“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School
Paghahandang Magturo sa Sunday School
Ang tahanan ang dapat maging sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo. Totoo ito para sa iyo at sa mga tinuturuan mo. Habang naghahanda kang magturo, magsimula sa pagkakaroon ng sarili mong mga karanasan sa mga banal na kasulatan. Magaganap ang pinakamahalaga mong paghahanda kapag hinangad mo ang inspirasyon ng Espiritu Santo.
Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay isa ring mahalagang bahagi ng iyong paghahanda. Tutulungan ka nitong magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa mga alituntunin ng doktrina na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Mabibigyan mo ng inspirasyon at maaanyayahan mo rin ang mga miyembro ng klase na gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para mas pagbutihin ang kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan (para sa tulong sa paggawa nito, tingnan sa “Mga Ideya sa Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral at Pag-aaral ng Pamilya” sa resource na ito). Habang ginagawa ninyo ito, alalahaning maging sensitibo sa mga miyembro ng klase na ang sitwasyon ng pamilya ay maaaring hindi sumusuporta sa regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya.
Sa iyong paghahanda, darating sa iyo ang mga ideya at impresyon tungkol sa mga tinuturuan mo, paano pagpapalain ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan ang kanilang buhay, at paano mo sila mabibigyan ng inspirasyon na tuklasin ang mga alituntuning iyon habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan para sa kanilang sarili.
Mga Ideya sa Pagtuturo
Habang ginagawa mo ang iyong teaching plan, maaari kang magtamo ng karagdagang inspirasyon sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga outline sa resource na ito. Huwag isipin na ang mga ideyang ito ay sunud-sunod na mga hakbang, kundi sa halip ay mga mungkahi ito para magkaroon ka ng sariling inspirasyon. Kilala mo ang mga miyembro ng klase mo, at kilala rin sila ng Panginoon. Bibigyan ka Niya ng inspirasyon kung paano ang pinakamaiinam na paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na patatagin ang pag-aaral ng ebanghelyo na ginagawa nila sa kanilang tahanan.
Marami ka pang ibang resources na makukuha sa iyong paghahanda, kabilang na ang mga ideya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at sa mga magasin ng Simbahan. Para sa iba pang impormasyon tungkol dito at sa iba pang resources, tingnan sa “Karagdagang Resources.”
Ilang Bagay na Dapat Tandaan
-
Ang tahanan ang pinakamainam na lugar para sa pag-aaral ng ebanghelyo. Bilang guro, may mahalagang responsibilidad kang suportahan, hikayatin, at patatagin ang pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan.
-
Lalalim ang pagbabalik-loob ng mga miyembro ng klase sa ebanghelyo ni Jesucristo kapag naunawaan at naipamuhay nila ang tunay na doktrina. Hikayatin silang itala at sundin ang mga impresyong natatanggap nila mula sa Espiritu Santo.
-
Ang pagtuturo ay higit pa sa pagsesermon, ngunit higit pa rin ito sa simpleng pamumuno sa isang talakayan. Bahagi ng iyong tungkulin ang maghikayat ng partisipasyon na nagpapasigla at nakabatay sa mga banal na kasulatan.
-
Nais ng Ama sa Langit na magtagumpay ka bilang guro. Naglaan Siya ng maraming resources na tutulong sa iyo na magtagumpay, kabilang na ang mga teacher council meeting. Sa mga miting na ito, maaari kang sumangguni sa iba pang mga guro tungkol sa anumang hamon na maaari mong kaharapin. Maaari mo ring talakayin at praktisin ang mga alituntunin ng pagtuturo na tulad ni Cristo.
-
Natututo nang husto ang mga tao kapag may mga pagkakataon silang magturo. Paminsan-minsan, isiping payagan ang mga miyembro ng klase, pati na ang mga kabataan, na ituro ang isang bahagi ng lesson. Ibatay ang desisyong ito sa mga pangangailangan at kakayahan ng mga miyembro ng klase. Kung inanyayahan mo nga ang isang miyembro ng klase na magturo, mag-ukol ng panahon para tulungan siyang maghanda nang maaga sa pamamagitan ng paggamit sa mga ideyang matatagpuan sa resource na ito at sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Alalahanin na bilang tinawag na guro, ikaw ang responsable sa itinuturo sa klase.
-
Kabilang sa resource na ito ang mga outline para sa bawat linggo ng taon maliban sa dalawang Linggo kung kailan idinaraos ang pangkalahatang kumperensya. Tuwing Linggo kapag walang Sunday School dahil sa stake conference o iba pang dahilan, maaaring patuloy na basahin ng mga pamilya ang Bagong Tipan sa tahanan ayon sa iskedyul na naka-outline. Para mapanatiling nasa iskedyul ang klase mo sa Sunday School, maaari mong piliing laktawan ang isang lesson o pagsamahin ang dalawang lesson. Para maiwasan ang pagkalito, maaaring ipaalam nang maaga ng mga Sunday School president sa mga guro sa Sunday School ang mga pagbabagong ito.