga ideya ay matatagpuan sa Moroni 6:4–5 at Doktrina at mga Tipan 50:17–23. Habang ibinabahagi ng mga miyembro ng klase ang nahanap nila, isiping tanungin sila kung ano sa pakiramdam nila ang ginagawa ng klase mo para maisakatuparan ang mga mithiing ito. Maaari din silang magbahagi ng mga karanasan kung saan napalakas sila ng isang bagay na ibinahagi ng isang miyembro.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang payo ni Pablo na dapat hangarin ng mga miyembro na magpropesiya, isiping magpagmungkahi sa kanila ng mga kahulugan ng salitang magpropesiya. Maaaring isulat mo o ng mga miyembro ng klase ang bawat kahulugan sa pisara at sama-samang ninyong rebyuhin ang kahulugan ng magpropesiya sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at ang payo ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 14:3, 31, 39–40. Ano ang maidaragdag natin sa ating mga kahulugan mula sa resources na ito? (Tingnan din sa Apocalipsis 19:10.) Ano ang nahihikayat tayong gawin sa Simbahan at sa bahay dahil sa mga turo ni Pablo?
Dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli.
-
Paano mo magagamit ang patotoo ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 15 para palakasin ang patotoo ng mga miyembro ng klase mo sa Pagkabuhay na Mag-uli? Maaaring ang isang paraan ay hatiin ang klase sa dalawang grupo at ipahanap sa isang grupo sa I Mga Taga Corinto 15 ang mga kahihinatnan natin kung hindi nabuhay na mag-uli si Jesucristo. Maaari namang hanapin ng isa pang grupo ang mga pagpapalang natatanggap natin dahil sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Pagkatapos ay maaaring isulat ng bawat grupo sa pisara ang natutuhan nila. Ano ang maaari nilang idagdag sa kanilang listahan matapos basahin ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa “Karagdagang Resources”? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na madama ang Espiritu sa talakayang ito, isiping magdispley ng larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya).
-
Dahil tumutugon si Pablo sa mga taong hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli, maaaring makinabang ang klase mo sa pagsasadula ng isang kahalintulad na sitwasyon. Halimbawa, paano kaya nila mapapalakas ang pananampalataya ng isang mahal sa buhay sa Pagkabuhay na Mag-uli? Ano ang makikita ng mga miyembro ng klase sa I Mga Taga Corinto 15 na makakatulong sa kanila na ipaliwanag ang pangangailangan sa at katibayan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? Anong iba pang mga talata sa banal na kasulatan ang maaari nilang gamitin? (Tingnan, halimbawa, sa Lucas 24:1–12, 36–46; Alma 11:42–45.)
-
Ilang beses tinukoy ni Pablo ang tatlong antas ng nabuhay na mag-uling kaluwalhatian sa kanyang mga sulat (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–42 at II Mga Taga Corinto 12:1–2). Para matulungan ang klase mo na matuklasan kung paano ipinaliliwanag ng makabagong paghahayag ang mga turo ni Pablo, maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at bigyan ang bawat grupo ng isang pirasong papel na hugis-araw (DT 76:50–70), buwan (DT 76:71–80), o bituin (DT 76:81–89). Anyayahan silang basahin ang kaugnay na mga talata mula sa Doktrina at mga Tipan 76 at ibahagi kung ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang iba’t ibang kaluwalhatiang inilarawan ni Pablo. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 137:7–10.
-
Ang I Mga Taga Corinto 15 ay isa sa iilang lugar sa mga banal na kasulatan kung saan binabanggit ang mga pagbibinyag para sa mga patay (tingnan sa talata 29; tingnan din sa DT 128:18). Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang mga karanasan nila sa pagsasagawa ng mga binyag o ng iba pang mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno. Isiping ibahagi ang karanasan ni Wilford Woodruff sa “Karagdagang Resources” bilang bahagi ng talakayan. Bakit kaya tinutukoy ni Pablo ang mga binyag para sa mga patay bilang katibayan ng Pagkabuhay na Mag-uli?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Ipaisip sa mga miyembro ng klase ang mga pagsubok na kinakaharap nila o mga kahinaan nila. Sabihin sa kanila na habang binabasa nila ang II Mga Taga Corinto, malalaman nila kung ano ang nakatulong kay Pablo na matiis ang mga pagsubok at ano ang tingin niya sa kanyang mga kahinaan.
Karagdagang Resources
Kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson:
“Isipin sandali ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa pagpapasiya sa huli sa tunay na pagkatao ni Jesus ng Nazaret at sa mga pilosopikong argumento at mga tanong sa buhay. Kung totoong si Jesus ay literal na nabuhay na mag-uli, kung gayo’y isa Siyang banal na nilalang. Walang mortal ang may kapangyarihang buhayin ang kanyang sarili matapos mamatay. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, hindi maaaring si Jesus ay naging isa lamang karpintero, guro, rabbi, o propeta. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, si Jesus ay dapat maging Diyos, maging ang Bugtong na Anak ng Ama.
“Samakatwid, ang itinuro Niya ay totoo; ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling.
“Samakatwid, Siya ang Lumikha ng daigdig, tulad ng sinabi Niya.
“Samakatwid, totoong may langit at impiyerno, tulad ng itinuro Niya.
“Samakatwid, may daigdig ng mga espiritu na pinuntahan Niya pagkamatay Niya.
“Samakatwid, paparito Siyang muli, tulad ng sabi ng mga anghel, at ‘maghahari … sa mundo.’
“Samakatwid, may huling Paghuhukom at Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat” (“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 113).
Mga ordenansa para sa mga patay: “Isang sinag ng liwanag mula sa trono ng Diyos.”
Sinabi ni Elder Wilford Woodruff na nang malaman niya na maaaring tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa ang buhay na mga miyembro ng Simbahan para sa kanilang mga ninunong pumanaw na, “Para itong sinag ng liwanag mula sa trono ng Diyos tungo sa aming puso. Nabuksan nitong mabuti ang aming isipan.” Sabi pa niya: “Para sa akin ang Diyos na nagpahayag ng alituntuning ito sa tao ay matalino, makatarungan at totoo, taglay ang pinakamagagandang katangian at mabuting isipan at kaalaman. Nadama kong hindi pabagu-bago ang kanyang pagmamahal, awa, katarungan at paghatol, at minahal ko nang higit ang Panginoon [kaysa rati]. … Gusto kong purihin nang lubos ang Diyos nang ilabas ang paghahayag sa amin tungkol sa binyag para sa mga patay. …”
“Ang unang pumasok sa isip ko,” sabi niya, “ay ako’y may ina sa daigdig ng mga espiritu. Namatay siya noong 14 na buwan ako. …” Kalaunan binanggit niya ang panahon na nagkaroon siya ng pagkakataong maipabuklod ang kanyang ina sa kanyang ama: “Magkakaroon siya ng bahagi sa simula ng pagkabuhay na muli; at ito lang para sa akin ay sapat ng kabayaran ng lahat ng pagpupunyagi ko sa buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff, [2005], 203–204).