“Nobyembre 20–26. 1 at 2 Pedro: ‘[Magalak] na may Galak na Hindi Maipaliwanag at Puspos ng Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Nobyembre 20–26. 1 at 2 Pedro,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Nobyembre 20–26
1 at 2 Pedro
“[Magalak] na may Galak na Hindi Maipaliwanag at Puspos ng Kaluwalhatian”
Alalahanin na ang layunin mo ay turuan ang mga tao, hindi lang basta maglahad ng lesson. Habang binabasa mo ang Mga Sulat ni Pedro, isipin ang bawat miyembro ng klase. Anong mga alituntunin ang makakatulong sa kanila na mapalakas ang kanilang pananampalataya?
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat ang mga heading na 1 Pedro at 2 Pedro sa pisara. Bigyan ng panahon ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga sulat na ito, at anyayahan silang isulat sa ilalim ng mga heading na ito ang mga salita o parirala na makabuluhan sa kanila. Pagkatapos ay gamitin ang mga listahan para anyayahan ang ilang tao na ibahagi ang kanilang mga ideya.
Ituro ang Doktrina
1 Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19
Makasusumpong ako ng galak sa mga oras ng pagsubok at pagdurusa.
-
Ang isang paraan para marebyu ang payo ni Pedro sa 1 Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19 ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin ang isang taong kilala nila na dumaranas ng pagsubok. Bigyan sila ng panahon sa klase na sulatan ang taong iyon, na isinasama ang mga katotohanan mula sa mga talatang ito na magpapalakas ng loob ng taong iyon (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:1–8; 123:17). Pagkatapos ay maaaring magsalita ang mga miyembro ng klase tungkol sa mga katotohanang pinili nila.
Tinawag tayo upang maging “[mga tao] ng Diyos.”
-
Ang mga turo ni Pedro sa 1 Pedro 1:13–20 at 2:1–12 ay maaaring maging isang nagbibigay-inspirasyong paalala kung ano ang tingin ng Panginoon sa atin—na Kanyang mga tao—at kung ano ang inaasahan Niya sa atin. Marahil ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga talatang ito na naghahanap ng mga paglalarawan ng kahulugan ng maging “[mga tao] ng Diyos” (1 Pedro 2:10) at pagkatapos ay talakayin ang malalaman nila. Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa damdamin ng Diyos tungkol sa atin at kung paano Niya tayo gustong mamuhay?
Ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mga patay para maging makatarungan ang paghatol sa kanila.
-
Ang Unang Sulat ni Pedro ay naglalaman ng isa sa ilang reperensya sa Biblia tungkol sa pagbisita ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu pagkamatay Niya–isang kaganapang mas lubos na naipauunawa sa atin ng makabagong paghahayag. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mas mapalalim ang pag-unawa nila tungkol sa daigdig ng mga espiritu, maaari mo silang anyayahang basahin ang sumusunod na mga talata at isulat sa pisara ang natututuhan nila: Juan 5:25; 1 Pedro 3:18–20; 4:6; Alma 40:7–14, 21; Doktrina at mga Tipan 138:11–32 (tingnan din sa “Karagdagang Resources.”) Bakit mahalagang malaman ang tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu? Paano naaapektuhan ng kaalamang ito ang nadarama natin tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano ng kaligtasan?
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo, malilinang natin ang ating likas na kabanalan.
-
Para mahikayat ang mga tinuturuan mo sa kanilang mga pagsisikap na maging lalong katulad ni Jesucristo, maaari mo silang anyayahang tukuyin ang mga katangiang katulad ng kay Cristo na inilarawan sa 2 Pedro 1:1–11. Isiping isulat ang mga katangiang ito sa pisara at hilingin sa mga miyembro ng klase na ipaliwanag ang mga ito. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano humahantong ang pagkakaroon ng isang katangian sa pagkakaroon ng iba pang mga katangian. Bigyan sila ng panahon para pagnilayan kung aling katangian ang gusto nilang taglayin nang mas lubusan.
Karagdagang Resources
Ang gawain ng pagtubos sa mga patay ay nagpapatotoo sa misyon ni Cristo.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson:
“Ano ang maaaring maging tadhana ng bilyun-bilyong nabuhay at namatay nang walang alam tungkol kay Jesus? Kaakibat ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dumating ang pang-unawa sa kung paano natutubos ang mga patay na hindi nabinyagan at paanong ang Diyos ay ‘isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos’ [Alma 42:15].
“Noong nabubuhay pa sa lupa, nagpropesiya si Jesus na mangangaral din Siya sa mga patay [tingnan sa Juan 5:25]. Ayon kay Pedro nangyari ito sa pagitan ng Pagppako sa Krus at ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas [tingnan sa 1 Pedro 3:18–19]. Nasaksihan ni Pangulong Joseph F. Smith ang pangitain na dinalaw ng Tagapagligtas ang daigdig ng mga espiritu [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:30, 33]. …
“Ang kagustuhan nating tubusin ang patay at ang oras at salapi na ginugugol natin sa gawaing iyan, higit sa lahat, ay pagpapahiwatig ng ating patotoo kay Jesucristo. Taglay nito ang makapangyarihang pahayag na maaari nating magawa hinggil sa Kanyang banal na pagkatao at misyon. Una ay pinatototohanan nito ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo; ikalawa, ang walang hanggang impluwensya ng Kanyang Pagbabayad-sala; ikatlo, na Siya ang tanging pinagmumulan ng kaligtasan; ikaapat, na itinatag Niya ang mga kundisyon para sa kaligtasan; at, ikalima, na Siya ay paparitong muli” (“Ang Pagtubos sa mga Patay at ang Patotoo ni Jesus,” Liahona, Ene. 2001, 9–10).