“Setyembre 16–22. II Mga Taga Corinto 8–13: ‘Iniibig ng Dios ang Nagbibigay na Masaya’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Setyembre 16–22. II Mga Taga Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Setyembre 16–22
II Mga Taga Corinto 8–13
“Iniibig ng Dios ang Nagbibigay na Masaya”
Habang binabasa mo ang II Mga Taga Corinto 8–13, isipin ang mga taong tinuturuan mo at magplano ng mga aktibidad na makakatulong sa kanila na tuklasin ang mga alituntunin sa mga kabanatang ito. Pagkatapos ay rebyuhin ang outline na ito para sa iba pang mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Narito ang isang paraan para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa II Mga Taga Corinto 8–13. Ipasulat sa ilan sa kanila sa pisara ang isang paborito nilang parirala mula sa nabasa nila, at pagkatapos ay ipahanap ito sa mga banal na kasulatan sa iba pa sa klase. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung bakit makabuluhan sa kanila ang mga pariralang ito.
Ituro ang Doktrina
II Mga Taga Corinto 8:1–15; 9:6–15
Masayang ibinabahagi ng mga Banal kung ano ang mayroon sila para mapagpala ang mga maralita at nangangailangan.
-
Inutusan ng Diyos ang Kanyang mga Banal na tumulong sa pangangalaga sa mga nangangailangan, at ang mga talata sa II Mga Taga Corinto 8–9 ay makahihikayat sa mga miyembro ng klase mo sa kanilang mga pagsisikap. Para matulungan silang mahanap ang mga talatang ito, maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na katulad ng Bakit tayo nagbibigay? at Paano tayo dapat magbigay? Maaaring saliksikin ng kalahati ng klase ang mga sagot sa II Mga Taga Corinto 8:1–15, at maaaring magsaliksik ang isa pang kalahati sa II Corinto 9:6–15. (Maaari mong ipaliwanag na sa kabanata 8, mga talata 1–5, binanggit ni Pablo ang mga Banal sa Macedonia bilang mga halimbawa ng bukas-palad na pagbibigay.) Paano kaya tayo matutulungan ng itinuro ni Pablo na mas mapangalagaan ang mga maralita at nangangailangan?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mas maunawaan ang paraan ng Panginoon sa pagtugon sa mga temporal na pangangailangan ng Kanyang mga Banal, maraming resources na nakalista sa “Karagdagang Resources.” Marahil ay maaari mong atasan ang ilang miyembro ng klase na rebyuhin ang isa o mahigit pa sa resources na ito at ibahagi kung ano ang nagpahanga sa kanila. May matatagpuan bang mga ideya ang mga miyembro ng klase sa II Mga Taga Corinto 8:1–15; 9:6–15 na nagpapakita na pinangalagaan ng mga Banal ang mga maralita noong panahon ni Pablo sa katulad na mga paraang ginagawa natin ngayon?
Hangad ng mga bulaang propeta na manlinlang.
-
Dahil lahat tayo, tulad ng mga Banal sa Corinto, ay madaling maimpluwensyahan ng mga maling turo, makikinabang tayo sa pag-aaral ng mga babala ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa “mga bulaang apostol.” Maaaring makahanap ang mga miyembro ng klase ng mga halimbawa ng mga maling turo na umiimpluwensya sa atin ngayon sa mensahe ni Elder Quentin L. Cook na “Matatag sa Pagpapatotoo kay Jesus” (Ensign o Liahona, Nob. 2016, 40–43). Marahil ay maaari mong atasan ang isang tao na basahin muna ang mensaheng ito at ibahagi sa klase kung ano ang itinuturo nito kung paano natin maiiwasan ang “mga batong katitisuran” o mga balakid na naglalayo sa atin sa ebanghelyo. Anong iba pang mga turong karaniwan sa mundo ngayon ang maaaring umakay sa atin palayo sa mga katotohanan ng ebanghelyo? Maaari mong iparebyu sa mga miyembro ng klase ang II Mga Taga Corinto 11:21–33 at ipabahagi ang matutuhan nila mula sa mga talatang ito tungkol sa tunay na “mga ministro ni Cristo.”
