“Nobyembre 27–Disyembre 3. 1–3 Juan; Judas: ‘Ang Diyos ay Pag-ibig,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Nobyembre 27–Disyembre 3. 1–3 Juan; Judas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Nobyembre 27–Disyembre 3
1–3 Juan; Judas
“Ang Diyos ay Pag-ibig”
Anong mga tema at alituntunin ang napag-ukulan mo ng pansin habang binabasa mo ang 1–3 Juan at Judas? Paano mo magagamit ang mga ito para tulungan ang mga miyembro ng klase mo?
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magbahagi ng mga tema o partikular na mga katotohanan na napagtuunan nila ng pansin nang pag-aralan nila ang Mga Sulat ni Juan at Judas. Anong mga mensahe mula sa mga sulat na ito ang may pinakamalaking kaugnayan sa kanila at sa kanilang pamilya?
Ituro ang Doktrina
1 Juan 1:5–10; 2:3–11; 3:1–3; 4:7–21; 5:1–3
Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mga perpektong halimbawa ng liwanag at pagmamahal.
-
Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na mapansin ang liwanag at pag-ibig ng Diyos sa kanilang buhay? Maaari kang magsimula sa pagsulat ng mga salitang liwanag at pagmamahal sa pisara. Hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng iba pang mga salitang naiisip nila kapag iniisip nila ang dalawang salitang ito. Pagkatapos ay maaaring pag-aralan ng bawat miyembro ng klase ang isa sa sumusunod na mga sipi sa banal na kasulatan, na naghahanap ng isang bagay na itinuturo ng mga talata tungkol sa liwanag o pagmamahal: 1 Juan 1:5–10; 2:3–11; 3:1–3; 4:7–12; 4:16–21; 5:1–3. Hilingin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang natuklasan nila. Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung kailan nadama nila ang liwanag at pagmamahal ng Diyos.
-
Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na tumingala sa isang ilaw sa kisame o sa liwanag na pumapasok sa bintana at ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa pisikal na liwanag. Paano parang espirituwal na liwanag ang pisikal na liwanag? Maaaring pag-aralan ng mga miyembro ng klase ang mga sumusunod para makahanap ng mga karagdagang kabatiran kung paano nagbibigay ng liwanag ang Diyos at ang Kanyang Anak sa ating buhay: Mga Awit 27:1; Juan 1:4–5; 1 Juan 1:5–7; 3 Nephi 11:11; Doktrina at mga Tipan 88:6–13; at isang himno tungkol sa liwanag, tulad ng “Tanglaw Ko ang Diyos” (Mga Himno, blg. 49). Maaari ding magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase tungkol sa paghahanap at pagtanggap ng espirituwal na liwanag sa kanilang buhay.
1 Juan 2:18–28; 4:3; 2 Juan 1:7–11; 3 Juan 1:9–11; Judas
Kailangan tayong “[manatili sa doktrina] ni Cristo.”
-
Ang mga turo nina Juan at Judas tungkol sa apostasiya ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na isipin kung paano mapapanatiling malakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Isiping anyayahan ang kalahati ng klase na hanapin ang mga paglalarawan ng mga maling turo o ng apostasiya sa 1 Juan 2:18–23, 26–28; 4:3; 2 Juan 1:7–11; 3 Juan 1:9–11 at ang natitirang kalahati na hanapin ang gayong mga paglalarawan sa Judas. O maaari nilang hanapin ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Paano ipinaliwanag nina Juan at Judas ang isang anti-Cristo? (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anti-Cristo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Mayroon bang anuman sa mga talatang ito na tila angkop lalo na sa mga hamong kinakaharap natin ngayon? Ano ang ibig sabihin ng “[manatili sa doktrina] ni Cristo”? (2 Juan 1:9).
-
Gumamit ng kawili-wiling mga imahe si Judas para ilarawan ang mga bulaang guro, o mga taong “inaalipusta ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan” (Judas 1:10). Maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na idrowing sa pisara ang ilan sa mga imaheng inilarawan sa Judas 1:12–13 samantalang huhulaan naman ng iba pang mga miyembro ng klase kung aling parirala ang idinodrowing ng tao. Paano kumakatawan ang mga imaheng ito sa mga bulaang guro at anti-Cristo? Halimbawa, paano lumilikha ng “mga batong natatago sa [ating] mga pagsasalu-salong may pag-ibig” ang mga tiwaling gawi? Ano ang magagawa natin para mapatibay ang ating sarili laban sa “mga manlilibak”? (tingnan sa Judas 1:18–21). Bakit kaya naimungkahi ni Judas na “kahabagan” natin (Judas 1:22) ang mga nanlilibak sa ebanghelyo?
Nagagalak tayo kapag tinutulungan natin ang iba na “[lumakad] sa katotohanan.”
-
Malamang ay may mga tao sa klase mo na makakaugnay sa nadama ni Juan noon nang sabihin niya na siya ay “wala nang higit pang kagalakan” kaysa sa marinig na si Gayo (isa sa kanyang “mga anak”) ay lumalakad sa katotohanan. Maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na makinig sa mga karanasan ng isa’t isa. Maaari siguro kayong magsimula sa sama-samang pagbabasa ng 3 Juan 1:1–4 at sa mga talata sa “Karagdagang Resources.” Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pinagmumulan ng tunay na kagalakan? Maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng klase kung ano ang nadama nila bilang mga magulang, missionary, lider ng Simbahan, o guro nang malaman nila na ang mga taong tinuruan nila ay lumalakad sa katotohanan. Maaari mong kontakin ang ilang miyembro ng klase bago magklase at hilingan silang magdala ng mga larawan ng mga tao na tinulungan nilang lumapit kay Cristo at ikuwento ang kanilang mga karanasan.