“Nobyembre 13–19. Santiago: ‘Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Huwag Tagapakinig Lamang,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2023)
“Nobyembre 13–19. Santiago,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Nobyembre 13–19
Santiago
“Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Huwag Tagapakinig Lamang”
Bago basahin ang outline na ito, basahin ang Sulat ni Santiago at magtuon ng pansin sa mga paramdam na matatanggap mo. Anong mga alituntunin ang nakikita mo na magpapala at magpapasigla sa mga miyembro ng klase mo?
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata mula sa Santiago na naghihikayat sa kanila na maging “tagatupad [sila] ng salita” (Santiago 1:22). Kung di-gaanong personal, maaari din nilang ibahagi kung ano sa pakiramdam nila ang kailangan nilang gawin, bilang indibiduwal o bilang pamilya.
Ituro ang Doktrina
Kapag humingi tayo nang may pananampalataya, nagbibigay ang Diyos nang sagana.
-
Ang mga alituntuning itinuro sa Santiago 1:5–6 ay umakay kay Joseph Smith sa isang espirituwal na karanasang nagpabago sa kanyang buhay, at mapagpapala nito ang bawat isa sa atin sa ilang paraan. Marahil ay maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na kagaya ng mga sumusunod at hilingin sa mga miyembro ng klase na tahimik na pagnilayan ang mga ito: Ano ang naging impluwensya ng Santiago 1:5–6 sa buhay ninyo? Ano ang naituro sa inyo ng karanasan ni Joseph Smith sa mga talatang ito tungkol sa paghahangad ng karunungan tungkol sa sarili ninyong mga tanong? (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–17). Anong mga karanasan ang nakapagturo sa inyo na “tama ang patotoo ni Santiago”? ((Joseph Smith—Kasaysayan 1:26). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga ideya nila matapos pagnilayan ang mga tanong na ito.
-
Marahil ay maaaring sabihin ng mga miyembro ng klase ang Santiago 1:5–6 sa sarili nilang mga salita. Paano nito mas ipinauunawa sa kanila ang mga talatang ito? Maaari ninyong sama-samang talakayin kung ano ang kahulugan ng ilan sa mga salita mula sa mga talatang ito.
Kung matiyaga tayong magtitiis, aakayin tayo ng Panginoon tungo sa pagiging sakdal.
-
Para magpasimula ng isang talakayan sa mga turo ni Santiago tungkol sa pagtitiis sa mga talatang ito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung kailan kinailangan nilang magtiyaga at kung ano ang natutuhan nila sa karanasang iyon. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang Santiago 1:2–4; 5:7–11 para sa mga alituntuning may kaugnayan sa kanilang mga karanasan. Maaari din silang makakita ng angkop na mga alituntunin sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Patuloy na Magtiyaga” (Liahona, Mayo 2010, 56–59). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila tungkol sa pagtitiyaga nang makilala nila ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas. Ano ang nakatulong sa atin na magkaroon ng tiyaga?
Santiago 1:3–8, 21–25; 2:14–26
“Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”
-
Ang isang paraan para matalakay ang mga turo ni Santiago tungkol sa pananampalataya at mga gawa ay hatiin ang klase mo sa dalawang grupo—tutuklasin ng isa kung bakit ang pananampalataya ay nangangailangan ng pagkilos at ang isa naman ay kung bakit ang kilos ay nangangailangan ng pananampalataya. Para magawa ito, maaari nilang basahin ang Mateo 7:21–23; Santiago 1:6–8, 21–25; 2:14–26; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:19. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat grupo ang natuklasan nila at talakayin kung bakit kailangan kapwa ang pananampalataya at mga gawa.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan nang mas malalim ang di-malilimutang pariralang “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” (Santiago 2:26), maaari mong isulat ang sumusunod na pangungusap sa pisara: Ang pananampalataya na walang mga gawa ay parang na walang . Magpaisip sa mga miyembro ng klase ng malikhaing mga paraan para makumpleto ang pangungusap, at hayaang isulat nila sa pisara ang kanilang mga ideya. Ano ang magagawa natin para patuloy na kumilos ayon sa ating pananampalataya kay Jesucristo?
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, mahal natin ang lahat ng tao, anuman ang kanilang sitwasyon.
-
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magpakita ng pagmamahal na katulad ng pagmamahal ni Cristo sa lahat ng tao anuman ang sitwasyon o hitsura nila, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na maghalinhinan sa pagbabasa ng mga talata mula sa Santiago 1:9–11; 2:1–9; 5:1–6. Talakayin ang mga tanong na kagaya ng mga sumusunod: Ano ang kahulugan ng “nagpapakita ng pagtatangi”? (Santiago 2:9). Bakit kung minsa’y iba ang trato natin sa mga taong may pera, katanyagan, o kapangyarihan kaysa mga taong wala nito? Paano natin maiiwasang maiba ang trato natin sa ibang tao batay sa kanilang sitwasyon? Sa paanong paraan talagang pinakamayayaman sa lahat ang matatapat na alagad ng Tagapagligtas? (tingnan sa Santiago 2:5).
Ang mga salitang ginagamit natin ay may kakayahang saktan o pagpalain ang iba.
-
Ang magagandang imaheng ginamit ni Santiago ay maaaring magpaalala at magganyak sa atin na gumamit ng mga salita—kapwa sa pananalita at sa panulat—na magpapasigla sa iba. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na suriin ang Santiago 3, na naghahanap ng mga paghahambing na ginamit ni Santiago para ilarawan kung paano maaaring makasakit o magpala ang mga salita sa iba; maaaring masiyahan ang ilang miyembro ng klase na idrowing ang mahahanap nila. Paano inilalarawan ng mga paghahambing na ito ang mga tagubilin ni Santiago sa kabanatang ito? Halimbawa, paano nagiging parang apoy ang ating mga salita? Marahil ay maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase na nagpapakita ng kapangyarihan ng pananalitang iyon. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano nila masusunod ang payo ni Santiago.