II Mga Taga Corinto 11:3; 13:5–8
Dapat nating “siyasatin” ang ating katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Kung minsa’y nahihirapan ang mga miyembro ng Simbahan sa mga kailangang gawin sa buhay—pati na sa maaari nilang ituring na mga kailangang gawin sa pagiging Banal sa mga Huling Araw. Ang payo ni Pablo na “siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo’y nangasa pananampalataya” ay makakatulong sa iyo at sa mga miyembro ng klase mo na magtuon sa “pagiisip [o kasimplihang] na kay Cristo” (II Mga Taga Corinto 13:5; 11:3). Marahil ay maaari ninyong sama-samang basahin ang II Mga Taga Corinto 11:3 at talakayin kung ano ang maaaring kahulugan ng pariralang “pagiisip [o kasimplihang] na kay Cristo.” Maaari mo ring ipaisip sa mga miyembro ng klase na kunwari’y inanyayahan silang sumulat ng paglalarawan ng ebanghelyo ni Jesucristo para sa isang pahayagan, na limitado sa 100 salita. Bigyan sila ng panahong isulat ang kanilang paglalarawan, at ibahagi sa isa’t isa ang isinulat nila. Kung kailangan nila ng tulong, maaari silang sumangguni sa Juan 3:16–17; 3 Nephi 27:13–21; at Tapat sa Pananampalataya, 22–23. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung nananatili silang tapat sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na “siyasatin” kung paano nila masisimplihan ang kanilang buhay para maging mas mabubuting disipulo, maaari mong ibahagi sa kanila ang pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources.” Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano nila magagamit ang paanyaya ni Pangulong Uchtdorf na “pagtuunan ang mga pangunahing doktrina, alituntunin, at aplikasyon ng ebanghelyo.” Ano ang iba pang mga ideya ng mga miyembro ng klase kung paano natin masisiyasat ang ating sarili para matiyak na nananatili tayong tapat sa pananampalataya?
Ang biyaya ng Tagapagligtas ay sapat na para tulungan tayong makahugot ng lakas sa ating mga kahinaan.
-
Ano ang sasabihin ninyo sa isang kaibigang nagdasal para maibsan ang pisikal na karamdaman ngunit nadarama na hindi nasasagot ang panalanging ito? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang tanong na ito habang tahimik nilang binabasa ang II Mga Taga Corinto 12:5–10. Pagkatapos ay maaari silang magbahagi ng mga kabatiran mula sa mga talatang ito na maaaring makatulong sa sitwasyong ito. Maaari din silang magbahagi ng mga karanasan nang sila, sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, ay nakasumpong ng lakas sa kahinaan. Paano naimpluwensyahan ng karanasang iyon ang kanilang buhay?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase mo na basahin ang Mga Taga Galacia, maaari mo silang tanungin kung may kilala silang sinuman na napalayo sa ebanghelyo. Kung mayroon, gugustuhin nilang basahin kung paano inanyayahan ni Pablo ang mga taga-Galacia na napalayo sa ebanghelyo na bumalik.
Karagdagang Resources
Ang paraan ng paglalaan ng Panginoon para sa mga maralita at nangangailangan.
-
Mosias 4:16–27; Alma 34:27–29; Doktrina at mga Tipan 104:14–18.
-
-
“Mga Ikapu at mga Handog” Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011), 38–39.
-
Mga Himno: “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami,” “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 133, 164, 135).
-
-
Masisimplihan natin ang ating paraan sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Mga kapatid, ang pamumuhay ng ebanghelyo ay di kailangang kumplikado.
“Tuwiran ito. Maaari itong ilarawan nang ganito:
-
“Ang pakikinig nang taimtim sa salita ng Diyos ay aakay sa atin na maniwala sa Diyos at magtiwala sa Kanyang mga pangako.
-
“Kapag lalo tayong nagtiwala sa Diyos, lalong napupuno ang ating puso ng pagmamahal sa Kanya at sa isa’t isa.
-
“Dahil sa ating pagmamahal sa Diyos, hangad nating sundin Siya at iniaayon natin ang ating mga kilos sa Kanyang salita.
-
“Dahil mahal natin ang Diyos, gusto nating maglingkod sa Kanya; gusto nating pagpalain ang buhay ng iba at tulungan ang mga maralita at nangangailangan.
-
“Kapag lalo tayong lumalakad sa landas ng pagkadisipulo, lalo nating hinahangad na malaman ang salita ng Diyos.
“At gayon nga ito, bawat hakbang ay patungo sa kinabukasan at pinupuno tayo ng dagdag na pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.
“Napakasimple nito, at maganda ang nagagawa nito.
“Mga kapatid, kung inaakala ninyo na walang gaanong nagagawa ang ebanghelyo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong umatras, tingnan ang inyong buhay, at simplihan ang inyong pamamaraan sa pagiging disipulo. Magpokus sa mga pangunahing doktrina, alituntunin, at aplikasyon ng ebanghelyo. Ipinapangako ko na gagabayan at pagpapalain ng Diyos ang inyong landas tungo sa kasiya-siyang buhay, at talagang malaki ang magagawa ng ebanghelyo para sa inyo” (“Napakaganda ng Nagagawa Nito,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 22).