Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ikaw ay Isang Guro sa Simbahan ni Jesucristo


“Ikaw ay Isang Guro sa Simbahan ni Jesucristo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Ikaw ay Isang Guro sa Simbahan ni Jesucristo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019

Sermon sa Bundok

Ikaw ay Isang Guro sa Simbahan ni Jesucristo

2:3

Tinawag ka ng Diyos upang turuan ang Kanyang mga anak sa paraan ng Tagapagligtas. Ikaw ay itinalaga sa calling na ito sa pamamagitan ng awtoridad ng Kanyang banal na priesthood. Kahit hindi ka bihasang guro, kapag ikaw ay namumuhay nang marapat, nagdarasal araw-araw, at nag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagkakalooban ka ng Ama sa Langit ng impluwensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 33:1).

Yaong ipinagkatiwala sa iyo ay mga anak ng Diyos, at alam Niya kung ano ang kailangan nila at kung paano sila matutulungan nang husto. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, gagabayan ka sa iyong paghahanda at habang nagtuturo ka. Ihahayag Niya sa iyo ang dapat mong sabihin at dapat mong gawin.

Ang mahalagang layunin ng pag-aaral ng ebanghelyo ay baguhin ang mga buhay. Ang layunin mo bilang guro ay tulungan ang mga tinuturuan mo na gawin ang lahat ng magagawa nila para magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo—isang mithiing inaabot nang lagpas pa sa oras ng klase. Anyayahan ang mga tinuturuan mo na maging aktibo sa sarili nilang pag-aaral ng mga alituntunin at doktrina ni Jesucristo at gawin ang natutuhan nila. Hikayatin sila na magtuon muna sa kanilang indibiduwal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa labas ng klase sa pag-aaral nila ng ebanghelyo. Kapag kumilos sila nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral bilang mga indibiduwal at pamilya, maaanyayahan nila ang Espiritu sa kanilang buhay at mas mapagpapala nang higit sa anumang magagawa ng isang guro.

Ituro lamang ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Ang dalisay na doktrina—ang walang-hanggan at di-nagbabagong katotohanang itinuro ng Diyos at ng Kanyang mga lingkod—ay nag-aanyaya sa Espiritu at may kapangyarihang baguhin ang mga buhay.

Ang calling mong magturo ay isang sagradong pagtitiwala, at normal lang na mahirapan ka kung minsan. Ngunit tandaan na tinawag ka ng Diyos, at hindi ka Niya pababayaan. Ito ang gawain ng Panginoon, at habang naglilingkod ka “nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (DT 4:2), daragdagan Niya ang iyong mga kakayahan, kaloob, at talento, at pagpapalain ng iyong paglilingkod ang buhay ng mga tinuturuan mo.